Ni WILFREDO P. VIRTUSIO

(Ang akdang ito ay nagwagi ng Ikatllong Gantimpala sa timpalak na “Bagong Dugo” at unang inilathala noong ika-14 ng Mayo, 1962.)

PABAGSAK na naupo si Abogado Lucio Mijares sa malampot na sopa. Pagal na pagal siya nang umuwi nang hapong iyon. Mulang umaga hanggang sa magpinid ang malaki niyang bupete ay wala siyang tigil sa pakikipag-usap sa mga kliyente. Pumikit siya. At nasa ganito siyang kalagayan nang maramdaman niyang may pumulupot sa kanyang leeg, at pagkatapos ay dalawang palad ang mariing tumakip sa kanyang mga mata.

May ngiting naglaro sa kanyang mga labi. Masuyo niyang hinawakan ang dalawang kamay na alam na alam niyang kay Lina. Nalanghap niya ang pabango ng asawa nang hagkan siya nito sa pisngi.

“May bagong moda bang labas ngayon?” biro niya. Gayon si Lina kapag may gustong hilingin sa kanya.

Kumawala si Lina sa kanyang pagkakahawak. Naupo sa silyang kaharap niya. Sumimangot. Napailing si Lucio. Napangiti.

Tinitigan siya ni Lina. Hinihintay ni Lucio na magsalita ang asawa. Ngunit nakatingin lamang sa kanya ito.

“Ang ganda mo pala pag nakasimangot,” sabi niyang nanunukso. Ngunit biglang nawala ang kanyang ngiti nang mapuna niyang hindi man lamang nangiti si Lina.

“Bakit ba?” Ngayo’y may balisa nang nakalangkap sa kanyang tinig. “May dinaramdam ka ba?”

Umiling si Lina. Tumanaw sa labas ng bintana, waring may malalim na iniisip. Pagkuwa’y tumitig sa kanya. Matagal.

“Si Inay…. S-sumulat sa ‘tin…”

Napatuwid sa pagkakaupo si Lucio. Kumibut-kibot ang magkabila niyang pilipisan.

“Pa’no nalaman niyon?” sa wakas ay nakuha niyang itanong.

“Nabasa raw nila ‘yong tungkol sa ginawang party dito… nagbaka-sakali nga raw si Inay… Si Junior…”

Saglit na natigil si Lina. Tumingin muna sa kanya ito bago nagpatuloy. “Nag-aaral pala si Junior… pero huminto na rin… d-dahil…”

“Dahil sa gumawa na naman ng kalokohan, ano?” matigas na agaw ni Lucio at biglang tumindig.

Saglit na hindi nakahuma si Lina. “H-hindi…” anito at bumuntunghininga. “Kulang na kulang daw ang sinasahod ni Ben. Dahil si Ising… nag-aaral pala. Kaya huminto na muna si Junior.”

Nagsindi ng sigarilyo si Lucio. Gayon siya, kaagad ay sumisilakbo tuwing mababanggit ang tungkol sa kanyang pamilya—sa sarili niyang pamilya.

Apat silang magkakapatid. Siya ang panganay. Si Junior ang bunso. Noon, buhay pa man ang kanyang ama, ay magulo na sa kanilang pamilya. Sugarol ang kanyang ama. Iresponsable. Maging sa harap nilang mga anak ay nag-aaway ang kanilang mga magulang, nagtutungayawan. At habang nagkakaisip, unti-unting umusbong ang hinanakit sa kanyang dibdib. Natuto siyang maghimagsik.

Nag-aral siya sa sariling sikap. Nagtrabaho sa araw at nag-aaral sa gabi. Hindi siya umasa sa tulong ng ama. Ayaw niyang may maisumbat ito pagdating ng araw.

Tapos na siya ng abugasya, at may trabaho nang mabuti nang mamatay ang kanyang ama. Bigla ang pagkamatay nito: sakit sa puso. At mula noo’y napilitan na siyang balikatin ang tungkuling naiwan nito. Ginawa niya ang lahat upang mabago ang pagtingin ng tao sa kanilang pamilya. Ibig niyang tingalain ang pamilya Mijares sa kanilang bayan, sa Santa Barbara.

“Kasama nang nalibing ni IItay ang ano mang di mabuti sa pamilyang ito,” wika niya nang mailibing ang kanilang ama. Magkaharap silang lahat noon: si Ben, si Ising, si Junior, at ang kanilang ina. “Pagsumikapan nating lahat na makagawa ng mabuti, na ikatatampok natin dito.”

Lalo siyang nagsikap sa trabaho, at ilang taon lamang ay nahirang na siyang katulong na piskal.

Pinukaw ng pagsasallita ni Lina ang pagdidili-dili ni Lucio. “Dear, pumunta tayo sa kanila, ha? Ibig kong makita naman sina Inay… lalo na si Junior…”

Nasa tinig ni Lina ang pagsusumamo, ang waring pagmamakaawa. May limang taon na silang kasal ni Lina, at magpahanggang ngayo’y hindi pa nito nakikita ang kanyang pamilya. Siya na rin ang nagbawal kay Lina.

“Dear,” muli niyang narinig, “kahit ngayon lang…”

Bumilis ang buga nng usok ni Lucio. Lumakad siya sa may bintana. Tinanaw ang ibang bunggalo sa paligid. Ang magagandang hardin. Pagkuwa’y muli siyang naupo. Minasdan ang kabahayan. Nasa gawing kaliwa ang piyano. Mamahalin ang ilang huwego ng silya. May telebisyon. Sa matiyagang pagsisikap, napundar niya ang lahat ng ito. At hindi lamang ito, malaki ang pag-aalang-alang sa kanya ng mayayamang naninirahan sa subdibisyongg iyon. Kilalang-kilala ang bupeteng Mijares & Associates.

“Lucio, para mo nang awa…” Ngayon, para pang naririnig ni Lucio ang pakiusap ng kanyang ina. “Tulungan mo si Junior!

Hindi siya tumitinag sa pagkakaupo noon. Waring nakikita niya ang pagguho ng itinatayo niyang bantayog. Akala niya’y matutupad na ang hangarin niya sa buhay. Iginagalang na ng mga mamamayan sa Santa Barbara ang kanilang pamilya. At kadalasa’y naririnig niya: ‘Yan ang pamilya! Marangal! Karapat-dapat na tularan ang pamilya Mijares. At waring kinakasihan ng kapalaran, nakatakda na siyang humalili sa punong piskal ng Santa Barbara.

Kaya, nang maganap ang pagkakasangkot ng bunso niyang kapatid na si Junior sa isang nakawan, ay parang bumagsak sa kanya ang langit.

“Wala akong magagawa, Inay!” Napasuntok siya noon sa mesang sulatan.

“May tungkulin akong dapat gampanan. Kung nagkasala si Junior, tungkulin kong usigin siya. Kung kailangan siyang ipabilanggo, ipabibilanggo ko siya.”

“Lucio, isip-isipin mo rin. Kung mabibilanggo si Junior, lalo kang magiging kahiya-hiya. Tulungan mo siyang maabsuwelto…”

Pinagbiling-biling niya noon sa isip ang sinabi ng ina. Paano nga kung mabilanggo si Junior? Siya, si Lucio Mijares, pinagpipitagan ng lahat, may kapatid na magnanakaw?

“Tutulungan ko si Junior,” buong kapaitan niyang pagpapahinuhod, “ngunit magbibitiw muna ako!”

Gayon nga ang ginawa niya. Nagbitiw siya bilang katulong na piskal. Siya ang nagtanggol sa kapatid. Madaling napawalang-sala si Junior. Ngunit kinabukasan din, pagkatapos ng bisita, ay umalis siya. Labis niyang ipinagdamdam ang nangyari. Noo’y may trabaho na ang sumunod sa kanya, si Ben. Naisip niyang mabubuhay na nito ang mag-iina. Nagpunta siya sa Maynila. Dito niya nakilala si Lina, isang guro, at pagkaraan ng ilang buwang pagiging magkasintahan, ay napakasal sila, Nagtayo siya ng bupete. Umunlad iyon at talaga sanang malilimutan na niya ang sariling pamilya hanggang sa tanggapin nga ni Lina ang liham ng kanyang ina.

            “Ano, di mo na ‘ko sinagot? Pumunta tayo bukas, ha?” At lumapit sa kanya si Lina. Naupo sa kanyang tabi. Pinisil-pisil ang isa niyang palad. Alam niya: pinapaglulubag lamang ni Lina ang kanyang damdamin.

“Sa madaling-araw tayo lumakad. Alam mo, talagang gustung-gusto kong makita sila!

Parang binusan nang malamig na tubig ang puso ni Lucio. Nakaramdam siya ng pagkapahiya. Kay Lina. Sa sarili. At unti-unti, naramdaman niyang nalalamuyot ang kanyang kalooban.

“Siguro, mas guwapo sa personal si Junior, ‘no? Saka ang Inay, maputi na siguro ang buhok. Paris nang mamatay ang ‘Ma…” Biglang natigil si Lina sa pagsasalita. Napayuko.

Nakadama si Lucio ng pagkaawa sa asawa. Ulila nang lubos si Lina. At magpahanggang ngayong may limang taon na silang kasal ay hindi pa sila nagkakaanak. At alam niya: ito ang dahilan ng laging pamamanglaw ni Lina. Ng pagpupumilit na makadalaw sa kanyang kaanak.

            “Pupunta tayo bukas,” sang-ayon na rin niya. “Pero babalik tayo agad!”

MADILIM-DILIM pa nang ilabas ni Lucio ang kotse kinabukasan. May apat na oras na takbuhin ang Santa Barbara. Wala siyang imik habang nagmamaneho. Waring nagsisisi siya sa pagpapahinuhod sa ibig ng asawa. Naririmarim siya, nasusuklam tuwing magugunita ang nanyari kay Junior. At matibay niyang naipasiya na hindi na mauulit ang pagdalaw na ito sa Santa Barbara.

            Itinigil niya ang kotse sa tapat ng isang malaki rin namang bahay. Walang nagbabago, naisaloob niya. Iyon pa rin ang bahay na ipinatayo niya pagkamatay ng ama.

            Pumasok sila sa tarangkahan. Wala siyang nadaramang pananabik, manapa’y nababagot siya. Nakita niyang bumungad sa pintuan ang kanyang ina. Gulilat at matagal bago nakakilos.

            “P-panhik k-kayo,” anyaya nito, at napuna ni Lucio ang pangangatal ng ina.

            Nang makaupo, inilibot ni Lucio ang tingin sa kabahayan. Kumunot ang kanyang noo nang mapunang wala ang ibang kasangkapang binili niya noon. Pati ang aparador na lalagyan niya ng mga libro sa batas ay wala na rin.

            Nag-usap sila. Nagbalitaan. At nadama niyang bigla siyang nanliit nang sabihin ng ina na ipinagbili nito ang ilang kasangkapan sa bahay.

            “Kinapos kami…” sabi ng kanyang ina, at minsan pa, paranng may hinanakit na sumapi sa tinig nito. “Wala akong magawa pang iba. Kulang ang sinasahod ni Ben…”

            “Si Junior ho?” narinig niyang tanong ni Lina.

            Nakita ni Lucio ni Lucio na nangulimlim ang mukha ng ina. Biglang nahapis. Kumibot ang mga labi nito.

            “Isa pa ‘yong… ipinagdaramdam ko,” malungkot na wika nito. “Huminto nga sa pag-aaral. Ayoko  sana. Sabi ko, maigagapang ko rin ang kanyang pag-aaral… sa paglalako ng isda… sa paglalabada…”

            Biglang-bigla, nadama ni Lucio na tila may lumamukos sa kanyang puso. Napayuko siya.

            “Pero ayaw pumayag ni Junior. Sabi, ang Ate Ising na raw niya ang magpatuloy. Huwag na raw akong magtrabaho. Siya na raw lamang. At no’ng ‘sang linggo nga, nakasuwerteng makakita ng trabaho…” At tuluyan nang humulagpos ang tinitimping damdamin ng kanyang ina. Naiyak ito. “Mabigat ang katawan kagabi, pero nagpipiko rin siya ngayon… do’n sa kalsada…”

            Paikpik ang katahimikang namagitan sa kanila. Nakatungo si Lucio, mahigpit na kuyom ang mga palad. At nang balingan niya si Lina, nang makita niya ang kislap ng mga mata nito, ay bigla siyang napatindig. Napakapit sa likod ng silyang inupuan.

            “S-saan…” Hindi na niya naituloy ang sasabihin. Basag ang kanyang tinig. At bahagya na niyang narinig ang higit na basag na tugon ng ina.

            Mabilis ang mga hakbang na tinungo niya ang hagdan. Sali-salimuot na bagay ang naglalaro sa kanyang isip. At nagunita niya ang dating larawan ni Junior: pitis na pitis ang pantalon, mahaba ang buhok, nasa anyo ang pagwawalang-bahala sa buhay. Madalas, araw-gabing kasama ng mga kabarkada.

UMALIMBUKAY ang makapal na alikabok nang biglang itigil ni Lucio ang kotse. Namataan niya sa ibayo ng daan ang isang pulutong ng manggagawa. Abot sa kanyang pandinig ang alingawngaw ng pikong tumatama sa matigas na bato. Hindi nakaila sa kanya ang halos magkakasabay na pagbaling ng tingin ng mga manggagawa, nang malapit siya sa mga ito. Kinikilala siya.

            “Aba, si Abogado Mijares!” bulalas ng isa, na ikinalingon niya. “Junior, eto’ng kapatid mo!”

            Kitang–kita ni Lucio ang pagkabiglang nalarawan sa mukha ng bunsong kapatid nang mag-angat ito ng ulo. Ngunit pagkuwa’y muli itong tumungo, at ipinagpatuloy ang pagpipiko. Parang dinudurog ang dibdib ni Lucio. Kagat niya nang mariin ang labi habang pinagmamasdan ang kapatid. Namumuti sa alikabok ang mahaba at gusto na buhok. Sunog ang balat. Naglitaw ang malalaking ugat sa bisig. Ito nga ba si Junior? Hindi siya makapaniwala.

            “J-June,” nasambit ni Lucio pagkaraan ng ilang saglit. Tumigil ang pagbaba’t pagtaas ng kamay ni Junior, ngunit nanatiling nakatuon ang paningin sa lupa.

            Alam ni Lucio ang damdamin ng kapatid. Nag-aalangan ito sa kanya. Ngunit batid niya: sa ikinikilos ni Junior ay may ikinukubli itong hinanakit. Marami siyang nais sabihin sa kapatid, subalit ang tangi niyang nasabi: “H-hinihintay ka ng Ate Lina mo… Gusto ka raw niyang makita.”

            Nangingislap ang mga mata ni Junior nang tumingin sa kanya. Mariing nakalapat ang mga labi. Pumikit, at pagkatapos ay muling napayuko.

            Nilapitan ni Lucio ang kapatid. Kumikinig ang balikat nito. Inakbayan niya ito. Pinisil ang balikat. Sa pamamagitan niyo’y ibig niyang ipadama sa kapatid ang damdamin niya nang mga sandaling iyon: Higit na dakila at dapat ikarangal si Juniorr sa sampu mang Abogado Lucio Mijares.