Ni J. D. KARASIG
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Agosto 1, 1966)
SA kinatapusan ng aking paglimot,
Gunita sa iyo’y doon nagsimula;
Ang alaala ko kung saan natapos
Ay doon nagsapul ang bagong gunita;
Pagka’t sa sigliwa’y giyan ng lamuyot
Ang kapaksaan mong alindog ng tula!
YAYAON ang ulap niring kalungkutan
Upang magsimula lamang ang pighati;
Gayuma’y kay tamis na magunamgunam
Na basa ng luha ang bawa’t pagngiti;
Sa dulo ng aking huling taludturan,
Nagsisimula kang dalit ng kudyapi!
KAAALIS lamang ng nalik na alon
Ay basa na uli ang sutlang buhangin;
Ang lipad ng gunam ay nagpapatuloy
Sa simoy ng muni’t mga salamisim;
O, saklap ng luhang kaya dumadaloy
Ay tamis ng tuwa ang itinitining!
KAYA hindi ko na muling itutulak
Ang ganda ng iyong mga alaala;
Pagka’t itaboy man ang dating pangarap
Ay panaginip ding lagi kang kasama;
Walang katapusang ganda ng lumpias,
Kahinang ng dikit ng bagong umaga!








