Ni RAMON H. BELEN
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 16, 1947)
Sa linaw ng guniguning lumabo na sa panimdim,
doon lamang kita, Mutya, tinititigang salamin;
sa bunton ng mga ulap at sa siwang ng bituin,
doon kita minamasda’t inaawitang palihim.
Hindi kita maabot, taga-langit kang mataas,
ako nama’y taga lupang walang bagwis sa paglipad;
isang hamak akong pusong nasilaw sa iyong kislap,
wala namang lakas-loob na sa iyo ay magtapat.
Ang pag-ibig, kung kaylan pa lubhang tapat at dalisay
ay pag-ibig na mang lalong natatamo’y kaapihan;
tila isang talinhagang batas ng pagsusuyuan,
ang matapat na pagsinta’y kapatid ng kasawian.








