ANG HIGANTI NG DUWENDE

Balak ni Dencio na agawin ang gora ng duwende. Nanaog siya at…

Ni SEVERINO REYES

(Muling nailathala: LIWAYWAY, Agosto 27, 1962)

NOONG panahon ng mga Kastila, naninirahan sa Santa Cruz, Maynila, ang mag-asawang Dencio at Tona. SIla’y may utusang batang lalaki, si Tiyas.

            Isang araw, samantalang nagluluto si Tiyas sa silong ng bahay, napuna ng mag-asawa na may kausap ang utusan. Sumilip sila sa silong, ngunit walang makitang ibang tao.

            Si Dencio ay hindi nakatiis, “Tiiyas, sino ang kausap mo diyan?” tanong niya.

            “Wala po,” sagot ng utusan.

            Ngunit ang mag-asawa ayy nakarinig ng isa pang maliit na tinig na sumagot din. “Wala po!” at may kasunod pang tawa.

            “Lintik na bata iyan, Tona,” nasabi ni Dencio sa asawa, “may kaibigan yatang duwende.”

            Isang gabi namang sila’y nakahiga na, may narnig silang nagbibilang ng salapi sa silong. Doon natutulog si Tiyas. Nagsindi ng kandila si Dencio at nanaog.

            “Tiyas, sino ang iba pang tao rito?” tanong niya sa utusan.

            “Wala po.”

            “Sino ang narinig kong nagbibilang ng kuwalta?”

            “Wala po. Natutulog na po ako, e.”

            Buhat noon ay hindi na naghumpay ng panunubok ang mag-asawa.

            Isang gabi, ayy tinawag ni Tona si Dencio.

            “Halik. Huwag kang maingay. Sumilip ka sa silong.”

            Sumilip nga si Dencio. At nakita niya si Tiyas at ang isang maliit na matandang nakasuot ng gorang may matulis na dulo. Nagsasaing ang dalawa.

            “Duwende iyan,” ani Tona.

            “Bayaan mo’t aagawin ko ang gora at nang tayo’y yumaman.”

            Patakbong nanaog si Dencio. Ngunit nang sugurin niya ang duwende ay bigla itong nawala. Napasubasob si Dencio sa kalan, at natapon ang sinaing na malapit nang kumulo.

            “Bakit po, Mang Dencio?” ang tanong ni Tiyas na tawa nang tawa.

            “Ang lintik na ito’t tawa pa nang tawa ay nakita nang napaso ako!” At kumuha si Dencio ng isang kaputol na patpat at hinagupit si Tiyas. Subali’t  naramdaman ni Dencio na may sumasangga sa kanyang pagpalo. “Huwag mong sanggahin,” ani Dencio.

            “Hindi ko po naman sinasangga, e.” tugon ni Tiyas.

            Naramdaman ni Dencio na may umaagaw sa patpat na hawak niya.

            “Huwag mong agawin!” sigaw niya.

            “Kaylayo ko po, e. Hindi ko naman inaagaw!” ani Tiyas.

            Nabitiwan ni Dencio ang pamalo, at bigla na lamang siyang hinagad niyon. Patakbong nakyat ng bahay si Dencio.

            “Bakit?” ang tanong ni Tona.

            “Hinagad ako ng lintik na duwende,” ang sabi ni Dencio na humihingal.

            “Lalo kang lintik,” ang tugon ng isang maliit na tinig.

            “Huwag mo siyang paluin, kaibigan!” ang samo ni Tona sa di nakikitang duwende, at natigil naman ang patpat sa pagpalo kay Dencio.

            Isang araw, may dalang dalawang pisong pilak, si Tiyas ay humarap sa kanyang panginoon.

            “Mang Dencio, ako po’y may napulot na kuwalta. Naito po.

            “E, ano ang ibig mo?”

            “Ibig ko po’y  ibili ninyo ako ng bilyete sa loterya ng hari.”

            “Akina ang kuwalta mo. Oo, ibibili kita. Marami rin ang tatamaan nito pag nagkapalad sa premyo mayor.”

            Si Tiyas ay ibinili nga ni  Dencio ng apat na desimong bilyete.

            “Hayan, itago mong mabuti. Malapit nang ganapin ang loterya. Baka sakaling palarin ka nga.”

            Dumating ang araw ng pagbola sa loterya. Pagdaraan ng mga batang naglako ng koteho, si Tiyas ay bumili ng isa.

            Hinanap ni Tiyas kapagdaka ang kanyang panginong lalaki. Dala niya ang kanyang bilyete ng loterya at ang koteho.

            “Tingnan nga po ninyo kung tumama ako.”

            Pagdaka nama’y kinuha ni Dencio ang bilyete at ang koteho, at ito’y tiningnan.

            Kung ang batang si Tiyas ay maalam bumasa ng damdamin sa mukha ng tao, disin ay nahalata niyang biglang namutla si Dencio. Ang bilyete ni Tiyas ay tumama sa premyo mayor; subali’t ipinaglihim ni Dencio.

            “Talo ka,” aniya sa utusan.

            Nang mabatid ni Tona ang ginawa ni Dencio ay pinaalalahanan niya ito.

            “Napakasama, Dencio, ng ginawa mo,” ang sabi ni Tona. “Tama pala ang bilyete ni Tiyas, ano’t hindi mo ibigay sa kanya at sabihin mo ang totoo?”

            “Huwag kang makialam sa akin! Nalalaman ko ang ginagawa ko!”

            “Dencio, ang hindi iyo ay hindi mo dapat angkinin. Iya’y pagnanakaw, kasalanang mortal! Baka paghigantihan ka ng kaibigan ni Tiyas.”

            “Sinong kaibigan?”

            “Ang duwende!”

            Nagtawa lamang si Dencio.

            Kinubra ni Dencio ang anim na libong pisong tinamaan ni Tiyas sa loterya. Ang salapi ay itinago niya sa aparador.

            Isang araw, si Dencio ay nagtaka sa napunang mabillis na pagkaubos ng kuwaltang itinabi.

            “Tona, kumukuha ka ba ng kuwalta dito sa aparador?”

            “Aba, naloloko ka ba? Ni isang beles ay hindi ako gumagasta ng salapi mo. Sinabi ko nang ayoko ng salaping nakaw.”

            “E, bakita ganito kabilis ang pagkaubos ng kuwalta sa aparador?”

            “Malay ko sa iyo.”

            Nang panahong iyon ay wala na sa bahay ni Dencio si Tiyas, na kinuha na ng ina nito. Sa pook na tinitirahan nina Tiyas ay pinagtatakhan ang mag-ina dahil sa bigla nilang pagyaman. Sapagka’t ang salaping unti-unting nawawala sa aparador ni Dencio ay nauuwi kay Tiyas.

            Isang gabi, na sa haka ni Dencio ay may mga isang libo pang mahigit ang kuwalta niya sa aparador, ay nagulat sila ni Tona. Gayong nakasusi ang aparador ay narinig nilang may tao sa loob. May maliit na tinig na umaawit buhat sa loob ng aparador:

            Sitsiritsit Alibangbang,

            Si Mang Denciong magnanakaw,

            Dinambong ang kuwalta ni Tiyas,

            Na sa loterya’y tinamaan,

            Salaping masamang hanap,

            Di naman nagluwat sa taguan;

            Si mang Dencio ay iniwan;

            Dito ngayo’y walang laman.

            At nawala ang tinig. Nag-alabang galit ni Dencio. Binuksang bigla ang aparador. At laking hiwaga! Ang aparador ay walang laman ni isang putol na pilak, at ang mahiwagang umaawit ay wala rin.

            “Dencio,” ani Tona, “nakita mo na kung paano ang higanti ng duwende!”