Ni EMILIANO R. JOSE
(Unang nailathala: LIWAYWAY, May 23, 1950)
Sa ligaw na landas ng musmos na buhay,
doon nagkatagpo, tayo isang araw…
Ikaw ay maganda…
ako ay masigla…
Kung kaya’t sa ati’y panaginip lamang
ang lahat sa mundo ng kaligayahan…!
Ngunit isang hapon, ewan ko kung bakit,
nagdilim ang dating marilag kong langit…
Pano’y lumayo kang
masayang-masaya
na sinusundan ko ng malamang titig
at tatawag-tawag ang aking pag-ibig…!
ako’y nilimot mo’t sa iyong halakhak
ay napakinggan ko ang aking paglagpak…
ngayo’y masaya ka’t
lasing na lasing pa
na parang di pansin na tinatalaktak
na kahibangan mo sa ligaw na landas…!
datapwat Irog ko, kung ikaw’y maligaw
at di makarating sa paroroonan
ikaw ay magbalik
at dito sa dibdib,
na inulila mo’y muling mararatnang
may dambana ka pang laging naghihintay!









