Ni RAFAEL d’ALARCON
(Unang nailathala: LIWAYWAY Hunyo 20, 1949)
Di ka sinisisi
Mutyang binibini
ngayong sa labi mo ay humalimuyak
ang ngiti ng isang sariwa pang rosas,
yamang tinanggap mo ang unang kalatas
ng isang pag-ibig na iyong liningap;
Sa mga mata mo’y kinang ng liwanag
ang basal na tuwang ganda ng pangarap.
Noong ako’y bata,
sariwang-sariwa
na tigib ang puso sa pananaginip,
ganyan din ang aking tuwa’t pagtatalik;
Balang tanggapin kong liham ng pag-ibig,
karugtong ng hagdang paakyat sa langit;
Bawat basahin kong mapanuyong titik
karamtang makulay ng tuwang nagbihis.
Nguni’t nang lumimot
ang aking pag-irog,
sa kalatas niyang padala sa akin,
nabulag ang ilaw ng aking bituin;
Gumupo ang hagdan ng isang mithiing
ang kinasandiga’y bundok ng buhangm;
Isang luwalhating nangapit sa baging
ay lumagping layak sa putpot ng hangim,
Kaya pakinggan mo
itong aking payo;
Hindi luwalhati ang kaligayahan,
ang ligaya’y hindi kaluwalhatian;
Ang tuwa’y paunang pangungusap lamang
ng talagang aklat ng kapighatian;
Ang pula ng saga’y karugtong na kulay
ng itim na dusing sa pisngi ng buhay!








