Ni JESUS S. ESGUERRA
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 10, 1946)
HALOS magkasabay na tumanggap ng sulat sina Linda at Roy.
Ang dalawa ay kapuwa anak ni Don Celerino Razol, litaw na mangangalakal sa Maynila.
Si Linda, ay anak sa pagkabinata ni Don Celerino.
Sa isang piknik na dinaluhan niya, noong siya ay binata pa, si Amparo ay nakilala ni Celerino. Pagkaraan ng isang maikling panahon ng matamis na pag-iibigan, ang kanilang mga puso ay nagkaunawaan hanggang sa magsamang tila tunay na mag-asawa.
Si Linda ang kanilang naging bunga.
Pagkaraaan ng isang taon, si Celerino ay nakipag-isang dibdib kay Celia, na siya namang ina ni Roy.
Gayon na lamang ang galit ng ama ni Celerino nang malaman ang nangyari. Sinabi ng matandang don na hindi dapat gawin ng kanyang anak ang nangyaring pang-aapi sa katauhan ni Amparo, nguni’t ang anak, si Celerino ay nagmatuwid na si Celia at hindi si Amparo ang tunay niyang iniibig.
Sa gayon, sinabi ng matandang mayaman na kailangan ni Celerinong mabuhay na sa sarili niyang pawis at matuto siyang tuminding sa sarili niyang mga paa.
Sapagka’t mahal ni Celerino si Celia, sila ay nangibang bayan. Nagsikap na mabuti siya at pinagpilitang maipagtayo ng bantayog ang kanyang mag-ina.
Si Amparo naman, kasama ng kanyang anak na si Linda ay nangibang bayan din. Lumayo siya sa pagsumbat sa kanya ng lipunan.
Pagkaraan ng maraming taon, nabalitaan na lamang ni Don Alberto na sumakabilang buhay ang kanyang anak.
May subyang man ang puso ng matinding hinanakit, ay lihim ding iniluha ng matanda ang pagkamatay ng kanyang anak.
Binalak ng matanda na kunin na ang kanyang apong si Roy at ang ina nitong si Celia. Ngunit si Celia ay natuto nang mamuhi sa kanyang biyenan, kaya tumangging sumama sa matanda nang sila ay kinukupkop na.
Sa gayon ay pinakabalitaan naman ng matanda ang mag-ina ni Linda. Nang malaman niya kung saan naroroon ang mag-ina ay binalak na kunin, ngunit sa kasawiang-palad, ang matanda ay biglang nagkasakit.
Bago mamatay si Don Alberto Razol, ay nakagawa muna ng isang kasulatan, na nagsasabing ang kalahati ng kanyang malaking kayamanan ay iniiwan niya kina Linda at Roy, sa dalawang magkapatid na kapuwa tunay na anak ng anak niyang si Celerino nina Linda at Roy nang tanggapin nang umagang iyon ang sulat ng manananggol ng yumao nilang lolo.
Kaya, sina Linda at Roy, na noon ay mga dalaga at binata na, ay naghanda at nagsiluwas ng Maynila upang kunin ang kani-kanilang mga manang iniwan ng kanilang lolong si Don Alberto Razol.
Nang magkita ang magkapatid na noon lamang nagkakilala, ay kapuwa nag-umapaw ang galak sa kanilang mga puso. Noon lamang nila kapuwa nalaman na ang kanila palang ama ay naging isang malikot na paruparo.
Isang sulat na nakapaloob sa isang sobre ang iniabot ng manananggol kay Linda. Nang buksan ang sulat na iyon ay ganito ang nabasa.\
Ano man ang sabihin ni Roy, ang lahat ng sisi ay sa kanya bumagsak. Maliwanag ang mga tanda na siya ang pumatay sa kanyang kapatid, una, sapagka’t ibig niya di umanong makuha ang lahat ng mana ng kanilang yumaong lolo at pangalawa, si Linda ay hindi niya tunay na kapatid.
Natutuwang ipinabasa ni Linda ang sulat na iyon kay Roy, at pagkatapos ang dalawa ay nagkasundong pagdating ng gabi, pagkaalis na ng manananggol at iba pang kasama sa tahanang iyon, ay saka na nila aakyatin ang kinsame upang hanapin ang kahong bakal na kinalalagyan ng mga hiyas na pamana sa kanila ni don Alberto.
Gayon na lamang ang takot ni Linda nang sila ni Roya ay umakyat na sa hagdan upang tunguhin ang kisame.
“Huwag kang matakot, Linda,” wika ni Roy.
“Hindi ako matatakot, Roy, ngunit ewan ko ba kung bakit ganito na lamang ang pagtahip ng aking dibdib.”
Nang mga sandaling iyon ay sari-saring pangitain ang naglalaro sa kanyang pag-iisip. Naisip ni Linda na mababawi niya ang nawalang pangalan ng kanyang ina. Nagugunita niyang dahil sa kanilang ama, ang kanyang ina ay nalimot halos ng lahat. Ngayon, ay tuwang-tuwa na siya sapagkat nalalaman niyang muli na naman niyang maibabalik ang kanyang ina sa Maynila at hindi na sila mahihiyang pakiharapang muli ang lipunan.
Ang kahong bakal ay natagpuan ng magkapatid. Gayon na lamang ang tuwa nila. Sa harap ng kanilang mga mata ay napatambad ang maraming hiyas.
Nguni’t sa loob ng kahong iyon ay natagpuan nila ang isang sulat. Ganito naman ang sinasabi…
“Ang kahong ito ay ibalik ninyo sa kisame at saka ninyo kunin pagkaraan ng isang taong kong pagkamatay. Kung hindi ninyo ako susundin, ay pagmumultuhan ko kayo at kukunin kong lahat ang kayamanang iniwan ko sa inyo.”
Nagkatinginan ang magkapatid. “Isang taon pa ang ating ipaghihintay,” wika ni Linda.
“Oo, ngunit iyan ang bilin sa atin ng ating lolo, kailangang sundin natin siya,” tugon ni Roy.
At, ang kahon ay ibinalik nilang muli sa kisame at saka bumaba na sila.
Ang dalawa ay kapuwa nagsitungo sa kani-kanilang mga silid upang matulog na. Sapagkat ang gabi ay maalinsangan, si Linda ay nanaog upang sumagap ng malamig na simoy ng hangin sa halamanan.
Hindi nalalaman ni Roy na bumaba ang kanyang kapatid. Ngunit maya-maya, ay isang tili ang narinig. Narinig niyang tinig ni Linda ang kanyang napakinggan sa may halamanan, kay madali siyang nanaog. Nang nasa ibaba na siya, ay may mariing palo siyang naradamang bumagsak sa kanyang ulo at siya ay nawalan ng malay. Nang balikan siya ng diwa ay may ilang pulis na siyang nakita sa kanyang paligid.
“Sino ang pumatay sa babaing ito?” tanong ng isang alagad ng batas.
Isang babaing duguan ang mukha na halos hindi makilala ni Roy ang nakita niyang nakatimbuwang. Ang damit na suot ng babaing iyon na wala nang buhay ay nakilala ni Roy.
“Si Linda po iyan, ang kapatid ko,” tugon ng binata.
“Ikaw ang pumatay sa kanya, ano?”
“Aba, hindi po. Bakit ko po papatayin ang tunay kong kapatid?”
“Sapagka’t ibig mong masarili ang lahat ng kayamanang iniwan sa inyo ng iyong lolo. Saka, isa pa, si Linda ay hindi mo tunay na kapatid, sapagka’t anak lamang iyan sa pagkabinata ng iyong ama.”
Ano man ang sabihin ni Roy, ang lahat ng sisi ay sa kanya bumagsak. Maliwanag ang mga tanda na siya ang pumatay sa kanyang kapatid, una, sapagka’t ibig niya di umanong makuha ang lahat ng mana ng kanilang yumaong lolo at pangalawa, si Linda ay hindi niya tunay na kapatid.
Si Roy ay dinakip.
Ngunit nang siya ay isinasakay na sa auto upang dalhin sa himpilan ng polisya, ay nakaisip ng isang paraan upang madala niya sa liwanag ang krimeng nakabalot ng hiwaga at sa kanya ibinabagsak ang kasalanan. Isang suntok na malakas ang pinadapo niya sa panga ng pulis na may hawak sa kanya at bigla na lamang sumibad ng takbo at naglaho siya sa kadiliman.
Lalong naniwala ang mga may-kapangyarihan na si Roy Razol, anak ni Celerino Razol, ang pumatay sa kanyang kapatid na si Linda.
Ang puno ng pulisya ay nagpalakat ng mga tauhan upang madakip agad ang tumakas na salarin. Ang tahanan ni Don Alberto ay pinatanuran pa sa isang pulis upang magmanman.
Isang gabi, isang maitim na anino ang naglalamay sa dilim sa malawak na bakuran ng malaking tahanan ni Don Alberto. Ang tanod na pulis ay walang kamalay-malay na ang aninong iyon ay palapit sa kanya. Pagkatapos, isang ubos lakas na palo ang nagpalupasay sa alagad ng batas. Ang maitim na anino ay nagtuloy sa itaas at inakyat ang kisame.
Nang nananaog na buhat sa kisame ang mahiwagang taong iyon ay dalawang malalakas na kamay ang pumigil sa kanya at inagaw sa kanya ang kahong bakal na kinuha sa kinsame na kinalalagyan ng mga hiyas.
Ang mahiwagang taong iyon ay nanlabang mabuti. Noon naman ay siyang pagdating ng dalawang alagad ng batas na siyang hahalili sa pagtatanod sa tahanang iyon. Nang marinig ang kaguluhan sa itaas ay madaling umakyat.
Nakita nilang si Roy, na kanilang hinahanap, ang may hawak sa taong nanggaling sa kisame, isang lalaking balingkinitan ang katawan at may takip pa sa mukha ang hawak noon ni Roy.
“Eto ang salarin,” wika ni Roy, “at hindi ako.”
Nang alisan ng takip ang mukha ng lalaking nanggaling sa kisame, ay halos hindi makapaniwala si Roy sa kanyang makita.
“Linda, diyata’t ikaw?”
“Oo, ako nga,” matining ang tinig ni Linda, “ako nga. Hindi ako patay, sapagka’t ang bangkay na nasa morge ay ang alilang babae ang ating lolo na nakakatalos ng aking ibig na gawin. Hinikayat ko siyang kunin namin ang kahon sa kisame upang kami ang maghati, ngunit siya ay tumanggi at ang sabi pa ay isusumbong daw ako sa iyo, kaya nagdilim ang aking paningin at siya ay ubos-lakas kong hinataw sa ulo. Nang mabulagta siya ay lalong nagdilim ang aking paningin at lalo kong pang pinaliguan ng katakot-takot na palo sa mukha upang huwag ngang makilala. Pagkatapos, hinubad ko ang kanyang damit at ipinalit ko ang damit kong suot.”
Pagkaraan ng maraming araw na paglilitis, ay nakilala ang mabigat na kasalanan ni Linda. Ginawang lahat ni Roy ang kanyang magagawa ngunit hindi niya nailigtas ang kanyang kapatid sa mabigat na pagkakasala.








