Ni RUBEN VEGA
(Unang nailathala: LIWAYWAY Hunyo 16, 1952)
Kung ako’y pumanaw
Ihanap lang ako ng isang Mulawing
Sintigas ng hindi magaping Damdamin;
At, saka lamayin
Sa lamig at hibik ng gabing malalim
Na maging kabaong ng aking tulain:
Aking ilalagak
Ang mahabang kwintas ng mga tiising
Sa pait ng luha’y tinangkang tunawin;
Aking lilikumin
Ang sambuntong pakpak ng aking mithing
Sa buntunghininga’y limit kong limutin!
KUNG ako’y ilibing
Tugtugin mo lamang ang pag-aagunyas
Ng pigtas na Araw na Ibong lumipad,
Habang nalalanta ang mga bulaklak
Sa landas ng aking papalayong Bakas.
At, iyong buuing
Lapida ang Dibdib ng nagtipong saklap
Na ang palamuti ay Puso kong wasak;
Saka mo iguhit
Ang titik ng mga luhang pumapatak;
Ang tanging Simula ng aking Magdamag.
O, mga Sandaling
Ibong nabulabog sa gapok na tangkay
Ng Abril ng aking lumayong Tag-araw!
Isa kang Panahong
Sa tuyong buhangin ng maamong pampang
Ay, bakas lang pala ng sariling bangkay.
At, ako’y iniwang
Alabok sa tungki ng Sangkalupaan
Na minsa’y ninasang aking mayungyungan;
Sa iisang-dipang
Puntod na pananda ng munting kalansay,
Lupa ring malawak ang kinahimlayan!








