ANG HUKBO NI PARI PEDRO

Ang pari ay nagmisa na at katulong si Kaligtasan na gumanap na sakristan. Ngunit kakaiba ang misa: idinaos iyon sa hatinggabi at walang tao sa simbahan kundi ang pari at ang sakristan.

Ni SEVERINO REYES

(Muling nailathala: LIWAYWAY, Agosto 6, 1962)

MATAGAL nang nagsasama sina Mang Simeon at Aling Pasya bago sila nagkaanak. Ang mag-asawang ito ay mayaman at taga-lalawigan.

            “Kapag ang mag-asawang malaon nang kasal pero hindi nagkakaanak at biglang nagkaanak, ang bata ay dapat daw pag-ingatan,” ang wika ni Aling Pasya kay Mang Simeon. “Ang bata raw ay may masamang signos.”

            “Siyanga ba?”

            “Oo. Mabuti pa’y dalhin natin ang ating anak sa monghang si Ana Maria Taihi. Mahusay raw manghuhula iyon. Pahulaan natin para malaman kung ano ang kanyang masamang signos.”

            Nagkayari ang mag-asawa na paglaki-laki ng bata ay dalhin nga sa monghang manghuhula.

            Ang kanilang anak ay lalaki, at pinangalanan nilang Jose Kaligtasan, sa paniwalang ang pangalang iyon ay maglalayo sa bata sa masasamang signos.

            Nang malaki-laki na ang bata ay dinala ng mga magulang sa Maynila upang ipasok sa paaralang pinangangasiwaan ng mga paring Heswita. Bago nila itinuloy sa paaralan ang bata ay dinala muna nila sa monghang manghuhula na si Ana Maria Taihi.

            “Kapag nakaligtas ang batang ito sa kanyang masamang signos, yayaman siya at magiging maligaya,” ang wika ng mongha.

            “Ano po ang masamang signos niya?” ang tanong ni Aling Pasya.

            “Isasabit siya sa isang punong mabulo at maaaring mamatay sa pagkabigti. Ngunit huwag kayong mag-alaala pagkat maaaring iwasan ang masamang signos na iyan,” ang sabi ng mongha.

            “Paano po?” ang tanong ni Mang Simeon.

            “Sa pamamagitan ng debosyon, ng pagtawag sa Diyos. Tayka, sabi ninyo’y ipapasok ninyo ang batang ito sa kolehiyo ng mga Heswita, hindi po ba?”

            “Opo nga,” ang tugon ni Mang Simeon.

            “Mabuti iyon,” anang mongha. “Doo’y matuturuan siyang umasiste sa misa, bagay na magliligtas sa kanya sa kapahamakan. Sa bagay, sa mga panahong ito’y wala pang panganib. Hangga’t hindi pa tumutuntong sa dalawampung taon ang inyong anak ay wala pang panganib na darating sa kanya. Ano po ba ang karerang ibig ninyong ipatapos sa kanya?”

            “Hindi na po namin balak na pagtapusin pa siya,” ang tugon ni Aling Pasya. “Matuto po lamang siya ng kuwenta at pagsulat at ng kaunting wikang Kastila ay tama na.”     

            “Kailangang makaasiste siya sa misa, kahit paminsan-minsan,” ang paalaala ng mongha. “Iyon ang magliligtas sa kanya sa panganib.”

            Si Jose Kaligtasan ay iniwan na ng mga magulang sa Maynila. Hindi nagluwat at nabatid ng mag-asawa na ang kanilang anak ay maaari nang umasiste sa misa. Gayon na lamang ang kanilang tuwa. Nang matuto na ng kuwenta, pagsulat at wikang Kastila, si Kaligtasan ay inilabas na ng kanyang mga magulang sa kolehiyo. Kinatulong na lamang nila ito sa pangangasiwa sa kanilang malawak na lupang sakahan.

            Nang si Kaligtasan ay tumuntong sa ikadalawampu’t dalawang taon ay naalaala nina Mang Simeon at Aling Pasya ang hula ng mongha. Nabalisa sila. Kinausap nila si Kaligtasan. Noon pang una’y naipagtapat na nila sa anak ang masamang signos nito.

            “Anak,” ang sabi ni Aling Pasya, “malaon nang hindi ka nakaaasiste sa misa. Kailangang magawa mo iyon kahit paminsan-minsan upang maligtas ka sa iyong masamang signos.”

            “Opo, Inang. Hayaan ninyo’t bago ako lumabas sa bukid sa linggong darating ay aasiste ako sa misa.”

            Nagsadya si Kaligtasan sa bayan at nakipag-usap sa sakristan mayor.

            “Nagsadya po ako rito,” simula ni Kaligtasan, “pagka’t ibig kong umasiste sa misa.”

            “A, ibig ninyong magsakristan,” ang wika ng sakristan mayor. “Marunong po ba kayo?”

            “Nag-aaral po ako sa mga Heswita sa Maynila. Alam po ninyo’y may panata ako na umasiste sa misa kahit minsan isang buwan man lamang.”

            “Maupo po kayo at kakapulungin ko lamang ang mga sakristan ko upang malaman kung sino sa kanila ang inyong mahahalinhan,” ang wika ng sakristan mayor.

            “Kung maaari po sana’y bukas na ako magsasakristan, at sa unang misa,” ani Kaligtasan.

            Kinapulong ng sakristan mayor ang kanyang mga sakristan. Nagtawanan ang mga iyon nang mabatid ang sadya ni Jose Kaligtasan. Pinagkaisahan nilang biruin nang masakit ang nagpiprisintang sakristan.

            Sa bayang iyon, buhat nang mamatay ang dating kura paroko na si Pari Pedro, may mahigit nang tatlong taon ang nakararaan, ay may nagaganap na hiwaga. Tuwing ikalabindalawa ng gabi, ang pinto ng simbahan ay nabubuksan at si Pari Pedro, na inilibing sa loob ng simbahang iyon ay lumalabas buhat sa kanyang puntod at nagmimisa. Ngunit palibhasa’y walang sakristang mangahas umasiste sa kanya, hindi siya nakatapos ng pagmimisa at nagbabalik sa kinalilibingan.

            “Mabuti pa’y ang taong iyon ang ating paasistihin kay Pari Pedro,” ang wika ng isang sakristan.

            “Mabuti pa nga,” ayon ang kasamang sakristan.

            Nakiisa sa birong iyon ang sakristan mayor.

            “Alam ninyo,” ang wika ng sakristan mayor kay Kaligtasan, “ang unang misa rito ay sa alas-dose ng gabi idinaraos. Kailangang bago mag-alas-dose’y narito na kayo.”

            “Napakaaga pala naman. Parang Notse Buwena.”

            “Talaga pong gayon, e.”

NATUWA si Aling Pasya nang ibalita ng anak na makaaasiste na ito sa misa.

            “Hindi na ako babalik dito, Inang,” ani Kaligtasan. “Panggagaling sa simbahan ay tutuloy na ako sa bukid.”

            Ganap na ikalabindalawa kinagabihan nang dumating si Kaligtasan sa simbahan.

            Nang nasa loob na siya ng simbahan ay nakita niyang nabuksan ang isang puntod na malapit sa altar mayor, at lumabas ang isang pari. Ang pari, si Pari Pedro, ay nagtuloy sa sakristiya. Sumunod si Kaligtasan. Tinulungan niya ang pari sa pagbibihis.

            “Kaligtasan, salamat sa iyo,” ang wika ni Pari Pedro pagkatapos ng misa. “Mahigit nang tatlong taong gabi-gabi’y ibig kong magmisa, pagkat hindi ako matatahimik hangga’t hindi ko naisagawa ang misang utang ko.”

            Pagkapaghubad ng pari ng kasuutang ginamit sa pagmimisa ay niyaya niya si Kaligtasan sa isang sulok ng sakristiya at pinabuksan dito ang isang anaki’y kaban na nasa dulo ng mahabang mesang bihisan ng mga paring nagmimisa.

            “Buksan mo iyan, at kunin mo ang laman.”

            Sumunod si Kaligtasan, at ang nakuha niya’y isang supot na pulang puno ng salaping ginto.

            “Para sa iyo iyan,” ang wika ni Pari Pedro. “Bago ka umalis ay daanan natin sa kuwadra ang kabayo kong hubero at sakyan mo. Ibibigay ko rin iyon sa iyo.”

            Magkasama silang nagtungo sa kuwadra.

            “Hubero,” ang sabi ng pari nang lapitan ang kabayo, “ang taong ito ang amo mo buhat ngayon.”

            Humalinghing ang kabayo, waring tugon. Sumakay si Kaligtasan sa kabayo.

            “Adiyos po, among,” ani Kaligtasan at nagpatakbo.

“SINO ang magaling na lalaking iyong nakasakay sa huberong kabayo ng kurang namatay?” ang tanong ni Tebang Balat sa kanyang pinamumunuang mga tulisan. Galing sila sa panloloob at inumaga sa daan.

            “Ninakaw niyon ang hubero ni Pari Pedro,” ang sabi ng isa.

            Sinalagbat ng mga tulisan si Kaligtasan.

            “Kilala namin ang kabayong iyan,” ang wika ni Tebang Balat. “Ninakaw mo iyan sa kumbento! Aba,” ang dugtong pa nang makita ang supot ng gintong dala ni Kaligtasan, “at nagnakaw ka pa pala ng salapi!”

            Hinalbot ni Balat ang supot at iniabot sa isang tulisan.

            “Itago mo iyan, Buni, Madali!”

            Naalaala ni Kaligtasan ang hula sa kanya. “Dumating na ang oras ng aking signos,” ang nasabi niya sa sarili.

            Hindi lumaban si Kaligtasan, yamang wala rin lamang siyang magagawa. Tinalian siya ng lubid ng mga tulisan sa leeg at ibinitin sa malaking sanga ng punong mabulo.

            Nang mga sandaling iyon ay siya namang pagsipot ng mahiwagang hukbo ni Pari Pedro. Ang hukbo ay binubuo ng libu-libong kalansay. Pagkakita ng mga tulisan sa nagsisirating ay nagtakbuhan sila. Naiwan ang lahat nilang nadambong. Isang kalansay ang umakyat sa punong mabulo at kinalag ang lubid na nakatali sa leeg ni Kaligtasan.

            “Kaligtasan,” ani Pari Pedro nang kaharap na ng binata, “ibalita mo sa mga magulang mo na ligtas ka na sa masamang signos, pagka’t nakaraan na iyon.”

            Hindi ginalaw ni Kaligtasan ang iba pang mga dinambong na naiwan ng mga tulisan. Ang kinuha lamang niya ay ang kanyang supot ng ginto. Sumakay siya sa kabayo at nagpatakbo na.

            Nang makaalis si Pari Pedro at ang kanyang hukbo ng mga kalansay ay saka lamang nagbalik ang mga tulisan. Hinangaan nila si Kaligtasan nang makitang hindi nito ginalaw ang kanilang mga nadambong.

            Sapul noon ay iginalang si Kaligtasan ng mga tulisan. Walang sino mang nangahas magnakaw ng kanyang mga hayop at pananim. Tinagubilinan ni Teban Balat ang kanyang mga tauhan na igalang si Kaligtasan at ipagtanggol pa kung nasa panganib.