Si Agueda at ang Kanyang Imbensiyon

Habang tinititigan ni Agueda ang kanilang mga likhang-sining, may bigla siyang naisip na kakaibang ideya.

Ni Joanna Marie DC. Oliquino

NAGKUKUMPULAN ang mga estudyanteng gagamba sa tapat ng pintuan ng bagong tayong laboratoryo sa agham. Sabik na sabik silang lahat sa pagbubukas nito. Itinayo ang laboratoryo para turuan ang mga batang gagamba kung papaano lumikha ng iba’t ibang uri ng lason na makakapatay sa mga kinakain nilang langaw, lamok, gamugamo, at iba pang kulisap.

“Napakas’werte talaga natin! Dito sa eskwelahan natin matatagpuan ang pinaka-high tech na laboratoryo sa buong bayan ng mga gagamba,” sabi ni Indoy.

“Oo nga, Indoy. Araw-araw kong inaabangan ang pagbubukas nito. Excited na ‘kong makapasok sa loob!” sabi ni Agueda.

“Tahimik muna, mga bata. Nakikita naman ninyo, hindi kalakihan itong laboratoryo natin. Isang guro at sampung estudyante lang ang puwedeng magkasya sa loob. Napag-usapan namin ng punongguro na ang mga lalaki lang muna ang papayagang gumamit nito,” sabi ni Propesor Gabo.

“Propesor, papaano naman po kaming mga babae, gusto rin po naming makapasok sa laboratoryo at gumawa ng mga imbensiyon,” sabi ni Agueda.

“Agueda, mas malakas ang mga binti ng mga lalaking gagamba kaysa sa mga babae. Magagamit nila iyon sa pagkuha ng pagkain para sa ating lahat. Ipaubaya na lang muna natin sa kanila ang pag-aaral ng agham. Kayong mga babae, tutukan na lang muna ninyo ang pag-aaral ng sining,” sabi ni Propesor Gabo.

Nilapitan siya ng kanyang kaibigang sina Pat at Mari. “Hayaan na muna natin, Agueda. Masaya din naman ang paghahabi,” sabi ni Pat. 

Malungkot na umalis si Agueda kasama ang iba pang babaeng gagamba. Nagtungo sila sa silid-habian at nagpatuloy sa kanilang paghahabi.

Pagkalipas ng ilang linggo, hindi pa rin nakaimbento ng mabibisang lason na pupuksa sa mga insekto ang mga lalaki. Ngunit ang problema, marami nang nakaranas ng gutom dulot ng kakulangan ng mga nakukuha nilang pagkain.

Isang araw, habang naglalakad si Agueda papunta sa kanilang eskwelahan, narinig niya ang usapan ng matatandang gagamba na namamahinga sa mga dahon ng talahib. “Gusto ko nang pahintuin sa pag-aaral ang anak kong babae. Oo nga’t mahalaga ang sining sa kaluluwa nating mga gagamba. Pero hindi naman ‘yan nakakain,” sabi ni Manong Boboy.

Nalungkot si Agueda sa narinig. Naisip niya na baka pati siya ay pahintuin na rin sa pag-aaral ng kaniyang mga magulang.

Pagdating ni Agueda sa kanilang eskwelahan, nilapitan niya ang iba pang mga babaeng gagamba. Nagtipon-tipon sila sa loob ng silid kung saan sila nagsasanay maghabi.

“Kailangan nating makipag-usap kay Propesor Gabo. Siguradong papayagan na niya tayong mag-aral sa laboratoryo at tumulong sa pag-imbento,” sabi ni Pat.

“Tama! Lalo na ngayong nagkukulang na tayo sa pagkain,” pagsang-ayon ni Mari.

Tumango lang si Agueda. Iniisip pa rin niya ang sinabi ni Manong Boboy. Ayaw niyang mapahinto sa pag-aaral ang mga kapwa niya babaeng gagamba, at nangangamba rin siyang lumala ang kagutuman sa kanilang bayan.

“Ano’ng gagawin natin, Agueda? Puntahan na ba natin si Propesor Gabo?” tanong ni Pat.

Wala pa ring imik si Agueda, nakatitig lang siya sa iba’t ibang hugis na hinabi niya kasama ang kaniyang mga babaeng kamag-aral gamit ang kani-kanilang sapot. May hugis tatsulok, ispayral, at parihaba. Nakatambak lang ang mga ito sa silid-habian. Habang tinititigan ni Agueda ang kanilang mga likhang-sining, may bigla siyang naisip na kakaibang ideya.

Niyaya niyang lumabas sina Pat, Mari, at iba pa nilang mga kamag-aral. “Saan tayo pupunta?” tanong ni Mari.

Habang tinititigan ni Agueda ang kanilang mga likhang-sining, may bigla siyang naisip na kakaibang ideya.

“Basta sundan n’yo lang ako,” kabado ngunit sabik na sabik si Agueda.

Umakyat siya sa pinakamalapit na halaman sa silid-habian at pumuwesto sa matibay na sanga. Doon niya sinimulan ang paghahabi. Ginamit niya ang mga natutuhan niya sa klase nila sa sining. Pinagdugtong-dugtong niya ang mga hugis na tatsulok, ispayral, at parihaba hanggang sa makabuo siya ng isang napakatibay na bitag.

“Agueda, bakit ka diyan gumagawa ng likhang-sining?” pagtataka ni Pat.

Maya-maya ay may biglang dumapong lamok sa bitag na ginawa ni Agueda. 

“Halika kayo! Pagsaluhan natin ang lamok na ‘to,” sabi ni Agueda. 

Nagsiakyatan ang mga babaeng gagamba sa mga sanga ng halaman. Ginaya nila ang ginawa ni Agueda. Nagtulong-tulong sila sa paghabi ng mga matitibay na bitag. Dumapo sa mga bitag na ito ang iba’t ibang uri ng kulisap, at masayang nagsalo-salo ang mga babaeng gagamba.

Umabot hanggang sa laboratoryo ang tawanan nina Agueda. Narinig ito ni Indoy kaya naisipan nitong lumabas at puntahan ang mga babaeng kamag-aral.

“Ano’ng ginagawa n’yo diyan sa taas?” pag-uusisa ni Indoy.

“Umakyat ka dito, Indoy, may surpresa kami sa ‘yo,” sabi ni Pat.

Mabilis na umakyat sa mga sanga si Indoy. Manghang-mangha ito sa mga hinabi nina Agueda. “Papaano ninyo ‘to ginawa?” tanong ni Indoy.

Ipinaliwanag ni Agueda ang proseso sa paghahabi ng bitag. “Kalaban natin dito ang gravity kaya kailangang siguraduhing matibay ang pagkakagawa sa bitag, nang sa gayon ay hindi ito masira sa oras na tumapak dito ang mga lamok at langaw. Ang paghabi ng ganitong mga klase ng hugis ang susi sa pagpapatibay ng bitag,” sabi ni Agueda.

“Napakasiyentipiko naman ng pagkakapaliwanag mo, Agueda. Akala ko sa sining lang puwede ang mga babae. Mahusay din pala kayo sa agham,” sabi ni Indoy.

“Indoy, sa totoo lang, magkatuwang ang sining at agham. Pareho itong makatutulong sa pag-unawa natin sa ating kapaligiran,” sabi ni Agueda.

“At hindi lang ‘yon, makatutulong din ang sining at agham para makakain at mabuhay tayo,” sabi naman ni Mari.

Sa mga sumunod na araw, itinuro ni Agueda ang paghahabi ng bitag sa iba pang mga gagamba sa kanilang bayan. Simula noon ay wala nang nakaranas pa ng gutom dahil lahat sila ay madali nang nakahuhuli ng lamok, langaw, at iba pang kulisap.

Pinayagan na ring makapasok ang mga babaeng gagamba sa laboratoryo sa agham, at sinimulan na ring ituro sa mga lalaking gagamba ang paggawa ng iba’t ibang likhang-sining.

Masayang-masaya si Agueda dahil sa wakas, nauunawaan na rin ng mga kapwa niya gagamba na ang pag-aaral ng sining at agham ay parehong mahalaga. Higit pa rito, natutuwa rin si Agueda dahil naging pantay na rin ang pagtingin ng lahat sa babae at lalaking gagamba.