Ni JOSE DOMINGO KARASIG
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Enero 30, 1950)
Isang punungkahoy sa tabi ng daan,
lagas na ang dahon, tuyo na ang tangkay;
Ayaw nang kumapit sa kinatatamnan
ang daliring ugat na nagsipananggal;
Ni wala nang ibong matuksong maglagay
ng salay sa dati’y nakaripang duklay.
Iyan din ang punong maraming kinalong
na salay ng mga namugad na ibon;
Datihang ang sanga niya ay mayabong,
na hitik ng bunga at batbat ng dahon;
sa ula’t sa araw, siya’y naging payong,
kay daming lumilim, kay daming, sumilong!
Isang halamanang maraming bulaklak
kadluan ng bango, amutan ng dilag;
Ngayong ang luntiang daho’y mangalaglag
ngayong ang talulot niya’y mangahubad,
Wala nang mamaling sumagid na pakpak
niyang paruparong nang-umit ng galak!
Isang binibini at isang binatang
nangarap sa buhay na matalinhaga;
Nagtayo ng langit sa tuntungang lupa
sa lagnat ng puso’t sa sinat ng diwa;
Ngayong tumanda na’t umalog ang baba
parang kasangkapang lansag na at luma!
Isang pangingibig na animo’y punla,
na agad puputok huwag di-mabunggo;
Ngayong lumimot na’t pusok na huminto
tingnan mo’t kalansay, masdan mo at bungo
Ganyan ang pangarap, ang balot ay ginto,
buksan mo’t ang laman ay pangit na tanso!
Ganyan din ang ating mapalalong buhay
mapagpakunwari na may kagandahan;
Dinarayang pilit sa kaligayahan
ang sugat ng puso at ng gunamgunam;
Ngunit siya’y kahoy, bulaklak, halamang
uuwi sa yagit niyang sinibulan!









