Ni EDGAR CALABIA SAMAR
(Ika-4 LABAS)
SINABI KONG ang assigned discussant sa bawat nobela, e, sa araw ng meeting ko mismo sasabihin para siguradong magbabasa sila lahat.
Napatuwid ang upo nu’ng babaeng nanakit ang bangs. Ngumiti nang bahagya pero walang kinang ang mga mata.
Don’t you dare give me some bullshit during these discussions, sabi ko, mariin. Binitiwan ko talaga ang bs word sa first day ng klase. Kung gagaguhin n’yo lang ako, any attempt na mambola during class discussions, automatic F sa klase, dagdag ko.
Walang nagsalita. Ni walang tumingin sa katabi. Natatakot siguro na mabása ng iba ang iniisip nila kapag tiningnan nila ang isa’t isa. Mas maraming yumuko lang, iniintindi kunwari ang laman ng silabus nila. Hindi ko kailangan ng matagal na oras na kasama ang sinumang estudyante para masiguradong hindi naman tila naiintindihan ang laman ng silabus nila. Pero nakasulat doon ang sinabi ko, walang bullshit, of course, pero nakasulat na kapag napatunayan kong hindi nagbasa pero nagpanggap na nagbasa, sa discussions man o sa papers, that’s intellectual dishonesty, kaya F. Nasa kanila ang burden na patunayang nagbasa sila at naintindihan nila ang binasa nila.
Guys, tungkol sa mga patayan ang mga babasahin natin sa klase, patuloy ko. Failing any of you in this class is nothing to me.
Isa lang ang tumingin ulit sa akin habang nagsasalita ako. Iyung totoong nakatingin, iyung gustong iparamdam sa akin na nakikinig siya, at handa siyang makinig pa. Na narito siya dahil interesado talaga siya sa klase. Si Enkidu nga.
Noon ko totoong unang napagmasdan ang binata. Payat pero toned ang braso at malapad ang balikat. Parang swimmer. Medyo moreno pero chinito nga at bahagyang wavy ang buhok. Iyung naniningkit niyang mata, nagniningning, nakatutok sa akin. Tinawag ko siya, tinanong kung naintindihan niya ang mga sinabi ko.
Tumango siya kasabay ng matatag na yes, sir.
Sigurado ka? tanong ko agad, sinusubok ang katatagan niya.
Mabilis din ang sagot niya, yes, sir. Tapos, inihabol niya, I actually also love the works of Pablo, sir.
May pumitlag sa loob ko. May ilang kaklase niyang napaangat ang ulo at hindi napigilang mapatingin sa kaniya. Iyung babaeng nanakit ang bangs, tiningnan siya na parang sinasabing tumigil na siya sa pagsasalita, na he should have learned from her mistake.
Pero nagpatuloy si Enkidu, I was not just expecting this specific work to be part of our syllabus, sir.
Hm, sabi ko, saka ko sinadyang bahagyang-bahagyang ingisi ang kanan kong labi. Hm, sabi ko ulit, kaunting pause bago ko itinanong, anong pangalan mo? Noon ko lang itinanong ang pangalan niya kahit nasilip ko na naman talaga sa silabus.
Enkidu Torres, sir, but En is okay.
Enkidu, sabi ko, hindi pinakinggan ang sabi niyang tawagin siyang En, what is it exactly that you find unusual with the inclusion of 910 Calle Kundiman in our readings for this class?
Hindi niya inalis ang pagkakatingin sa akin, seryoso ang mga mata, parang hindi napansin ang bahagyang pagngisi ko. I did not say I find it unusual, sir, sabi niya.
You said you were not expecting it to be part of our syllabus, sabi ko. Nayayamot na nakaisa siya pero gusto kong i-acknowledge iyon. I love it that I have someone in this class who is actually particular with his words, sabi ko habang hindi inaalis ang tingin sa kaniya. Isa sa mga natutuhan ko sa pagbabasa ay kailangan mong kilalanin ang kilos ng tao sa paligid mo para ipagpalagay nilang alam mo ang ginagawa nila––at isipin nilang iyon na––iyon lang––ang alam mo tungkol sa kanila. And call me Doc Abel, dagdag ko.
Doc Abel, sabi ni Enkidu, walang gatol, walang pag-aalangan, walang kahit anong damdamin sa utos ko maliban sa pagiging parang napakatiyak sa sinasabi niya, I was just not expecting that specific novel because I thought that it was the most… predictable to be included in the class readings. I was kinda expecting a more surprising inclusion. Perhaps his Pitumpung Patnubay sa Paglikha ng Palagiang Panahon?
Hindi na siya sumagot. Hindi ko na rin maalala ngayon ang hitsura ng estudyante kong iyon. Sa isip ko, naglalaho sila, ang mga mukha nila, naghahalo-halo sila’t naglalabo-labo na puwedeng maging kahit sino ang sino.
Hindi ko napigilang mapangiti. The audacity. Hindi ko mapaniwalaang nabasa nitong estudyanteng kaharap ko ang pinakadakilang nobelang Filipino ng ikadalawampung siglo. May mga nagbabasa pa pala talagang kabataan ng mga seryosong nobelang hindi required sa klase? Gusto mo bang iyan ang basahin natin sa klase? sabi ko habang napapangiti sa ideya ng “seryosong nobela.” Tungkol sa seryosong nobelang ito ang unang proper lecture ko.
It’s your class, Doc Abel.
Sinusubok talaga ako ng walanghiyang ito. No, it is your class, sabi ko sa kanya at saka ko tiningnan ang lahat ng iba pa niyang mga kaklase na damang-dama kong kanina pa natetensiyon sa usapan namin. Bumalik ang tingin ko kay Enkidu. Bakit parang siya, hindi niya nararamdaman ang tensiyon? O hindi ko nararamdaman na nararamdaman niya ang tensiyon? Bahagya akong na-excite sa mirroring na iyon ng cluelessness namin. Naaalala ko ang mga nobela ni Pablo. Naalala ko nang una kong nabasa ang Pitumpung Patnubay, na––I hate to admit it––tama naman itong si Enkidu na mas exciting at surprising work ni Pablo na isama sa klase namin. Exciting dahil unlike 910 Calle Kundiman na mas obvious ang mga pagpaslang, mas kinakatakutan, iba ang ligalig sa Pitumpung Patnubay. Alinman sa hindi mo alam na nangangamatay na pala ang mga tao sa paligid ng mga tauhan, na nangangamatay na pala ang mga tauhan mismo––o kasabwat ka, kasapakat, dahil nae-enjoy mo rin talaga ang mga kamatayang iyon.
Well, Doc Abel, if it’s really up to me, I’d love to have that text included in our readings instead––if only to have the opportunity to hear what you’ll have to say about it.
This kid has a way with words, naisip ko. Pero hindi ko naramdamang binobola lang niya ako. Pakiramdam ko, earnest siya. Totoong gusto niyang marinig ang masasabi ko sa nobela. Nag-flash ulit sa isip ko ang mga sandaling bitbit ko noon ang nobelang iyon ni Pablo at binabasa sa unang pagkakataon. Ilang taon ako noon––21? 22? Katatapos lang ng college at halos hindi ko na naiisip si Amiel. Okay then, sabi ko sa klase, if no one has a problem with it, then let’s discuss that instead next meeting along with Auster’s trilogy.
Muli, walang nagsalita sa klase. May ilang tumango-tango nang bahagya na malamang na hindi naiintindihan ang tinatanguan nila.
Ako, sinikap kong mag-iwan ng sa tingin ko ay pinaka-enigmatic smile na kaya kong ibigay habang pinapasadahan ng tingin ang buong klase bago ko ipinako ang ngiting iyon nang tuwid kay Enkidu. Ito ang unang pagkakataon na nakinig ako sa estudyante ko sa klase. On day 1! Well, ngayon lang din naman kasi talaga may nangahas na magbigay ng puna sa silabus ko. Noon ko unang naisip na gusto ko ang lalaking ‘to. Graduating na siya. Naisip ko kung kumusta kaya noong freshman siya at babago lang sa campus. Kung sino-sino ang mga unang naging teacher niya. Kung aling mga klase ang totoong nagustuhan niya. Iyung hindi siya halos makatulog hanggang sa kasunod na klase. At kung saan siya nabagot. Anong klase ang halos isumpa niya sa kawalang-halaga. Mas gusto ba niyang magbasa talaga o mas gusto niya ang mga lab work bilang Bio major? Ano kayang iniisip niya noong una siyang mag-dissect ng mga hayop sa lab classes niya. Kung iniisip ba niya ang kamatayan ng palaka, o ng daga, o ng pusa sa mga kamay niya. Malamang. Wait, may mga pusa bang dina-dissect sa klase? Bakit hindi? May off limits bang hayop? Paano sila mapag-aaralan? Ano ang tingin niya sa katawan ng mga hayop na ito? Sa lamanloob ng mga ito? Sa kasarian ng mga ito? How about the human body? Ano ang tingin niya sa katawan ng tao? Ilang hubad na katawan na ng tao ang nakita’t ginalugad niya sa ngalan ng pag-aaral? Ilan ang buhay, ilan ang patay? Ano kayang nararamdaman niya habang ginagawa iyon? May kinalaman ba ito kung bakit interesado siya sa klase tungkol sa mga pagpaslang?
At––oo nga pala, paano siya napunta rin sa pagtula-tula?
OBVIOUSLY, NAINTRIGA nga ako kay Enkidu. Pagkatapos na pagkatapos ng unang klase namin, tiningnan ko ang mga lumang isyu ng H–– sa University Archives. H–– ang literary publication sa college. Naging miyembro nito ang maraming importanteng pangalan sa literary scene ng Pinas na nagmula sa Catholic university na pinagtatrabahuhan ko. Well, importante kasi nanalo ng awards––Palanca, Free Press, National Book Award, the works. May ganitong literary ambition din ba si Enkidu?
Nalaman kong never pala siyang nag-shift. BS Biology talaga ang kurso niya simula freshman year, batay sa mga bio note niya. At simula freshman year, e, miyembro na siya ng H––. Nang makita ko ang mga tula niya, nagulat ako dahil nasa Filipino lahat. Sa Filipino siya nagsusulat? Ingles siya nang Ingles sa klase, pero kapag pala tumula siya, Filipino.
Pina-photocopy ko lahat ng nakita kong isinulat niya sa mga isyu ng H–– simula nu’ng freshman year niya. Labing-apat na tula. May isang maikling-maikling sanaysay na puwedeng basahing malaprosang tula. Malamang, e, ipinasa niya talaga bilang prosang tula. Nag-double check pa ako na wala talaga akong na-miss. Tiningnan ko kahit ang mga byline na kaduda-duda kung totoong pangalan. Baka nom de plume, baka siya talaga. Wala, hindi uso sa mga batang ito ang paggamit ng nom de plume. Para saan nga naman? Ano ba ang totoong at risk sa mga isinusulat nila? Mental health nila? Natawa ako sa sarili ko. Naisip ko ang mga pagkakataong sinasabi ko sa mga klase ko na wala akong pakialam sa mental health ng kahit sino. Anyway, if you are really suffering mentally, sabi ko pa lagi, wala ka naman talagang pakialam kung may pakialam man sa iyo ang iba o wala. You’re already there.
One time, may sumagot, hindi siguro nakatiis. But, Doc Abel, you won’t kick someone who’s already suffering, di ba.
At least, the kid had the presence of mind to call me Doc Abel. Kung wala akong pakialam sa suffering niya, sa kaniya, sabi ko, bakit ako mag-e-effort na sipain siya?
But, sir, don’t you think that not being careful with our words when we’re around people suffering mentally is like kicking someone when they’re already sick?
Now, let’s not be overly dramatic with our analogies. Who gets to decide which words are careful and which ones are not? When I just say I wanna kill you, is that the same as actually trying to kill you?
Hindi na siya sumagot. Hindi ko na rin maalala ngayon ang hitsura ng estudyante kong iyon. Sa isip ko, naglalaho sila, ang mga mukha nila, naghahalo-halo sila’t naglalabo-labo na puwedeng maging kahit sino ang sino.
Hanggang naging estudyante ko nga si Enkidu.
Pagkauwi sa condo, inupuan ko ang mga tula niya habang nagkakape pagkatapos ng hapunan. Masyadong cerebral, obserbasyon ko agad sa mga una. How predictable for someone like him. At parang may umaliwalas sa loob ko na hindi siya kasing-opaque ng iniisip ko. Na iyung charm niya kanina ay puwedeng momentary lang, short-lived, pero hindi nga magtatagal at mawawalan din naman talaga ng kapangyarihan. Ano kung nabasa niya rin ang lahat ng nobela ni Gregorio Pablo? Pero iyon nga, giit ng kabilang bahagi ng utak ko, malamang na nabasa niya rin ang lahat ng nobela ni Pablo, the Gregorio Pablo, and it cannot amount to nothing.
Ipinagpatuloy ko ang pagpasada sa mga tula. At totoo, halos walang emosyon, walang lungkot, walang pighati, walang kabiguan, na tulad ng madalas na makita sa mga tula ng mga kaedad niya. Hindi rin tungkol sa pag-ibig ang mga ito. Walang pag-ibig, walang kapayapaan, walang katarungan, walang katahimikan, wala kahit kasiyahan. Para bang ang inspirasyon niya, sa halip na personal na karanasan, sa halip na relasyon at mga damdamin, mga titik mismo, mga salita. Pagbabasa at mga anyo. Madalas, hindi ko maintindihan ang tula niya. Pero may kung anong gayuma pa rin. Tulad ng lahat ng misteryo. May hiwagang hindi mo maintindihan kaya hindi mo maiwan-iwan. Kaya hindi ka maiwan-iwan. Pero sa simula lang ito, paalala ko ulit sa sarili. At some point, kung paulit-ulit lang ang hiwaga, nagiging predictable rin. Mawawalan din nga ng gayuma.
Natapos ko ang labing-apat na tula sa pagitan ng paghigop ng kape at pagtanga sa kawalan. Pagkatapos, binasa ko ulit sang-ayon sa pagkakasunod-sunod ng pagkakalathala nila. Pinag-aaralan ko ang pagkaunlad ng utak ng estudyante kong ito na mukhang hindi lang nabasa na ang lahat ng nobela ni Gregorio Pablo kundi mukhang nabasa na ang lahat ng ipinababasa ko sa klase. Pagkatapos, pinasadahan ko ulit ang labing-apat na tula, this time, e, arranged alphabetically ang pamagat.
Okay, bago mo ako pangunahan, aaminin ko nang na-obsess ako sa kanya. At least sa utak niya. At least sa simula. Iyan, ha, hindi mo na kailangang ipamukha sa akin. Ako na mismo ang nagsasabi. Na-obsess ako sa sa kanya. Day 1 ng klase at ang nilu-look forward ko ay ang kasunod na linggo para sa ikalawang meeting namin at kung anong sasabihin niya sa Pitumpung Patnubay. Tumayo ako sa dining table at hinanap ko ang kopya ng ko ng nobelang iyon ni Pablo. Wala, hindi ko makita. Nasa opisina ko ba? Inisa-isa ko ulit ang mga libro sa bookshelf ko sa kuwarto. Wala talaga.
Binalikan ko ang mga tula ni Enkidu sa dining table na working table ko rin sa condo. Nire-arrange ko ulit, ngayon naman, batay sa dami ng linya. Sinimulan ko sa pinakamaikli niyang tula na nasa volume 46 ng H––, sa page 48. Nine lines lang.
Karnabal
Dakilang karnabal ng di-nakikitang
paghuhunos ng mga espiritung may mahika
ng realismo, tulad sa nobelang binanghay
upang lumikha ng suliranin at wakas.
Mapa ng paggising at paghimbing
ang aklat ng tiyanak sa isipan.
Walang ibang makaaalam, purgatoryo
itong babalik-balikan. Mangmang
akong tutula tungkol sa paglikha.
‘Tang-‘na, sabi ko sa sarili ko. May estudyante palang ganitong tumula? Second year pa lang siya nito. Tula na may nobela. May mapa, may purgatoryo. May karnabal at mahika, may espiritu at realismo, may paghuhunos at wakas. Nagsisimula sa dakila, nagtatapos sa paglikha. Ang labo, parang nanggagago. Pero parang buo rin, parang mayroon akong nakuha kahit hindi ko nahawakan. Ang lakas ng tama ng batang ito. Kumusta ba ang childhood nito? Anong pamilya ang kinalakihan niya? Kung pangalan niya ang pagbabatayan ko, hindi mahirap isipin na lumaki siya sa educated na mga magulang, mahilig magbasa, o mahilig sa kasaysayan, at the very least. Sino ang magpapangalan ng anak nila kay Enkidu? May kapatid ba siya? Ano, Patroclus naman?
Tiningnan ko kung may FB siya. Siyempre, naintriga na ako talaga. Babago pa lang ang FB noon. Meron. Buong pangalan talaga. Enkidu Torres. Akala ko ba En na lang? Kaso, naka-private, obviously. Profile pic lang niya at cover photos ang puwede kong makita. Iyung cover photos na viewable, tatlong weird stock photos na malamang nakuha sa kung saan online. May isang pusa sa ibabaw ng mesa na gulat na nakatingin sa kamay na lumalabas sa screen ng bukas na laptop para mag-type sa keyboard. Iyung isa, mukhang alien na multo na nakahubad, at kulay puti lang ang balat, kakulay ng party hat sa ulo at ng hawak na lobo sa kaliwang kamay at ng sigarilyong nakaipit sa mga daliri ng kanang kamay. Iyung huli, parang babaeng Asyano na nakaupo sa plastik na bangkito sa madamong gilid ng lawa, hawak pataas ng dalawang kamay ang isang tandang na binubugahan niya ng tubig. What the effing hell, Enkidu.
(Itutuloy)
Si Edgar Calabia Samar ay Associate Professor sa Ateneo de Manila University at may-akda ng mga premyadong nobela at tula.








