Ni DEMETRIO L. HILBERO
(Ang akdang ito ay nagwagi ng Unang Gantimpala sa timpalak na “Bagong Dugo” at unang inilathala noong ika-26 ng Marso, 1962.)
TINAPIK-TAPIK muna ni Tata Kamilo ang likod ni Malusog bago niya ito sinakyan. Nanurok ang matitigas na balahibo ng kalabaw sa kanyang maong. Dalawang ulit na ipinilig ni Malusog ang ulo; ipinaltik-paltik ang buntot. At, sa minsang padyak ni Tata Kamilo ay humakbang ito. Mabagal, subali’t matatag.
Pantay-noo na ang silahis ng araw, subali’t tulog pa ang Bantayan. Puyat ang karamihan. “Naglamay kagabi!” naisaloob ni Tata Kamilo, habang sinusuyod ng kanyang paningin ang paligid.
Kapistahan dito kahapon. Taunang pagdiriwang pagkalipas ng tag-ani. Aniya’y kahapon na ang pinakamarangyang pista sa kasaysayan ng Bantayan. Tatlong banda ang musiko. Tulig sa putok ang madla, subali’t suko sa saganang handa. Mabibilang sa sampung daliri ang mga hindi nagbuwal ng hayop. At, ang palabas kagabi’y pambihira. Hugot pa diumano sa dalawang malalaking dulaan sa lunsod ang nagsiganap. Minagdamag sa plasa ang mga tao.
Inangat ni Tata Kamilo ang kanyang sambalilo nang matapat si Malusog sa bisita ng nayon. Kitang-kita niya ang altar. Kulimlim na ang dambana ni San Roque. Nalusaw nang lahat ang hindi mabilang na kandilang itinirik kagabi. Ulila ngayon ang paligid ng bisita na kahapo’y mistulang Kiyapo sa hanay ng magkakandila, magbabalot, magkakalamay, magmamani at pulubi. Walang nalabi kundi mga piraso ng papel at dahong balutan ng kakanin.
Ang matinding ingay: himig ng organo, tili ng kantora, tunog ng batingaw, tugtog ng musiko, sambulat ng kuwitis, iyakan ng sanggol, ubo ng sipunin, alok ng tindera, luhog ng pulubi, kantiyawan ng lasing, kalog ng beto-beto, anyayang pabalat-bunga, tangging hele-hele, ay nilagom na ng katahimikan. Singhalan na lamang ng mga asong nanghihimod ng balutang dahon ang naririnig.
Ang pondahan ni Petra na kahapo’y pinagdumugan ng mga binatang barik ay tahimik. Lagtas ang mga dinding na sawali at nagkalat sa lapag ang mga boteng basag. Doon naglabu-labo ang ilang tin-edyer kagabi. Lima ang isinugod sa pagamutan, kabilang si Petra.
Nasa tapat na ng entablado si Malusog nang isuot na muli ni Tata Kamilo ang sambalilo. Puyat na puyat ang entablado sa kanyang paningin. Ang malaking tanghalang kagabi’y lunod sa liwanag at batbat sa makukulay na telon ay hubad na buhay ngayon. Naglawit na lamang ang mga dahon ng niyog na dati’y palamuti.
Hapis na hapis, tulad sa dalagang pinagtaksilan ng kasuyo.
Lagut-lagot na ang leteng ng mga banderilyang kahapo’y nagkunday-kunday sa hangin. At ang mga barung-barong na naghanay sa magkabila ng daan ay nangakapinid. Salat na sa panlabas na mukha ng kasaganaan; nagbalik na ang karaniwang anyo ng pagdarahop. Ang mga tinungkong kalan sa mga bakuran na nagpaligsahan kahapon sa ningas ay malamig na ngayon. Tiwangwang ang mga talyasi, palayok at kaldero. Waring nagluluksa sa dami ng biyayang tumakas sa bangan.
Nagkiskis ng posporo si Tata Kamilo at sinindihan ang dayaming nakalatag sa tumana. Ilang saglit pa’y magkakaharap na silang dalawa sa lilim ng mangga
Tatlong ulit na ipinadyak ni Tata Kamilo ang kanyang mga paa sa tagiliran ni Malusog. Hudyat yaon upang bilisan ng hayop ang paglakad. Bahagyang tumingala si Malusog; muling pumaltik ang buntot, at dumalas ang malalaking hakbang. Nasiyahan si Tata Kamilo. Pagal na ang kanyang paningin sa mga labi ng pistang nagdaan. Lason sa kanyang isipan.
Nagugunita pa ni Tata Kamilo na halos ay siya lamang ang tumutol nang pag-usapan ng mga taong-nayon ang tungkol sa pista. Tanging sa Ba Ulong na katulong niya sa bukid ang nagpahiwatig ng pagpanig sa kanya.
“Bakit nga ba tayo gugugol nang malaki?” ayon nito nang gabing tumawag ng pulong ang pangulo ng pagdiriwang. Makapal noon ang tao, di-mahulugang karayom. Dumalo ang buong Bantayan.
Ganoon ang Bantayan. Kapag tumawag ng pulong ang tininti upang lutasin ang suliranin ng nayon, tulad ng abuluyan sa pagtatayo ng paaralan o paglalagay ng poso, ay ilan lamang ang sumisipot. Ngunit. Kapag ang tungkol sa pista ang pagpupulungan ay nagmamadali ang lahat. Bata’t matanda, babae’t lalaki ay tila agos na hindi mahadlangan upang ihayag ang kanilang pagkatig sa malaking gastos.
“Bakit pa tayo gugugol ng malaki?” sabi niya noon. “Magpamisa na lamang tayo sa karangalan ni San Roque. Mahina ang ani natin sa taong ito. Madalang ang ulan. Mababa ng ilang kaban ang ani ng karamihan kaya pangkaraniwang ani. Napakataas ang halaga ng maga bilihin. Pati abonong pampataba ng lupa ay doble ngayon ang halaga. At dukha naman tayong lahat. Bakit kay laki-laking halaga ang hinihingi ninyong abuluyan? Hindi kailangang gumugol tayo ng daan-daan sa musiko, paputok at palabas. Sapat na ang misa’t prusisyon sa gabi,” pagpapayo pa ni Tata Kamilo.
Ngunit tutol ang lahat.
“Kung ang Tambakan, kaliit-liit na nayon ay nakapagpista ng tatlong araw, tayo pa kayang mga taga-Bantgayan, pagkalaki-laking baryo? Ba, ano na lamang ang sasabihin sa atin ng mga taga-ibang lugar? Barkada tayo ng mga kuripot?” piksi ni Kakang Digoy.
Palakpakan. Di-magkamayaw ang mga tao. Ipinagbunyi ng mga ito si Kakang Digoy.
“Bakit tayo tutulad sa kanila?” lumalaban pa rin si Tata Kamilo. “Manahin natin ang magagandang gawa ng mga taga-Tambakan. Pero, huwag ang magugol na pista.”
Umugong ang mga pagtutol. Nanggitil sa poot ang marami.
“Asar!” sigaw ng ilan.
“Kuripot!” sumbat ng iba.
Noon sumabad si Tandang Tomas. Pumayapa ang lahat. Iginagalang sa Bantayan si Tandang Tomas. Una, sa dahilang ito ang pinakamatanda sa nayon; pangalawa, sapagka’t nag-iingat diumano ng maraming anting-anting.
“Makasagot nga ako sa usapan ng mga bata,” nanginginig ang tinig ni Tandang Tomas. “Hindi naman marahil kaululan ang pista. Nagisnan ko ang ating mga ninuno na nagpipista taun-taon. Panahon pa ni Rizal; sumiklab ang rebulosyon; dumating ang ‘Merkano; nagbomba ang Hapon; bumalik si Makartur; namundok si Taruk; sa mga panahong ‘yo’y nagpista sila. Walang nagbintang na yao’y kauluhan, sapagka’t ang pista’y isang kaugalian.”
Muling nagbunyi ang mga tao. Humanga kay Tandang Tomas.
Nagsalita uli si Tata Kamilo. Ipinaliwanag na hind niya sinabing ang pista’y kaululan. Ang kaululan ay ang paggugol nang labis. Ang pagkuha ng tatlong banda ng musiko sa halip na isa lamang; ang mamahaling palabas; labis na putok, maluhong handa…
Subali’t nayamot ang lahat kay Tata Kamilo. Nilunod ng mga ungol ang kanyang tinig. At nang umuwi siya mula sa pulong ay sinumbatan pa siya ni Inang Mameng.
“Bakit ka ba salungat sa gusto ng marami? Maiiwasan mo ba ang pista? Ku…” at umungol si Inang Mameng, “kaya hindi tayo pagpalain ni San Roque, e hinahadlangan mo ang pista!”
Napailing si Tata Kamilo sa bahaging yaon ng kanyang pagdidili-dili.
Nailayo na pala siya ni Malusog sa mga bahayan. Pitak-pitak na bukirin na ang kanilang dinaraanan. Tigang na tigang ang mga bukid na bagong pinag-anihan. Mamutok-mutok ang mga bugal ng lupa sa kakulangan ng ulan. Di na halos mapansin ang hamog. Ang munting kanal na namaybay sa lansangan, at tanging pag-asa ng mga magsasaka bilang patubig, ay halos said na. Magiging sagana lamang sila sa tubig kung magpapanay ang ulan. Ngunit batay sa sikat ng araw nang umagang yaon ay nahuhulaang matatagalan pa bago dumating ang tag-ulan.
“Mahina na naman ang susunod na ani,” himutok ni Tata Kamilo.
Sariwa pa kay Tata Kamilo ang mga kagipitang dulot ng magugol na pista.
Noong binata pa siya ay napaliban ang kasal nila ni Inang Mameng pagka’t di-naiwasan ng kanyang Tatay ang gumugol nang malaki sa pista. At nang isilang ni Inang Mameng ang kanilang panganay, nabaon si Tata Kamilo sa utang sapagka’t ang perang inimpok nila ay natapong lahat sa pista. Gumagapang na ang bata nang matagpuan niya ang huling hulog sa utang. At ngayon, kaya siya tutol na tutol ay bayaran na naman sa eskuwela. At ibig niyang makatapos kahit sa haiskul ang kanyang anak.
BAHAGYANG bumagal ang paghakbang ni Malusog. Binabagtas na nito ang munting landas patungong punong mangga sa tabi ng bukid ni Tata Kamilo.
Habang nagmamandala ay umuukilkil sa alaala ni Tata Kamilo ang pista kahapon. Maraming handa si Inang Mameng. Ni hindi nito sinangguni si Tata Kamilo bago namili. Parang hinahatak ang tadyang ni Tata Kamilo tuwing dudulog sa kanilang hapag ang langkay-langkay na panauhin. Kung pista lamang nagkaroon ng sari-saring putahe ng karne sa kanilang dampa, ngunit ibang tao pa ang nagpapasasa. Ikalawa na ng hapon nang mapatid ang dating ng mga mamimista. Subali’t, nang mag-ikalima’y higit pa ang dumating.
“Kayo na sana ang bahalang magpapaumanhin sa aming handa,” ulit-ulit pang habol ni Inang Mameng na tila siya pa ang nangutang ng loob.
Tigmak sa pawis si Tata Kamilo nang dumating si Inang Mameng na may dalang pagkain. Sukdulan na ang init ng tanghali. Ikinakalat na niya ang dayaming lumabis.
“Husto na ‘yan,” sabi ni Inang Mameng. “Lalamig ang pagkain.”
Nagkiskis ng posporo si Tata Kamilo at sinindihan ang dayaming nakalatag sa tumana. Ilang saglit pa’y magkakaharap na silang dalawa sa lilim ng mangga.
“Ano’ng ulam?” tanong ni Tata Kamilo.
“Nagsangag ako ng hipon. May nilagang talong diyan sa basket. Isawsaw natin sa suka.”
“Wala bang natirang…?”
“Wala, taob ang talyasi kagabi. Hindi mo ba alam? Kudkod pati tutong!” Hindi tumitingin sa kanya ang asawa.”
Sumubo si Tata Kamilo. Mabagal ang daan ng kanin sa kanyang lalamunan.
“Wala bang sabaw?” tanong niya.
Walang sagot.
Sinipat ni Tata Kamilo ang kanyang asawa. Payapang kumakain ito. Walang bahid ng alalahanin. Sa mukha nito’y nasinag niya ang larawan ng buong nayon. Napailing siya.
Bumaling siya sa bukid. Madilim ang usok na nagmumula sa dayaming sinisigan niya: sindilim ng kabuhayan nila hanggang sa susunod na tag-ani. Natitiyak niya.







