SA BAWAT LANDAS

"Naaalaala mo pa ba ang laging usapan natin noon?" anang simula ng liham ni Mario kay Delfin. "Na hindi tayo makapapayag na mamalagi sa ating hikahos na kapaligiran?"

Ni RUFINO ARANETA

(Ang akdang ito ay nagwagi ng Ikalawang Gantimpala sa timpalak na “Bagong Dugo” at unang inilathala noong ika-19 ng Nobyembre, 1962.)

HUNYO 10

Delfin,

Nakatatawang-nakaiinis ang unang araw ko rine sa Maynila. Laging nakabuntot ang paningin ng Tiya Lilay. Hindi raw ganoong ang wastong pakikipag-usap. Ganito raw. Ganoon. Dito’y parang muli akong isinilang. Madalas ko tuloy magunita ang mga araw natin diyan. Malaya. Tahimik. Walang paninimbang. Dito’y nakapiit ako sa pagtutunggali ng aking damdamin. Naiisip ko tuloy na talagang wala kang dapat ikainggit sa akin nang lisanin ko ang ating nayon.

                Sa lunes ay magpapatala na ako sa kolehiyo. Ang gusto ko sanang pag-aralan ay malayang sining, tulad ng sinabi ko sa iyo. Pero ang gusto ng Tiya Lilay ay medisina. Sa palagay ko’y hindi ako makatututol.

                Balitaan mo naman ako ng mga gawain mo ngayon sa araw-araw.

                Ang brod mo,

                Mario

                —

                Lukban, Quezon

                Hulyo 5

Mario,

                Simula pa lamang, kaya ka naninibago. Talagang ganyan. Bagong daigdig, bagong pakikisalamuha. Pasasaan ba’t hindi ka rin masasanay? May katwiran namang subaybayan ka ng tiya mo. Sa ikabubuti mo rin ang kanyang ginagawa. Buti’t nagkaroon ka ng pagkakataong ni sa panaginip ay hindi darating sa buhay ko.

                Tama ang tiya mo. Higit ngang maganda ang kinabukasang naghihintay sa iyo sa medisina. Kung ako ikaw, wala akong gagawin kundi sumunod. Sa ngayon, wala pa akong naiibang maibabalita sa iyo. Tulad din ng dati, nagsisimula na naman kaming mag-araro. Nagpuputik na naman ang daangnayon.

                Delfin

                —

                Hulyo 21

Delfin,

                Ang yayaman ng mga kaklase ko sa medisina. At marami ring magaganda. Isang convertible model 1954 ang binili ng Tiya para gamitin ko sa pagpasok. Ayaw niyang mahuhuli ako sa mga kaeskuwela ko. Pero nahihirapan ako sa pag-aaral. Talagang malayung-malayo ang isip ko sa kursong ito.

                Gayon man, unti-unti ko nang nasasarapan ang buhay rine. Walang putik. Walang kalabaw. Walang pamahiin! Sunod kong lahat kay Tiya Lilay ang mga kapritso dahil sa sinusunod ko ang gusto niya.

                Sana ay narito ka.

                Mario

                —

                Agosto 1

Mario,

                Maraming salamat sa maganda mong hangarin sa akin. Pero paano ang kapirasong bukid na sinasaka ko? Magsikap ka na lamang sa iyong pag-aaral at ang tagumpay mo’y tagumpay ko na rin. Pangarap nga natin na makaalis dine. Pero ngayon ko nakitang talagang para dine ako sa nayon.

                Ngayon ko unti-unting natutuklasan na may kasiyahan din sa mahihirap na gawaing bahagi ng aking daigdig.

                Dinalaw kong minsan si Sonia at nabanggit niya sa akin na sumulat ka. Hindi pala totoo ang kutob ng loob ko na sa sandaling yumapak ka sa Maynila ay malilimot mo na siya. Ang ipinagtataka ko lamang ay kung bakit iisa ang sulat mo sa kanya. Hindi ko tuloy mabanGgit na dalawa na ang sulat mo sa akin. Bakit ganoon, Mario? May nakabihag na ba sa iyong tisay na kaklase mo? Sabihin mo lamang at ipagpapatuloy ko ang pamimintuho ko sa kanya. Alam mo namang kaya lamang ako umurong noon ay dahil sa nagbigay ako sa iyo.

                Defin

                —

                Agosto 15

Delfin,

                Naaalaala mo pa ba ang madalas nating mapag–usapan noon? Noong magkasama tayong lagi sa pagpapastol? Na kapwa tayo sapilitang gagawa ng paraan upang makaalis sa kinamulatan nating daigdig. Na hindi tayo makapapayag na mamalagi sa ating kapaligiran; laman ng tindahan ni Nana Iska kung hapon at halos doon na rin abutin ng umaga sa pag-iinuman at walang katuturang paghuhuntahan; mga batang libagin na siyang laging laman ng napuputik na daangnayon; kinabukasang tadtad ng utang at kawalang-pag-asa.

                Tungkol kay Sonia, magiging lubhang sakim naman ako sa kapalaran kung aangkinin ko pa siya. Bahala ka na sa kanya, brod. Hangad ko ang inyong kaligayahan at pag-unlad!

                Mario

                —

                Hunyo 1

Mario,

                Ayaw kong isipin na nilagot na ng ating pagkakalayo ang ating pagtitinginang buhat pa sa kamusmusan. Bagama’t ako ang unang natigil sa ating pagbabalitaan ay hindi nangangahulugang nakalimot na ako. Nalibang lamang ako sa napakarami kong gawain dine at sa paglapit kay Sonia. At dapat dapat mo akong batiin! Nakuha ko ring pangulimlimin sa kanyang puso ang iyong pangalan. Sa katunayan, sa katapusan nitong buwan ay ikakasal na kami. Inaanyayahan kitang dumalo sa munting piging na aming idaraos. Huwag mo nang hahanapin ang mga patay-baboy na handaan dito sa baryo. Unti-unti nang namumulat ang mga kanayon mo na ang gayong labis na paghahanda ay isa lamang pagmamarangya na dapat nang putulin.

                Magugulat ka ngayon sa malaki nang ipinagbago ng ating nayon. Kaya sikapin mong makarating sa araw ng aking kasal. Tungkol sa iyong pag-aaral, inaasahan kong dapat nang inspirasyon sa iyo ang anino ng dating nayong nilisan mo. Alam kong iyon lamang ang pinakamabuti mong tagaakay kung ikaw ay maliligaw. Kumusta na lamang sa iyong tiya at sa mga mestisa.

                Delfin

                —

                Hunyo 15

Delfin,

                Maligayang pagtatalingpuso, brod! Hangad ko ang kaligayahan ninyong dalawa!

                Gustung-gusto ko nga sanang dumalo sa dakilang araw na iyon at magprisinta pang abay mo, pero sa araw na iyon natapat ang aming pagsusulit at wala naman akong magagawa upang iwasan iyon. Alam mo’y talagang mahigpit ang riyenda ng tiya ko at panay ang pagsusuri sa mga nota ko. Nakabuti naman at laging akong mabait.

                Tama ang sinabi mo tungkol sa ating nayon. Ang alaala ng mga araw natin diyan ang mabisa kong puhunan sa ikapagtatagumpay ko. Maalaala ko lamang ang napuputik na daang-nayon ay nag-iibayo ang pagsisikap ko.

                Salamat kung may malaki nang ipinagbago ang ating nayon. Hindi mo man sinabi’y alam kong ikaw ang pasimuno niyon. Ikaw lamang at ako ang nakapupuna sa kapangitan ng buhay at mga tanawin diyan. Sa palagay ko’y hindi malayong maging bida ka rin kung magpapatuloy ang ibinabalita mo sa akin.

                Mario

                Disyembre 15

Mario,

                Hindi ka ba nakaiisip man lamang na dumalaw dine ngayong Pasko? Malapit nang magsilang si Sonia at napag-usapan namin na ikaw ang gagawin naming kumpare. Dumalaw ka naman dine. Marami ring kanayon natin ang nasasabik na makita ka. Kahit magkotse mo. Maluwang na ang dating daan. Sa pagtulung-tulong namin ay naging maganda iyon.

                Tungkol naman sa dating kahinaan ng ani rine, ay malaki na rin ang ipinagbago. Hindi na ngayon nakapupunta ang mga kanayon natin kay usurerong Teban kahit kaaani pa lamang. Patuloy ang kanilang pagkagising. Magagalak kaming makapiling kang muli kahit mga ilang araw man lamang.

Delfin

Disyembre 22

Delfin,

                Ang sarap nga marahil nang diyan magpasko sa baryo. Ang totoo’y nasasabik na rin akong magkita tayo.  Pero ang hirap, ni hindi ako makaugaga sa mga leksiyon ko.

                Ano ngayon ang nararamdaman mo, ngayong ikaw ay malapit nang maging tatay? Siguro, ang takot mo na ngayong abutin ng sibsib sa bukid, ano? Sabihin mo sa ating mga kanayon na hindi naman ako nakalilimot. Marahil, muli tayong magkikita-kita kung bibinyagan na’ng panganay n’yo. Sa araw na iya’y tiyak na magtatanan ako rine kung wala akong panahon. Gusto ko namang mapalitan na ang tawagan natin. Nakasasawa na ang brode, e. Sabihin mo lang kung kailan at nang makapaghanda ako.

                Aasahan ko ang araw na iyon, kumpare.

Mario

Mayo 15

Kumpareng Mario,

                Talagang bilib na bilib sa iyo ang ating mga kanayon. Hindi raw nila akalaing aabutin mo ang ganoon kalaking suwerte. Nakita mo naman kung paano ka nila tinanggap, ano? Naluma mo nang husto si Diputado kung dumadalaw rine pag panahon ng halalan. Nasabi ko tuloy sa sarili na malayo na rin naman ang nararating mo.

                Sang-ilan na lamang at ganap ka nang doktor! At marahil, ni hindi mo naiisip na dine manggamot sa nayon. Sa bagay, wala sa plano natin ang ganoon. At hindi naman hinihintay ng mga kanayon mo na dine mo aksayahin ang napag-aralan mo. Pangarap din nilang matanyag ka, kumpare. Nakararamdam daw sila ng pagmamalaki kung iisiping anak ka ng nayong ito. Kahit ano pa raw ang marating mo’y tiyak na makababahagi sila ng karangalan.

                Kung nabigo man ako sa ating pangarap, ay sisikapin ko namang magtagumpay ang inaanak mo. At alam kong hindi na ako mabibigo. Hindi ako dapat mabigo! Hindi ako dapat mabigo!

                Ang Kumpare mong Delfin

                —

                Mayo 25

Kumpareng Delfin,

                Hindi lamang ang ating mga kanayon ang nagulat at bumilib. Ako man ay halos hindi makapaniwala sa malaking pagbabagong nasaksihan ng aking mga mata. Akalain mo, ang dinatnan kong nayo’y malayung-malayo na pala sa nayong hinangad nating takasan. Hindi ko na mabakas diyan ang pangit na tanawing nakasulukasok, mga batang libangin naglulunoy sa nagpuputik na daan, mga bahay na halos ay matumba na sa kalumaan, mga ama ng tahanang inaabot ng sibsib sa tindahan ni Nana Iska sa pag-iinuman at walang katuturang paghuhuntahan. Ngayo’y punung-puno ng magandang kinabukasan ang paligid ng ating nayon. Paano mo nagawa iyon, kumpare?

                Binabati kita! Alam kong sa iyo utang ang lahat ng pagbabagong aking nakita. Natitiyak kong hindi ka rin mabibigo sa hangarin mo sa aking inaanak. At diya’y may karapatan na akong maghandog ng tulong na hindi mo na matatanggihan. Kung hihiyain mo ako’y mapipilitan akong hilingin sa paring nagbinyag na pawalang-bisa ang binyag na iyon.

                Kumusta na lamang kay Boy at kay Kumare.

                Ang iyong kumpareng,

Mario

                —

                Set. 20

Kumpareng Doktor,

                Binabati kita, kumpare! Akalain mo, si Mario Oseña, ang kababata ko sa pagpapastol ng kalabaw, ay isang doktor na ngayon! At nanguna pa sa pagsusulit. Tigas na pagmamalaki ng inaanak mo. Doktor na raw ang ninong niya.

                Magbakasyon ka naman dine, kumpare. Ang larawan mo na lamang sa peryodiko ang minamalas ng ating mga kanayon. Tuwang-tuwa silang masabi na dati’y kanayon ka nila. Sabik na sabik na rin ang inaanak mo.

                Hangad ng buong nayon ang marami mo pang tagumpay!

                Ang iyong kumpare,

                Delfin

                —

                Set. 26

Kumpareng Delfin,

                Isang dapat ipagdiwang na pangyayari ang naganap sa atin. Biro mo, parehong nasa unang mukha ng pahayagan kahapon ang ating larawan! Ikaw ay tumanggap ng parangal sa ating Pangulo bilang pangunahing magsasaka ng taon sa ating bansa! At ako nama’y sa pagkakasulit sa board! Hindi ba dapat ipagdiwang iyan, kumpare?

                Binabati kita, kumpare!

                Higit na huwaran ang tagumpay mong tinamo. Nakalayo ka sa ating nayon nang hindi ka na umalis pa riyan! Higit ang balakid na nagawa mong hawanin upang magtagumpay. Karapat-dapat ka sa parangal ng ating Pangulo! Ngayo’y lalong hindi ko ikahihiyang sabihin na anak ako ng nayong iyan na kinatawan mo!

                Matatagalan marahil bago tayo muling magkita. Ipadadala ako ng ating pamahalaan sa ibang bansa upang magpakadalubhasa sa larangan ng panggagamot. Kaya pagbabalik ko na lamang marahil tayo makapadiriwang. Sabihin mo kay Boy na pag-uwi ko na saka ko siya bibigyan ng natatanging aginaldo. Maaaring isang ninang na mestisa!

                Sa loob ng tatlong araw ay aalis na ako, kaya maaaring hindi ko na matanggap dine kung sasagot ka pa sa sulat na ito. Pero hindi bale, saka mo na lang ako batiin kung ikaw naman ang maghahawak sa magiging panganay ko. Iyon lamang ang paraan para malubos ang ating pagkukumpare.

                Ang iyong kumpare,

                Mario

                —-