Ni ARTURO GARCIA
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 2, 1949)
Kung tutoo ang batayan na ang tao ay alabok,
Kung di siya, disin tayo’y ni hindi man naging uod
katungkulan nating taong mag-asal ng asal-Diyos…
na sa lupa kinakahig ng gutom na mga manok;
ni di tayo dahong tuyong sa bakuran ay nabulok
nang sa sangang kinapitan ay manangal nang dumupok;
hindi tayo ang may diwang pantay-langit kung umabot,
hindi tayo ang may pusong sakdal timyas kung tumibok.
Tayo’y wala; at kung wala’y wala tayo ni ga-buhok
na halagang ituturing at adhikang itatampok.
Itong tao ang sa lahat ng sa Diyos na nilalang
ay mapurol ang talino’t mahina ang pakiramdam
larawan pa naman niya ang sa taong hinuwaran
ay kung bakit di sa kanya kumuha ng katinuan;
sayang na bunga ng punong di sa puno umuliran,
kabutihang mapahasik sa pitak ng kasamaan,
ang bawal na bunga na bunga kaya ng mansanas ang dahilan
ng parusang di na yata darating ang katapusan?
O kaya ay sadyang ito ang taludtod ng paraan
upang ang hula’y matupad na ang mundo’y mawiwindang?
Aling ugali ng tao’t saligan ng bawa’t bansa
kung mabuti sa kanya ay sa iba’y di masama?
mabibilang sa daliri sa sang-angaw na nilikha
ang lilimot sa sarili’t kukupkop sa maralita.
ang marami’y sa talaksan ng kalansay ng kapuwa
umaakyat matamo lang ang pangarap at adhika,
kaylan ka pa matututong magkimkim ng konting hiya?
Oh, alabok na kinapal at binuhay ng Lumikha,
kung ang pagpapaka-banal ay hindi mo magagawa,
ang labis na kasamaa’y bawasan mo ng bahagya.
Lahat ng pamahalaan na sa mundo ay natatag,
may kalabang patakaran at tuntuning kasalungat;
bawa’t bansa’y nananalig na ang kanya ang matapat,
bawa’t lahi’y nagsasabing lipi niya ang mataas;
kung kaya ba’t walang bansang nagsalong ng kanyang tabak,
at ang sinasambang Diyos ay ngitngit ng kanyang lakas;
sa halip na magka-isa’t ang inggita’y bigyang wakas,
hindi natutulog halos sa paglikha ng pang-utas.
Oh, mundong pinagagalaw ng alabok, anong saklap
ng palad mong alabok din ang tutudla’t maglalagpak.
Palibhasa’y itong tao’y lalang sa pagkakamali,
magsimula man nang wasto ay sa mali nauuwi;
bawa’t bansa’y may sinimpang marurusing na lunggati
na sa bansang mahihina ay panlupig at pansiki;
bawa’t tao’y may patibong na marumi’t likong budhi
na sa kapwa-tao niya’y pambigti sa bawa’t mithi;
walang pitalo sa daigdig ang tahimik na sandali,
bawa’t saglit ay labanang masawi ang masasawi.
Oh, alabok, pag hindi ka nagtigil sa ganyang gawi,
ang lahi mo’y tatapusin ng Diyos na namumuhi…
Samantalang naglipana ang pulubing nananaghoy,
at nagkalat ang ulilang sumasala sa panahon;
samantalang angaw-angaw ang musmos na pitung-taon
na wala sa paaralan, pagka’t ang bayan ay gahol;
samantalang sa lansangan ang sasakya’y nababaon
at ang nangagibang tulay ang giba pa hanggang ngayon;
dami namang nangagkamal ng salaping milyon-milyon
na dapat na iniluwag nitong bayang nasasahol.
Oh, alabok, matakot ka sa sala mong sinusuong,
ang magbibinhi ng bulkan ay nag-aani ng lindol…









