ANG IPIS AT ANG DAGA

Pitak ni CARMEN F. DEL VALLE

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Marso 15, 1948)

ISANG ARAW, isang ipisang mapayapang namamahinga sa ilalim ng paminggalang puno ng mga lutong ulam. Busog na busog siya sapagka’t nakaumit na ng pagkain sa loob ng nasabing paminggalan. Karingat-dingat, isang daga ang lumapit sa kanya.

“Kaibigang ipis,” anang daga, “mukhang busog ka.”

“Hindi loko, kaibigang daga,” sagot ng ipis, “na nakalapit sa saganang pagkain ay magugutom…”

Nahulaanagad ng daga na ang tinutukoy nga ay ang saganang pagkaing nasa loob ng paminggalan. Nguni’t kanina pa siya aali-aligid ay wala siyang magawa upang makapasok. Ang mga rehas ng paminggalan ay tutoong matibay at hindi kayang ngalutin ng kanyang mga ngipin.

“Paano ka nakakukuha ng pagkain? Kanina pa ako naghahanap ng daan upang makapasok ay wala akong magawa,” ang wika ng daga.

“Hindi mahirap para sa akin ang bagay na iyan,” sagot naman ng ipis. “Mayroon akong nadaraanan.”

“Ipagsama mo nga ako,” anang daga. “Ituro mo nga sa akin at ako lamang ay gutom nang tutoo. Pakiramdam ko, kung hindi pa ako makakakain hanggang mamayang bago lumiwanag ay mamamatay na ako.”

“Ngunit, hindi ka makararaan sa aking dinaraanan. Malaki kang tutoo. Ako ay naghihirap din ng pagdaan bagaman nga naaari rin.”

“Manong samahan mo na ako at baka sakaling may magawa tayong paraan…”

Ang ipis ay nahabag sa daga. Napansin niyang hayok na hayok na nga sa gutom.

“Halika,” anya pagkaraan ng ilang sandali, “at ituturo ko sa iyo.”

Nagtungo sila sa isang gilid ng paminggalan. Itinuro ng ipis ang makitid na puwang ng dinding na tabla.

“Diyan lamang ako nagdaraan,” anang ipis. Diyan ko lamang isinisiwang ang aking katawan.”

Matamang pinagmasdan ng daga ang butas. Anhin man niyang tayahin ay hindi makararaang talaga ang malaki niyang katawan.

“Magbantay ka sandali at subukin kong ngalutin ang tabla, baka sakaling makagawa rin ako ng maluwang na butas upang makaraan,” ang nasabi ng daga pagkaraan ng ilang sandali.

“Oo, sulong at magbabantay ako,” sagot naman ng ipis.

Sinimulan ng dagang kagatin ang gilid ng tabla. Ang amoy ng pagkaing nasa loob ay nakararagdag pa sa panlalata ng katawan dahil sa gutom. Ngunit nakailang kagat pa lamang siya ay sumigaw na ang ipis.

“May pusang dumarating,” anang ipis.

Parang isinibat ang daga. Mabilis siyang tumakbo upang magtago at manganlong. Ang takot ng daga sa pusa ay walang katulad at hindi naman binibiro ng pusa ang daga.

Pagkaraan ng mahaba-haba ring sandali ay nagbalik ang daga.

“Saan nagtungo ang pusa?” paanas niyang tanong sa ipis.

“Umalis na nang makitang ako ang narito,” sagot ng ipis.

Hindi naman galit ang pusa sa ipis.

“Paano kaya ang mabuti upang makakuha ng pagkain, kaibigang ipis?” tanong na muli ng daga.

“Hindi ko nga malaman kung paano ka makapapasok. Oras na lumikha ng ingay ang pagkagat mo sa tabla ay tiyak na daraing uli ang pusa.”

“Oo nga at iyon ang kinatatakutan ko,” sagot ng daga. “Sa halip na ako ang kumain ay baka ako ang makain ng pusa. Wala ka bang naiisip na paraan? Para mo nang awa, tulungan mo ako… gutom na gutom na ako.”

Ang ipis nang mga sandaling iyon ay ibig na ring makaramdam ng gutom. Malapit nang lumiwanag. Inaakala niyang siya man ay maaaring hindi na rin makakuha ng pagkain kung lumiwanag, sapagka’t tiyak na bubuksan na ng mga namamahay ang paminggahan at kapag nakita siya ay papatayin.

“May naiisip akong paraan,” anang ipis.

“Mainam, gawin natin ngayon din,” ang napapalakpak na tugon ng daga.

Hindi na kinakailangan pang alamin ng daga kung anong paraan ang gagawin. Sapat na iyong makarinig siya ng paraan, maging ano mang paraan, upang ganap na matuwa.

“Ikaw ang mag-abang dito sa tapat ng butas,” anang ipis. “Hihila ako ng mga pagkain at ihuhulog ko rito.”

“Napakainam… kay talino mo… kay buti mo…” ang nasabi ng daga.

“Ngunit,” anang ipis bago pumasok sa paminggalan, “susunod ka sa kondisyong aking sasabihin.”

“Ano mang kondisyon ay payag ako at susundin,” sagot ng daga.

“Sumusumpa ka sa ngalan ng iyong dangal?”

“Sumusumpa at nangangako,” tugon ng daga. “Ano bang kondisyon?”

“Hindi mo muna kakainin ang mga pagkaing aking ihuhulog nang hindi ako umiibis. Kailangang paghatian natin ang pagkain, gaano man ang aking makuha,” anang ipis.

“Areglado… titipunin ko at hihintayin kita bago kumain. Maghahati tayo nang timbang na hati, pangako ng daga.”

Ang ipis ay pumasok na sa loob. Sinimulan na niyang hilahin ang mga piraso ng pagkaing kayang hilahin. Inihuhulog niyang isa-isa sa butas. Marami siyang naihulog bago lumiwanag. At nang dumating na nga ang mga namamahay at buksan na ang paminggalang ay mabilis na siyang nanaog.

Ngunit gaano ang kanyang pagkamangha nang makitang busog na busog na rin ang daga at ang pagkaing kanyang inihulog ay kinain na nang kinain.

“Bakit mo kinain na nang kinain at hindi mo na ako hinintay? Akala ko ay isinumpa mong susunod ka sa kondisyong aking sinabi?”

May pagdaramdam nang binigkas ng ipis ang mga tanong na iyon.

“Aba, bakit pa kita hihintayin?” tila galit pang sagot ng daga.

“Sapagkat iyon ang pangako mo sa akin,” sagot ng ipis. “Naniniwala akong sa isang may hiya, ang salita ay isa na ring panunumpa…”

“Aba, marami ka pang salita…” at akmang susugurin ang ipis.

            “At ako pa ang susugurin mo ngayon?” tanong ng ipis na umilag nang bahagya.

            “Kapag hindi ka nagtigil ay ikamamatay mo pa ito,” banta ng daga.

            “Magtitigil na ako, ngunit iyan man lamang kaunti ng natitira pang pagkain ay ibigay mo sa akin, sapagkat maghapon na naman akong walang makukuhang pagkain,” ang tila samo pa ng ipis.

            “Mamatay ka sa gutom,” sagot ng daga. “Hindi kita maaaring bahaginan nito kapiraso man. At kung magpipilit ka, lalagasin ko ang mga paa mo…”

            Natakot ang ipis. Hindi niya kayang labanan ang daga. Malaki ang agwat ng kanilang laki. Ngunit, sa halip na magpamalas ng pusok ng loob ay marahan nang lumakad nang palayo.

            “Kung ayaw ka,” anya pa, “diyan ka na… hindi kita kaya sa ano mang paraan.”

            Ngunit ang ginawa ay tinawag ang pusa at itinuro ang dagang abala sa pagkain sa ilalim ng paminggalan. At, nang pusa ay maingat at marahang nakalapit nang hindi namamalayan ng dagang abala nga sa pagkain. Nasunggaban siya ng pusa. Tinangka niyang tumakbo ngunit ang bigat ng kanyang tiyan ang hindi nagpahintulot na makalayo.

            Idinaan pa ng pusa sa harap ng namimighating ipis ang dagang kagat ng matutulis na ngipin. At, natanaw pa ng dagang parang nangungutya ang ipis at narinig ang sabing walang palayok, gaano man kalaki ang hindi may kalapat na suklob.