PAG-IBIG AT PANANAMPALATAYA

"Ipagtatayo kita ng tahanan, Ester, pagiginhawahin ko kayong mag-iina at ikaw ay hindi ko na nais na mamasukan pa," matatag na pangako ng dating katipan. "Ang lahat ay dahil sa walang kamatayan kong pag-ibig. Sabihin mo sanang... pumapayag ka."

Ni LEONILA GATMAITAN JOSE

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 29, 1950)

BUHAT sa tanggapang pinapasukan ay nakarating sina Ester at Nely sa hintayan ng sasakyan nang hindi nila namamalayan. Paano’y maliliit ang kanilang mga hakbang at sa ayos ng kanilang pag-uusap ay tila may isang mahalagang bagay o mabigat na suliraning ihinahanap sila ng kalutasan. Nang nasa panulukan na ay saka pa lamang napukaw ang dalawa.

            “Saan ka pupunta? Hindi ka pa uuwi?” tanong ni Ester nang mapansing ang kaibiga’y may banta pang sumakay.

            “Pupunta ako sa Baklaran, Miyerkoles ngayon, e,” tugon naman ni Nely.

            “Aba! Siyanga pala, ano? Mabuti pa yata’y sumabay na ako sa iyo at nang makapag-usap tuloy tayong mabuti.”

            “Oo nga, kung uuwi ka at saka pa paparoon ay magdalawang-lakad ka pa.”

            Nagkasundo ang dalawa. Sa isang malaking sasakyang patungo sa Baklaran ay sumakay sila. Habang naglalakbay iyon ay ipinagpatuloy ang masinsinang pag-uusap.

            “Talagang nahihirapan na ako, Nely,” patuloy na paghihimutok ni Ester.” Hindi ko malaman kung ano ang aking gagawin. Kung gabi’y dumaraan ang magdamag na hindi ako napipikit at kung pakiramdaman ko’y iyon at iyon din ang pasya ng aking damdamin.”

            “Sadyang mabalakid ang buhay, kaya ang maipapayo ko sa iyo ay dagdagan mo na lamang ang iyong pagtitiis. Habaan mo ang iyong pagtitimpi at pagpapakasakit.”

            “Pagtitiis? Anong daling bigkasin ng bagay na iyan! Ngunit ang buhay ko’y wala nang nakilala kundi pagtitiis, saganang-sagana sa paghihirap, pagpapakasakit, at kalungkutan, ngunit ulila at salat sa magagandang bagay na gaya ng pag-ibig, salapi, at kaligayahan. Paanong hindi mo maiisipan kung minsan ang sumuko,” malungkot na patuloy ni Ester at nagbuntunghininga nang malalim, “paanong hindi mo ibabagsak ang bigat na iyong dala-dala sa kasakdalang ang iyong pagpipigil at pagpapahalaga sa sarili ay kasing laki halos ng daigdig.”

            “Huwag, Ester! Huwag mong isipin ang mga bagay na iyan. Ang Diyos ay marunong sa lahat at sino ang makapagsasabi kung ano ang kaligayahang inilalaan niya para sa iyo.”

            Napailing na lamang ang pinagsabihan at isang mapait na ngiti ang sumungaw sa kanyang labi.

            Hindi natagalan at dumating din sila sa pook na dalanginan ng libu-libo. Nang naroroon na ay nakibilang ang dalawa sa nagnonobena na kapasisimula pa lamang.

            Nang matapos ang unang awit ay isinunod na ng Paring Redentorista ang pagbasa sa mga liham ng pasasalamat.

            “Sa daang-daang liham na tinanggap namin sa linggong ito,” pasimula ng alagad ng simbahan, “ay isa ang pinili ko upang basahin sa inyo ngayong hapong ito,” at siya’y nagpatuloy.

            O Ina ng Walang Hanggang Kalinga,

            Hindi ko po malaman kung paano kayo pasasalamatan sa pagkakaloob ninyo sa akin ng aking hiniling. Ako po at ang aking asawa ay limang taong nakahiwalay. Kami po ay may dalawang anak na kapwa nasa akin. Sa loob po ng panahong iyan ay nakisama ang Ama ng aking mga anak sa ibang babae na itinuring niyang mabuti kay sa akin. Gayon na po lamang ang kirot na idinulot sa akin ng pangyayaring iyon. Nang tila hindi ko na po matiis ang hirap ay may nakapagpayo sa akin na magnobena sa inyong kamahalan at siya ko pong ginawa. Tuwing Miyerkoles po ay naririyan ako at lumuluhang hinihiling sa inyo ang panunumbalik ng kapayapaan at kaligayahan sa aking buhay. Kayo po ay hindi nagkait at sa wakas ay ipinagkaloob ninyo ang isinamo ko. Noon pong isang buwan ay nagulat na lamang ako nang biglang sumipot ang aking asawa.

            Niyakap po ako at lumuluhang humingi ng tawad sa kanyang pagkukulang at ipinagtapat pa po niya sa akin na ang asawa kaylan pa man. Kaya inuulit po ang walang hanggang pasasalamat.

            Ang inyo pong anak,

            L.B

            Ang magkaibigang taimtim na nakikinig ay saglit na nagkatitigan. Pagkatapos ay nagbaba ng paningin si Ester.

            “Ngayon, mga kapatid,” patuloy na paliwanag ng pari, “sa liham na aking kababasa ay malinaw na nalalarawan ang nagagawa ng isang matibay na pananampalataya. Sa kataimtiman ng pagtawag ng babaing iyon ay kinatok ng ating Ina ang damdamin ng isang makasalanang lalaki at ipinaliwanag ang kanyang nabubulagang mata. Ipinakita sa kanya na isang malaking pagkakamali ang ginagawa niyang paghiwalay sa kanyang asawa at pakikisama sa ibang babae. Ipinaisip sa kanya ang ikasiyam na utos ng Diyos” HUWAG KANG MAKIAPID SA HINDI MO ASAWA.

            Pagkatapos ng maikling sermon ay ipinagpatuloy ng pari ang pamumuno sa nobena. Samantala, napansin ni Nely na si Ester ay yukung-yuko na tila ba umiiyak.

            Hanggang sa pag-uwi’y napakalungkot nito. Iginalang ni Nely ang damdamin ng kaibigan. Hindi niya inusig at bago sila naghiwalay ay iba na ang paksa ng usapan.

            Kinagabihan. Sa pag-iisa ni Ester sa kanyang silid ay walang tigil ang agos ng kanyang luha. Sakmal-sakmal ng dalamhati ang kanyang puso samantalang siya’y nagbubulay-bulay.

            “Samakatwid,” ang wika niya sa sarili, “sa kahabaan pala ng panaho’y babalik din sa tunay. Babalik, babalik! Kung gayo’y tagumpay sa simula at sa wakas ay kabiguan, kalungkutan. “O!” at humihikbi siyang yumupuyop sa salansan ng mga unan. Sa gayong ayos niya sinariwa ang nakaraan.

            LABING-ISANG taon ang nakalilipas.

            Sila ni Conrado’y magkatipan. Ang ama nito’y nakapamanhik na sa kanyang ina. Ngunit ang napagkayaria’y magparaan ng anim na buwan pa upang matagpusan ang pagluluksa sa kanyang ama. At sa loob ng anim na buwan ay sino ang makapagsasabing may pangyayaring magaganap pala na siyang babago sa takbo ng kanilang buhay.

            Sapagkat si Conrado ay may kaagaw sa kanyang pag-ibig. Ito’y walang iba kundi si Mauro, ang kapatid ng kanyang matalik na kaibigang si Trining. Nasulsulan ito ng ilang binata sa kanilang pook.

            “Mahina ka,” kantiyaw ng isa, “kung ako ang naging kapatid ng kanyang kaibigan ay… matagal na siyang lagpak sa kamay ko.”

            “Kaunting lakas nga naman ng loob, ‘bigan,” pampainit pa ng isa, “talagang ganyan ang umiibig.”

            Dahil sa mga buyong iyon ay napilitang gumawa si Mauro ng kapangahasang bumago sa takbo ng kasaysayan.

            Isang araw ay lihim siyang pinaanyayahan nito sa kapatid na dalaga. Walang salagimsim naman siyang lumipat. Nang naroroon na ay napag-isa sila ng binata sapagkat lumabas sandali si Trining. Ang pagkakataong iyon ay sinamantala ng mangingibig upang siya’y ipaloob sa matitipuno nitong bisig. Ganoon na lamang ang kanyang paghihimagsik ngunit wala na rin siyang nagawa. At palibhasa’y dalagang Silanganin, ang wika nga, kaya minarapat niyang sa kinarapaan na magbangon. Ang isang libo’t isang sumpaan nila ni Conrado ay niwalan na niya ng halaga dahil sa nangyari. Bagama’t hindi niya minamahal ang binata ay nakipag-isang-palad na rin doon.

            Hindi nalaunan, si Conrado’y pilit na humanap na rin ng babaing makakatali naman ng kanyang puso. At mula noo’y hindi na sila nagkita.

            Lumipas ang walong taon at nalagot din ang tanikala ng kanyang pagpapakasakit sa piling ng asawang bahagya nang iniibig. Dalawang anak ang naiwan sa kanya ni Mauro nang ito’y mamatay. Muli niyang nakamtan ang kalayaan ngunit nahahanda na siyang manahimik. Hindi na niya ibig pang buksan ang kanyang puso.

            Ngunit ang tadhana’y mapagbiro. Sa isang sangangdaan ng buhay ay muli silang pinagtagpo ni Conrado.

            “Ester!” masiglang bati nito sa kanya nang sila’y minsang magkasalubong at hinawakan ang kanyang kamay.

            Hindi siya nakabigkas agad ng anumang kataga. Napatitig lamang siya sa dating katipan na masasal ang tibok ng dibdib

            “Kumusta ka at saka… siya?” nakangiting patuloy ni Conrado.

            “Siya’y patay na,” ang mahina niyang tugon.

            “Totoo ba, Ester?”

            Pinatibayan niya iyon sa pamamagitan ng isang tango, at namagitan sa kanila ang saglit na katahimikan.

            “Sa Sampalok din ba kayo naroroon?” pagkuwa’y naitanong ni Conrado.

            “Oo.”

            “Buweno, hindi kita aabalahin, Ester. Hanggang sa muling pagkikita,” at ang kausap ay nagpaalam na sa kanya.

            Naghiwalay silang gaya lamang ng dalawang dating magkaibigan.

            Ngunit isang araw ng Linggo’y nagulat siya nang madungawang bumababa sa isang magarang kotse si Conrado. Nabigla siya sa hindi inaasahang pagdalaw noon sapagkat magulo at wala sa ayos ang maliit nilang tinitirhan. Ang mga anak niya’y hindi pa rin malilinis at siya ma’y nakabata lamang nang punit na’y kupas pa.

            Gayunma’y pinaupo niya si Conrado. Muli silang nagkaharap na dalawa. Nasilaw siya sa brilyanteng nasa daliri ng unang kasuyo. Natiyak niya sa ayos niyon ang kaluwagan ng pamumuhay.

            “Hindi mo kaya ikagalit ang aking pagparito?” unang naitanong ni Conrado.

            “Bakit ko naman ikagagalit,” ang kanyang salag.

            “Ester, malaon ko nang pinangarap na muli kitang makausap.”

            “May dahilan ba?”

            “Oo, Ester, sapagkat ikaw ay… hindi ko nalilimot. Ikaw pa rin ang nag-iisang bituin sa aking buhay sa kahabaan ng panahon at sa kabila ng lahat ng mga pangyayari.”

            “Ikinalulungkot kong marinig sa iyo ang mga katagang iyan, Conrado!” nabigla niyang pakli.

            “Bakit, Ester?”

            “Sapagkat may asawa ka, hindi ba?”

            “Ngunit, Ester, hindi mo ba alam kung paano ako nakapag-asawa? Kaila ba sa iyo ang mga pangyayaring namagitan sa ating pilit na pagkakalayo? At ngayo’y siya pa ang magiging salabid sa ating wagas at dalisay na pagmamahalan. Hindi maaari!”

            “Conrado!”

            “Tingnan mo, Ester,” patuloy ng lalaki, “lalo ngayong malantad sa aking paningin ang iyong paghihirap, sa karalitaang iyong sinasalunga ay nais kitang iahon. Higit nang mabuti ang aking buhay ngayon at ikaw ay aking paliligayahin.”

            “Utang na loob, Conrado! Bawiin mo sana ang iyong sinabi!” at siya’y napaiyak.

            “Hindi ko mababawi, Ester!” nagpupuyos din ang loob na tanggi noon at hinawakan ang kanyang kamay. “Minsan na tayong nagdusa kapwa at ngayo’y may karapatan din naman tayong lumigaya.”

            Samantalang hawak ni Conrado ang kanyang kamay ay naramdaman niyang nag-iinit ang kanyang dugo. Ang mga hinaing nito’y sumusuot sa kaliit-liitang himaymay ng kanyang puso. At unti-unting naumid ang kanyang dila. Tila tuksong nagsayaw-sayaw sa kanyang balintataw ang karalitaan ng buhay, ang walang sawang pangangailangan, at kasalatan sa kaginhawahan.

            “Ipagtatayo kita ng tahanan, Ester, pagiginhawahin ko kayong mag-iina at ikaw ay hindi ko na nais na mamasukan pa,” matatag na pangako ng dating katipan. “Ang lahat ay dahil sa walang kamatayan kong pag-ibig. Sabihin mo sanang… pumayag ka.”

            “Bayaan mo munang kausapin ko ang aking sarili, Conrado.”

            “Ikaw ang bahala,” at sa kagandahan ng isang pag-asa’y napisil noon ng kanyang palad.

            Naghiwalay silang hindi napagpapasiyahan ang sinariwang pag-ibig.

            Iyan ang kasaysayang isa-isang nagbalik sa kanyang alaala at ang suliraning kaugnay niyan ang ihinihingi niya ng payo kay Nely. Naghahanda na nga siyang sumang-ayon kay Conrado ngunit ang kaibiga’y nagpapaalaala. At nang hindi nila matapos ang pagpapasya ay isang tinig ng pananampalataya ang tila kulog na nagbigay ng kalutasan.

            Ilang sandali pa’y nasa harap na ng munting dambana si Ester. Patuloy siyang lumuluha ngunit hindi dahil sa panghihinayang kundi sa pagpapasalamat at pagsisisi.

            Kaya’t nang magkausap sila ni Conrado ay matatag at malinaw na ang kanyang pag-iisip:

            “Pinasasalamatan ko ang iyong inihahandog na tangkilik, Conrado, bagaman hindi mo ihahandog iyan sa aming mag-iina nang walang kapalit, ang aking karangalan.”

            Napakislot si Conrado. Para siyang sinuligi ng isang matimpi at mabait na panumbat.

            “Ngunit bagaman ikaw ang iniibig ko, kahit na ako ang iniibig mo, at kahit napakasal ako sa aking asawa nang walang pagmamahal sapagkat ako ang talagang iniibig mo, hindi na natin maaaring habulin ang mga nagdaan sapagkat hindi tayo ang yumayari ng guhit ng ating palad kundi ang tadhana, Conrado.”

            “Kung iniibig mo ako, iniibig kita, bakit hindi tayo liligaya?”

            “Pagkat magiging kasalanan na sa kapalakaran ng lipunan, ng batas at ng relihiyon, Conrado. Ang kaligayahan ay matamis lamang kundi nakahihiya, kundi kasiraang puri. Sapagkat paano matitiwasay ang pananahanan ng isang puso o mga puso kung sila ay nasa ibabaw ng isang bulkang sa anumang oras ay puputok at sila ay matatabunan?”

            “May katwiran ka. Kung gayon ay magpapakasakit tayo. At habang hindi napapawi ang kahuli-hulihang sagwil upang hindi tayo maging kahiya-hiya ay ituturing kitang kapatid, ngunit yamang kapatid kita ay tatangkilikin kita at paliligayahin, nang wala akong hinihinging kapalit, maniwala ka!”

            “Salamat, Conrado!”