Ang Pitumpu’t Pitong Puyo ni Piyo

Ginalaw niya ang kaniyang mga paa nang makulit, maharot, at nuknukan ng likot. At hindi nagtagal, siya’y umangat, lumutang, at nakatakbo sa ibabaw ng tubig.

Ni Eric Ruiz Roxas

SA ikapitong gabi ng ikapitong buwan pitong taon na ang nakararaan, sa ikapitong barong-barong sa tabing-dagat ng Sityo Pulong Maingat, iniluwal ni Pura ang ikapito niyang anak na pinangalanan niyang Piyo.

Sa unang tingin, pangkaraniwan itong si Piyo gaya ng ibang mga sanggol sa sityo. Pero nang paliguan na si Piyo, nagkandautal ang manghihilot at ang kaniyang mga mata’y nagkandaduling. Sa mabalihong ulo ng sanggol ay mayroong siyang natuklasan—mga paikot-ikot, mga bilog-bilog… mga puyo! Maraming maraming puyo! Hindi isa… hindi dalawa… hindi sampu… tatlumpu… o limampu… ngunit…

“Pitumpu’t pitong puyo!” hingal na sabi ng matanda pagkatapos magbilang. “Ayon sa kasabihan, ang sanggol na walang puyo ay tatandang mainam, ang may isa’y kagaya ng karamihan, at ang may dalawa nama’y, naku po, sinumpang magiging makulit, maharot, at malikot magpakailanman.” Napatingin muli siya sa mga puyo ni Piyo at napakrus. “Ay, paano na kaya kung pitumpu’t pito pa? Mahabaging Diyos ng Alon! Kawawang Pura.”

At hindi nga nagkamali ang manghihilot. Sapagkat lumaki si Piyo na nuknukan ng likot at tila kabuntot ang sandamakmak na perwisyo.

Noong siya’y isang taong gulang…

“PIYOOOOO!” sigaw ng kanilang mga labanderang kapitbahay nang humalambitin sa sampayan ang sanggol at sumirko-sirko papunta sa kanilang mga batya.

Noong siya’y tatlo…

“PIYOOOOO!” bulyaw ng mga mamang mangingisda nang pagbuhul-buhulin ng bata ang kanilang mga lambat at gawing duyan ng mga alaga niyang tuta.

Noong siya’y lima…

“PIYOOOOO!” tili ng kaniyang mga kalaro nang iwasiwas ng bata ang mainam nilang mga sagwan sa matitigas na bakawan.

At kamakailan lang, noong siya’y naging pito…

“PIYOOOOO!” hiyaw ng buong Sityo Pulong Maingat nang ipinambalibag ng bata ang kanilang mga dinadaing na isda sa mga mga umaali-aligid na mga uwak.

Napuno ng reklamo ang tabing-dagat.

“Hoy, Piyo! Ang kulit, harot, at likot-likot mo!”

“Di mo ba alam na imbak nating pagkain ang iyong mga sinayang?”

“Paano na tayo ngayong may paparating na bagyo?”

Blurb:

“Sadya bang perwisyo ang iyong pitumpu’t pitong puyo?”

Pumadyak-padyak si Piyo. “Gusto ko lang naman makatulong.”

“Bilang parusa,” sabi ng Punong Barangay, “pulutin mo ang mga isda at ika’y magbantay-dagat.”

Mabigat man sa loob, sumunod si Piyo sa hatol.

Pagsapit ng hatinggabi, napaupo sa buhangin si Piyo, yakap-yakap ang sisidlang puno ng isda. Tumanaw siya sa madilim na dagat. “Haaay. Bakit ba kasi ang harot ko? Bakit ba—?” Siya’y napatigil sa naaninag. “Ano iyon?”

Doon sa dagat, sa di kalayuan, ay may isang malaki’t mahabang anino.

“Iyan ba ‘yung bagyo? Bakit korteng…?”

WAAAAAAAAAANGGG! Umalingawngaw mula sa anino ang nakabibinging ingay. Kasunod ay ang pagsindi ng pula’t umiikot-ikot na ilaw sa tuktok nito.

Silaw man at mabingi-bingi si Piyo, unti-unting naging malinaw sa kaniya ang lahat. Ang anino’y hindi bagyo, ngunit isang barko! Isang dambuhalang barko na gawa sa bakal!

Ginalaw ng barko ang mga bakal din nitong mga kamay at nagbagsak ng malaking lambat. Pagkalipas ng ilang segundo, iniangat ng barko muli ang lambat na nag-uumapaw na sa isda, korales, at iba pang yamang dagat.

Nagtatalon si Piyo at sumigaw, “Mga kapitbahay! Gumising kayo!”

Lumabas ang lahat mula sa kanilang mga barong-barong at tumungo sa dalampasigan. “Ano na naman kayang perwisyo ang dala ni Piyo ngayon?” 

Ngunit nang makita na nila ang nakadaong na barko, naglaho ang inis nila’t napalitan ng pagkamangha.

“Ano pong ginagawa ng barkong iyan sa ating dagat?” tanong ni Piyo sa Punong Barangay.

“Marahil sila’y naligaw,” sagot ng Punong Barangay.

Lumapit ang mga kabataan ng kanilang sityo. “Kami’y maglalayag patungo sa barko. Ituturo po namin sa kanila ang tamang daan.”

Iwinagayway ni Piyo ang kaniyang kamay. “Sama ko!”

“Hindi puwede!” sagot ng mga kabataan bago pumalaot. “Perwisyo ang iyong pitumpu’t pitong puyo!”

Pagsapit ng bukang-liwayway, bumalik ang mga kabataan. “Di po kami nagkaintindihan.” Itinuro nila sa Punong Barangay ang banyagang pangalan na nakasulat sa gilid ng barko. “Iba po ang kanilang wika. Ni ‘di po nila kami pinakinggan.”

“Hindi pinakinggan?” tanong ng Punong Barangay. “Baka kinulang kayo sa lambing.”

Lumapit ang mga kababaihan ng kanilang sityo. “Kami’y maglalayag patungo sa barko. Sila po’y aming ngingitian at papasalubungan ng ating tuyong pusit, dilis, at tamban.”

Iwinagayway ni Piyo ang kaniyang kamay. “Sama ko!”

“Hindi puwede!” sagot ng mga kababaihan bago pumalaot. “Perwisyo ang iyong pitumpu’t pitong puyo!”

Pagsapit ng pananghalian, bumalik ang mga kababaihan. “Kami’y kanila lamang tinawanan,” sabi nila sa Punong Barangay. “At ang mga dala naming pagkain ay kanilang tinaasan ng kilay.”

“Tinaasan ng kilay?” tanong ng Punong Baranggay. “Baka kinulang kayo sa tapang.”

Lumapit ang mga kalalakihan ng kanilang sityo. “Kami’y maglalayag patungo sa barko. Sisindakin namin sila gamit ang aming mga itak.”

Iwinagayway ni Piyo ang kaniyang kamay. “Sama ko!”

“Hindi puwede!” sagot ng mga kalalakihan bago pumalaot. “Perwisyo ang iyong pitumpu’t pitong puyo!”

Dapithapon na nang makauwi ang mga kalalakihan. Sila’y hapong-hapo at basang-basa. “Di po sila nasindak,” sabi nila sa Punong Barangay. “Ang aming mga sigaw ay sinuklian nila ng pagbomba ng malakas na tubig.”    

Humingang malalim ang Punong Barangay. “Paano na kaya tayo? Di umubra ang ating dunong. Di umubra ang ating lambing. At di umubra ang ating tapang.”

Iwinagayway ni Piyo ang kaniyang kamay. “Baka po umubra ang likot ko?”

Ginalaw niya ang kaniyang mga paa nang makulit, maharot, at nuknukan ng likot. At hindi nagtagal, siya’y umangat, lumutang, at nakatakbo sa ibabaw ng tubig.

Natigilan ang lahat bago sumabog ang malakas na halakhakan.

Inagaw ni Piyo ang sagwan mula sa Punong Barangay at itinulak ang bangka papunta sa dagat. “Makikita ninyo!”

Mabilis na napuntahan ni Piyo ang barko. Tumingala siya at sumigaw, “TAO POOOOO!”

Pero, gaya noong sa mga kabataan, walang pumansin sa kaniya.

Kinatok niya ang gilid ng barko. TONG! TONG! TONG!

May sampung banyagang lalaking dumungaw.

Kumaway si Piyo at ngumiti. “Puwede po ba kayong makausap?”

Sumimangot ang mga banyaga at, gaya noong sa mga kababaihan, sila’y nagtaas ng kilay.

Humingang malalim si Piyo at humiyaw. “UMALIS KAYO SA AMING DAGAT AT ITIGIL NINYO ANG PAGNANAKAW SA AMING MGA ISDA!”

Sumagot ang mga banyaga sa pamamagitan ng pagbuga ng kanyon ng tubig, gaya noong sa mga kalalakihan. WOOOOOOOSH!

Agarang tumalon si Piyo sa dagat. Ginalaw niya ang kaniyang mga paa nang makulit, maharot, at nuknukan ng likot. At hindi nagtagal, siya’y umangat, lumutang, at nakatakbo sa ibabaw ng tubig. “Belat!” Dumila siya sa mga banyaga. “Habulin n’yo ko!”

Namilog at kumurap-kurap ang singkit na mga mata ng mga banyaga. Hindi sila makapaniwala sa kanilang nakita. Ginalaw nila ang kanyon ng tubig at pilit hinabol ang matulin na bata.

Sa kaliwa… WOOOOOOOSH!

Sa kananWOOOOOOOSH!

Sa gitna…WOOOOOOOSH!

Sa likod…WOOOOOOOSH!

Ngunit nabigo sila. Sobrang likot ni Piyo talaga! Sa sobrang likot nga’y may unti-unting nabuo sa ibabaw ng dagat—mga paikot-ikot, mga bilog-bilog, at parang mga puyo… mga ipo-ipo! Maraming maraming ipo-ipo! Hindi isa… hindi dalawa… hindi sampu… tatlumpu… o limampu… ngunit…pitumpu’t pitong ipo-ipo!

Ang alon ay umuga-uga. Ang barko ay umalog-alog.

“AAAAAAHHHHHHH!” Tarantang hinila ng mga banyaga ang kanilang angkla, pinaandar ang makina ng barko, at kumaripas papalayo. WAAAAAAAAAANGGG! 

Nagtagumpay si Piyo!

Ang buong Sityo Pulong Maingat ay nagbunyi. Kasama rito ang mga kabataan, mga kababaihan, mga kalalakihan, ang Punong Barangay, pati na ang mangiyak-ngiyak sa tuwa na si Pura, at ang kaniyang anim pang mga anak. Sabay-sabay silang nagtalunan, nagpalakpakan, at nagsigawan. “PIYOOOO! PIYOOOO! PIYOOOO!”

Kumaway si Piyo sa kanilang lahat at humiyaw. “Yehey! Hindi perwisyo ang aking pitumpu’t pitong puyo!”