Pitak ni CARMEN F. DEL VALLE
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Marso 22, 1948)
ISANG punong siling palay ang nasa ilalim ng mataas-taas din namang balag na kinagagapangan naman ng kalabasa.
Ang dalawang halamang ito ay kapuwa namunga nang sagana. Ang siling-palay ay hitik sa hinog. Ang kalabasa ay nagbunga rin nang marami. Bukod sa maraming nagbiting pawang malalaki ay mayroon pang ibang nakasalalay sa balag.
Kapuwa nalulugod ang halamang ito. Malusog na malusog ang kanilang mga katawan. Masiglang-masigla sila. Para bang ipinagmamalaki ang kanilang saganang bunga. Mandin ay pati ngalang nasasabing nagtagumpay ang pinakadakilang layunin nila sa buhay, ang mamunga nang sagana.
Sa tuwa ng kalabasa ay napanunghan sa ilalim ng kanyang balag isang umaga nga ang siling-palay, na sagana rin nga ang bunga.
“Hoy, kaibigang sili,” ang wika ng kalabasa, “nariyan ka pala sa ilalim.”
“Oo,” sagot ng siling-palay.
“Humihingi ako ng paumanhin sa iyo. Dito ako ibinagsak ng kapalaran upang tumubo at mamunga.”
“Hindi ka ba nalulungkot niyang buhay mong iyan?”
“Nalulungkot? Bakit? Hindi ako malulungkot. Wala akong sukat ikalungkot, sapagka’t masagana naman ang aking bunga.”
“Ngunit nasusukuban kita… nalililiman. Hindi ka nakakikitang lagi na ng sikat ng Araw, sapagkat ang dahon ko ay malapad…”
“Hindi sapat na ikalungkot iyan. Kung saan ipinadpad ng kapalaran ang isang tao ay doon dapat lumagay at gawin ang lahat ng kabutihang maaaring kalagayan. Sagana naman ang aking bunga… wala akong dapat itangis.”
“Oo, ngunit hindi katulad kong sagana na sa bunga ay nakaharap pa nang lantad sa sikat ng Araw. Higit akong mapalad kaysa iyo…”
“Walang pagtatalo ukol sa kahigtan ng iyong kapalaran. Wala rin naman akong dapat na iluha sapagkat maligaya ako at nasisiyahan sa kapalaran kong ito.”
“Kahit na” ulit din ng kalabasa, “kung ako ang nasa lagay mo ay hindi ako masisiyahan.”
“Kung ikaw nga ang narine sa lagay ko ay hindi ka masisiyahan, ngunit ako ay nasisiyahan sa lagay kong ito. Ang buhay ay ganyang talaga, mayroong nakakikita ng lubos na kasiyahan at kaligayahan sa kalagayang kinalulungkutan at kinababagutan ng iba.
Ang kalabasa ay hindi rin matigil. Para niyang pinagagalit na talaga ang siling-palay o dili kaya ay inuuyam at iniinggit sa kanyang lagay na ipinalalagay niyang may malaking kahigtan kaysa siling-palay.
“Saka,” ang patuloy pa niya, “iyang mga bunga mo ay pawang maliliit lamang. Tingnan mo nga ang aking mga bunga at kay lalaki. Aba, kailangan mong magbunga ng maraming taon upang kung pagsama-samahin ay makasing laki man lamang ng isa sa aking maraming bunga.”
“Hindi naman lahat ng bagay ay nakukuha sa dami,” sagot ng siling-palay. “May mga bagay sa mundo na ang isang maliit ay kayang tumbasan ng lalo mang malaki.”
“Ang isa mong sili ay hindi makabubusog sa isang tao,” anang kalabasan, “samantalang ang isang bunga ko lamang ay sapat na makabusog sa isang mag-anak, at baka hindi pa maubos.”
“Tama iyon, ngunit hindi naman lahat ng pagkain ng tao a sa dami kinukuha. Kayang paanghangin ng isang maliit kong bunga ang ilan man sa bunga mong iyan. Kung ang isa kong bunga ay makakatimbang ng lalaki ng isa mong bunga, walang bibig na maaaring makatagal sa akin. Saka, kami ay hindi para makabusog, kundi para makapagbigay ng lasa.”
“Masiyado kang masagutin at pilosopo,” ang tila galit nang wika ng kalabasa.
“Iyan ang hirap sa iyo,” anang siling palay, “ikaw ang nagbukas ng salitaan at nang mangatuwiran ang kapuwa mo ay panganganlan mong pilosopo…”
“Pati ng katawan ay kay liit at pati ng dahon mo ay makikitid. Bahagya ka nang tumaas sa lupa ay masagutin ka pa,” galit na ngang wika ng kalabasa. “Sa ayos mong iyan, huwag hindi ka masanggi ay mababali ang katawan mo at mamamatay ka.”
“Wala akong magagawa, ito ang bigay sa akin ng kapalaran… dapat kong pasalamatan at pagtiyagan. Wala ako sa kalagayan upang makapamili ng katawang aking ibig at kalagayang sa mundong ito na lalong mainam at makapangyarihan.”
Hindi pa rin nagtigil ng kakutya ang kalabasa sa siling kanyang nayuyungyungan.
“Babagsakan pa kita ng isa kong bunga ay madudurog ang katawan mo,” anang kalabasa pa
“Ikaw ang bahala… malaki ka, mataas ka, makapangyarihan ka… wala kang hindi magagawa,” sagot ng sili. “Mahina ako…maliit ako… mababa ako… walang dapat gawin kundi umalinsunod sa takbo ng mga pangyayari, at kung ano ang ipagkaloob sa akin ay siya akong pasasalamatan.”
Madilim na nang magtigil ng pag-uusap ang dalawa, na pawang ang kabutihan at galing ng kalabasa ang sinasabi sa sili, samantalang itong sili ay wala namang ginagawa kundi magpakababa lamang, sapagkat mababa nga siya.
Ngunit nang humatingabi ay biglang lumakas ang ulan at umihip ang malakas na hangin.
Ang hamak na sili ay nagkasiya na lamang na mamaluktot sa kanyang kaliitan. Ang lakas ng ihip ng hangin ay halos nakatutulig sa kanya. Madilim na madilim pa ang gabi at wla siyang makitang ano mang bagay. Naririnig niya ang kabuwalan ng mga bagay at liparan ng mga dahhon. Wala siyang ginawa kundi hawakan nang mahigpit ang kanyang mga bunga at alalayan nang mabuti ang mga makikitid na dahon.
Nang lumiwanag ay huminto ang bagyo at ulang malakas.Sumikat ang Araw at gayon na lamang ang pagkamangha ng maliit na siling-palay nang makitang wala ang balag sa kanyang ulunan at inihampas ng hangin sa gawing likuran. Nang tingnan iyon ay natanw na naghambalang ang lagas na bunga ng kalabasa, durog ang mga dahon at lagut-lagot ang mga baging.
Kitang-kita niyang nag-aagaw buhay ang kalabasa at nakatingin sa kanya nang buong pangingimbulo sapagkat siya ay nakatayo pa rin nang tuwid na tuwid at kung nalagasan man ng bunga ay iyon lamang mga tukol na sa pagkahinog at iyong mga dahong sadyang lanta na.
Nagkibit lamang ng balikat ang sili at inilingan ang naghihingalong kalabasang kahapon lamang ay namamarali sa kanya ng mga kapalaluan at siya ay hinahamak sa kanyang kalagayan. Wala naman siyang magagawang tulong ibigin man sakali.
Nasiyahan ang mga nakapaligid na apo ni Imping Edang nang matapos na ang kuwento. Nasiyahan sila sa matanda.
“Ngumanga ka na, Impong Edang,” ang wika pa ni Toyang, “at palagay ko ay ngasim na ngasim ka na. Sumabog ang bunga mo at ikmo… ayun sa likuran…”
Nagmamadalli namang dinampot ng matanda matapos na bitiwan ang baliwasan at nagsimula nang ngumata ng bunga at maglagay ng apog sa kabiyak na ikmo.





