Ni Shaina Jovell S. Santos
KINAGIGILIWAN ang batang si Lily sa kanilang lugar dahil sa napakamakulay niyang suot mula ulo hanggang paa. Mula sa kaniyang buhok na napaka-shiny, na puwedeng-puwede mag-slide kahit ang langgam sa sobrang dulas at lambot nito. Samahan mo pa ng suot-suot niyang headband na kulay dilaw na may disenyong sunflower.
Habang ang palagi niyang suot na dress na kung hindi floral ay may maliit na drawing ng kahit anong klaseng bulaklak. Hindi rin mawawala kay Lily ang bulaklakin niyang body bag at ang basket na pinaglalagyan niya ng mga bulaklak. Pati na ang bracelet niyang gawa sa santan. Puro bulaklakin ang suot ni Lily. Ang naiiba lang sa kaniya ay ang doll shoes niyang kulay itim.
Kapag naman papasok sa eskuwelahan si Lily, parang nabibigyang kulay niya ang hallway. Sa bawat tapak niya sa daan, parang biglang nagkukulay violet, red, yellow, green, at pink ang paligid. Biglang nagkakaroon ng rainbow sa dulo ng daan, biglang lumilitaw ang araw sa pader, at biglang nagsisitubuan ang mga rosas, sunflower, gumamela, at marami pang ibang klase ng bulaklak paglagpas niya sa bawat dinaanan niya.
Agaw-pansin na talaga si Lily dahil sa makulay niyang awra. Katulad ng bulaklak na gustong-gustong pinipitas ng mga bata dahil sa ganda at kakaibang mga kulay nito, ganito nila nakikita si Lily. Gustong-gusto rin siya ng mga kaklase niya dahil siya ay palabati, masayahin, at masarap kakuwentuhan.
“Hi, Lily the flower girl!” bati sa kaniya ng isa niyang kaklase.
Malaki ang ngiti ni Lily sa kaklase. “Hello! Good morningggggg!”
Palaging tanong ng mga tao kay Lily kung bakit ba ang hilig-hilig niya sa bulaklak.
Bata pa lang kasi si Lily ay nakikita niya nang mahilig magtanim ng halaman ang kaniyang mama. Mayroon silang maliit na garden sa kanilang bahay. Mula pagpasok mo sa kanilang gate, maaamoy mo na ang tanim na dama de noche ng kaniyang mama. Amoy mo rin ang sampaguita sa gilid dahil sa tanim nilang jasmine. May tanim din silang puno ng macopa kaya paminsan-minsan ay iyon ang ginagawang merienda ni Lily kasama ng Tita Belle niya pagkatapos niyang maglaro ng langit-lupa sa labas. Marami pa silang tanim na bulaklak katulad ng gumamela, alembong, cactus, at marami pang iba. Kaya rin nakahiligan na ni Lily ang mamitas ng bulaklak kahit saan man siya magpunta.
Maraming ligaw na bulaklak sa bayan nina Lily. Kaya kahit saan siya lumingon, kaliwa o kanan man iyan at kahit lumabas siya ng eskuwelahan, bubungad talaga sa kaniya ang mga bulaklak. May makukuha at makukuha pa rin siyang mga ligaw na bulaklak sa daan. Kaya kapag natatapos ang kanilang klase, nagpapaalam na kaagad siya sa kaniyang guro.
“Bye-byepo, Mrs. Crisantimum! Mauuna na po ako. See you tomorrow po!”
Tatawagin din siya ng mga kaklase niya. “Ano, Lily, kukuha ka na naman ba ng bulaklak?”
Agaw-pansin na talaga si Lily dahil sa makulay niyang awra. Katulad ng bulaklak na gustong gustong pinipitas ng mga bata dahil sa ganda at kakaibang mga kulay nito, ganito nila nakikita si Lily.
Nakangiting tumango si Lily. “Oo, gusto mo bang sumama?”
“Next time na lang siguro,” sagot ng kaklase niya.
“Okeeey! Sige, see you na lang bukas. Bye!” paalam ni Lily sa kaklase. Pagkalabas sa eskuwelahan, maglalakad-lakad si Lily sa tabi ng kalsada.
Maraming kakilala si Lily sa kanilang lugar kaya alam na palagi ang kaniyang pamimitas na ginagawa.
“O, ano, Lily, kukuha ka ba ulit ng mga bulaklak para sa mama mo?” tanong sa kaniya ng matatanda roon.
“Opo, bibigyan ko rin po kasi si Tita,” sagot ni Lily.
“O, sige, d’yan, maraming mga ligaw na bulaklak. Kumuha ka lang nang kumuha,” sabi ng matanda sa kaniya.
“Okeeeey! Maraming salamat po!”
Yahoo! sabi ni Lily sa kaniyang isipan. Marami-rami na naman kasi siyang makukuha panigurado.
Unang pinupuntahan ni Lily ang bukid malapit sa kanila, may mga ligaw na bulaklak siyang nakukuha roon katulad ng alembong. Pipitasin niya iyon at saka ilalagay sa basket na palagi niyang dala kahit sa iskul. Sunod niyang pupuntahan ay ang bahay ng may-ari ng flower shop sa tabing kalsada na si Aling Mirabella dahil manghihingi siya ng gumamela na nakatanim sa labas nila.
“Aling Mirabella, puwede po ba ulit akong makahingi ng gumamela?”
“Aba, oo naman, Lily! Basta ikaw. Ay! Mayroon din pala ako ritong nakuhang rose, e, wala pa namang bibili kaya ibibigay ko na lang sa iyo,” sabi ni Aling Mirabella.
“Yehey! Salamat po talaga, Aling Mirabella! Palagi niyo na lang po akong binibigyan ng bulaklak,” sabi ni Lily.
“Aba siyempre naman! Malakas ka sa akin, e. Sige na, maglakad ka na at baka gabihin ka pa,” sagot ni Aling Mirabella kay Lily.
Patuloy ang paglalakad at pamimitas ni Lily ng mga tanim at ligaw na bulaklak sa daan. Sinisiguro niya na hindi mababawasan ang petals ng mga bulaklak para mas maging masaya ang mama niya kapag inabot na niya ito.
Mula sa pamimitas ni Lily sa daan ng mga bulaklak ay nakarating na siya sa lugar ng kaniyang mama. Paminsan-minsan ay tumatambay muna siya sa may gate bago tuluyang pumasok. Minsan ay may mga nag-aalok ng kandila kay Lily. May mga nagpuputol din ng damo. May mga batang takbuhan nang takbuhan sa paligid. Pero bago dumilim, umaalis na kaagad doon si Lily at dumidiretso na siya sa kaniyang mama para maabot ang mga bulaklak na pinitas niya. Nagtira rin siya ng para sa tita niya para matuwa ito sa kaniyang pag-uwi. Ayaw rin kasing maabutan ni Lily ng dilim dahil baka hindi na niya makita ang mama niya.
Naalala pa ni Lily noong nagtatrabaho ang mama niya, bukod sa may maliit na garden sila sa loob ng bahay ay tuwing pagkatapos ng trabaho ng mama niya ay inuuwian siya nito ng bulaklak. Kaya hanggang sa lumaki si Lily, nakaugalian niya na rin ang magbigay ng bulaklak sa mga taong malalapit sa kaniya.
Naupo si Lily sa may damuhan at pinunasan ang lapida na nasa harap niya. “Mama, flowers for you po!”
“Maaga po akong umalis sa iskul para hindi ako gabihin. Inabutan din po ako ni Aling Mirabella ng rose kaya may rose ka ngayon, Mama. Tapos ‘yung natira naman po na ibang bulaklak ay ibibigay ko naman kay Tita pag-uwi ko,” sabi ni Lily na patuloy pa rin sa paglilinis ng lapida.

“Sana ay okay ka lang po riyan, Mama. Ako, okay naman po ako rito. Masaya pong kasama si Tita Belle. Inaalagaan niya po ako ng mabuti,” kuwento niya sa kaniyang Mama.
Siyam na taong gulang si Lily nang mawala ang nanay niya dahil sa kanser. Isang taon nang wala ang nanay niya at hindi na siya nagkaroon ng pagkakataon para kilalanin ang tatay niya dahil matagal na sila nitong iniwan, kaya ang Tita Belle, kapatid ng kaniyang mama lang ang nag-aalaga sa kaniya.
“Mama, miss na miss na po kita. Sana kasama ka namin ngayon ni Tita Belle. Sana natitikman mo ang luto niyang adobo. Napakasarap po noon, Mama. May itlog pa nga po, e, tapos ang asim at ang anghang. Paborito ko na nga po ‘yun ngayon, e,” nakatitig lang si Lily sa lapida ng kaniyang mama.
“Sana, Mama, napanonood mo ako riyan sa tuwing namimitas ako ng mga bulaklak. Sana masamahan niyo rin po ako,” patuloy si Lily sa pagtatanggal ng mga namuong kandila sa lapida.
Pagkatapos maglinis ni Lily ng lapida ng kaniyang mama, tumayo na rin siya at nagpaaalam dito. “Sige po, Mama. Aalis na ako. Baka hinahanap na ako ni Tita. Bye bye po, I love you!”
Dumiretso na si Lily pauwi sa kanilang bahay. Sinisigurado ni Lily na bagong-bago pa ang gumamela na ibibigay niya sa kaniyang Tita Belle.
Naabutan ni Lily na nagwawalis ang Tita Belle niya sa labas.
“Hello po, Tita!” tumigil ang kaniyang Tita sa pagwawalis. Nagmano si Lily. “O, Lily, bumisita ka sa mama mo?”
Tumango si Lily sa kaniyang Tita Belle.
“Kumusta naman? Nilinis mo ba ang lapida niya?”
“Opo. Maaga nga po akong umalis sa iskul para bigyan si Mama ng bulaklak. Tapos binigyan din po ako ng rose ni Aling Mirabella. Ang dami ko pong nakuhang mga bulaklak ngayon, Tita,” sagot ni Lily.
Inilapag ni Lily ang mga gamit niya sa lamesa, nagpatuloy ang Tita niya sa pagwawalis, pinanonood niya lang ito. “Tita, kumusta na po kaya si Mama? Kumakain ba siya sa langit? Masaya po ba roon?” tanong ni Lily.
Tuwing bumibisita kasi sa sementeryo si Lily, mas lalong lumalala ang pangungulila niya sa kaniyang mama kahit pa na kasama naman niya ang kaniyang Tita Belle.
Lumapit si Tita Belle kay Lily, naupo siya sa tabi nito, hinawakan ni Tita Belle si Lily sa kaniyang balikat. “Oo naman, panigurado ay masaya siya roon at binabantayan ka rin niya dito. Binabantayan niya tayong dalawa.”
Tumayo si Lily at kinuha ang gumamela sa basket na pinitas niya kina Aling Mirabella at inabot sa kaniyang Tita. “Tita, flowers for you po. Salamat po sa pag-aalaga n’yo sa akin. Dito lang po kayo sa tabi ko. Huwag niyo po akong iiwan, ha.”









