“Matagal na tayong di lumalabas.” “Saka na tayo lumabas, pagod ako. Wala rin akong pera.”

Ni Mellodine A. Antonio

“HINDI naman kasi lahat ng pagmamahal, nauuwi sa kasal.” Sadya ang marahan at madalang na bagsak ko ng mga salita.

Nag-angat siya ng mukha.

Sinalubong ko ang mga mata niya.

Rumehistro ang pagkagulat sa kaniya.

Mabilis ang paglatay ng pait sa mga mata niyang naningkit bigla.

Gusto kong isiping may nakita rin akong sakit sa mga mata niyang ilang ulit na tila may pinipigilang bumagsak sa pagpikit.

“Pero mas mahirap kung ipagpapaliban pa. Ang hirap dagdagan ng limang taon. Higit kaysa panghihinayang sa nagdaan, iyong idadagdag pang taon ang mas nakakapanghinayang. Minsan, sapat na ang naging bahagi tayo ng buhay ng bawat isa. Kahit saglit lang.”

Kita ko ang panginginig ang mga labi niya.

May ngatog ang baba.

Pati pisngi, kumibot-kibot.

Nasa mga mata ang maraming tanong.

“Kahit ga’no katindi’ng nararamdaman, may sandaling…”

Pinilit niyang ikubli ang bumagsak na mga luha mula sa mga mata niya.

Pero traidor ang mga ito. Mabilis na nag-uunahan. Masagana.

“Kahit ga’no pa katindi’ng nararamdaman. Kahit gaano pa kalalim ang pagmamahal. May pagkakakataong hanggang doon na lang. Kailangang tuldukan para mas maging magaan. Para mas hindi tayo mahirapan. Para mas madali tayong makapagsimula ulit.”

Nakatitig ako sa kaniya.

Siya. Siya na naging buhay ko sa loob ng limang taon. Siya na inikutan ng mundo ko. Siya na inakala kong tutupad sa pangako niyang kasal at hayaan ko lang siyang makapaghanda sa loob ng tatlong taon.

Kinalimutan ko ang doktrinang kinamulatan ko: Kasal bago magsama; kasal bago ikama.

Para sa kaniya, kinalimutan ko ang mga ‘dapat’.

Sinunod ko ang nararamdaman.

Pikit-mata pero bukas ang puso na tumalon – lumusong sa seryosong relasyon.

Magaan sa una.

Hati kami sa lahat. Upa sa bahay. Groceries. Laba. Luto. Linis ng bahay.

Lahat.

Hati sa lahat.

Lahat-lahat.

“Ikaw muna’ng maglaba ngayon, pagod ako, e.”

“Sige. Ikaw na lang next week,” nakangiti kong sagot. Alam kong pagod siya.

Tumango siya bago pumasok sa kuwarto.

Dalawang oras kong binuno ang labada. Nagluto muna ako ng meryenda bago ko siya pinuntahan sa kuwarto.

Naroon siya. Nakahiga.

Hawak ang cellphone.

Dinudutdot iyon.

Nakangiti. Matamis.

Iyong ngiting nakapagpakilig sa akin noon.

Iyong ngiting laan para sa akin.

Akala ko, akin lang.

Dati-rating akin lang.

Kita ko ang pagkagulat sa mabilis niyang pagkilos para itago ang hawak-hawak na aparato.

Mabilis na pumikit. Nagpanggap na tulog kasabay ng biglang pagtagilid.

Inilapag ko ang platong may lamang pansit canton – Iyong paborito niya. Iyong madalas naming pagsaluhang dalawa.

Limang minuto kong pinakuluan bago inihalo ang mga sangkap na pampalasa.

Nilahukan ko pa ng itlog na nilaga para mas masarap.

Kaya lang, parang mas masarap kaysa dala ko ang ginagawa niya base sa sarap ng ngiti niya kanina.

“Meryenda,” mahina kong alok nang tabihan ko siya.

Ungol ang sagot niya. “Antok pa ‘ko,” halos bulong na sagot.

Tumayo ako.

Kinuha ko ang platito ng pansit.

Muntik malaglag ang itlog.

Humakbang ako palabas.

Marahan ko ang hinila ang pinto.

Ayokong maabala ang sinasabi niyang antok.

Kahit kailan, ayokong maging abala sa kaniya.

“OT kami. Bukas ulit. Marami kaming tinatapos. Huwag mo na ‘kong hintayin sa hapunan.”

Tango ang sagot ko na ni hindi na yata niya nakita dahil sa bilis ng pagtalikod niya.

“Bago’ng t-shirt mo, a,” pansin ko sa suot niyang bago sa mga mata ko.

Kabisado ko ang mga damit niya. Alam ko kung ilang piraso dahil ako ang naging opisyal na tagalaba, tagatupi, at tagaplantsa sa mga damit naming dalawa.

“Hindi ko ‘to binili, ha!” depensa niya.

Oo nga pala, may sinasabi siyang pinag-iipunan niya.

“Sa’n galing?”

Iwas ang mga mata niya sa pagsagot. “Bigay. Sa trabaho. Lahat kami, meron. Hindi lang ako.”

Napangiti ako. Galante siguro ang boss niya o kung sino mang nagbigay sa kaniya. Kayang magbigay sa kanilang lahat ng magandang t-shirt na tiyak akong may presyo.

“Matagal na tayong di lumalabas.”

“Saka na tayo lumabas, pagod ako. Wala rin akong pera.”

Hindi ko yata naitago ang tampo sa tinig ko dahil paasik ang sagot niya.

“Kahit magkwek-kwek lang tayo sa plasa.”

“Wala ngang pera!” padabog siyang tumayo. “Hirap na hirap na nga sa pagba-budget, dumadagdag ka pa!”

Iniwan niya akong mag-isa sa sala.

Tulala.

Unang pagkakataong ganoon ang reaksiyon niya.

Unang pagkakataong iba ang tigas ng sagot niya.

Unang pagkakataong, napahiya ako sa sarili.

Nanliit.

Nagmukhang tanga.

“Matagal na tayong di lumalabas.”
“Saka na tayo lumabas, pagod ako. Wala rin akong pera.”

“Kumusta’ng araw mo?” Niyakap ko siya habang kapuwa kami nakahiga sa kama.

“Gano’n pa rin.” Hinigit niya ang kumot. Itinakip sa katawan niya. Pati ulo, itinago niya.

“Kuwentuhan muna tayo,” malambing na bulong ko. Tinangka kong humilig sa dibdib niya.

Kumislot siya.

Pumiksi.

Iniiwas ang sarili.

“Pagod ako.” Tahasang tanggi sa inuumpisahan ko.

“Aalis ka na?”

Lumingon siya bago buksan ang pinto. “Oo. Maaga kami ngayon.”

“Sige, ingat.” Tumingkayad ako para gawaran siya ng halik sa labi.

Bumiling siya.

Tumama ang mga labi ko sa panga niya.

“Sige. Alis na ‘ko,” walang lingon na sabi bago isinara ang pinto.

Kumunot ang noo ko.

Bago umalis, nakagawian na namin ang paghalik – hindi sa pisngi – sa labi!

Pero…

Bakit…?

Ilang ulit na ring ganoon.

Sa ilalim ng dutsa, bumagsak ang mga luha ko.

Hindi luha ng galit kundi ng lungkot.

Malalim na lungkot.

“Magsama na tayo para malaman natin kung compatible tayo. Parang trial marriage. After three years, kung okey tayo, e, di, magpakasal na tayo.”

Iyon ang sinabi niya noong inihahatag niya sa akin ang gusto niya sa relasyon namin.

“Mag-level up na tayo. Kakasawa na rin ‘yong date-date. Bitin.”

Ayoko noong una. Iba ang gusto ko. Kasal sana muna.

“Ikakasal din naman tayo. Di lang agad-agad. Mag-iipon muna. Mas masarap iyong nag-iipon tayong magkasama para mas ma-motivate tayo.”

Pinag-isipan ko.

Mali.

Mas pinakiramdaman ko.

Naroon ang kilig.

Iyong malalim na kilig na gusto niyang i-level up ang relasyon namin.

Magkasama kaming naghanap ng paupahan.

Iyong di masyadong malayo sa pinagtatrabahuhan namin pareho.

Nagsimula sa isang mug, isang plato, dalawang kutsara’t tinidor. Hanggang nakabili ng kama’t silya. Hanggang iyong kuwadradong kuwarto, nagmukhang tahanan, hindi lang basta bahay.

Inilibot ko ang mga mata sa kabuoan ng inuupahan namin.

Puno na ng laman, pero hungkag ngayon sa pakiramdam.

Iyong silya sa kainan, ilang buwan na ang gumagamit, ako lang.

Iyong mug at pinggan, sa akin lang ang kailangang hugasan. Iyong sa kaniya, matagal-tagal na niyang di nagagamit. Madalas, pag-uwi, pagod siya. Hindi na kakain. Papasok na lang siya sa kuwarto para gumising sa umaga at umalis uli.

Kinatamaran ko na ring magluto. Ako rin lang naman ang kumakain. Madalas siyang busog o kaya naman, walang gana dahil sa pagod.

Hindi ko nga matandaan kung kailan kami huling nagsabay kumain.

Hindi ko na maalala kung kailan kami magkasamang humiga, nagtabi, nagyakap man lang sa kama.

Hindi ko na tiyak kung kailan ang huling halik sa labi bago siya umalis.

Hindi ko na rin tiyak kung kailan namin sinabing mahal namin ang isa’t isa.

“Sa’n ka pupunta?” kunot noong tanong niya.

Nagkibit ako ng balikat. “Baka sa kaibigan. Baka sa magulang. Baka sa kung saan.”

“Ano’ng kalokohan ‘yan?”

“Kaya ako aalis dahil ayoko ng lokohan!”

Nakita ko ang dagling pagbabago ng kulay ng mukha niya.

Bigla ang pagkabalisa.

“Pagaanin natin ang mabigat,” sabi ko.

“Ano ba ang mabigat?” mahina niyang tanong.

Nagpakawala ako ng tawa. Tawang walang saya. “Ito. Ikaw. Ako. Tayo.”

“May plano pa tayo. P-paano ang k-kasal? Nag-iipon ako.”

Tumango-tango ako.

“Baka para na sa iba ang plano mo. Baka hindi na ako ang dahilan ng pag-iipon mo. Lampas na ang tatlong taon. Nalampasan na natin ang pagtupad sa pangako. Patapos na rin ang limang taon. Parang malabo na rin namang maging totoo ang pangarap. Baka rin…” Hinuli ko ang mata niyang hindi niya makuhang isalubong sa akin. “Wala na palang pangarap na tutuparin dahil burado na sa puso’t isip ng nangarap ang dati niyang pangarap.”

“P-pero –”

Tumayo ako.

Inayos ang mga dadalhin.

“Iyong mga gamit dito sa bahay, sa iyo na. Sa inyo na, kung sino man siya.”

Bumadha ang gulat sa mga mata niya. “W-wala namang –”

Umiling ako. “Alam naman nating pareho na may iba kaya ka nag-iba.” May kirot akong nadama. Masakit aminin. Mabigat sabihin. “Alam mo rin namang madali akong kausap kaya nagtataka ako kung bakit kailangan mo pa ‘kong lokohin. Sarili mo lang naman ang niloloko mo dahil alam mong kapag nagsabi ka, hindi kita pipigilan. Hindi ako magmamakaawa. Hindi kita iiyakan.”

“W-wala. W-wala naman kasing i-iba.” Salat iyon sa paninindigan. Kapos sa katotohanan. “A-ano lang… Ano lang…”

Umiling ulit ako. “Pero hindi rin naman ako mananatili habang niloloko mo lang.” Humigit ako ng hangin mula sa baga. “Nagsimula tayo nang maayos. Magtapos tayo nang maayos.”

“Ayusin natin. Please, ayusin natin.”

“Wala na tayong aayusin. Wala naman kasing magulo. Malinaw na kasi.”

“Huwag mo ‘kong iwan. Huwag naman,” may ngatal sa boses. Hindi maikubli ang matinding takot.

“Ikaw ang nang-iwan. Ikaw ang umalis. Matagal mo na ‘kong iniwan sa relasyon natin. Matagal na akong nag-iisa. Matagal na ‘kong walang kasama.” Dinampot ko ang isa sa mga bag ko. “Ibinibigay ko lang sa iyo ang gusto mo.”

“Ikaw ang gusto ko!”

Sunod-sunod na iling ang sagot ko.

Humakbang siya palapit sa akin.

Hinawakan ang magkabilang balikat ko.

“Ikaw ang gusto ko. Tutuparin natin ang mga pangarap natin. Tutuparin ko’ng pangako ko sa ‘yo!”

May kasamang luha ang tawa ko.

Damang-dama ko ang sakit – ang kirot – ang pait.

“Ikaw ang gusto ko! Hindi iba! Ikaw lang!” namamaos nitong bitaw. “Oo, aaminin ko, mali ako. Nagkamali ako. Natukso. Napabayaan siguro kita pero wag mo ‘kong ipamigay! Ipaglaban mo ‘ko!”

Napahalakhak ako. Malakas. Matunog. Pumupuno sa silid na iyon. Silid na lang. Hindi na mukhang tahanan.

“Magsimula ulit tayo! This time, pangako, hinding-hindi na kita sasaktan. Hinding-hindi na ‘ko –”

“Magkakasakitan lang tayo,” agaw ko. “Parati akong magtatanong sa sarili kung sapat ba ako. Saan ako nagkulang? Bakit may nakapasok na iba? Bakit may pinapasok kang iba?”

Please…

“Ang hirap dagdagan ng limang taon. Higit kaysa panghihinayang sa nagdaan, iyong idadagdag pang mga taon ang mas nakakapanghinayang. Minsan, sapat na ang naging bahagi tayo ng buhay ng bawat isa. Kahit saglit lang.”

Please… Please…”

Dinampot ko ang iba ko pang bag – mga bag na naglalaman ng maraming alaala – mga alaalang panghahawakan ko hanggang sa kaya ko nang bitiwan. Hanggang makayanan ko nang tanggaping bahagi na lamang iyon ng nakaraan.

Please… Huwag mo ‘kong iwan! Ayusin natin! Ayusin pa natin!”

Pinalis kong kamay niyang huwak sa beywang ko. Pilit kong tinanggal ang mga daliri niyang mariing pumipigil sa akin.

Wala nang saysay kung daragdagan pa ang kasalukuyan. Wala na ring magiging puwang sa kinabukasan dahil narating na ng relasyon namin ang hangganan.