Ni Omar Khalid
May nakapagsabi na ba sa iyo
na ang langit ay maaaring iluluwal
ng ating nagbabagang mga labi?
Oo, may mga titik na asul at luntian
na sumasabay sa pag-usbong
ng mga busilak ng tag-init.
Tingnan mo, nalalanta
ang mga dahon sa ating hininga.
Dayami ang sapin ng nakaraan—
Ang ating mga panaginip ay nakakulong
sa selyadong garapon.
Ang sala-salabid nating mga daliri
ay nagkakanlong ng mga pangarap
ng talunang hari.
Sa totoo lang, itong mga hindi natin
kayang sambitin
ang siyang dahilan kung bakit
nagiging siyudad ang ating mga katawan.