Ni IÑIGO ED. REGALADO
Ang ulilang pugad ay gumalaw-galaw;
may ibig lumipad na isang inakay.
Dumating ang ina na galing kung saan,
May palay na dala sa anak na mahal.
“Ayoko ng palay, ibig ko’y lumipad
sa kaitaasan…” ang wika ng anak.
“Aba!” ang ina, “wala ka pang pakpak,
ang murang bagwis mo’y huwag ipangahas.”
“Nguni’t ako, ina, ay inip na inip,
tingnan mo nga sila’t nasa himpapawid!”
“Ina’y tumingala. “Huwag kang mainggit
at mahihina pa iyang mga bagwis.”
“Maghintay ka muna! Pagsapit ng araw
ay darating ka rin sa kaitaasan;
Tandaan mo sana: ang kapangahasan
Ay hindi lagi nang pakikinabangan.”
Nang masabi ito, ang ina’y lumipad,
umali-aligid sa dakong itaas.
Ang matinding inggit ay biglang nag-ugat
sa munting inakay na ibig mangahas.
At sa paniwalang sapat na ang bagwis,
ang payo ng ina ay kusang tinikis,
biglang tumingala, at sabik na sabik
na pumaimbulog sa may himpapawid.
Ngunit ang inakay na lubhang pangahas,
lumipad sa langit, sa gubat lumagpak.
Noon nagunit ang sa inang saad:
“Maghintay ka muna’t wala ka pang pakpak.”









