Trapiko

Ni Gemver Alvar Garcia

SA loob ng bus— may nagpapatugtog sa cellphone, nagkukuwentuhang magkaklase, umiiyak na bata, humihilik dahil sa kabagalan ng usad ng mga sasakyan, may pasilip-silip sa bintana.

Punuan ang bus. Nakatayo si Kuya, na alam mong galing sa mabigat na trabaho. Sa pagkakatayo niya sa gitna ng bus, kinuha niya ang kaniyang cellphone.

Agad niyang pinindot ang video call. Ilang beses na siyang naghintay bago may sumagot. “Hello, ‘Ma!” bungad niya, pilit ang ngiti sa mukha.

“O, ‘Pa! Biyahe ka na?”

“Oo… papasok pa lang sa NLEX. Trapik… grabe,” sagot ni Kuya habang nakasandal sa upuan ng bus.

“O sige, hintayin ka namin.”

“’Ma, may uwi akong Jollibee!” banat ni Kuya, pilit na nagpapatawa.

“O, anak… ‘wag ka munang kumain. Hintayin mo ang Papa mo, may dala siyang Jollibee,” sagot ng babae.

Maya-maya, may hinila si Kuya sa bag niya—isang damit. Iniladlad niya sa harap ng camera.

“Eto, ‘Ma, o!” May naka-print na Jollibee sa harap ng t-shirt sabay tawa niya.

Nakikinig ako, napatawa rin ako, sabay-sabay naming naramdaman ang init ng sandali. Ngunit sa likod ng halakhak ay may kulang—isang paalala na kahit magkasama sa screen, hiwalay sa yakap.

Sa huli, isang maliit na tawanan sa video call—isang Jollibee, isang damit, isang ngiti—ang naging liwanag sa gitna ng mabigat na trapiko.