KUWENTO NG MANIKA

Iniupo ako ni Andrea sa isang silya sa tabi ng "Christmas Tree"

Ni ORLANDO R. NADRES

(Ang akdang ito ay nagwagi ng Ikalawang Gantimpala sa timpalak na Pang-Estudyante at unang inilathala noong ika-13 ng Disyembre, 1954.)

HINDI ko alam kung saan ako nagbuhat. Basta’t isang araw ay nakita kong maraming taong nakatingin sa akin, na ang karamiha’y mga batang babae. Ako’y nasa isang may kalakihan din namangkahon. Nakatayo ang kahon. Naliligid ako ng mga salamin. Magandang-maganda ang aking damit. Marami akong kasamahan na mga kamukha ko rin. Iba lamang ang kanilang damit. Ang damit ko ay rosas, samantalang ang kanila ay dilaw, asul, berde, at iba pa.

            Pumipikit ako at dumidilat at kapag pinisil ang aking tiyan ay umiiyak ako. Masakit kasi, e.

            Kaya pala maraming tao ay malapit na ang Pasko.

            Isang gabi, ako ay biglang kinuha ng mga tagapagtinda. Tinakpan ako at binalot.

            Nang itindig ako ng aking bagong tagapag-alaga at dumilat ako ay nakita kong napakaganda ng bago kong bahay. Makintab ang sahig at magaganda ang mga kasangkapan.

            Maganda rin ang aking bagong tagapag-alaga. Ang pangalan niya ay Wilma. Mabait si Wilma at inaalagaan niya akong mabuti.

            Isang araw ay binihisan ako ni Wilma. Magandang-maganda ang aking bagong damit. Ngunit nang umalis si Wilma ay dumating ang kanyang kapatid na si Junior.

            Biglang sinaklot ako ni Junior at hinatak ang aking buhok. Nasaktan ako, ngunit hindi marinig ni Junior ang aking pagdaing. Natanggal ang aking buhok. Kalbo ako ngayon. Sira-sira ang aking bagong damit.

            Dumating si Wilma.  Nanghilakbot si Wilma nang makita ako.

            Nakita kong kinurot ni Wilma si Junior. Umiyak si Junior. Nagalit ang Nanay ni Wilma at sinaway ang dalawa. “Hayaan mo’t ibibili kita ng bago!” sabi kay Wilma ng kanyang Nanay.

            Dinampot ako ni Wilma. Nguni’t inihagis niya ako at halos maputol ang aking mga paa. Hindi na ako mahal ni Wilma. Pumikit na lamang ako. Umiiyak ang aking puso.

            Kinabukasan ay dumating ang bagong kapalit ko, ngunit maganda naman ako kaysa kanya. Maganda lamang ang damit niya at saka may buhok siya.

            Halos magputok ang aking dibdib. Hindi na nga ako asikaso ni Wilma. Hindi na niya ako dinadamitan. Inihahagis na lamang ako sa sulok.

            Kahapo’y naputol ang aking dalawang paa at kanang kamay. Masakit na masakit ang aking loob. Ang natitira na lamang sa akin ay ang aking kaliwang kamay, katawan at ulo.

            Marahil, kung gerilya ako, ay pensiyonado na ako ngayon. Napakahirap ngayon ang aking buhay. Wala nang nagmamahal. Ang akala ko ay gagamutin ako ng Nanay ni Wilma nang damputin ako at ang aking mga paa at kamay na tanggal.

            Inilagay ako sa isang waste basket. Kinahapunan ay inilagay ako sa basurahan.

            Wala na, wala nang nagmamahal sa akin! Naaalaala ko noong ako ay bihis, may paa, kamay at buhok, at ako ay maganda pa. Mahal na mahal ako ni Wilma. Laging bago ang aking damit. Ngunit ngayon, wala nang nagmamahal sa akin… wala na…

            Nguni’t maya-maya’y nakarinig ako ng malalakas na tinig. May nag-aaway! Dalawang batang babae!

            Natalo ang isa at ako ay dinampot. Kinipkip ako ng nanalo at kinuha ang mga paa’t kamay ko. Idinugtong uli ang paa’t kamay ko. Nilagyan ang ulo ko ng buhok ng mais, matapos akong linisin. Naginhawahan ako nang ako’y linisin ng batang babaing pumulot sa akin.

            Kahit naman hindi magarang tahanan ko ngayon ay mahal na mahal naman ako ni Andrea, ang pumulot sa akin sa basurahan. Mabait si Andrea, ang bago kong tagapag-alaga. Mabait siya kaysa kay Wilma. Lagi niya akong kasiping sa pagtulog. May mga damit din naman ako kahit na punung-puno ng plaster ang aking binti at braso. Hindi makakaya ni Andrea na bumili ng ihahalili sa akin. Walang ibibili si Andrea ng ipapalit sa akin. Kaya nagkakasya na si Andrea sa akin.

            Ako na lamang ang mamahalin niya.

            Iniupo ako ni Andrea sa isang silya sa tabi ng Chirstmas Treena uwi ng kanyang Tatay. Maraming gayak ang Christmas Tree,may ilaw pa. Tuwang-tuwa ako. Madalas ay lumalapit sa akin si Andrea at ngingingitian ako.

            “Bukas, Pasko na,” sabi ni Andrea. “Ginawa ng Nanay ko ang bago mong bestido, iyong kaputol ng luma kong bestido na sira ang itaas. Pinili ng Nanay ‘yong buo para maging baro mo!”

            Nasiyahan ako. Makararaos na rin ang Pasko kahit na lumang damit ni Andrea ang idaramit sa akin, bukas!