TALISMAN

Tinupad ng matanda ang huling pati ng Dr. Fernando Octubre. Tinagurian niya ang bata ng Nanding, pagkat isinunod niya sa pangalan ng nasirang manggagamot.

Ni NEMESIO E. CARAVANA

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Marso 13, 1950)

(IKA-10 LABAS)

SABAY halos sa ikasantaong pagkamatay ni Dr. Fernando Octubre, ay sumilang naman sa tahanan ng mga Montez ang pangalawang bulaklak ng pagmamahalan. Naging maingat na maingat sina Ricardo at Adora sa pangangalaga sa kanilang pangalawang sanggol. Hindi pa malay na isilang ang sanggol ay nagpagawa na sa loob ng kanilang tahanan ng isang sadyang silid na bakal na laging nakapinid ang pinto sa takot na baka madukot na naman ang kanilang anak.

            Hindi pa nasiyahan ang mag-asawa sa matibay na silid na bakal at napilitan silang kumuha ng suwelduhang anim na pulis espesyal.

            Sumilang man ang pangalawang bulaklak ng kanilang pagmamahalan ay hindi pa rin makatkat sa puso ng mag-asawa ang nawala nilang sanggol. May mga sandali ring nanunungaw sa gilid ng mga mata ng mabait na ina ang luha ng dalamhati.

            “Dalawa na sana sila,” ang malimit maibulong ni Rodora kay Ricardo, kung kalung-kalong niya ang pangalawang sanggol. “Buhay pa kaya ang bunsong dinukot sa atin? Huwag nawang matulad ang kapalaran ng ating pangalawa sa kapalaran ng kanyang kapatid.”

            Malusog na katulad din ng unang sanggol ang pangalawa; malikot na malikot ding katulad ng nawala; makislap din ang mga mata; mapupulang katulad ng gumamela ang mga labi at pisngi…

            Samantala’y tumatalalan na ang batang alaga ni Tandang Andres. Matunog nang humalakhak; matabil na, bagama’t hindi pa maunawaan ang sinasabi, saka munti pa’y kinasisinagan na ng katalinuhan. Tinupad ng matanda ang huling pati ng Dr. Fernando Octubre. Tinagurian niya ang bata ng Nanding, pagkat isinunod niya sa pangalan ng nasirang manggagamot.

            Sa tulong ng mga sariwang gatas ng kambing na alaga ni Tandang Andres ay namarating malusog at malakas si Fernando Octubre, Jr. Ibang-iba sa karaniwang bata si Nanding. Hindi siya iyaking gaano at manaka-naka lamang marinig na umiingit. Umiiyak lamang si Nanding kung ayaw papaglaruan sa kanya ni Tandang Andres ang talismang ipinamana ni Dr. Fernando Octubre. Labis na pinagtatakhan ni Tandang Andres ang ugali ng bata. Sa sandaling hindi nito makita ang talisman ay nagpapasimulang mayamot at mag-iiyak. Umiingit lamang si Nanding kung nagugutom at hindi nakikita ang beberon, ngunit tumitili at nagpapalahaw nang iyak kung di nakikita ang kanyang laruang talisman.

            Ang totoo’y walang nalalamang anuman si Tandang Andres ukol sa bisa ng talismang ipinamana ni Dr. Octubre sa batang kanyang dinukot. Ipinalagay ng matandang isa lamang bagay na walang kabuluhan at kapararakan. Madalas na gugulung-gulong lamang sa loob ng sahig ng silid ang talisman, na ipinupukul-pukol at kung minsan nama’y tinitisud-tisod lamang ni Nanding. Talagang walang-walang nalalamang kahalagahan si Tandang Andres sa bisa ng mahalagang bato.

            Baliw na baliw at hibang na hibang ang matandang tagaalaga sa batang tinagubilin sa kanya ng nasirang manggagamot. Habang lumilipas ang mga araw ay lalo at lalong napapamahal sa kanya.

            At isang araw ay ginatasan ni Tandang Andres ang inahing kambing upang may magamit sa magdamag na pagpapasuso sa bata. Isang malaking bote ang kanyang nagatas sa inahin. Galak na galak na nagbalik sa itaas ng lumang bahay na tisa si Tandang Andres. Madali siyang napatungo sa silid na pinag-iwanan sa bata. Nanlaki ang mga mata ng tagaalaga nang hindi niya makita si Nanding. Nakaririnig siya ng kaluskos at yabag ng maliliit na paa, ngunit wala siyang nakikitang sinuman sa silid. Sumasal ang tibok ng puso ng matanda. Nangamba siyang baka kung napapaano na ang kanyang batang tinangkilik.

            “Nanding! Nanding!” ang sigaw niyang pumuno sa loob ng silid, “saan ka naroon?”

            Walang tinig na sumagot sa kanya. Dati’y maliwanag niyang naririnig ang sagot na “lolo,” sa tuwi niyang tatawagin si Nanding. Wala siyang narinig kundi kaluskos na nagpalaki sa kanyang mga mata.

            “Nanding!” ang lalong malakas niyang tawag sa bata, at nagpalinga-linga hanggang sa mapilitang halughugin ang buong silid at buksan ang closet. Nasayang lamang ang kanyang paghahalughog: wala at hindi niya nakita ang batang alaga.

            Matamang nakimatyag si Tandang Andres. Tinapunan niya ng tingin ang dakong kumakaluskos, hanggang sa sumilip siya sa ilalim ng lumang katre. Hindi rin niya nakita si Nanding.

            Walang anu-ano’y may dalawang maliliit na bisig na yumapos sa kanyang paang kanan. Kinilabutan si Tandang Andres! Hindi sinasadya ay natabig niya ang maliliit na kamay. Isang mahinang kalabog ng munting katawan na sinundan ng palo ng ulo sa lapag ang kanyang narinig.

            Lalo nang kinilabutan si Tandang Andres nang marinig niya ang malakas na iyak ni Nanding. Walang iniwan sa isang taong nasisiraan ng pag-iisip ang matandang tagaalaga, na biglang yumukod at nag-apuhap sa lapag. Isang munting katawan ang nasalat ni Tandang Andres, malambot na katawang kilalang-kilala niyang kay Nanding. Sinapupo niya ang batang hindi nakikita at kinipkip sa kanyang dibdib.

            “Ano ang nangyari sa iyo, anak ko?” ang pamanghang usisa ni Tandang Andres sa batang kalong na nasasalat, ngunit hindi nakikita. “Ano ang nangyayari sa iyo? Bakit hindi ka makita ng aking mga paningin?”

            Kinusot ni Tandang Andres ng daliri ng kanyang kaliwang kamay ang malalabo niyang mga mata, sa paniniwalang talagang malalabo lamang ito, kaya hindi niya makita ang pinakamamahal na batang alaga. Ngunit kinusot man at pagkatapos ay pinapandilat ang mga paningin ay hindi rin niya namalas si Nanding.

            Dinama na naman at sinalat ng kanyang mga daliri ang batang kipkip ng kanang bisig: nasalat niya ang buhok nito, ang noo, ang kilay, ang mga mata, ang ilong, ang pisngi, ang mga labi, ang baba, ang leeg at ang dibdib… subalit hinding-hindi niya nakikita.

            Hindi kinukusa’y naitaas ng Tandang Andres ang kanyang mga mata sa langit, saka…

            “Diyos ko,” ang kanyang nausal, “paliwanagin mo po sana ang aking mga mata upang makita ko si Nanding.”

            Sabay sa pagkatapos ng huling katagang binigkas ni Tandang Andres ay nahulog mula sa bibig ng bata ang batong talisman na naisubo nang hindi sinasadya sa bibig. Muntik nang mapatili si Tandang Andres nang sa pagbaba ng kanyang mga paningin ay nakita na niya si Nanding. Kinilabutan ang matandang tagaalaga. Matapos titigang maluwat ang batang kalong ay tinapunan naman ng tingin ang batong talisman. Biglang sumagi sa kanyang isipan noon ang tagubilin ni Dr. Fernando Octubre, ukol sa mahiwagang batong talisman, na siyang unang-unang ipinamana sa batang lalaki. Yumuko si Tandang Andres at dinampot ang may-agimat na bato. Hindi pa rin napapawi ang kilabot sa kanyang katawan habang matamang sinisipat ang batong hawak.

            “Diyata’t…” ang nawikang malakas ang kaba ng dibdib, “anong agimat ang taglay mo?”

            At ilang sandaling nag-isip-isip si Tandang Andres. Pinaikot-ikot sa kanyang limang daliri ang mahiwagang bato, hanggang sa kanyang isubo, saka humarap sa salamin. Muntik nang mapasigaw ang matandang tagaalaga nang hindi makita sa salamin ang kanyang sariling anino. Wala siyang nakita kundi ang kanyang kalong na batang wari’y nakalutang sa hangin. Iniluwa ni Tandang Andres ang batong talisman. Namalas niya ang sariling anino sa salamin na kalong ang bata. Isang maluwag na paghinga ang pinawalan ni Tandang Andres sa kanyang dibdib. Noon niya ganap na nalaman ang kahalagahan ng batong talisman na ipinamana ni Dr. Fernando Octubre sa kanyang batang alaga.

            “Isa kang kalaruang mala-bathala!” ang pamanghang nawika ni Tandang Andres.

            At sinubok niyang muling isubo sa bata ang talisman. Nawala sa kanyang paningin si Nanding, hanggang sa…

            “Magiting na tagapagmana,” ang bulong ni Tandang Andres at itinaas ang batang hindi nakikita. “Gamitin mo ang talismang may-agimat sa kabutihan at huwag sa kasamaan.”

            Itinaob ni Tandang Andres ang batang hawak ng kanyang dalawang kamay, hanggang sa mahulog ang talisman sa lapag. Nangingislap ang mga mata ng matandang dinampot ang batong tigib ng agimat.

            “Nanding,” ang mahinang tawag ng matanda sa batang lalaki.

            “Lo…lo,” ang pagaril na salita ng batang lalaki.

            Dalawang butil ng luha ang bumitin sa mga mata ng matanda. Tinangka niya sa sariling huwag nang pamulatan pa sa batang lalaki sa pagkakaisip nito ang mahiwagang bato, ngunit sa lahat ng sandali’y para niyang naririnig ang habilin ng nasira niyang kaibigang pinalaki at inaaring para ring tunay na anak.

            “Hindi… hindi ko maaaring sirain ang kanyang itinagubilin sa akin,” ang bulong sa sarili ni Tandang Andres. “Ngunit sisikapin kong maitanim sa isip ni Nanding, na gamitin niya ang makapangyarihang bato sa mabuti at hindi sa masama.”

            At…

            Napabalita ang pambihirang binyagan ng mga Montez. Bininyagan na si Ricardo Montez, Jr., ang tagapagmana ng malaking mina ng ginto sa lalawigang Bulubundukin. Isang heneral ng hukbong Pilipino ang naging ninong ng bata, kaya’t ang binyagan ay naging matunog na matunog at natanuran ng sandatahang kawal ang loob at labas ng simbahan, sa takot ng mga magulang ng bata, na matulad sa kanilang unang anak na dinukot ang kapalaran ni Ricardo Montez, Jr.

            Nang mga sandaling yao’y isa sa mga panauhing dumalo sa simbahan si Tandang Andres. Nagawa niyang maiwan sa tahanan si Fernando Octubre, Jr., pagkat nakakuha siya ng isang mabait na makapag-aalaga sa bata.

            Lumapit nang malapit na malapit si Tandang Andres sa batang binibinyagan, nang mga sandaling binubuhusan na ng tubig. Sumasal ang kaba ng dibdib ng matanda, nang makita niyang kamukha ng kanyang alaga ang pangalawang supling ng mga Montez.

            Napaluhod sa harap ng altar si Tandang Andres. Bulong mandin ng himalang igalang niya ang tanging pagkakataon. Nakita niyang mailap ang mga mata ng ina ng sanggol. Parang sinaksak ang puso ni Tandang Andres. Nagunita niya ang batang kanyang alaga, na isinilang din ng babaing may malilikot na mata, na waring natatakot sa isang sakuna, marahil ay sa pagkagunita sa unang sanggol na nawala at nasa kanyang pagtatangkilik.

            Sa pagkakaluhod sa harap ng altar ay natapunang-tingin ang nakaripang anak ng Diyos. Kinilabutan si Tandang Andres. Paano’y para niyang narinig na nagsalita ang Kristo at nag-uutos sa kanyang isauli ang sanggol na kanyang alaga sa inang nagluwal at naghirap.

            “Suss!” ang nasabing pahilakbot ni Tandang Andres. “Opo, ibabalik ko sa kanyang ina ang bata.”

(Itutuloy)