Ni NEMESIO E. CARAVANA
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Marso 6, 1950)
(IKA-9 LABAS)
GULUNG-GULO ang pag-iisip ng tsuper ng taksi na itinigil ang kanyang minamanehong awto sa harap ng istasyon ng pulisya. Bago bumaba ay nilingon pa muna ang halos wala nang malay noong si Dr. Fernando Octubre. Patakbong pumasok sa himpilan at humihingal na ibinalita sa sarhento de mesa ang pinaghihinalaan niyang lulan.
“Ipinagbibigay-alam ko sa inyo ang kahina-hinala kong sakay” ang humihingal na salita ng tsuper. “Napuna kong may dugong umaagos sa kanyang katawan at tila siya nasisiraan ng pag-iisip.”
Noon di’y iniatas ng sarhento sa isang pulis na siyasatin ang sakay na inihimaton ng tsuper. Nanlaki ang mga mata ng pulis nang makita niya ang naghihirap na manggagamot, na hindi na niya makausap.
“Si Dr. Fernando Octubre!” ang balita sa sarhento ng pulis na nagsiyasat sa taksi. “May tama siya ng punlo sa kanang dibdib. Hindi na siya makausap. Ungol lamang ang kanyang isinasagot sa aking mga tanong.”
Mabilis na kumilos ang mga alagad ng batas at madaliang dinala sa pagamutan ang nag-aagaw-buhay na si Dr. Octubre. Ipinagbigay-alam ng sarhento sa mga kinauukulan ang pagkakadala sa pagamutan ng pinaghahanap na manggagamot. Kumilos ang mga tiktik na siyang may hawak ng usapin. Ginawang lahat ang kanilang magagawa upang mapangusap ang manggagamot na tumangay sa sanggol ng mga Montez.
“Wala siya sa kanyang pag-iisip,” ang wika ni Dr. Hernandez, na siyang tumingin sa nag-aagaw-buhay.” Bigyan ninyo muna ako ng panahong masalinan siya ng dugo bago ninyo tanungin.
Lumapit si Dr. Hernandez sa nag-aagaw-buhay at tinutop ang pulso nito. Pagkaraan ng ilang sandali nang pagdama sa pintig ay nakita ng ispektor at ng ama ng sanggol na umiling ang tumitinging manggagamot, hanggang sa…
Dumating din sa pagamutan ang ama ng sanggol. Sabik na sabik ni Ricardo na mabatid ang pagsisiyasat ng mga tiktik. Namutla ang mukha ng inhinyero nang sabihin ng mga tiktik na hindi na makapagsalita ang may tama ng punlong si Dr. Octubre.
“Pilitin ninyong maipagtapat niya kung saan dinala ang aking anak,” ang pahayag ni Ricardo. “Naniniwala akong magsasalita na siya nang katotohanan bago malagutan ng hininga.”
Matagal na naghintay sa labas ng silid na tistisan ang mga alagad ng batas at ang ama ng batang dinukot. Nangulimlim ang mukha ni Ricardo Montez nang makita niyang umiiling na lumabas ang manggagamot na tumistis at kumuha ng punlo sa dibdib ni Dr. Octubre.
“Nasa bingit siya ng buhay at kamatayan.” ang mahinang salita ni Dr. Hernandez. “Hindi siya maaaring makausap.”
“Pero, doktor,” ang may himig pakiusap na salita ni Ricardo,” nalalaman ba ninyong siya ang mahiwagang manggagamot na dumukot sa aking anak!” Kailangang mapagsalita siya bago tuluyang malagutan ng hininga. Paghinutulutan ninyo akong makapasok at makausap ang mamamatay.
“Isa siyang salaring kailangang makunan ng huling pangungusap,” ang saad ng ispektor ng mga tiktik. “Mahalaga ang kanyang huling mga kataga. Wala nang halaga sa amin ang lahat kung mamamatay siya nang hindi man lamang…”
“Nakikiusap ako sa inyo, Dr. Hernandez,” ang pahayag ng ama ng bata.
Napilitang suman-ayon ang manggagamot.
Pumasok sa silid ang ispektor at ang ama ng bata. Kasalukuyan noong sinasalinan ng dugo si Dr. Octubre. Nanlaki ang mga mata ng dalawang pumasok nang makita nilang nakapikit ang mga mata ng maysugat. Napuna rin nila ang malabis na pamumutla ng salarin. Natakot silang baka hindi na nga makausap ito. Gayunma’y nabuhayan ng pag-asa ang dalawa, nang mapansin nila ang paggalaw ng dibdib ni Dr. Octubre.
“Humihinga pa siya,” ang anas ni Ricardo sa ispektor. “May pag-asa pa tayong makausap siya.
Ilang sandaling nagkatinginan ang ispketor at ang ama ng batang dinukot. Huminga nang maluwag ang inhinyero, saka…
“Dr. Octubre…” ang mahinang tawag ng ama ng bata. “Dr. Octubre…”
Hinay-hinay na nagmulat ng mga mata ang may karamdaman.
“Dr. Octubre… nakikilala mo ba ako?” ang maliwanag na salita ni Ricardo at inilapit nang malapit na malapit ang kanyang mukha sa mga mata ng nag-aagaw-buhay.
Isang maasim na ngiti ang naglaro sa sulok ng mga labi ng manggagamot. Nasinag ni Ricardo ang pagkamuhi sa mga mata ni Dr. Octubre.
“Utang na loob,” ang pakiusap ni Ricardo, “ituro ninyo sa akin ang kinaroroonan ng aking bunso.”
Parang sinaksak ang puso ni Ricardo nang makita niyang umiling si Dr. Octubre. Napansin ng ispektor na ibig magsalita ang maykaramdaman dahil sa pagkibot ng mga labi nito, kaya’t…”
“Huwag ninyong baunin sa pagyao ang kasalanan,” ang salita kaagad ng ispektor. “Saan naroon ang bata?”
Umiling na naman si Dr. Octubre. Nagsikip ang dibdib ni Ricardo, nang mapuna niyang nahihirapan na sa paghinga ang manggagamot, na dumukot sa kanyang anak. Ayaw na ayaw niyang mapatiran ng hininga ang nag-aagaw-buhay. Nais niyang makapagtapat muna ito bago tuluyang mamatay.
“Saan… saan ninyo itinago ang anak ko?” ang napalakas na salita ni Ricardo.
Gumalaw ang mga labi ni Dr. Octubre, na bagama’t walang tinig na pumunas ay maliwanag na ipinahiwatig ng galaw ng mga labi ang katagang: “Wala!” saka dinugtungan pa ng pumulas na hangin sa bibig na nagpapahiwatig, na: “Lumayas kayo!”
Muling ipirikit ni Dr. Octubre ang kanyang mga mata, pagkatapos na maipahiwatig sa dalawang panauhin ang pagpapalayas. Nahintakutan na naman ang ama ng sanggol na dinukot, nang makita niyang dumalas na ang paghinga ni Dr. Octubre.
Lumapit si Dr. Hernandez sa nag-aagaw-buhay at tinutop ang pulso nito. Pagkaraan ng ilang sandali nang pagdama sa pintig ay nakita ng ispektor at ng ama ng sanggol na umiling ang tumitinging manggagamot, hanggang sa…
“Wala nang pag-asang mabuhay pa,” ang marahang salita ni Dr. Hernandez.
At pinakiusapang lumabas nang lahat ang mga tao sa silid na tistisan. Tumalima naman ang ispektor at si Ricardo Montez. Parang pinapaso ang puso ni Ricardo na lumabas sa silid. Hindi pa rin sila umalis ng pagamutan. Niyari sa sarili ng amang batang hintayin ang magiging wakas ni Dr. Octubre.
Bagama’t labis niyang kinamumuhian ang lalaking dumukot sa kanyang anak ay idinadalangin niya ang kaligtasan nito, sa hangaring maibunyag muna sana ng mamamatay ang pinagtaguan sa kanyang minamahal na anak.
Napilitan ding umalis ng pagamutan si Ricardo Montez. Malungkot siyang umuwi ng tahanan at ibinalita sa asawa ang tungkol sa nag-aagaw-buhay na manggagamot sa dumukot sa kanilang anak.
“E, ang anak ko, saan naroon?” ang nananabik na usisa ni Rodora sa asawa.
“Madali nang matatagpuan natin,” ang alo ni Ricardo sa naliligalig na kabyak ng dibdib.” Wala nang makasasagabal na sinuman sa paghahanap sa kanya ng mga alagad ng batas. Malaon at madali’y mamamatay si Dr. Octubre.
“Baka pinatay na niya ang anak ko?” ang pamanghang salita ni Rodora sa asawa.
“Hindi,” ang pakli ni Ricardo. “Naniniwala akong buhay ang ating anak.”
Walang anu-ano’y tumutunog ang timbre ng telepono. Madaling sinagot ni Ricardo.
“Ano?” ang pamanghang sagot sa tinig sa kabilang dulo ng kawad. “Nagbabalisa at nakapagsasalita na si Dr. Octubre? Naryan na ako ngayundin, ispektor.”
At madaliang napatungo na naman sa pagamutan si Ricardo Montez. Inabutan na niyang nakahiga sa kama si Dr. Octubre, na nasa gawing ulunan ang ispektor na nagsisiyasat.
“Ipinagtapat na po ba kung saan itinatago ang anak ko?” ang nananabik na usisa ni Ricardo sa ispektor.
“Ang anak mo?” ang maliwanag na pakli ng nahihibang na si Dr. Octubre. “Nasa impyerno!”
Hindi nakahuma si Ricardo. Mataman na lamang na pinagmasdan ang mukha ng mahiwagang manggagamot.
“Malapit na akong mamatay,” ang narinig na namang salitang gumagaralgal ng maykaramdaman. “Tinatawag na ako ng mga kamay ng dimonyo! Magsilayas kayo sa aking harapan… magsilayas kayo!…”
“Matakot kayo sa Diyos!” ang malumanay na salita ng ama ng bata, “ituro ninyo ang kinalalagyan ng anak ko. Kung nakagawa man ako ng kasalanan sa inyo ay hindi ninyo dapat parusahan ang sanggol.”
“Ha-ha-ha-ha-ha!” ang malutong na halakhak na namutawi sa mga labi ng nag-aalumpihit nang si Dr. Octubre. “Hindi ko ibig makakita ng tao sa mga oras na ito ng aking kamatayan.”
Hindi na tumigil nang katatawa si Dr. Octubre. Walang iniwan sa isang baliw. Matutunog na halakhak ang umalingawngaw sa silid… mga halakhak na unti-unting humina, hanggang sa tuluyang maparan.
Bangkay na si Dr. Fernando Octubre. Hindi na tumitibok ang kanyang puso; wala nang pintig ang kanyang pulso; nakapikit nang tuluyan ang kanyang mga mata; at malamig na ang kanyang katawan.
Bigo ang pag-asa ni Ricardo Montez na nagbalik sa kanilang tahanan. Hindi na siya nagsalita ng anuman sa kanyang asawa. Anumang mga tanong ang marinig niya sa labi ni Rodora ay hindi niya sinasagot. Walang laman ang kanyang isipan kundi ang hangaring hanapin ang kanilang anak.
Madalas na napapabuntunghinga na lamang si Ricardo, tuwing tatawag sa pulisya at sasagutin siyang wala pang magandang bunga ang paghahanap sa kanilang bunso ni Rodora. Lalo lamang naghihirap ang kanyang kaluluwa, kung nagugunitang naghahanap sila ng bituin sa isang langit na maulap at madilim.
At naghabulan ang mga araw at gabi ang mga linggo, ang mga buwan hanggang sa sumapit ang ikaisang-taong pagkakadukot sa kanilang anak, subalit wala pa ring magandang balita sa pulisya.
(Itutuloy)









