At nang magdaan ang prusisyon, ang dalawang matanda ay nakaupo sa tabing bintana. Nakita nila si Eloise, nakabaro't saya, may korona, may hawak na krus, kaagapay ng konsorteng si Crisanto.

Ni PEDRO L. RICARTE

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 29, 1961)

KABILANG si Ralph West sa mga umibis sa eroplanong lumapag sa paliparan sa timog ng Maynila. Galing siya sa Amerika. Mahigit nang animnapu’t limang taon si G. West, nguni’t masigla pang kumilos. Matipuno siya at may taas na kulang-kulang na pitong talampakan.

            Ang sumalubong sa kanya ay ang anak na dalaga, si Eloise, na may ilang buwan na sa Pilipinas sapagka’t ipinadala rito ng ICA upang tumulong sa pagpapaunlad sa mga liblib na pook. Maganda si Eloise. Taglay niya ang bughaw na mata ng ama. Ginintuan ang kanyang buhok, balingkinitan ang katawan at malusog ang dibdib. Mataas siya nang bahagya sa karaniwang Pilipina.

            Ang mag-ama ay sumakay sa kotseng naghatid kay Eloise sa paliparan. Iyon ay kotse ni Crisanto, ang Pilipinong katipan ni Eloise. Hindi kasama si Crisanto sapagka’t may pinagkaabalahan. Ang tsuper lamang ang kasama ni Eloise sa pagsaluno sa ama.

            “Dad,” ani Eloise. “Gustong-gusto kong makita mo ang santa Catalina.”

            “Nakita ko na naman iyon, a,” tugon ni G. West.

            “Hindi ba’t sabi ko sa iyo’y doon ako nadestino noong sundalo ako?”

            “Pero apatnapung taon na ang nakararaan buhat noon. Tiyak na malaki na ang ipinag-iba ng Santa Catalina.”

            “Oo nga.” at napatango si G. West.

            “Ibig ko ring makita mo ang santakrusan. Iyan ay isang pagdiriwang na sa Pilipinas lamang nagaganap.

            “Nais pang idugtong ni Eloise: At ibig ko ring makilala mo si Cris… Nguni’t hindi niya nabigkas ang nais sabihin. Kahit sa sulat ay hindi pa niya napangangahasang sabihin sa ama ang tungkol sa kanila ni Crisanto. Ang Kanluran ay kanluran at ang Silangan ay silangan… Nagunita niya ang isang bahaging yaon ng tula ni Kipling.

            “Nakakita na ako ng santakrusan noong araw pa,” ani G. West. “Sa Santa Catalina rin, noong madestino ako roon.”

            “Pero iba ang santakrusang makikita mo ngayon pagka’t ako ang Reyna Elena.” At tumawa si Eloise.

            “Siyanga pala,” at tumawa rin si G. West,” nasabi mo nga pala sa sulat na ikaw ang napagkaisahan ng mga taga-Santa Catalina na gawing Reyna Elena.

            Nangiti si G. West. Nagunita niya ang iba pang mga ibinalita ni Eloise sa mga sulat sa kanya: ang pagtuturo nito ng mga gawaing-bahay sa mga babae, ang pagsisikap na makapagpatayo ng isang paaralan para sa matatanda, ang mabuting pakikitungo ng mga Pilipino. Natatandaan ka ng ilang matatanda rito, anang isang bahagi pa ng isang sulat ni Eloise. Kilala ka ni Tandang Kiyel, iyong tininting may-ari ng bahay na tinutuluyan ko rito. Kilala ka rin ni Donya Marcosa, ang ina ni Crisanto. Kinumusta ka nang malamang anak mo ako…

            Tumanaw si G. West sa labas ng kotse. Nasa lansangang pambansa sila, malayo na sa paliparan. Ngayo’y nakadarama siya ng waring pananabik, waring pangungulila. Napakalalim ng pagkakatanim sa kanyang damdamin ng Santa Catalina. Kaipala’y yaon ang dahilan ng paghiling niya kay Eloise na lakarin nitong sa Santa Catalina madestino noong ipadala nga ito ng ICA sa Pilipinas.

            Pumikit si G. West at sa kanyang isip ay nakita niya ang isang santakrusan: siya ang tanging Amerikanong umiilaw noon sa prusisyon, at batid niyang pinagtatawanan siya ng mga tao, at sa kanyang unahan ay naroon ang isang Reyna Elena…

            “Alam ng mga taga-Santa Catalina na darating ka ngayon.” Tinig ni Eloise ang pumukaw kay G. West. “Gustung-gusto kang makita ni Tandang Kiyel. Sabi naman ni Donya Marcosa, ituloy raw kita sa kanila.”

            At nagunita ni Eloise na ang paghiling niya sa ama na magtungo sa Pilipinas ay hindi isang layuning masaksihan lamang nito ang kanyang pagiging Reyna Elena at ang mga kaunlarang nagawa niya sa nayon; higit, nais niyang makatagpo ng ama si Crisanto at ang ina nito. Nguni’t hindi niya maiwalay sa isip ang pag-aalaala

HINDI pa lumulubog ang araw nang dumating ang mag-ama sa Santa Catalina. Sa bungad ng nayon ay may isang arko. Ang daan ay nababalagan ng mga banderitang papel. May mga musikong nagpapaseo.

            Napansin ni G. West ang kalinisan ng daan at kasinupan ng mga bakurang may mga tanim na gulay at halamang bulaklakin. Napakalaki na nga ng ipinag-iba ng Santa Catalina. Noong araw ay madalang lamang ang bahay at walang masinop kundi ang nag-iisang pinakamalaking bahay, iyong tahanan ng pinakamayaman sa nayong ito, tahanan ng….

            Napabuntunghininga si G. West. Muli niyang nadama ang waring pangungulila sa isang nakaraan.

            “Dad, nakikita mo ba iyon?” sabi ni Eloise, at tumingin si G. West sa itinuro ng anak: dalawang magkaratig na gusaling yari sa tabla at kawayan na nabubungan ng pawid. “Doon ko tinuturuan ng gawaing-bahay ang mga babae rito. Iyon namang karatig ang paaralan ng matatanda. Looban iyan ni Donya Marcosa. Siya ang gumastos sa pagpapatayo ng mga gusaling iyan”

            May naraanan pa silang isang bagong tayong gusali. At sinabi ni Eloise na iyon ang aklatang-nayon. Patangu-tango si G. West. Nasabi na sa kanya ni Eloise sa sulat ang tungkol sa lahat ng ipinakikitan nito ngayon, at batid niyang ang mga bagay na iyon ay naitayo sa pagsisikap ng kanyang anak at pakikiisa ng mga taga-Santa Catalina. Nakadama ng kasiyahan si G. West.

            Maya-maya’y ipinahinto ni Eloise ang kotse sa tapat ng isang bahay na may katamatamang laki.

            “Ito ang bahay ni Tandang Kiyel, Dad.” anang dalaga. “Sa dako pa roon ang kina Donya Marcosa. Mayamaya na tayo magtuloy roon.”

            Lahat ng tao sa lansangan ay nagtinginan sa mag-ama nang umibis sila. May bumati kay Eloise. May kumaway. At sa ilang lumapit sa kanila ay ipinakilala niya ang ama. Pagkatapos ay pumasok na sila sa tarangkahan. Naghintay ang tsuper ng kotse.

            Sa hagdanan pa lamang ay may sumalubong na sa mag-ama. Kabilang si Tandang Kiyel. Hindi ito nakilala ni G. West kung di ipinakilala ni Eloise. At bumulalas ng halakhak si G. West. Hindi niya kinamayan si Tandang Kiyel. Niyakap niya. Magkaibigan silang matalik noong araw.

            “Ang dami na palang puti sa ulo mo!” sambit ni G. West. “Dapat namang hindi kita makilala agad!”

            Sinikap alalahanin ni Tandang Kiyel ang kanyang dating baluktot na Ingles, at tumugon siya nang pautal. Ipinakilala niya ang kaibigan sa kanyang sambahayan: sa asawang matanda na rin, sa mga anak at manugang at sa mga apo. Pagkatapos ay naglabas siya ng alak.

            “Hindi lamang iyan istetsaid,” ani Tandang Kiyel.

            Sinikap namang alalahanin ni G. West ang Tagalog na natutuhan niya noong araw. At sa itinugon niyang baluktot na Tagalog na nahahaluan ng Ingles, nagtawanan ang mga kaharap. “Maski tuba, iniinom ko noong araw, natatandaan mo ba?” sabi niya kay Tandang Kiyel.

            At nag-inuman ang magkaibigan, at ang ilan pang mga kaharap nila. Nguni’t isa sa mga iyon, na lasing na lasing na sapagka’t nakainom na kanina pa, ang bumanggit tungkol kina Eloise at Crisanto. Biglang natigilan si G. West. Napatingin siya sa anak. Napatungo si Eloise.

            Hindi nagtagal at nagpaalam agad si G. West. “Tuloy lamang ako kina… kina Marcosa, at nang magkakumustahan din kami,” aniya kay Tandang Kiyel, at kinamayan ito at ang iba pang mga tao sa bahay.

            IYON ang pinakamaganda at pinakamalaking tahanan sa Santa Catalina—noon, at hanggang ngayon. Bagama’t may mga bahaging naipabago na, ang dating balangkas ng bahay ay nanatili. Napansin iyan ni G. West nang ang kotse ay pumasok na sa bakuran nina Donya Marcos. Hindi pa nagsasalita si G. West. Nakadarama ng pangamba si Eloise. Nagugunita niya ang sinabi ng lasing na nakainuman ng ama. Paano kung tutulan ng kanyang ama ang pag-iibigan nila ni Crisanto? Ang Kanluran ay kanluran… Napahinga nang malalim si Eloise.

            Si Donya Marcosa ang sumalubong sa mag-ama nang pumanhik sila. Maraming puti sa buhok ang donya, maraming kulubot sa mukha—ibang-iba sa Marcosang nakilala ni G. West noong araw—nguni’t hindi nagdalawang tingin ang Amerikano upang huwag niyang makilala ang kaharap ngayon. Ngumiti siya at naglahad ng palad.

            “Kumusta?” sabi niya.

            Ngumiti rin si Donya Marcosa, nakipagkamay sa panauhin at tumugon sa matatas na Ingles. At nang magkakaharap na silang nakaupo sa salas, iginala ni G. West ang tingin: Ibang-iba na ang salas na ito, nguni’t narito pa ang mga bagay na natatandaan niya—ang lumang piyano, ang larawan ni Donya Marcosa sa dinding: nakabaro’t saya, nakangiti, kabataang magandang-maganda.

            “Siyanga pala,” nagunitang sabihin ni G. West,”may anak ka raw binata. Nasaan siya?”

            “Darating na siguro,” tugon ni Donya Marcos. “Alam mo’y siya ang pangulo ng pista riot kaya abalang-abala. Aba, ayan na pala siya, e,” dugtong ng donya na napatingin sa pinto.

            Makisig ang lalaking nakita ni G. West. Mataas kaysa karaniwang Pilipino. May matipunong katawan. Ngumiti ito, yumukod nang bahagya at lumapit sa kanila. Ipinakilala ni Donya Marcosa kay G. West ang anak. Halos hindi humihinga si Eloise nang pinagmamasdan ng ama si Crisanto habang nagkakamayan ang dalawa.

            “Aba, makapagpahain na, Mama, at nang makakain sila,” sabi ni Crisanto. “Malayo ang pinanggalingan nila.”

            Sa harap ng pagkain, kasalo ng ilan pang mga panauhin, ay nagpatuloy sila ng pag-uusap. Nabatid ni G. West na maliit pa si Crisanto nang mabalo si Donya Marcosa. Ibinalita naman ni G. West na nang mabalo siya ay maliit pa rin si Eloise.

            “Pareho palang naatraso ang pag-aasawa natin.” At tumawa ang Amerikano. “Kung hindi, siguro’y marami na tayong apo ngayon.”

            “Oo nga,” ani Donya Marcosa. “Saglit siyang natigilan. Nagunita niya ang pag-iibigan nina Crisanto at Eloise. Mahal niya ang dalagang Amerikana. Hindi lamang dahil sa mabait ito at inaakala niyang karapat-dapat sa anak. May mga bagay pang lalong naglapit sa kanyang loob kay Eloise.

            Ngayon ay marami siyang nagugunita, kalakip ang pangambang baka tutulan ni G. West ang pag-iibigan ng dalawa.

            Pagkakain ay nagbalik sila sa salas. At nabatid ni G. West na si Crisanto ay bagong tapos sa karunungan sa pagsasaka at siyang namamahala sa lupain ng ina. Kung saan-saang paksa nadako ang kanilang pag-uusap. Hindi pangkaraniwang lalaki si Crisanto, maginoo, matalino—iyan ang napansin ni G. West.

            LAMPAS na sa ikawalo ng gabi nang ilabas ang prusisyon. Hindi pa umalis si G. West kina Donya Marcos. Nagkawilihan sila ng pagbabalitaaan. Si Crisanto na lamang ang nahatid kay Eloise kina Tandang Kiyel nang magbihis ang dalag para sa pagsama sa prusisyon.

            At nang magdaan ang prusisyon, ang dalawang matanda ay nakaupo sa tabing bintana. Nakita nila si Eloise, nakabaro’t saya, may korona, may hawak na krus, kaagapay sa paglakad ng konsorteng si Crisanto. Ngumiti sa kanila ang dalawa. Kumaway si Donya Marcosa, nguni’t nakadama siya ng bahagyang pangamba nang bumaling sa katabing Amerikano: nakatitig lamang ito sa prusisyon, hindi ngumingiti, hindi kumakaway. Naipalagay ng donya na baka hindi naibigan ni G. West na makitang katabi ng anak nito ang kanyang anak. Nguni’t hindi niya batid na nang mga sandaling iyon ay wala sa sarili si G. West.

            Nagugunita ng matandang Amerikano ang isang santakrusan, may apatnapung taon na ang nararaan. Siya ang tanging Amerikanong umiilaw noon sa prusisyon—at ang lahat ay dahil sa isang tanging Reyna Elena—at pinagtatawanan siya ng mga tao, na wari bang katawa-tawa ang kanyang ginagawa, katawa-tawa ang pakiki-silanganin ng isang taga-Kanluran, katawa-tawa ang paglalapit ng Silangan at Kanluran. Naging katawa-tawa nga—nguni’t hindi para sa kanya at sa Reyna Elena ng santakrusang yaon, kundi para sa kani-kanilang magulang. Matagal na ipinagdusa niya ang pagtutol ng kanyang magulang, matagal na ikinabagabag ng kanyang budhi ang pangyayaring noo’y hindi siya nagkaroon ng lakas ng loob na na sumalansang (aywan niya kung dahil sa bata pa siya noon at ikinatakot din niya ang sasabihin ng kanyang lipunan); nguni’t nang mahusto na ang kanyang bait ay saka niya nadili-dili, kalangkap ng sumbat ng dudhi, ang kanyang pagkukulang, at nagkaroon siya ng nasang ituwid ang isang pagkakamali nguni’t huli na. Ang Pilipinang yaon ay nagdusa rin, batid niya kung paano ang pagtutol ng mga magulang niyon sa pagkakalapit ng Silangan at Kanluran. Ang Pilipinang yaon ay si Donya Marcosa, ang ina ng ngayo’y katipan ng kanyang anak.

            Nabaling ang kanyang tingin sa katabi. Nabigla siya. Nakita niyang dinarampian ng donya ang mata nito. Matagal bago nakapagsalita si G. West.

            “May narinig ako,” sabi niya, “tungkol sa anak mo… sa anak ko. Sila pala’y… may pagkakaintindihan na.”

            Tumango si Donya Marcosa. “Iyan nga ang iniisip ko ngayon. Mahal ko ang anak mo, paris na rin ng pagmamahal ko sa anak ko. Pero… baka ‘ika ko tutol ka. Noong araw, nangyari na sa atin ang…

            “Kosang,” ani G. West, at ngayon lamang niya binigkas ang dating tawag niya kay Donya Marcosa. “Sa nangyari sa atin, may kasalanan ang ating mga magulang. Pero may kasalanan din tayo; hindi tayo nagkaroon ng lakas ng loob na tumutol.”

            Tumanaw sa bintana si West. Nakalampas na ang prusisyon.

            “Alam mo, tuwing maiisip ko iyon ay para akong binabagabag ng budhhi. Marahil, iyan ang dahilan kaya dito hinangad kong madestino ang aking anak. Ibig kong sa paano mang paraan ay mapunan niya ang pagkukulang ng aking magulang,”

            Napatitig si Donya Marcosa kay G. West.

            “Bakit natin uulitin ang pagkakamali ng ating mga magulang?” Nasa pangungusap ni G. West ang pasiyang hinihintay ni Donya Marcosa. At nangiti siya. Ngumiti rin si G. West.

            Malayo na ang prusisyon, nguni’t naririnig pa nila ang tugtog ng bandang sumusubaybay roon.

(Wakas)