TALISMAN

Unti-unting nanlaki ang mga mata ng minero, nang matanghal sa kanyang pangmalas ang malaking larawan ni Dr. Fernando Octubre.

Ni NEMESIO E. CARAVANA

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Pebrero 6, 1950)

(IKA-5 LABAS)

NAGBULUNGAN ang mga tiktik. Kapuna-puna ang kilos ng ispektor, na nag-atas sa kanyang mga tauhang sa sandaling ibaba ang bata’y sasalakayin nilang sabay-sabay.

            “Ha-ha-ha-ha-ha!” ang malutong na halakhak na umalingawngaw mula sa hagdanang bakal. “Huwag kayong mag-isip nang masama sa akin. Kapag sumalakay kayo ay hindi mabubuhay ang batang ito!”

            Nagulumihanan ang ispektor. Walang kurap ang mga matang nagmasid sa batang nakalutang sa hangin. Lumapit nang bahagya ang pinuno ng pangkat ng mga tiktik, saka…

            “Sumuko ka at kung hindi’y paliliguan ka namin ng mga punglo!” ang may himig pananakot na sigaw ng ispektor. “Ihanda ang masingan!” ang utos pa sa mga kasama.

            Madaling kumilos ang ama ng bata at lumapit sa pinuno ng pangkat at binulungan ito.

            “Lumayo kayo sa hagdanan,” ang gumulat sa nagbubulungan na sigaw ng hindi nakikitang lalaki.

            “Papatayin ko ang batang ito kung kayo lalayo.”             Nanlaki ang mga mata ni Ricardo Montez, nang mamalas niya ang isang nakabiting punyal sa tapat ng dibdib ng kanyang anak. Ang nabanggit na punyal ay nakikita, ngunit hindi nakikita ang may-tangan.

“Bibilangan ko kayo ng tatlo,” ang wika ng mahiwagang tinig, “at sandaling matapos ko ang pagbilang at hindi kayo nagsilayo ay uutangin ko ang buhay ng bata… Isa… dalawa…”

            Mabilis na lumayo ang ispektor at ang ama ng bata. Nakita ng maraming matang naging pantay-tao na ang batang nakalutang sa hangin. Hindi naman makalapit ang mga tiktik sa takot na baka tarakan ang bata sa sandaling sumalakay sila.

            Maingat na lamang silang sumunud-sunod sa lumalakad na bata sa hangin. Ang makapal na taong nagsisipanood ay nahahawi sa pinagdaraanan ng sanggol. Nakalabas at nakalabas sa bakurang malayo sa pangulong lansangan ang bata na hindi man lamang nakalapit ang mga alagad ng batas, pagkat tuwi silang magtatangkang sumalakay ay naririnig nila ang tinig na nagbabantang papatay sa bata.

            Nakita rin ng maraming matang napakubli ang bata sa isang malaking punong kahoy sa labas ng bakuran. Mabilis na sumunod ang mga tiktik. Sa buong pagtataka ng mga alagad ng batas ay hindi na nila nakita ang batang nakalutang sa hangin. Isang matandang lalaking pangit ang namalas nilang lumalakad at nagbubulong: “Walanghiya! Sukat mo akong sagasaan. Parang hindi ka nakakita ng tao.”

            “Bakit, Ingkong?” ang naitanong ng isang tiktik.

            “Sinagasa ako ng isang kung sinong kalabaw na hindi ko nakikita,” ang pakli ng matanda. “May isang batang nakalutang sa hangin.”

            “Saan ninyo nakita?” ang usig ng tiktik.

            “Diyan napatungo,” ang pakli ng matanda at itinuro ang isang libis na malapit sa malaking tubo ng tubig.

            Mabilis na tinunton ng mga tiktik ang inihimatong ng matanda. Lihim na napangiti at patuloy na lumakad ang matandang patungo sa pangulong lansangan. Tinawag ang isang taksing nagdaraan at madaling lumulan. Nakahinga nang maluwag si Dr. Fernando Octubre, nang nakalulan na siya sa taksi. Salamat sa kanyang naisip na paraan: iniluwa ang kanyang talismang may-agimat at isinubo sa sanggol na kilik, kaya’t napaglalangan niya ang mga tusong tiktik, siya ang lumitaw at nagawa niyang maitago sa mata ng nag-uusig ang sanggol ng mga Montez.

Samantalang lumalayo ang kinalululanang taksi ni Dr. Fernando Octubre ay patuloy namang nagsisiyasat sa loob ng tahanan ng manggagamot ang mga alagad ng batas. Kasama sa pagsisiyasat ang magulang ng sanggol na gulung-gulo ang pag-iisip. Wala nang hininga si Magdalena nakalupasay sa paanan ng isang mesang kamagong na kinapapatungan ng telepono. Nakabakas pa sa leeg ng kaawa-awang babae ang mga bakal na daliri ni Dr. Octubre. Nakabukas pa rin ang telepono. Mapagkikilala sa bulwagang nasabi na naganap ang pasusukatan ng lakas ni Dr. Octubre at ng babaing wala nang hininga.

            Walang anu-ano’y napatingala ang inhinyerong amang sanggol. Unti-unting nanlaki ang mga mata ng minero, nang matanghal sa kanyang pangmalas ang malaking larawan ni Dr. Fernando Octubre. Naramdaman ni Ricardong nginatngat ng dalamhati ang kanyang puso. Ang larawang nakatambal sa kanyang pangmamalas ay siyang matandang lalaking ama ng batang namatay sa mga gulong ng kanyang awto. Panaginip waring nanumbalik sa guniguni ni Ricardo ang mga nangyari, hanggang sa dumating sa bahaging mangusap ang larawan: “Hindi mapapantayan ng salapi ang buhay ng aking anak. Kung ano ang utang ay siyang dapat na pagbayaran.”

Kinilabutan si Ricardo at dali-daling tinakpan ng kanyang mga palad ang mga pandinig, saka…

            “Kay mahal-mahal mong maningil!” ang naibulong ngunit biglang nanlisik ang mga mata. Ibinaba ang dalawang kamay na nakatakip sa mga taynga, hanggang sa… “Dr. Fernando Octubre, hindi isang tulog na lukan si Ricardo Montez. Hanapin kita, at susundan ko ang iyong mga bakas hanggang sa kabilang buhay. Hindi ko mapahihintulutang paglaruan mo ang aking bunso, na higit sa lahat ay siyang kayamanan naming mag-asawa sa ibabaw ng lupa.”

            Ipinasiya ng ispektor na tanuran ang tahanan ni Dr. Fernando Octubre. Dinala sa Morge ang bangkay ni Magdalena. Samantala’y malungkot at bigo ang pag-asang nagbalik sa kanilang tahanan ang inhinyero. Inabutan niya si Rodorang walang tila pa rin ang luha sa mga mata. Hindi na niya ibinalita sa nagdadalamhating asawa ang mga nasaksihan sa tahanan ni Dr. Fernando Octubre.

            “Bayaan mo, iha,” ang alo ni Ricardo sa asawa, “hindi magtatagal at mababalik din sa atin si Totoy. Hindi nagpapabaya ang mga alagad ng batas. May malaking banaag ng ng pag-asa.”

            Habang inaalu-alo ni Ricardo ang namimighating si Rodora ay tumunog ang timbre ng telepono. Nang sagutin ay nakilala niya ang tinig ni ispektor Dizon: “Isang tsuper ng taksi ang nagbalita sa amin, na isang mahiwagang matanda na may dalang sanggol ang umibis sa kanyang kotse na hindi nagbayad. Alinsunod sa mga palatandaang inihimaton ng tsuper ay maliwanag na si Dr. Octubre ang sinasabi ng tsuper.”

            Inalam ni Ricardo kung nasa himpilan pa ang tsuper at nang malamang naroon pa’y mabilis na walang iniwan sa kidlat na nanaog ng kanilang tahanan at nagsadya sa himpilan ng pulisya. Inabutan ni Ricardong kapanayam pa ng ispektor ang tsuper.

            “Ano ang hitsura ng matanda?” ang karaka-rakang sabad ni Ricardo at walang kurap na pinagmasdan ang tsuper.

            “Pangit na pangit at mahaba ang balbas,” ang walang liwag na pakli ng tsuper. “Sumakay siya sa akin nang nag-iisa, ngunit nang bumaba ay kilik ang isang sanggol.”

            “Sa ibang araw mo na ako singilin,” ang wika niya sa akin, “wala akong salaping dala.”

            “Hindi maaari,” ang wika ko sa kanya, “wala akong pang-abono sa may-ari.

“Namangha na lamang ako nang biglang may isubo siyang bagay. Nawala ang pangit na lalaki at nakita kong ang bata’y parang nakalutang sa hangin na lumalakad. Nahintakutan akong gayon na lamang. Ipinalagay kong isang asuwang ang sumakay sa akin.”

            “Saan bumaba ang mahiwaga mong sakay?” ang patuloy na usig ng ama ng sanggol.

            “Sa isang liblib na pook sa San Francisco del Monte,” ang tugon sa basag na tinig ng tsuper. “Malayo sa kabahayan.”

            Nahintakuan si Ricardo. Ipinalagay niyang hindi malayong paslangin ni Dr. Octubre ang kanyang anak. Nanumbalik na naman sa kanyang guniguni ang larawang nakita sa tahanan ng manggagamot, na parang nagsasalita: “Hindi mapantayan ng salapi ang aking anak, na namatay sa mga gulong ng iyong awto.”

            “Talaga…” ang parang naisunod na salita ng inhinyero, “talaga nga namang hindi mapapantayan ng anumang kayamanan ang anak ng isang tao.”

            Huminga nang maluwag si Ricardo. Tinapunan ng tingin ang ispektor, saka…

            “Tulungan ninyo ako,” ang wikang basag na basag ang tinig. “Halughugin natin ang buong San Francisco del Monte.”

            At noon di’y kumilos ang mga tiktik, na kasama ang ama ng sanggol. Talagang hindi tutugot si Ricardo, hangga’t hindi natatagpuan ang bakas ni Dr. Fernando Octubre. Niyari sa sarili ng inhinyero, na agawin ang kanyang anak sa naghihiganting matanda, kasakdalang pamuhunan ng kanyang buhay.

            Dumating sila sa pook na inihimaton ng tsuper. Isang ilang na pook na totoong malayo sa kabahayan. Payak na punungkahoy at baging ang bumulaga sa kanilang paningin.

            Maghapong sinalugsog ng mga tiktik at ng inhinyero ang paligid-ligid na inihimaton ng tsuper ng taksi. Nasalugsog na rin nila pati ilang barung-barong na nakatayo sa hindi kalayuan. Walang nakapagsabi sa kanilang nakakita sa batang nakalutang sa hangin at sa pangit na matandang manggagamot.

            Tila masisiraan ng pag-iisip si Ricardo Montez. Nalipasan siya ng gutom sa pagtalunton sa bakas na mahiwagang manggagamot na tumangay sa kanyang anak. Madilim-dilim na nang magbalik sila sa Maynila. Tungo ang ulo ng inhinyerong nasok sa bakuran ng kanilang malaking tahanan.

            “Ha-ha-ha-ha-ha!” ang matunog na halakhak na gumulat kay Ricardo, nang mga sandaling pumpanhik na siya ng hagdanan. “Naramdaman mo na ngayon ang bigat ng isang magulang na mawalan ng kanyang anak.”

            Pumihit si Ricardo. Nanindig ang mga balahibong hinawakan ang kanyang rebolber, saka pinaputukan ang lugar na pinanggalingan ng tinig.

(Itutuloy)