ANG NAWAWALANG KUWINTAS NI LAWIN

Ni REYNALDO A. DUQUE

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Agosto 15, 1983)

SA Bayan ng Noon, sa Hilagang Luzon, ay may ilang purok na itinatag. Katulad ng ibang mga purok, sila ay may relasyong diplomatiko, kultural, at politikal. Laganap ang pakikipagkaibigan. Ang pagkakaiba nga lamang nito sa ibang bayan sa buong kapuluan ay mga hayop ang nananahanan sa bayan ng Noon.

            Ang mga purok na ito ay pinamumunuan nina Buwitre at Agila. Sila ang Kataas-taasang Hukom. Walang makapagbabago sa kanilang hatol. Sakop ni Buwitre ang silangang bahagi ng bayan at ni Agila naman ang kanluran.

            Isang araw, may isang kasong idinulog sa dalawa. Ang naturang kaso ay gumimbal sa buong bayan. Ang naghabla at ang ihinabla ay matalik na magkaibigan.

            Nagsimula ang kasong iyon nang ang purok ng Paboreal ay magdaos ng isang piging para sa kapistahan ng kanilang patron, ang Santo Pabo. Dahil malapit na kamag-anak ng mga pabo ang mga manok, ang mutya ng mga manok ang kauna-unahang pinadalhan ng imbitasyon, si Inahin. Nakasulat ang imbitasyon sa dahon ng saging na binalot pa ng sahang espesyal ang pagkakagawa.

            Samantala, sa silangang bahagi ng purok ng mga manok, sa dominyon ng mga ibon, ay napadalhan din ng paanyaya si Lawin. Ngunit hindi makakadalo si Lawin dahil nilalagnat.

            Si Lawin ang pinakatanyag sa bahaging iyon ng bayan. Hindi lamang dahil sa pambihirang lakas nito at kakayahang pumailbulog sa papawirin kundi dahil sa hindi pangkaraniwang kuwintas nito. Madalas isuot ni Lawin ang kuwintas na ito sa mga pagtitipon. Napapalingon at napapalatak ang lahat kapag napagmamasdan nila ang kuwintas ni Lawin.

            Nang mabalitaan ito ni Inahin sa isang mangangalakal na koneho, agad siyang nag-utos sa isang dumalaga na gumawa ito ng sulat. Isinasaad ng sulat na dadalawin ni Inahin si Lawin isa sa mga araw na darating.

            Ngunit ang tunay na pakay ni Inahin ay upang hiramin ang pambihirang kuwintas. Nang dumating siya sa purok ng mga ibon, ginawa siyang panauhing pandangal sa salu-salong inihanda ni Lawin.

            “Ikinalulungkot ko ang sinapit mo,” wika ni Inahin kay Lawin.

            Ngunit sa kanyang isip, sinasabi niya: “Sana ay tuluyan ka nang magkasakit upang mahiram ko ang iyong kuwintas!”

            “Talagang ganito ang buhay,” sagot naman ni Lawin. “Minsan, tayo ay malakas. Kung misan din, tayo ay may karamdaman.” Ngunit sa loob ni Lawin, sinasabi nito: “Gusto mo lamang pumapel!”

            “May isang kahilingan ako sa iyo, Lawin,” ani Inahin pagkaraan ng ilang sandali. “Nais kong ang aking pagdalaw sa iyong purok ay magiging makasaysayan at magiging sanhi rin ng higit pang pagbubuklod ng mga purok na ating nasasakupan. Sana rin, ang kahilingan kong ito ay hindi mo bibiguin.”

            “Turan mo, mahal na mutya ng mga manok. Kung kaya ko, tiyak na mapapasaiyo ang hinihiling mo.”

            “May sakit ka,” wika ni Inahin. “Tiyak na hindi ka makadadalo sa kapistahan ng purok ng Paboreal.”

            “Hindi nga.”

            “Kung gayon p’wede ko nang hiramin ang ilan sa iyong mga alahas, tulad ng iyong kuwintas. Ikararangal kong ako ang magsusuot niyon sa kapistahan ng Paboreal. Kapag suot ko ang iyong kuwintas, parang dumalo ka narin sa piging ng Paboreal dahil dala ko nga ang kuwintas mo.”

            “Ngunit, Mutyang Inahin…”

            “Huwag kang mag-alala,” putol ni Inahin. “Hindi mawawala ang kuwintas mo. Pag-iingatan ko…”

            Dahil sa pakiusap ni Inahin ay ipinahiram din ni Lawin ang kuwintas. Maligayang umuwi si Inahin, dala ang kuwintas. Parang nakini-kinita na niyang siya ang tatanghaling mutya sa kapistahan ng Paboreal.

            Sumapit ang araw ng pagtitipon. Nagniningning ang bulwagan ng purok ng mga pabo.

            Isa-isang pumasok ang mga tanyag na hayop sa bayan ng Noon. Nagpapaligsahan sa kagandahan ang kanilang mga suot at mga alahas. Ang mga tandang ay nagpakitang-gilas nang ang mga ito ay mahilingan.

            Sa ganitong karangyang kapaligiran pumasok si Inahin. Nagkandahaba-haba ang leeg ng mga panauhin at ang ilan ay napalatak dahil sa suot na kuwintas ni Inahin.

            Si Inahin ang naging paksa ng usapan. Walang tugtog na hindi siya isinasayaw. Bigay-hilig ang pagtugtog ng mga koneho.

            Lasing na lasing si Inahin sa kaligayahan sa pagkakataong iyon. Nang pauwi na siya, hindi niya namalayang nalagot ang kuwintas at nahulog iyon sa lupa. Nang magbibihis na siya, noon lamang niya natuklasang nawawala ang kuwintas.

            Agad na nagbalik si Inahin sa pinagdausan ng kasayahan. Ngunit nakauwi na ang mga panauhin. Kinahig at sinuyod niya ang lupa mula sa purok ng Paboreal hanggang sa kanyang purok ngunit hindi na niya nakita pa ang kuwintas.

            Nang malaman ni Lawin ang pagkawal ni kuwintas, pinulong nito ang kanyang mga tauhan. Gusto ni Lawin na salakayin ang purok ng mga manok. Sa kabutihang-palad, may isang tagapayo na malamig ang ulo. Ito ang nagsabing ihabla na lamang ni Lawin si Inahin.

            Dumating ang araw ng paghahatol kay Inahin. Puno ng mga hayop ang tanggapan nina Agila at Buwitre. Nais nilang mapakinggan ang parusang igagawad kay Inahin.

            “Hanggang hindi naisasauli ni Inahin ang nawawalang kuwintas,” hatol ni Agila, “ay may karapatan si Lawin sa mga sisiw ni Inahin!”

            “Ang lahat ng magugustuhang sisiw ni Lawin sa purok ng mga manok ay kanya!” patianod ni Buwitre.

            Magmula noon hanggang ngayon, patuloy pa ring dinaragait ng lawin ang mga sisiw ng inahin bilang kabayaran sa nawawalang kuwintas. Ang inahin naman ay patuloy ring kumakahig sa lupa sa pagbabaka-sakaling matagpuan pa ang nawawalang matagpuan pa ang nawawalang kuwintas at sa gayon ay maligtas na sa sumpa ang kanyang mga inakay.