Ni RICARDO M. de LUNA
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hulyo 18, 1960)
MINSAN pang sinipat ni Vilma sa salamin ang kanyang anyo. Kasiya-siya na ang pagkaguhit ng lipstick sa kanyang labi. Pantay ang pulbos. Bagay na bagay sa kanyang maputing kutis at balingkinitang katawan ang suot na bestidong hakab sa katawan. Lalong nakapagpatingkad iyon sa magandang hubog ng kanyang katawan at ng mayamang dibdib.
Nasisiyahang napangiti si Vilma.
Tiyak na masisiyahan sila pag nakita ako, nasabi ni Vilma sa sarili. Ba! Pahuhuli ba naman ako sa sino mang kilala nang artista?
Tiningnan ni Vilma ang relong nakapatong sa mesita sa silid. Mag-iikawalo’t kalahati na ng umaga. Bago mag-ikasiyam ang pangako ni Pete na darating ito. Ayon kay Pete ay may piging sa tahanan nito at dadalo roon ang prodyuser at iba pang mga pinuno ng isang malaking samahan sa pelikula. Ipakikilala siya ni Pete sa mga iyon.
Siyang pagkarinig ni Vilma ng pagpapataupo buhat sa lupa. Bagama’t Linggo nang araw na iyon, ang kasama lamang ni Vilma sa bahay ay ang kanyang pinsang may labindalawang taong gulang, si Elsa. Ang kanyang Tiya Salud ay nasa tindahan nito sa palengke ng Dibisorya. Naroon din ang kanyang Siyahong Ben, katulong ng kanyang ale sa pagtitindi. Ang dumungaw sa bintana ay si Elsa.
“Aba, Ate Vilma,” sabi ni Elsa, “eto ang Kuya Binoy.”
Sumama ang mukha ni Vilma. Parang nahulaan na niya ang sadya na naman ng kanyang nakatatandang kapatid na si Binoy. May isang buwan na siyang umalis sa kanilang bahay sa lalawigan dahil sa pagtutol ng kanyang inang mag-artista siya. Mag-isa siyang lumuwas ng Maynila at nakituloy sa bahay ng kanyang Tiya Salud, isang malayo nang kamag-anak na naninirahan sa lunsod. At noong nakaraang dalawang linggo ay dumating si Binoy. Ipinakakaon daw siya ng kanilang ina. Hindi naman niya pinagtakhang matunton siya ng kapatid. Alam niyong wala siyang ibang pupuntahan sa Maynila. At alam din ni Binoy ang bahay ng kanilang Tiya Salud sapagka’t katulad niya’y kung ilang ulit na iyong nakapunta rito, bukod sa pangyayaring sanay rin naman si Binoy sa Maynila sapagka’t nakapagtrabaho rito nang ilang buwan bilang peon sa isang ipinatatayong gusali. Noo’y hindi siya sumamang umuwi sa kapatid. At ngayo’y malamang na pipilitin na naman siya ni Binoy na pauwiin.
Umalis si Vilma sa harap ng salamin. Bumungad siya sa hagdanan. Pumapanhik na ang kanyang Kuya Binoy. Sandaling tumigil ito nang makapanhik. Napakunot ang noo nang mapagmasdan ang anyo ni Vilma.
“Ang Tiya Salud?” baling ni Binoy kay Elsa.
“Wala, nasa tindahan.”
“Magtuloy ka, Kuya,” napilitang sabi ni Vilma.
Walang kibong nagtuloy si Binoy at naupo sa isa sa mga likmuan sa salas. Naupo si Vilma sa harap ng kapatid.
Muling kumunot ang noo ni Binoy nang muling tumingin sa kapatid. Waring hindi naibigan ni Binoy ang ayos ni Vilma.
“Kailangang umuwi ka na,” maikling wika ni Binoy. Matigas ang tinig nito.
“Pero, Kuya…” tutol ni Vilma, “darating ngayon si Pete.”
Nandilat ang mata ni Binoy. “Ha? Sino?”
“Si Pete Eliorde, ‘yong talent scout na nakatuklas sa ‘kin. ‘Yong nakakotseng sumubaybay sa ‘kin no’ng minsang pamalengkehin ako ng Inang.”
Muling kumunot ang noo ni Binoy.
“Nakalimutan mo na ba, Kuya?” paalala pa ni Vilma. “’Yong nakipag-usap sa Inang at nag-alok ngang pag-artistahin daw ako.”
“Oo, natatandaan ko na.”
At muling pinagmasdan ni Binoy ang kapatid. “O, e, ba’t ka nakagayak ng ganyan? Hindi bale’ng lipistik, talaga namang gumagamit ka n’yan sa ‘tin. Pero ‘yang damit mo…”
“Si Kuya naman! Ito ang uso ngayon sa Maynila. Pa’no akong sisikat agad sa pag-aartista kung hindi…”
“Basta, tigilan mo na ‘yang kalokohan mo! Sasama ka ngayon sa ‘kin! Kaya lamang hindi kita naisama noong isang parito ko’y nag-iiyak ka. Baka sa daan ka pa mag-eskandalo. Nakagalitan nga tuloy ako ng Inang nang umuwi akong di kita kasama.”
“Pero, Kuya…” waring ibig nang maiyak ni Vilma, “uuwi ako, pero huwag muna ngayon. Hindi ko maaaring sayangin ang pagkakataong ito. Ngayon ako ipakikilala ni Pete sa prodyuser ng isang malaking samahan sa pelikula. Sabi niya, basta raw nakita ako ng prodyuser, tiyak na gagawin agad akong bituin.”
Nailing si Binoy. “Napakabata mo pa, Vilma. Disinuwebe ka lamang. Wala ka pang kamuwang-muwang sa buhay. Malay mo kung ang Pete na ‘yon ay…”
“Hindi, Kuya,” pagtatanggol ni Vilma, “mabuting tao si Pete.”
Sa sarili ni Vilma ay tiyak niya iyon, mabuting tao si Pete. May naitulong ito sa kanya. Bagama’t tumutol doon ang kanyang ina na papag-artistahin siya ay iniwan din sa kanya ni Pete ang tarheta nito nang saglit silang magkasarilinan.
“Magsadya ka sa address na iyan ano mang araw na maluwas ka,” sabi noon sa kanya ni Pete. “At ipinangangako kong magiging bituin ka. Malaki ang maitutulong ko sa iyo, tandaan mo iyan.”
Sa simula pa’y talagang hilig na niya ang mag-artista. Noong nag-aaral pa siya sa haiskul sa kanilang bayan ay siya ang malimit na gumanap sa pangunang papel sa mga dula sa kanilang paaralan. Palabasa rin siya ng mga magasin ukol sa pelikula at nagaganyak siya ng mga lathala ukol sa mga dalagang-nayon na lumuwas ng lunsod at naging bituin sa puting-tabing. At nang magpakatutul-tutol ang kanyang ina sa kanyang pagluwas ay nagtanan siya.
Natagpuan niya si Pete Eliorde, sa direksiyon sa tarhetang iniwan nito. Isa iyong tanggapang hindi niya mawari kung bahay-kalakal o ano, at nang magpahayag siya ng pagtataka kung bakit hindi sa isang estudyo ng pelikula naroon si Pete ay sinabi nito na ang pagiging talent scout ay sideline lamang nito. Umano’y binabayaran ito estudyo sa bawa’t artistang matuklasan.
Bahagya pa lamang nakaiinom si Vilma ay naramdaman niyang umipod si Pete na palapit sa kanya. Nagkadikit ag kanilang katawan. Waring nabigla, ibinaba ni Vilma ang baso. Umakbay sa kanya si Pete.
Nang araw ding iyon ay sinamahan siya ni Pete sa isang estudyo. Kinausap nito ang kakilalang direktor. Napasok naman siyang ekstra. Isang linggo siyang nakaganap, nguni’t pagkaraan niyon ay wala na.
Pagsunod sa atas ni Pete, ang kanyang kinita ay ipinagpatahi niya ng makabagong damit. Iyon daw ang kailangan, sabi ni Pete, para tumingkad ang kanyang kagandahan at mapansin siya ng mga namamahala sa pelikula.
Laging dumadalaw sa kanya si Pete. At sa mungkahi na rin nito, hindi na ito pinupo. Sinabi ni Pete na lumipat ito ng ibang estudyong pinaglilingkuran.
“Ikaw ang dahilan ng paglipat ko,” sabi sa kanya ni Pete. “Nakipagkagalit ako sa prodyuser, gayundin sa direktor. Kasi, ayaw nilang makinig sa akin na gawin kang bituin agad. At alam mo, dito sa estudyong nilipatan ko ay tiyak na magkakaroon ka ng magandang pagkakataon. Nakausap ko na ang prodyuser. Kailangan lamang makita ka niya at humanga sa ‘yo.”
“Basta, dapat kang sumama sa aking pauwi,” tinig ni Binoy ang pumutol sa pagdidilidili ni Vilma.
“Sinabi ko na sa iyo, daraanan ako ni Pete ngayon. Ipakikilala niya sa prodyuser.”
Sinikap ngumiti ni Vilma, at ang dugtong upang pawiin ang pag-aalaala ng kapatid:
“Huwag kang mag-alala. Kilala ko na si Pete. Mabuti siyang tao, maginoo. Saka… kaya lamang naman gusto kong maging artista, e para sa inyo rin ng Inang. Ibig kong mahango kayo sa kahirapan. Ngayong patay na si Tatang, kawawa naman si Inang.”
Muling ngumiti si Vilma. Lumakas ang kanyang loob nang makitang napawi ang kapatid.
“Paris ngayon,” dugtong niya, “ikaw lamang ang nakakatulong ng Inang. Alam ko, kaya hindi tuloy kayo makasal ng nobya mo’y kami ng Inang ang inaalaala mo. Kung may mabuti na akong hanapbuhay, di maaari mo nang pakasalan si Ising, di ba?”
Tuluyang umaliwalas ang mukha ni Binoy, at sa wari ni Vilma ay tumalab dito ang kanyang sinabi.
“Pero ang inaalaala ko’y ang Pete na ‘yon,” nasabi pa rin ni Binoy. “Baka…”
Naputol ang kanilang pag-uusap nang makarinig sila ng busina ng kotseng tumigil sa tapat ng bahay. Dumungaw si Vilma.
“Eto na si Pete, Kuya!” ani Vilma at nilingon ang kapatid. Sa anyo ng dalaga ay tuwang-tuwa ito.
Sinalubong ni Vilma si Pete sa may hagdanan. Naka-Amerikana si Pete. Marahil ay may mga dalawampu’t pitong taong gulang. May bigote at mukha namang maginoo. Ipinakilala ni Vilma si Pete sa kanyang Kuya Binoy.
Si Pete ang unang nag-abot ng kamay. Makapal ang palad ni Binoy. Mahigpit pumisil ito. At pinagmasdan ni Pete ang matipunong katawan ng kapatid ni Vilma.
“E, siya, Mr. Dimaranan,” sabi ni Pete kay Binoy makaraan ang ilang sandaling pakikipag-usap-usap. “Lalakad na kami ni Vilma. Alam n’yo’y may piging sa aking bahay. Ipakikilala ko sa kanila si Vilma.”
Tinapik-tapik pa ni Pete sa balikat si Binoy.
“Masuwerte ang inyong kapatid,” sabi ni Pete. “May pangako sa akin ang prodyuser. Malaki ang pag-asang si Vilma ang maging leading lady sa pelikulang susunod nilang gawin.”
Muling kinamayan ni Pete si Binoy bago sila nanaog ni Vilma.
Makailang saglit pa’y tumatakbo na ang kotseng kinalululanan nina Pete at Vilma.
“Hindi mo pa nga pala nakikita ang aking bahay, Vilma,” sabi ni Pete. “Nasa makalabas iyon ng Maynila. Mga kalahating oras lamang na takbuhin ng sasakyan buhat sa tinitirahan mo.”
Nagbuntunghininga pa si Pete na waring nakadarama ng kasiyahan.
“Kailangang pahangain mo si Mr. Lontok, iyong prodyuser. Siguro’y susubukin ka nila ngayon. Handa ka ba?”
“Aba, oo.”
“Huwag ka sanang nenerbiyusin.”
“Hindi naman ako nerbiyosa, a.”
Nagtawanan sila.
Makaraan ang may dalawampung minuto ay sinapit nila ang isang tahanan sa makalabas ng Maynila. Maganda ang bahay. Isang bungalow. Nakatirik sa isang malawak na bakuran. Nalalayo sa mga bahay na nakatirik sa lugar iyon.
Inalalayan ni Pete sa pag-ibis si Vilma, matapos iparada ang sasakyan sa harap-bahay. May susing dinukot sa bulsa si Pete. Binuksan niya ang nakapinid na pinto.
Inalihan ng pagtataka si Vilma. Nagunita niya ang sinabi ni Pete na may piging sa tahanan. Gayunman ay nagtuloy rin siya nang akayin ni Pete na papasok. Iginala ni Vilma ang tingin sa paligid. Walang tao kundi sila.
“Akala ko ba’y may piging ‘ika mo rito?” naitanong ni Vilma.
“Oo.” At tumawa si Pete. “Hindi pa sila dumarating, e.”
Pinaupo ni Pete si Vilma. Naupo naman ang dalaga.
“Maghintay ka sandali,” sabi ni Pete. “Kukuha lang ako ng maiinom natin. Inuuhaw ako, e.”
Lumabas si Pete sa kusina. Nang magbalik ay may dalang dalawang baso ng pampalamig. Iniabot ni Pete kay Vilma ang isang baso. Pagkatapos ay naupo si Pete sa tabi ng dalaga.
Bahagya pa lamang nakaiinom si Vilma ay naramdaman niyang umipod si Pete na palapit sa kanya. Nagkadikit ag kanilang katawan. Waring nabigla, ibinaba ni Vilma ang baso. Umakbay sa kanya si Pete.
Biglang nagkaroon ng hinala si Vilma. Dati, hindi siya inaakbayan ni Pete. Umipod siyang palayo kay Pete. Nakangiti ito.
“Napakailap mo naman,” sabi ni Pete. “Sige, ubusin mo ang iniinom mo.”
Nalubos ang hinala ni Vilma. Unti-unti, may takot na sumaklot sa kanya. Humakbang siyang patungo sa pinto, nguni’t mabilis na humarang si Pete sa kanyang daraanan. Napatigil si Vilma. Namutla siya. At nang lumapit si Pete ay akma siyang tatakbo, nguni’t maliksing nahawakan siya nito sa kamay.
Binatak ni Pete ang kamay ni Vilma. Niyakap siya nito. Nagpumiglas si Vilma. Nanlaban.
“Walanghiya! Walanghiya!” tungayaw ni Vilma. Nguni’t hindi siya makawala sa pagkakayakap ni Pete.
Saka naman, nakarinig si Vilma ng tinig ng isang lalaki. Nabitiwan siya ni Pete. Nakita niya ang kanyang Kuya Binoy. Isang suntok ang pinadapo nito sa mukha ni Pete. Bumagsak si Pete, nguni’t madaling nakabangon. Si Binoy naman ang bumagsak nang abutin ng dalawang magkasunod na buntal ni Pete. Nguni’t nakatayo pa rin si Binoy.
Nagpatuloy ng paglalaban ang dalawa. Sa malas ay daig ni Pete sa suntukan si Binoy. Kung ilang ulit itong nalugmok. Ang huling pagkakalugmok ni Binoy ay sa tabi ng mesitang kinapapatungan ng isang plorera. Hinawakan ni Binoy ang plorera. Tumayo siya. At nang muling sugurin ni Pete ay hinataw niya ito sa ulo. Walang malay-taong bumagsak si Pete.
Nilapitan ni Binoy ang kapatid na parang napatda sa kinatatayuan sa malaking takot. Hinawakan niya sa kamay si Vilma at patakbo silang lumabas ng bahay. Tumakbo sila nang tumakbo hanggang sa makakita ng isang taksi. Sumakay sila at napahatid sa bahay ng kanilang Tiya Salud.
“Talagang may hinala ako sa Pete na ‘yon,” sabi ni Binoy nang makarating na sila sa bahay ng kanilang Tiya Salud. “Pero hindi naman ako makapagpahalata ng pagtutol na isama ka niya. Nakakahiya rin naman. Baka naman hindi totoo ang hinala ko. Kaya nang makaalis kayo’y tumawak ako ng taksi. Sinundan ko kayo…”
Hindi pa rin makapagsalita si Vilma. Nakatungo siya.
“Basta sasama ka na sa akin ngayong pauwi,” sabi ni Binoy. “Baka kung ano pa’ng mangyari dito sa ‘yo.”
Napatango na lamang si Vilma.








