Ni JOSE DOMINGO KARASIG
(Unang nailathala: LIWAYWAY, May 1, 1950)
HANDANG-HANDA na si Nene. Sa hapong iyon ay darating si Edong. Ikakasal na sila ni Edong. Maligayang-maligaya si Nene. Gayon pala katamis alalahanin ang pag-ibig, ang pag-ibig na sa akala niya ay ipagkakapuri niya sa lahat ng kababayan, sa lahat ng kanyang kapwa guro sa kanilang pook.
May isang linggo pa lamang na nakikilala niya si Edong. Makisig si Edong. May sariling awto at kung makailan na siyang ipasyal sa Luneta pagkatapos na makilala niya ito sa pasayaw ng nagdiwang sa araw ng pagsilang na si Lilay na kanyang kababayan.
Hindi taga-Maynila si Nene. Taga-San Diego siya. Bakasyon lamang kaya siya narito sa Maynila, sa tahanan ng kanyang ale. May katipan siya sa kanilang bayan, si Menandro Alfaron. Si Menandro ay isang binatang dungo, nakahihigit sa kanya ng may lima o anim na taong gulang. Napilitan niyang ibigin si Menandro sapagkat siya lamang ang naghandog sa kanya ng pag-ibig sa pook nila. Ngunit noong nasa kanilang bayan si Nene, si Menandro na ang sa palagay niya ay nakahihigit na binata sa buong nayon ng kamatsili na kanyang pinagtuturuan. May sariling saka si Menandro. Hindi ito nakikisama sa ibang maylupa. May sariling sikap, may sariling ani at ang balita’y nakapagpapaaral pa sa Maynila ng isang kapatid na lalaki.
Walang pakialam si Nene sa kapatid ni Menandro. Ang nalalaman niya, si Menandro ay nakahihigit ng kabuhayan sa sinumang binata sa Kamatsili, kaya nang ito’y pakiming magtapat sa kanya ng pag-ibig, wala pang tatlong buwan ay inoohan niya at pinangakuang kanyang pakakasalan pagkatapos ng klase sa taong iyon.
Ngunit nang maglapat ng pinto ang mga paaralan nang taong iyon ay nayaya si Nene ng kanyang isang aleng nagtitira sa Maynila.
“Magbakasyon ka muna Nene sa Maynila bago ka pakasal.” anang kanyang ale. Natuwa naman si Nene.
Nakipag-usap siya kay Menandro.
“Mapapayagan mo ba akong lumuwas muna sa Maynila. Pauunlakan ko lamang ang aking ale, inaanyayahan ako, at kahiya-hiyang hindi ko naman pagbigyan!” wika niya kay Menandro.
“Maano naman ‘yon. Pag-uwi mo na tayo pakasal!” wika naman ni Menandro.
Pinabaunan pa ni Menandro ng mga kesong sariwa ang dalaga at ang ale nito. Pinadalhan pa ng mga manggang hinog na may mga bulo na sinadyang ipinagsisilid sa magagandang buslong kawayan.
Ikalawang araw pa lamang ni Nene sa Maynila ay nadalo na siya sa kasayahan kina Lilay. Doon niya nakilala si Edong. Makisig si Edong at bata pa. Estudyante sa Maynila. May awto pa si Edong at kung makailan silang namasyal sa baybay dagat at sumagap sila ng sariwang hangin.
Bumukas ang pintuan. Iniluwa nang pumuwang na dahon ng pinto ang isang kabunan, ang isang nilikha, ang isang lalaki. Ngunit hindi si Edong. Si Menandro ang dumating.
Nabago ang pintig ng puso ni Nene nang makilala, makausap at makasayaw si Edong. Malaki ang kahigtan ni Edong kaysa kay Menandro. Si Menandro ay magsasaka, si Edong ay bihasangg binata at matalino, bukod pa sa tila may sinasabi sa pamumuhay. Umibig siya kay Edong. Nilimot niya si Menandro. Kung makatatagpo ng mainam, bakit magtitiis sa pangkaraniwan lamang, kanyang kawikaan pa nang matapos na tanguan niya si Eduardo o si Edong.
Ngunit ibig niya ay pakasal na sila agad ni Edong bago siya bumalik sa San Diego at bago siya magturo uli sa Kamatsili. Kaya siya ay nagpahalata kay Edong ng kanyang nais. Matunog naman si Edong. Pinangakuan siyang sila’y pakakasal.
At nang hapong iyon nga ang kanilang tipanang haharap sila sa hukom-pamayapa sa Kalookan upang doon sila pagbuhulin ng palad. Hinihintay niya si Edong. Bawat yabag na maulinigan niya, si Nene ay napapadungaw sa akalang iyon na ang kanyang hinihintay.
Ngunit wala pa si Edong. Naantala si Edong. Noon lamang nagkulang si Edong sa kanilang tipanan.
Nakahanda na siya nang handang-handa. Nakasulat na siya noong kamakalawa sa Kamatsili kay Elisang kapwa niya guro. Ganito ang sulat niya kay Elisa:
Mahal kong Elisa:
Pagdating ko riyan ay Ginang Nene Ramos na ako. Napakasal na ako rine sa Maynila sa isang lalaking higit na itinatangi ko sa aking puso. Dinaramdam kong sawiin at limutin si Menandro, subalit hindi kami magkapalaran. At hindi ako magsisisi kung ako ay kanyang kapootan, sapagkat pag-uwi namin ng aking mister diyan ay makikita mong ako’y may katwiran.
Ikaw na ang mag-abot kay Menandro ng sulat na para sa kanya na inilakip ko rito. Diyan ay humihingi ako ng tawad sa kanya sa aking ginawang paglimot.
Hintayin mo ako at kami ay uuwi ng aking mister.
Alaala,
NENE
Naihulog na niya ang sulat na iyan at sa anumang pangyayari ay tiyak na kalag na siya sa kanyang kapangakuan kay Menandro pagkatanggap nito ng kanyang sulat upang magkaroon siya ng ganap ng kalayaang makaisandibdib ni Edong.
Ngunit kung bakit si Edong ay hindi naman dumating-dating. Nagtataka siyang malabis. Inip na inip na si Nene. Nakabihis na siya. Kung makailan pang haplusin niya ng basahang tuyo ang kanyang makintab na sapatos upang matiyak na walang nakakapit na alikabok dito. Kung makailan nang pulbusan niya uli ang kanyang pisngi, upang matiyak na ito ay may bulu-bulo pagdating ni Edong. Kung makailan niyang pahiran nang paulit-ulit ng kolorete ang kanyang mga labi at hagurin ang kanyang kilay. Apat na harap na yata siya sa salamin. Baka dumating si Edong nang hindi siya kaakit-akit.
Ngayon ay nakaupo siya. Mamaya-maya ay nakatindig siya. Ngayon ay lumalakad-lakad siya sa buong kabahayan ng tahanan ng kanyang aleng noon ay nakaupo sa panggingge sa kanilang kapitbahay, kaya sariling-sarili niya ang pag-iisa; maya-maya ay dudungaw siya. Ngunit wala pa si Edong.
Sa wakas ay nakarinig siya ng mga yabag, habulang mga yabag na papalapit sa kanilang hagdan.
“Eto na si Edong, ay salamat!” naibuntunghininga niya sa sarili na hinagod ang kanyang bestido upang maalis ang pagkalukot.
Bumukas ang pintuan. Iniluwa nang pumuwang na dahon ng pinto ang isang kabunan, ang isang nilikha, ang isang lalaki. Ngunit hindi si Edong. Si Menandro ang dumating.
“Sus…!” impit na nawika ni Nene. “Tinanggap mo ba ang sulat ko. Kaya ko dumating?” ang naitanong pa niya na putlang-putla sa takot.
“Hindi, sumulat ka ba?”
“Ipinadala ko kay Elisa, hindi ba ibinigay sa iyo?”
“Hindi!”
“Bakit ka naluwas kung gayon?”
“Tumelegrama sa akin ang pinangangaserahan ni Edong, ang kapatid ko.
“Si Edong, ang kapatid mo; sinong Edong?” nandilat ang mga mata ay nawika ni Nene.
“Si Eduardo Ramos, kapatid ko sa ina, nasa pagamutan siya at titistisin bukas ang kanyang apendesitis.
“Ha!” napabigla si Nene.
“Bakit, kilala mo ba si Edong?” naitanong ni Nene.
“Hindi, hindi ko nakikilala. Mabuti at dumating ka. Talagang ibig ko nang umuwi sa atin. Naiinip ako rito.
“Ngunit, hindi maaaring ngayon tayo umuwi, may sakit ang kapatid ko! Dadalawin muna natin siya.
“Ikaw na lamang, ako ay uuwi na sa San Diego. Paggaling ng kapatid mo ay umuwi ka na rin, ibig kong makasal tayo bago magbukas ang klase, Menandro.
“Oo, ngunit irog ko, hindi kita masasabayan, maysakit si Edong.”
“Paroon ka na sa Pagamutan, bantayan mo siya. Ako ay uuwi na at nang makapaghanda-handa naman.
Nakaaalis pa lamang si Menandro nang manhik si Lilay, ang dalagang naging dahilan ng pagkikilala nila ni Edong.
“Nasugod ako, pagkat dumating ang kapatid ni Edong. Nakausap ko siya sa pagamutan. Nalaman ni Edong na ikaw pala… ay…
“Oo, galing dito ngayon si Menandro.
“Sabi ni Edong ay limutin ninyo ang lahat… lahat-lahat sapagkat si Menandro ang nagpapaaral sa kanya, hindi raw niya magagawa ang maliit pang kasalanan kaysa gagawin ninyo laban sa kanyang mapagmahal na kapatid.
Noon din ay umuwi si Nene. Kailangang dumating siya kay Elisa sa San Diego upang makuha niya ang sulat na ipinadala niya rito para kay Menandro at nang hindi makasugat na lubha ang mga sinasabi roon sa lalaking mapapangasawa pa naman niya.
(Wakas)









