Ni MANUEL CAR SANTIAGO
(Unang Nailathala: LIWAYWAY, Marso 14, 1960)
—NANGANGATI ang mga kamay ko ngayon, — may pagpapangaralang wika ni Noel kay Sam nang Sabado ng umagang iyon. Magkaratig lamang ang mesa nina Noel at Sam at magkaibigan silang matalik, bagaman hindi sila magkalahi. Si Noel ay puno ng mga Pilipinong naglilingkod sa Ships Service Branch at si Sam naman ay Amerikanong pangalawa ng pinunong militar na nangangasiwa sa tanggapang iyon. Halos magkasintatas lamang sila sa Ingles.
—‘Nong ibig mong sabihin? —nakangiting usig ni Sam.—Magkakapera ka na naman?
—Nahulaan mo. ‘Yan nga ang kutob ko, e. —Tumangu-tango si Noel bilang pagpapatotoo.
—Anong nahulaan ang pinagsasabi mo? —Tumindig si Sam sa kinauupuan at naupo sa kanto ng mesa ni Noel. Nakabitin at kumukuyakoy ang kanan niyang paa at ang kaliwa ay nakasayad naman sa semento. —Minamahina mo ‘ata ’ng memorya ko, a. Bukambibig mo ‘yan, —paggunita ni Sam.
Tatango-tango lamang si Noel.
—Gaya no’ng minsan, — patuloy ni Sam, —sabi mo’y magkakakuwarta ka pagka’t ‘ika mo’y nangangati ang mga palad mo.
—E, hindi ba?
—Tama, pagka’t nagkataong araw ng sahod no’n. Pero ngayon e hindi naman araw ng suweldo. At ang sama pa nito ay Sabado ngayon.
—E, ‘no ngayon kung Sabado? —Tumaas ang isang kilay ni Noel.
—Me kutob akong iba’ng mangyayari. — Binuntunan ni Sam ng tawa ang kanyang sinabi.
—’Nong gusto mong sabihin?
—Gaya ng lahat ng araw ng Sabado, mamayang gabi’y pupunta ka na naman kina Margarita. Gastos ‘yan. Pihung-pihong lalabas kayo at magugudtaim.
—Diyan ka mali. Hindi kami magpapasyal ni Margarita ngayon, bagaman pupunta ’ko sa kanila mamayang ikawalo.
—Bakit ikawalo pa? Di ba roon agad ang tuloy mo pagkagaling dito.
—Nakalimutan mo na ba? — paalala ni Noel. —Me sakit ang kasama nating si Pedro at ikaw pa ‘tong me utos na dalawin ko siya, di ba?
—Makakalimutin din nga pala ‘ko? —kakamut-kamot sa ulong pakli ni Sam. —Kung ‘ika mo’y hindi kayo lalabas mamayang gabi, e ‘yun na ang suwerte mo. Ibig sabihi’y hindi ka magkakagasta. Nakatipid ka. Pera rin, kung tutuusin, at ‘yan ang kahulugan ng pangangati ng palad mo.
—Hindi pa pumapaltos ang kutob ko, Sam. Iba ‘tong pangangati ng palad ko ngayon.
—Ano’ng iniisip mo?
—’Kako’y baka mananaog na ‘yong omentong nilalakad mo para sa akin.
—Harinawa. No’n pa ngang isang linggo ko iniharap ‘yon, e. Me blowout ba pag nanaog ‘yon?
—Siyempre. At hindi lang blowout. Pakakasal na kami ni Margarita.
Malutong ang tawang isinukli ni Sam sa tinuran ni Noel.
—Bakit ka nagtawa?
—Ikaw, pakakasal kay Margarita? — Lantad ang alinlangan sa tanong ni Sam.
—Oo, bakit ka nagdududa?
—Hindi sa ako’y nagdududa na sinabi mo ‘yon, —paliwanag ni Sam. —Hindi naman ako bingi at maliwanag ang pagkakasabi mo. Pero ang pinagdududahan ko e kung tumpak o mali ang pasiya mo.
—Sa palagay mo ba’y mali? — Si Sam naman ang hiningan ni Noel ng opinyon.
—Kaibigan kita, Noel, —mahinahong wika. —At bilang kaibigan ay isang obligasyon kong magpaalala sa ‘yo. Hindi ‘ata bagay sa iyo si Margarita.
—Bakit mo nasabi ‘yan?
—Maganda ang hinaharap mo, Noel. Matapos man itong Ships Service Branch at manumbalik man sa normal ang panahon, e makakikita ka rin ng mabuting hanap-buhay. Puwede ka pang magpatuloy ng pag-aaral at magtapos ng karera. Kaya damdam ko’y hindi ka dapat magmadali.
—Bakit hindi, —pasubali ni Noel. — ‘Kala ko ba, kung pakawalan ko pa si Margarita e madedehado ‘yon? ‘Yong gandang ‘yon?
—Sa bagay, lilimang beses pa lang akong napupunta kina Margarita, at sa limang ‘yon e dadalawang beses lamang na hindi kita kasama, pero ewan ko ba? Huwag ka namang magagalit, sa tingin ko’y may kaharutan siya. At bagay na bagay sa kanya ang pangalang Margarita.
—Mali ka riyan, Sam, —salag agad ni Noel. —Hindi naman sa ipinagtatanggol ko pagka’t bata ko na siya. Pero hindi totoong maharot siya. Napagkamalan mo lamang ang kanyang kasiglahan, dala ng kabataan. At ‘yon naman e kung ako lamang ang kaharap.
—Harinawang mali ako, — at lumabi pa si Sam. —Siguro nga’y higit mong nakikilala siya.
—Talaga, — patotoo ni Noel. —Kilala ko ang kanyang mga magulang at nakita ko na si Margarita kahi’t na noong siya’y dalagita pa nang sumiklab ang giyera no’ng 1941.
—Kitang-kita kong talagang patay ka sa kanya, kaya hindi kita aawatin. Pero kung kailangan mo ang matapat na opinyon ko ke Margarita e dinaramdam kong sabihin ang aking iniisip.
—Bakit, ano’ng ‘kala mo ke Margarita?
—Bukod sa biro, palagay ko ba, si Margarita e tulad lamang no’ng mga pinupuntahan namin ni Bob. Dalawang kahong K-rations lamang at ilang kendi tsokolate e bagsak na’ng Bataan.
—Sam! — At napatayo si Noel. Kumikinig ang kanyang labi at kumakaykay ang kanyang katawan. —Ibahin mo si Margarita. Hindi siya kaladkarin, Sam. Hindi siya masama!
—Konting hinahon, Noel. Tayo’y nag-uusap lamang. Hindi tayo nagkakagalit. Kung ayaw mo na akong magsalita e titigil na ‘ko.
—Hindi nga tayo nagkakagalit, Sam, — pakli ni Noel. —Pero si Margarita ay itinutulad mo sa masasamang babae.
—Hindi masasama ang napuntahan namin, Noel. Sila’y mahihirap lamang at mahigpit na nangangailangan, dahil sa katatapos na giyera.
—Mahirap din nga sina Margarita, — ani Noel at muling umupo. Nagbalik na sa dating kahinahunan ang kanyang tinig. —Pero ang kahirapa’t pangangailangan e hindi lagi nang kakambal ng pagsama.
—Okey, okey, talo na ‘ko, — ani Sam at itinaas pa ang dalawang kamay bilang pagpapakilala ng pagsuko. —Ang akin naman ay palagay lamang.
—Pinasasalamat ko rin naman ang iyong palagay, — sukli ni Noel. —Alam kong magkaibigan tayo at ang opinyon mo ay para sa kabutihan ko rin, kung sakasakali’t tama ka.
Noo’y sa papasok ang isang mensaherong may dalang sulat para kay Sam.
—Galing ho ke Medyor Tubbs, — sabi ng mensahero. Magalang na yumukod kay Sam at pagkaabot ng kalatas ay mapitagang nagpaalam.
Hindi nakuhang tapusin ni Sam ang pagbasa. Dinuhapang agad si Noel at ipinagduldulan dito ang kalatas.
—Manghuhula ka, Noel. Manghuhula ka. Maligayang bati. Tama ang kutob mo sa pangangati ng iyong palad. — At malakas na tinapik ni Sam ang balikat ni Noel.
Ang kangina lamang ay magiging mainitan nang pagtatalo nina Sam at Noel ay biglang napalitan ng pagyayakapan at pagkakatuwa. Sa kalatas ni Medyor Tubbs ay sinasabing pinagtibay na ng mga pinunong nakatataas ang rekomendasyon ni Sam na mataas ng puwesto.
—Kailangan nating ipagdiwang ‘to, Noel, —ani Sam.
—Dapat! —ayon ni Noel.
—Puwede ba ‘kong sumama kung lalabas kayo ni Margarita mam’ya?
—Sabi ko na sa’ yo, hindi kami lalabas. Kung gusto mo, kina Margarita tayo magdiwang, — mungkahi ni Noel. —Pagkapanggaling ko kina Pedro ay doon na’ng tuloy ko. Bibili lang ako ng samboteng alak. Tama na sa ‘tin ‘yon, ano?
—Tama na, pero huwag ka nang bumili. Gastos ‘yon. ‘Hamo’t ako na’ng bahala. Meron akong samboteng natatabi. Dadalhin ko na mamaya. Ano’ng oras ba ‘ko pupunta ro’n?
—Mabuti pa’y mauna ka na ro’n. Kilala ka rin lamang nina Margarita at ng kanyang ina, di ba? Alas otso ang dating ko.
— ‘Yokong magpauna. Baka matukso ‘ko ke Margarita. Mabuti nang mabuti kung ako lang ang matutukso, e kung siya, — at binuntutan iyon ng tawa ni Sam.
—Nagbibiro ka na naman. Sabi ko sa ‘yo’t me tiwala ako kay Margarita, e. Ayos na’ng salitaan, ha? Daratnan na kita ro’n mam’ya?
—Ikaw ang bahala, — patianod ni Sam. —Magdadala na tuloy ako ng K-rations at maraming kendi tsokolate…
Sisipul-sipol pa ang dalawa nang magbalik sa kanya-kanyang mesa at magpatuloy sa maghapong gawain.
SISIPUL-SIPOL pa rin si Noel kinagabihan, pagkapanggaling niya sa dinalaw na kasamahang si Pedro, nang nananalunton na siya sa eskinitang patungo kina Margarita. Mag-iikawalo na noon, at sa loob-loob niya’y tamang-tama ang kanyang dating. Inaasahan niyang naroon na si Sam at kaipala’y kahunta na ni Margarita at ni Aling Clara na matanda nang ina nito.
Nguni’t parang may bumayo sa kanyang dibdib nang mamataan niyang nakabantay sa isang nagtitinda ng inihaw na mais si Aling Clara.
Bahagya nang nakapagmagandang gabi si Noel. Agad siyang nag-usisa sa matanda, na walang kamalay-malay sa kanyang kutob.
—Bakit ho kayo diriyan? Matagal na hu ba kayo? — sunud-sunod niyang tanong.
—Pinabibili ‘ko ng labindalawang mais na inihaw ni Sam, e. Kangi-kangina pa ‘ko rito pagka’t ‘ala akong dinatnang luto, — paliwanag ng matanda.
—Mauuna na ‘ko sa senyo, — ani Noel at hindi na nakipagtagalan sa pakikipag-usap. Pilit niyang itinanong sa sarili kung ang pagpapabili si Sam ng labindalawang mais na inihaw ay walang kaugnay na lalang para magkaroon ito ng pagkakataon kay Margarita.
Halos lakad-takbo ang mga hakbang ni Noel. Sa may hagdan, mula sa bukas na bintana, ay nakita niya ang ikinakaba ng kanyang dibdib. Pigil-pigil ni Sam sa bisig ang nagwawalang si Margarita. Napaikom ang kanan niyang palad. Susugod na sana siya nang biglang makawala si Margarita at lumapit sa may bintana, paharap sa eskinitang tumutumbok sa kanilang hagdanan.
Alam ni Noel, mumunti man ang kanyang mga kamay ay kaya niyang ibuhos ang buong bigat at lakas niya sa mukha at katawan ni Sam, ngunit nagpigil siya. Sa pakiramdam niya’y mas malaki ngayon ang kanyang puso. Kung gusto lamang subukin ni Sam ang karupukan ni Margarita, alang-alang sa kanya, bilang kaibigan, o kung nakapanaig man kay Sam ang katutubong kapilyuhan ng isang lalaki ay walang kuwenta kay Noel. Ang mahalaga sa kanya ay ang konsolasyong ibang-iba si Margarita sa iniisip ni Sam. Mahinahong-mahinahon at nakangiti si Noel nang siya’y magtulo’y.








