Ni ARTEMIO O. MARQUEZ
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Pebrero 14, 1949)
“Sa iyong talulot, isang halik, hirang!”
Wika ng bubuyog na tila may lumbay.
Sagot ng bulaklak, “huwag, minamahal,
Sapagka’t ang gayo’y aking kamatayan!”
“Bakit? Lason baga ang hinihiling ko,
Na saksi sa ating pagsintang totoo?”
“Mahigit sa lason na nakukuro mo,
Ang puri ay mahal sa buhay na ito!”
Nguni’t ang bubuyog sa tamis ng dila,
Nasimsim ang nektar sa labing sinaga…
Kaya’t nang yumaong sakbibi ng tuwa,
Ang bulaklak nama’y naiwang may luha!









