Ni EMILIO MAR. ANTONIO
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Abril 18, 1949)
(Gunita kay BALAGTAS)
Sa ulilang silid ng karalitaan
ay nagbangon ako’t ngumiti sa lumbay,
ang dilag ng mundo ay pinagmamasdang
bandila ng wika ang hawak ng kamay.
Ang aking paningi’y kusang nakapako
sa ganda ng lunsod na nasa malayo;
ibig kong madama ng ulilang puso
kung ang pangarap ko ay masisiphayo.
Sa nakawagayway na tangang bandila,
ibig kong makitang may dumadakila,
manganganay akong sumuyo’t humanga
sa wikang sarili ng sariling wika.
Ang bandilang ito’y ibig kong ibalot
sa bangkay ng tanging makatang tagalog;
FRANCISCO BALAGTAS, hayaang ikumot
sa iyong libingan ang aming pag-irog!
Sa pamanang wikang sagisag ng lipi
at natirang sanla ng makatang-hari,
sa kaarawan mo’y wikang itatangi,
ipagtatanggol ko, pag may aaglahi!









