Ni NEMESIO E. CARAVANA
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Enero 30, 1950)
(IKA-4 LABAS)
NANANALIM ang mga mata ng mahiwagang lalaking nilapitan ang kanyang asawa at tiim-bagang na nagpaliwanag:
“Huwag ka sanang hibang! Ang batang iya’y siyang magpapanumbalik ng ating kabataan. Sa pamamagitan ng kanyang glandula ay magbabalik ako sa aking kahapon: sariwa, malusog at malakas. Pagkatapos ay ikaw naman ang ibabalik ko sa iyong kasariwaan.”
“Hindi ko kailangang maging batang muli,” ang tila nahihibang na salita ng babae. “Ang nais ko’y ang batang ito, upang siyang maging kapalit ng anak kong namatay sa gulong ng awto ng isang walang hunus-diling kaluluwa. Ipinakikiusap ko sa iyong huwag mong pinsalain ang batang ito.”
“Ha-ha-ha-ha-ha!” ang malutong na halakhak ng mahiwagang lalaki, “hindi maaari ang iyong kagustuhan. Mangyari na ang mangyayari’y ipapalit ko ang kanyang glandula sa akin. Isipin mong kung magbalik tayo kapwa sa kabataan ay maaaring muli kang magkaanak at mapapalitan ang namatay nating bunsong siyang naging sanhi ng aking paghihiganti. Ano pa ang gusto mo?”
Naputol ang kanilang salitaan dahil sa matinis na pag-iyak ng batang nasa mga bisig ng babaing sabik sa sanggol. Lalo nang lumala ang yamot ng pangit na lalaki. Tinakpan ang kanyang mga pandinig upang huwag maulinigan ang “uha” ng batang bulaklak ng pagmamahalan ng mga Montez. Natakot siyang baka marinig ng kanilang kaisa-isang kapitbahay ang iyak ng sanggol. Ipinalagay niyang maaaring ang iyak ng bata’y lumikha ng alingasngas, at siyang maging dahilan ng pagkakatunton sa kanyang iniingatang lihim.
“Huwag kang hangal!” ang narinig ng babaing nulas sa mga labi ng kanyang ubaning asawa. “Hindi mo ba nalalamang…”
Hindi man lamang pinansin ng matandang babae ang sinabi ng asawa. Ipinaghele niya ang sanggol, saka…
“Nagugutom ka marahil,” ang wikang namimilaylay sa mga labi ang isang matamis na ngiti, saka idinaiti sa kanyang dibdib ang bata, sa tangkang pasusuhin. “Bubuhayin kita sa aking tangkilik.”
Tumigil naman ang bata sa kanyang matinis na pag-iyak. Lumabas sa laboratoryo ang babaing galak na galak. Sumunod sa kanya ang mahiwagang lalaking galit na galit.
“Sisirain mo ba ang aking limantaong pagpupuyat at pagpapagod?” ang wika sa kanyang asawa nang mag-abot sila sa lumang bulwagan ng bahay na bato. “Huwag mo sanang sirain ang aking pag-iisip, Magdalena.”
Lumayo ng ilang hakbang si Magdalena sa kanyang galit na asawa, saka malakas na nagsalita:
“Isusuplong kita sa mga maykapangyarihan, kapag sinaling mo ang batang ito.”
Natigilang ilang sandali ang mahiwagang lalaki. Tinitigan ng nananalim na mata ang babae, hanggang sa…
Patakbong sumunod sa lumalayong sanggol si Magdalena, ngunit mabilis naman ang paglayo at hindi niya inabutan, hanggang sa muli niyang nakitang pumasok sa laboratoryo. Kitang-kita rin niya ang mariing pagkakapinid pa niya ang pagsususi ng pintuan. Lumapit nang malapit na malapit sa dahon ng pinto si Magdalena. Sumilip siya sa susian.
“Magsuplong ka kahit na sa demonyo,” ang wika sa buong tinig na naghahamon ng lalaking may-agimat, “Hindi ako natatakot!”
At dinaluhong ng lalaki ang kanyang asawa. Tumakbo namang mabilis ang babae at pinakaipit-ipit sa kanyang dibdib ang kinagigiliwang sanggol. Nang magipit sa isang sulok ng bulwagan ang babae ay malakas na sumingaw: “Pulis! Pulis!”
Natigilan ang mahiwagang lalaki. Sinagilahan ng takot ang kanyang damdamin. Naningkit ang mga matang nakasipat sa asawa, hanggang sa biglang isinubo sa bunga ang kanyang batong talisman. Namangha ang matandang babae sa nangyari. Walang anu-ano’y naramdaman na lamang ni Magdalenang may sumambilat sa batang kanyang hawak at namalas niya ang sanggol na lumakad na nakalutang na wari’y tangay ng hangin. Gayon na lamang ang palahaw ni Magdalena.
“Siittt!” ang narinig niyang sansala ng kanyang asawang hindi nakikita. “Huwag kang maingay kung di mo ibig na masaktan.”
“Walang kailangang mamatay ako,” ang tugon ni Magdalena. “Talaga namang matagal nang idinadalangin ko ang aking kamatayan, mula pa nang mamatay sa gulong ng awto ang ating anak.”
Patakbong sumunod sa lumalayong sanggol si Magdalena, ngunit mabilis naman ang paglayo at hindi niya inabutan, hanggang sa muli niyang nakitang pumasok sa laboratoryo. Kitang-kita rin niya ang mariing pagkakapinid pa niya ang pagsususi ng pintuan. Lumapit nang malapit na malapit sa dahon ng pinto si Magdalena. Sumilip siya sa susian.
Parang dinuro ng karayom ang puso ng babaing nananabik makakalong ng sanggol, nang mamalas niyang inilapag ng kanyang asawa sa mesang tistisan ang bata. Nanindig ang kanyang mga balahibo, nang masilip niyang hinawakan na ng lalaki ang istrumentong panistis. Sinuntok niyang sunud-sunod ang pinto upang buksan ng kanyang asawa. Nasayang lamang ang kanyang pagpupunyagi.
Nagmamadaling nagbalik sa bulwagan si Magdalena. Lumapit siya sa telepono at binuklat ang direktoryo. Tinawagan niya ang himpilan ng pulisya.
“Ito ang tahanan ni Dr. Bernando Octubre, sa daang Aviles,” ang malakas na salita ni Magdalena sa auditivo. “Isang bata ang papatayin ng aking asawa…”
Hindi natapos ang sasabihin ni Magdalena. Sampung matitigas na daliri ang sumakal sa kanyang leeg, hanggang sa mabuwal siya sa lapag na walang malay-tao. Naiwang nakabukas ang telepono. Narinig ng mga maykapangyarihan sa kabilang dulo ng kawad ang mga kalatog na nangyari.
Hindi nalaunan at narinig ang sirena ng mga sasakyan ng pulisya. Hindi nalingid sa matalas na pandinig ni Dr. Octubre ang alingawngaw ng sirena. Lumapit siya sa durungawan upang alamin ang nangyayari sa paligid-ligid ng kanyang tahanan. Mula sa durungawan ng kanyang tahanang nasa looban ay nakita niyang tumigil ang dalawang karo ng pulisya at mga tiktik. Dumalas ang tibok ng puso ng manggagamot. Hinarap ni Dr. Octubre ang luma, ngunit malaking salamin sa bulwagan, saka…
“Dr. Fernando Octubre,” ang wika sa buhay na buhay na tinig na hawak sa kamay ang batong talisman, “mula ngayo’y magiging kaaway ka ng batas.”
At isinubo ang talisman. Siya man sa kanyang sarili ay nagtaka nang hindi na makita sa salamin ang kanyang anino.
“Sa pamamagitan ng aking agimat ay paglalaruan ko ang mga alagad ng batas,” ang wika pang wari’y nagmamalaki.
Muling sumilip sa durungawan. Nakita niyang pumapasok na sa kanilang looban ang mga alagd ng batas. Sa lansangan ay nakita niyang may isang awto pang tumigil. Sabay sa mga katok na kanyang narinig sa makapal na dahon ng kanyang pintuan ay nakita niyang pumanaog sa tumigil na awto si Ricardo Montez, ang lalaking nagkakautang sa kanya ng isang buhay. Nalimot ni Dr. Octubre ang mga katok sa pintuan. Sinundan ng kanyang mga mata ang tumatakbong si Ricardo Montez.
“Dr. Octubre,” ang malakas na sigaw ng isang tiktik sa lupa, na siyang nakapukaw sa kanyang dili-dili. “Buksan mo ang pintuan at kung hindi’y wawasakin namin.”
Mula sa ibaba’y nakita ng mga tiktik na nabuksan ang bintanang katapat ng pintuan sa ibaba. Wala namang nakitang tao ang mga alagad ng batas na siyang nagbukas ng bintana.
“Ano ang gusto ninyo sa akin?” ang maliwanag na narinig ng mga tiktik. “May kautusan ba kayo ng hukuman upang manggambala sa tahanan nang may tahanan? Magsilayas kayo! Magsilayas kayo!”
At muling napinid ang dahon ng bintana. Iniutos ng ispektor na dumpihin ang pinto. Nang masilip ng mahiwagang manggagamot na sapilitang bubuksan ng mga sekreta ang kanyang pintuan ay nagkulong ito sa kanyang laboratoryo. Sari-saring balak ang sumaisip ng manggagamot: naroong balaking utasin ang bata at magpatiwakal pagkatapos; nariyang balaking tumakas; at naritong isiping lumaban sa makapangyarihan. Ngunit nanaig sa kanyang isipin ang pagtakas.
Napahindig si Dr. Octubre nang marinig niyang nagiba at bumagsak ang dahon ng pinto sa ibaba. Hidni nasiraan ng loob ang manggagamot. Mataman ang kanyang pagkakatitig sa sanggol na umiiyak noon sa ibabaw ng mesang tistisan.
Pagkaraan ng mga ilang sandali pa’y narinig niya ang sunud-sunod na katok sa dahon ng pinto ng laboratoryo. Buo ang loob ni Dr. Octubre na dinampot ang bata. Binuksan niya ang munting bentanilya at sapupo ang batang bumaba ng ilang batang bumaba ng ilang baytang sa mataas na hagdanang-bakal na patungo sa halamanan.
“Tigil!” ang sansala ng mga alagad ng batas na barilang nasa ibaba, “kung di mo ibig na mamatay!”
“Ha-ha-ha-ha-ha!” ang malutong na tugon ng lalaking hindi nakikita.
Takang-taka ang mga alagad ng batas sa batang unti-unting bumababa, na tumigil pagsapit sa kalagitnaan ng baytang ng mataas na hagdanang-bakal.
“Kapag hindi kayo nagsilayas,” ang naulinigan ng mga tiktik na salita ng taong hindi nila nakikita, “ay ibabagsak ko ang batang aking dala.”
Tinangka sana ng isang tiktik na paputukan ang hindi nakikitang nagsasalita, ngunit pinigil ng ama ng batang dumating.
“Ipinakikiusap ko sa inyong huwag magpaputok,” ang wika ni Ricardo Montez. “Tatamaan ninyo ang anak ko.”
“Ano?” ang malakas na salita ng hindi nakikitang si Dr. Octubre. “Aalis kayo sa ibaba o hindi? Bibilangan ko kayo ng tatlo at sa ikatlo, pag di kayo umalis ay ihahagis ko ang bata… isa… dalawa…”
Lumayo sa kanilang pagtatanod ang mga tiktik. Natakot sila sa banta ng mahiwagang taong hindi nakikita. Gayunma’y hindi sila nagsilayong gaano. Ang tangka nila’y pagkababa ng bata’y saka pagtalakupan ang mapaghimalang si Dr. Octubre.
Isa… dalawa… tatlong baytang pa uli ang nababa ng batang tila nakalutang sa hangin.
Ang minerong si Montez ay hindi halos humihinga. Natakot siyang baka mahulog ang kanyang anak.
Isa… dalawa… tatlo… apat na baytang pa uli ang ibinaba ng bata. Halos iisang dipa na lamang ang layo sa lupa. Hindi halos humihinga si Ricardo Montez. Walang kurap naman ang mga mata ng mga tiktik na nagaabang.
(ITUTULOY)









