Abel At Enkidu

Ni Edgar Calabia Samar

(Ika-12 na Labas)

NABASA ko na ang dalawang libro ng tula ni B—, mas dahil gusto kong mapatunayan na wala siyang kuwenta, kaysa sa anumang interes sa mga tula niya o sa kanya. Hindi ko alam kung bakit mabigat ang dugo ko sa kanya, wala naman talaga siyang ginagawang kahit ano sa akin na sapat para kayamutan ko siya. Yes, isang beses ay nagkamali siya sa pagsusulat ng pangalan ko sa isang Keynote presentation ng mga achievement ng department na iprinesent sa buong unibersidad. Dr. Abe Buenaventura. Walanghiya, four letters na nga lang ang pangalan ko, pinutol pa niya. Wala namang tumatawag sa akin ng Abe. Fine, typo, unintentional, honest mistake. Pero nayamot pa rin ako. Teacher pero di nagpu-proofread? O intentional? Iyun ngang bagong faculty na kasisimula lang i-track for tenure, nakuha niya nang tama kahit Xyzzthylle Bantugon ang pangalan. I am not joking. Okay, walang kinalaman si Ms. Bantugon sa kuwento ko o kay B––, na of course, alam mo na by now na siya ang ikatlo kong pinatay. Well, after Amiel, na subject to contentions pa kung pinatay ko nga ba, at iyung former student ko na pinatay ko as a… gift. Mukhang mas komplikado itong sa kaso ng former student ko pero simple lang talaga sa isip ko. Kinailangan ko siyang patayin bago niya patayin ang isang kakilala. Pero dahil nasa point ito ng buhay ko na parang walang kinalaman ang pagpatay ko sa kanya sa mga nangyari pagkatapos kaya hindi ko na muna siya ikukuwento. Unless makita natin pareho na may kinalaman pala. Kung hindi mo pa alam, napakaraming nangyayari sa buhay ng isang tao, napakarami niyang ginagawa, na dahil wala namang kaugnayan sa tingin niyang binubuo niyang disenyo sa buhay niya kaya hindi na iyon isinasama pa sa mga salaysay. Sa ngayon, ganoon na muna ang papel ng ikalawa kong pagpaslang na iyon. Again, sa ngayon ha. Sino ang may alam ng mangyayari sa hinaharap?

Anyway, balik tayo kay B––. Nang makita ko ang essay niya tungkol kay Simeon, ang pumasok nga sa isip ko: Of course. Kahit hanggang dito, may papel ka pa rin. Pero ang totoo, bago ang of course na iyon, may bahagyang pagkagulat na nagsusulat pala siya ng critical essays. Obviously, mas kilala siya sa school bilang emerging poet. Na dahilan kaya siguro eclipsed ang scholarship niya kahit siyempre, bilang professor din ng lit dito sa A––, halos expected na mayroon din siyang literary research and criticism. Wala naman talagang totoong pakialam ang unibersidad sa mga tula-tula niya aside sa kung anumang superficial na valuation dito bilang marker kuno ng kultura. Ang mas importante, research. Hindi material value ng research, kundi basta magsulat ka ng mapa-publish sa mga journal na batayan naman ng ranking ng university. Basta ma-cite ka ng ibang kina-career din ang publikasyon sa mga journal na kayo-kayo lang din naman ang gumawa at nagbigay ng halaga at akreditasyon at kayo-kayo lang din ang nagbabasa—o kunwaring nagbabasa, tapos. Magsuka nang magsuka ng critical terms na ang tanging totoong criticality ay nasa irrelevance nila sa buhay ng karaniwang tao. I know, nagpa-participate ako sa ganitong kalokohan, sa ganitong scam ng knowledge production, pero ano’ng magagawa ko? I’m just one of the cogs in this oppressive machine. Baka nga not even a cog. Baka dumi sa cog, alikabok, there one day, gone the next. Pero wala naman sa akin. Actually, I even find this funny. As in funny funny. Iyung moro-moro. Iyung lokohan na may ginagawa kayong makabuluhan pero ang totoo ay makinarya nga lang ito ng produksiyon ng mga salita na wala namang totoong bigat at sa bandang huli, ginagawa mo lang dahil gusto mong i-feed ang ego at tiyan mo. Ngayong naiisip ko ito, medyo nabawasan ang yamot ko kay B–-. Kung Level 10 dati, naging Level 9 na lang.

Pero nagulat pa rin ako na makitang may mga sinulat nga siya tungkol kay Simeon Maharlika. At malaki ang ambag nitong split-second na pagkagulat ko na of all things ay kay Simeon Maharlika magkukrus ang research interests naming dalawa. Well, nang gabing iyon, hindi ko pa alam na magiging mas malalim ang interes ko kina Simeon at Paulino, pero parang may nag-click sa akin. Of course, naisip ko ulit. At lalong gusto kong mawala sa landas ko si B––. Kung hindi lang mas mataas pa rin ang posisyon niya sa akin sa PATAM. Very frustrating na kahit nauna akong nagtrabaho sa kanya ng halos isang dekada, hindi ko kayang lampasan ang generational wealth ng tulad niya na kayang mag-aral dito sa A– kahit walang scholarship, na puwedeng magtrabaho rito nang hindi tulad ng iba sa amin, kahit ako minsan, na nakanganga kapag petsa de peligro. Na narito mas dahil sa reputasyon kaysa totoong economic need. Doubly frustrating na ito mismong mga pribilehiyong ito ang isa sa mga dahilan kaya siya hinahangaan ng mga mambabasa niya. Hindi niya kailangang tumula pero tumutula siya, sabi pa ng iba. Iyung iilan kong naging estudyante na mahilig magbasa, nabasa ang mga tula niya, dinadayo ang poetry performances niya, hindi lang sa mga obscure na bar o artsy na lugar, nagkaroon pa siya ng one-man show sa 1200-seater theater sa campus, sold out within a day ang tickets, may mga nagpo-post pang naubusan sila at nagre-request ng other show dates, na lalong nakakainit ng ulo na hindi pinapansin ni B–- na para bang wala lang ito, na para bang normal lang na may clamor para sa kanya at na wala nang epekto sa kaniya ito.

Gaano karami rin ang nag-aabang sa ikatlo niyang aklat ng tula? Kasama ako roon, obviously, but also obviously, for not the same reasons as his cultic fans. Hindi ko rin talaga mapaniwalaan ang tindi ng admiration na ito sa kanya ng mga kabataang mambabasa na karamihan ay interesadong magsulat pero never na actually nagsulat, mas nagde-daydream sa pagsusulat. At equally astounding ang respeto ng older poets at critics sa kanya. May mga kuwento-kuwento na isang beses lang siyang nanalo sa Palanca dahil never na ulit siyang sumali as a form of protest. Nung hindi man lang na-nominate sa National Book Award ang una niyang libro ng tula, halos ma-cancel ang NBA, na nakakatawa dahil akala ko all this time ay cancelled na naman siya talaga. Nung na-nominate ang ikalawa niyang libro pero hindi nanalo, malaking circus ang pagtatanggol sa kanya ng mga matatandang makata na matagal nang hindi tumutula.

Seriously, may charm naman talaga ang mga tula ni B—. Understandable kung bakit siya magiging attractive kahit sa mahuhusay na estudyanteng tulad ni Enkidu. Siguro, hindi ko lang gets in general ang tula. I mean, itinuturo ko rin ito, siyempre. May pailan-ilan din naman ako talagang gustong tula. Gusto in the sense na after reading, I’d feel na hindi naman nasayang ang isa-dalawang minuto ko ng pagbabasa. Iyung mapapasabi man lang ako sa sarili ko ng, this is nice. Pero hanggang doon lang. Mostly, tingin ko sa tula, bs. Again, another machinery ng produksiyon para isipin natin na may ginagawa tayong makabuluhan kahit wala naman talaga.

Obviously, hindi ganoon ang attitude ko sa mga kuwento, sa mga nobela. Kapag sinabi kong gusto kong magbasa, fiction ang ibig kong sabihin. Kapag sinabi kong maganda ang isang kuwento o libro, hindi ako nagbibiro, walang bs, maganda talaga. Ibig sabihin, hindi ka lang titigil para isiping this is nice. Iyung titigil ka, tapos titingnan mo ang paligid mo, tapos mari-realize mo na hindi na tulad ng dati ang mundo. This sounds dramatic pero ganun, e. Iyung mga tulad ko na may ganitong relationship sa pagbabasa, maiintindihan ito. Kung hindi mo kuha, I can’t do anything about it. Kung wala sa iyo, wala sa iyo. At more nga ang nae-experience ko sa mga nobelang may pagpaslang. More as in beyond. I thought inevitable ito for someone na lumaki sa Maharlika, na magkaroon ng ganitong ibang pakiramdam, ibang pagtingin sa mundo sa harap ng mga kuwento tungkol sa pagpaslang. Until I realized na hindi ganito ang attitude ng iba sa kuwento, sa mga nobela. And then I realized na baka iba rin nga ako kaysa sa ibang basta pumapaslang lang dahil bahagi na ng kinasanayan.

Anyway, back to B–- at sa tatlong scholarly works niya tungkol kay Simeon. Tiningnan ko ang oras, almost midnight na, pero hindi ako makakatulog nang hindi binabasa ang mga ito. Bilang poet at lit professor, malinaw ang interes ni B–– sa textual production ni Simeon. Ang mga national address niya, ang mga video interview niya, ang paminsan-minsang published speeches niya. Kahit puwedeng ipagpalagay na may ghost writer ang Bagong Pinuno, o team ng PR na hindi unusual sa mga politiko, kahit sa Maharlika, may consensus na wala pa rin namang sasabihin ang sinumang political leader nang hindi totoo sa kanya, sa kung anumang ibig sabihin ng totoo na ito. Siyempre, ang buong disiplina ng panitikan ay founded sa interrogation at meaning-formation na umiikot sa pagliliwanag nitong totoo na ito. Ano ang relationship ng fiction sa reality, ng form sa truth. Mula kay Plato hanggang kay Pablo, pinagmumunian ito. Pinagtatalunan. Again, puwedeng alabok to the cog of the machine lang ito, but here we are. And I am actually excited.

Isa sa tatlong critical essays ni B––, nakatuon sa analysis sa mga literary work na nabanggit ni Simeon na nabasa niya sa iba’t ibang interview sa kaniya. Marami sa mga ito, nabanggit niya lang in passing. Never namang naging tungkol talaga sa pagbabasa lang ang alinman sa interviews niya. Isa lang kasi iyon sa kakaunting bagay na alam ng mga tao sa personal na buhay ni Simeon. Na mahilig itong magbasa. May silip sa personal library niya sa isang very candid photo na kuha sa kanya sa isa sa mga panayam sa kanya na pinagbigyan niyang kunan sa bahay ng mga Maharlika. Sa mga pagkakataon na nagbibiyahe siya sa ibang bansa, may ilang random din na kuhang madalas ay pumupunta siya sa mga bookstore at library. Pero wala naman siyang hayagang pahayag ng anumang pagtataguyod sa mga libro o sa pagbabasa o sa panitikan. Walang explicit sa program niya na para sa pagbabasa, lalo pa ng panitikan. How I wish may kahit isang declaration man lang siya, lalo pa ang Malahákan noon, na hoy kayong mga taga-Maharlika, magbasa kayo ng nobela! Pero wala. So I guess, we have to settle with these crumbs.

Sa listahan ni B––, mula sa 21 interviews na naibigay ni Simeon mula nang naupo ito bilang Bagong Pinuno ng Maharlika hanggang bago niya sinulat ang essay na na-publish two years ago, tatlong taon lang pagkaupo ni Simeon, may 74 different works nang nabanggit si Simeon. 74! Sorry, I guess, it is unfair to consider these as mere crumbs. Not that many for a literary professor like me na nagre-require ng isang nobela weekly, pero way too much for a politician. Considering na lahat ito, literary works lang. Ibig sabihin, tula, kuwento, dula, nobela, malikhaing sanaysay. Hindi kasama ang mga non-fiction na mas informative lang––tulad ng history books o manuals na paminsan-minsang nababanggit din nito. In comparison, sa 46 na taong pamumuno ng Malahákan bago ito namatay noong 2011, eighteen literary works lang ang nabanggit nito sa iba’t ibang okasyon, dagdag pa ni B––. Siyempre, wala naman siyang kahit anong judgment sa dalawa, ayaw naman niyang ipahiwatig na marker ng kahit anong birtud ang pagkakaroon ng mas kaunti o mas maraming pagbanggit ng literary works. Sabi pa niya: “At the very least, it indicates that Simeon Maharlika had more time to engage with and internalize literature, enabling him to reference it in interviews and his writings, unlike his father. This discrepancy is understandable, given that the elder Maharlika, the Malahákan, was preoccupied with building and leading a nation for nearly half a century.”

Ang personal na disappointment ko sa listahan ay wala sa 74 akdang iyon ang kahit anong isinulat ni Gregorio Pablo. Hindi ba siya talaga nakapagbasa ng kahit ano man lang sa mga akda ni Pablo? O may nabasa siya pero hindi niya nagustuhan? Gusto ko na sanang husgahan ang buong pagkatao ng Bagong Pinuno kung hindi lang halos lahat naman ng nobela ni Anki Lugalme, na impluwensiyal kay Pablo, nasa listahan. Lalo akong hindi mapalagay rito. Natuklasan ko lang si Lugalme dahil nga sa pagbabasa kay Pablo. Marami sa mga tauhan ni Pablo sa mga nobela niya, nagbabasa kay Lugalme. Iyon ba ang dahilan kaya hindi binabanggit ni Simeon ang mga akda ni Pablo––dahil sa masyadong garapal nitong paggamit kay Lugalme? Pero magkaibang-magkaiba ang mga akda ng dalawa!

Sa pagbasa ni B— sa listahan, sinubok niyang maghain ng personal intellectual history ni Simeon. Nagmungkahi siya ng galaw ng utak at imahinasyon ng Bagong Pinuno na sa pagtataya niya ay mahalagang konsiderasyon sa magiging direksiyon ng Maharlika. Nag-coin ng termino si B— mula sa mga ito: Maharlikalidad. Para sa kaniya, itong “Maharlikalidad” na ito sa panlasa ni Simeon, sa pag-iisip niya kung ano ang maganda sa sining, sa paggamit ng salita, sa pagbubuo ng mga naratibo, ang magbibigay ng ikalawang mahalagang yugto sa kasaysayan ng Maharlika. Tapos na umano ang panahon ng “Pagpapatatag” na isinagawa ng Malahákan, panahon na ng “Pagpapatining” sa pamamagitan nga nitong “Maharlikalidad” na siyang magtatakda ng mga pamantayan ng kahusayang dapat na pagyabungin at palaganapin, pero ibig sabihin din ay ng mga kahinaang kailangang kalusin.

Tiningnan ko kung may ibang scholar na sumunod sa Maharlikalidad na ito ni B—, ako mismo ay ngayon lang nabasa ang tungkol dito. Wala. Ni hindi ito ginagamit ng kahit na sino kahit sa labas ng akademya. May isang tula si B— na na-publish sa isang journal, wala pa sa dalawa niyang aklat ng tula, na bumanggit sa salita, pero iyon na. Hanggang sa ngayon, si B— pa lang ang gumagamit ng salitang ito. Siyempre, puro mungkahi ng pagbasa lang ang kaya niyang ibigay sa Maharlikalidad na ito. Pilit na pilit ang pagbubuo ng mga batayan ng Maharlikalidad mula sa tinatalakay na 74 na akda. Pero hindi ko pa rin naiwasang makaramdam ng pagkamangha sa gilas at pangangahas na ito ni B— para magmapa ng kamalayan ng pinuno ng isang bayan sang-ayon sa mga binasa’t inirerekomenda niyang libro at maghaka mula sa mga iyon ng isang posibleng hinaharap para sa bayan.

Nagha-highlight at nag-a-annotate ako sa gilid ng PDF ng artikulo habang binabasa ang mga sanaysay ni B—. Hindi na ako usually natutulog nang lampas ng hatinggabi pero dahil nga wala namang pasok kinabukasan kaya alam kong puwede akong magpuyat. Torn lang ako na kung magpupuyat ako masyado, baka hindi naman ako magising nang maaga para mapanood ang seremonya sa pagluluklok kay Paulino Maharlika bilang Bagong Pinuno nang alas-otso ng umaga. Kung mahuhuli ako ng gising, maaaring ibang-iba nang Maharlika ang magisnan ko. Pero hindi ko mabitiwan ang dalawa pang sanaysay ni B— lalo’t iyung ikalawa, close reading at sources study sa kauna-unahang national address ni Simeon nang maging Bagong Pinuno siya noong 2011, at isa sa tatlong pangunahing iminumungkahi ni B— na sources ng political philosophy ni Simeon ay si Gregorio Pablo!

Inulit ko ulit nang mabasa ang argumento ni B—. Baka nagkakamali ako. Pero totoo nga, kahit hindi binanggit ni Simeon si Pablo kahit kailan, kapag binalikan ang kauna-unahan niyang address, maaaninag nga sa kaniyang mga sinabi ang mismong pilosopiya ni Pablo sa mga nobela niya: madilim pero mapaglaro, may pag-asa subalit kinikilala ang mga posibilidad ng karahasan ng tao sa isa’t isa.

(Itutuloy)

Si Edgar Calabia Samar ay Associate Professor sa Ateneo de Manila University at may-akda ng mga premyadong nobela at tula.