Ni ANACLETO L. BUSTAMANTE
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hulyo 5, 1948)
NATANAW ni Angeling na sumusugod ang batang si Rufo. Malayo pa ay narinig nang sumisigaw iyon at ang pangalan niya ang tinatawag.
“Aling Angeling!… Aling Angeling!…”
Lumapit sa durungawan ang dalaga. Hinintay ang pagdating ni Rufo.
“Aling Angeling…” ulit ng batang noon ay nasa harap na ng durungawan. “Mag-aaway ho sina Mang Nestor at Mang Pepe!”
“Ano? Mag-aaway?” kumakaba ang dibdib na tanong ng dalaga sa batang hanggang sa mga sandaling iyon ay humihingal pa dahil sa ginawang hindi birubirong takbo.
“Opo!” pagtiyak ng tinanong.
“Saan?”
“Doon ho!” Itinuro ni Rufo ang gawing pinuntahan ng dalawang sinasabing mag-aaway. Sinundan ng tingin ni Angeling ang kumpas ng kamay ng bata, ngunit hindi matanaw sina Nestor at Pepe dahil sa karamihan ng mga halaman.
“Samahan mo ako, pupuntahan natin!” wika ng dalaga matapos na makapag-isip-isp. Noon din ay kinuha ang nakasabit na alampay, madaling nanaog at sinugod ang pook na inihimaton, kasama si Rufo.
Lakad, takbo; takbo, lakad ang ginawa ng dalawa. Ibig ni Angeling na abutan ang mag-aaway. Nais niyang ang pagsusukatan ng lakas nina Nestor at Pepe ay huwag matuloy.
“Bakit daw mag-aaway?” sa di-kawasa ay usisa ni Angeling sa batang kasama samantalang tinatalunton na nila ang kahabaan ng landas na patungo sa kawayanan.
“Narinig ko pong ang pangalan ninyo ang pinagkakagalitan,” pakli ni Rufo.
“Ang pangalan ko?”
“Opo, narinig kong binanggit ni Nestor ang inyong pangalan!”
“Kung gayon ay magmadali ka,” putol ng dalaga sa kanilang pag–uusap. “Lakihan mo ang hakbang.”
Bumilis sa rati ang kanilang matuling paglakad. Kung minsan, si Rufo’y naiiwan ng ilang dipa, ngunit umaabot din kay Angeling kapag itinakbo na ang dalawang paa.
“Saan ba nagtungo?” tanong ng binibini nang hindi matanaw kahi’t anino man lamang ng dalawa sa kabila ng katotohanang malayu-layo na ang kanilang nalalakbay.
“Dito po nagyayaan sa pook na ito, eh!”
Saglit na tumigil ang dalawa. Inilinga sa paligid ang mga paningin, ngunit katulad nuong una, sina Nestor at Pepe ay hindi nila makita.
Ang katahimikan nila’y ginambala ng pagdaan ni Mang Inggo, ang matandang magkakahoy sa kanilang pook.
“Mang Inggo,” tawag ni Angeling sa matanda, “hindi ba ninyo namamataan sina Nestor at Pepe?”
“Natanawan kong patungo sa ituktok. Marahil ay aakyat.”
“Bakit ba?”
“Wala po naman,” tugon ni Angeling, “ibig ko lamang silang abutan.”
“Kaipala, kung bibilisan ninyo ang lakad at magtapat ay magpapang-abot kayo sa ituktok.”
“Salamat po,” wakas ng dalaga kay Mang Inggo, at pagkuwa’y binalingan si Rufo. “Tayo na, madali ka para abutan natin!”
Sinimulan na naman ng dalawa ang paglalakbay. Habang lumalaon, ang paghingal ni Rufo ay hindi na mapigil. Si Angeling man naman ay latang-lata na rin. Madalas nang magkapatid ang mga paa. Nanunuyo na ang lalamunan. Ang tumatagaktak na pawis sa noo ay nagpapakilala ng malaking kapaguran. Gayunman, habang lumalakad ay patuloy pa rin sa pagtatanong kay Rufo.
“Ano ba talaga ang narinig mo?”
“Wala po… basta nagkakagalit sila… narinig kong binanggit ang pangalan ninyo.” Saglit na tumigil sa pagsasalita si Rufo. Lumunok muna ng laway bago nagpatuloy. “Kapwa po may rebolber, eh!”
“Diyos ko!” bulalas ng dalaga. Ang panghihina ng katawan ay parang himalang naglaho. Nagbalik ang dating lakas na ibig nang tumakas na lubusan. “Madali, Rufo!… Madali at baka hindi na natin abutan.”
Subali’t ang bata ay talagang pagod na pagod na. Hindi na halos makagulapay gayong hawak na sa kaliwang kamay ni Angeling.
“Maiiwan na po ako rito,” wika ni Rufo nang hindi na makatagal sa mabilis na paglakad. Paakyat na sila noon sa tinatawag na ituktok. Ang ituktok ay ang kaitaasan ng isang maliit na bundok na natatanaw sa pusod ng nayon. “Hindi ko na po kayang ihakbang ang aking mga paa!…”
Hindi na nagpilit si Angeling. Totoo ang sinabi ni Rufo. Ito’y nanghihina na at halos ay hilahin na lamang ang mga paang habang patuloy na inaangat ay lalongg bumibigat.
“O, sige hintayin mo na lamang ako riyan!” pagpayag na wika ng dalaga at iniwan na si Rufo.
Nag-unahang dumunghal ang dalawa sa ibaba ng bangin. Ang tinutunghayan niyon ay isang malalim at tahimik na ilog. Nakita nila kapuwa ang pagbulwak ng tubig. Kapuwa sila nawalan ng loob. Nagkatinginan. Parang nagtanungan ang kanilang mga mata.
Nag-iisang umakyat si Angeling. Sina Nestor at Pepe ay kapuwa niya kababata. Bukod doon ay naging magkakasama sila sa loob ng isang silid ng mababang paaralang-bayan. Nang mangakatapos na ng intermedya ay pawang nagsipagtigil ng pag-aaral sapagka’t ibig namang makatulong sa kani-kanilang mga magulang. Si Angeling ang maituturing na may mabuti-buting kabuhayan sapagka’t ang kanyang ama ay nag-aari ng isang sukat na lupang sakahan.
Pagpatak ng ulan, sina Nestor at Pepe ay hindi na kailangang pagsabihan. Darating at darating kina Angeling upang maghandog ng tulong. Nag-aagawan sa pagkarga ng araro. Nag-uunahan sa paghila ng kalabaw. Halinhinan sa pagbungkal ng lupa. Pagdating ng taniman ya may hawak na gitara ang isa sa kanila. Ang isa naman ay umaawit. Pagdating ng gapasan ay nagpapaligsahan sa paghawak ng panggapas. Nagpapataasan ng mandala ng palay. Sa giikan naman ay hindi rin nagpapahuli sa karamihan. Maghapunan kung humawak ng pambayo.
Sa pasyalan ay hindi nagkakahiwalay sina Nestor at Pepe. Matamis at nakaiinggit ang kanilang pagtitinginan at pagsasama. Kung dumalaw kina Angeling ay lagi nang magkasabay. Anupa’t sila’y napagkakamalan tuloy na magkapatid, magkarugtong ng buhay…
Ngunit isang araw, ang kanilang kahili-hiling pagpapalagayan ay binatikan ng hinanakitan. Hindi sinasadya, si Nestor ay napadalaw nang nag-iisa kina Angeling. Naparaan lamang naman siya sa tapat ng bahay ng dalaga, at nang anyayahan nito ay hindi nakatanggi.
Ang gayon ay nabalitaan ni Pepe. Dahil sa malaking pagdaramdam at upang makaganti sa ginawa ng kaibigan ay siya naman ang naglakas-loob na pumanhik kina Angeling.
Magbuhat noon, ang dalawa’y nagkahiwalay na ng lakad. Hindi na palaging magkasama na katulad nuong una. Sumunod ang panghaharana ni Pepe. Iyon ay sinundan naman ng sariling panghaharana ni Nestor.
Ang pagbabago ng kilos ng magkaibigan ay hindi nakaila kay Angeling. Natiyak din ng dalaga sa pamamagitan ng mga pahapyaw na pangungusap nina Nestor at Pepe kung ito’y dumadalaw sa kanya, na kapuwa may itinatagong lihim sa kaibuturan ng puso ang magkaibigang kapuwa umiibig. Kapuwa lumiligaw.
Subali’t si Angeling ay walang itulak-kabigin kina Nestor at Pepe. Kapuwa mahal ang dalawang ito sa kanyang puso, hindi pagmamahal na may kaugnayan sa pag-ibig kundi pagmamahal na may kaugnayan sa pagtitinginang parang magkapatid. Para sa kanya, ang dalawang binata’y mga kapatid niyang matanda, tagaaliw kung siya’y nalungkot, tagapagtanggol kung siya’y naaapi…
Hindi nga nagluwat, isang araw, si Rufo ay pasugod na dumating. Ibinalita ang balak na pag-aaway ng dalawang magkatoto.
Gayon na lamang ang paghangad ni Angeling na abutan sina Pepe at Nestor. Ayaw niyang iyon ay magkasukatan ng lakas. Ibig niyang maayos sa mabuting paraan ang maluwat nang samaan ng loob ng dalawa.
Tiningala ni Angeling ang kaitaasan ng ituktok. Sumaloob na malapit na siya. Sa isang batong naroon ay saglit tumigil ang dalaga. Malayang sumagap ng hangin upang maibsan ng malaking pagod. Datapuwa’t pamaya-maya ay nakarinig siya ng dalawang magkasunod na putok ng rebolber.
“Maawaing Diyos!” sabay tingala sa langit. “Hadlangan mo po sila kung anuman ang kanilang iniisip gawin!…”
Ipinagpatuloy ng binibini ang pagsalunga sa ituktok. Sa awa ni Bathala ay nasapit din niya sa wakas ang pook na kinaroroonan nina Nestor at Pepe.
“Pepe!… Nestor!…” malakas na sigaw ni Angeling nang nasa itaas na.
Ang dalawang tinuran ay nangapatigagal. Hindi nila akalaing makarating sa pook na iyon si Angeling.
Nakita ng dalagang si Nestor ay may dugo sa kaliwang bisig. Namasdan din ng dalagang si Pepe ay inaagusan naman ng dugo sa kanang hita. Kapuwa sila tinamaan!
“Bakit ka naparito, Angeling?” panabay na tanong ng dalawang may hawak na tig-isang rebolber sa kamay.
“Upang kayo’y awatin!” sambot ng tinanong. “Hindi ba’t kayo’y magkaibigan? Bakit kayu-kayo na rin ang magbabarilan?”
“Totoo nga ang tinuran mo, Angeling,” agaw ni Nestor. “Subali’t kapag pag-ibig na pala ang pinag-uusapan, ang katamisan ng pagsasama ng magkaibigan ay naglalaho!”
“Mabuti’t naparito ka, Angeling,” katlo naman ni Pepe. “Ngayon ay malalaman namin kung sino sa aming dalawa ang iyong iniibig!”
“Nguni’t kapuwa ko kayo mahal,” pakli ng dalaga, “kapuwa ko kayo kapatid, hindi ba?”
“Tunay ngang kapuwa mo kami mahal subali’t sino sa aming dalawa ang lalong mahal mo?” wika naman ni Nestor.
“Kapuwa kayo malapit sa aking puso. Panghihinayangan ko kung sakali’t mawala ang isa sa inyo.”
“Yayamang hindi mo maturol kung sino ang magiging mapalad ay mabuti nang mamatay ang isa sa amin,” paliwanag ni Pepe. Binalingan pagkatapos si Nestor. “Ano, payag ka bang ipagpatuloy ang ating labanan?”
“Oo,” sagot ni Nestor.
Ang dalawa ay humandang muli sa pagbabarilan. Humakbang na patungo sa gawing kanan ni Pepe, samantalang si Nestor naman ay sa gawing kaliwa. Pagkuwan ay nagharap. Tumalaga sa huling labanan ng mga puso. Nang itaas nila kapuwa ang kanilang kamay na may hawak na sandata, si Angeling ay minsan pang nangusap.
“Nestor…! Pepe!…” wika ng dalagang may luha sa mata. “Yayamang kayo’y ayaw papigil sa akin; yayamang ako ang dahilan ng inyong alitan, ang mabuti’y ako ang mawala!”
Pagkasabi noon ay mabilis na tumalikod si Angeling. Humakbang ng isa, dalawa at…
“Hesusmaryosep!” panabay na bulalas nina Nestor at Pepe nang makitang lumundag sa bangin ang dalagang minamahal nila kapuwa.
Nag-unahang dumunghal ang dalawa sa ibaba ng bangin. Ang tinutunghayan niyon ay isang malalim at tahimik na ilog. Nakita nila kapuwa ang pagbulwak ng tubig. Kapuwa sila nawalan ng loob. Nagkatinginan. Parang nagtanungan ang kanilang mga mata.
Si Nestor ay marunong lumangoy. Dahil doon ay madaling pinagbalikan ng lakas ng loob. Itinapon ang hawak na rebolber at walang lingun-likod na tumalon sa ilog na naghihintay sa ibaba. Narinig ni Pepe ang ingay ng tubig na binagsakan ng kaibigan. Nakita rin niya pamayamaya ang pagbulwak ng tubig. Bagaman hindi gaanong marunong lumangoy ay tumalaga na rin siya sa lahat ng mangyayari. Inihagis ang taglay na rebolber at pikit-matang lumundag. Anupa’t sa mga sandaling iyon, sa sinapupunan ng ilog na malalim ay tatlong buhay ang nakabingit sa kamatayan.
Lumakas ng kaunti ang hihip ng hangin. Narinig ang kiskisan ng dahong kahoy. Hindi nagtagal, sa tubig ay lumitaw ang dalawang katawan. Ang isa’y nagkakampay ng kamay. Ang pagsisikap nitong makarating sa tabi ng ilog ay hindi nabigo. Makaraan pa ang ilang saglit, buhat sa tubig ay tumayo ang isang lalaking may kalong na lupaypay na katawan ng babae sa dalawang bisig. Lumakad nang marahan at sa unang malapad na batong dinatnan ay maingat na pinagyaman iyon. Ginawa ang lahat ng paraan upang magbalik ang tumakas na hininga sa ilalim ng tubig. Kawangis nuong una, ang lalaki’y hindi rin nabigo. Nagdilat ng mga mata ang babae. Kumilos. Huminga.
Sila’y sina Nestor at Angeling!
“Nestor!”
“Angeling!”
“Nasaan si Pepe?” tanong ng dalaga nang mapansing nag-iisa si Nestor.
“Wala! Hindi lumilitaw sa tubig. Nagtagpo kami sa ilalim sa paghahanap sa iyo!…”
May isang oras na naghintay ang dalawa sa paglitaw ni Pepe, subali’t ito’y parang buwang kinain ng kimpal-kimpal na ulap sa kaitaasan ng langit.
“Ngayong ligtas na ako sa kamatayan; ngayong ikaw ay binigyan ng Diyos ng kapalaran upang maligtas din; at ngayong si Pepe ay wala na, marahil ay maaari mo nang banggiting ako ang iyong mahal…!” basag ng binata sa kanilang katahimikan.
“Sagutin mo ako, Angeling!”
Tinanaw muna ng dalaga ang maluwang na ilog. Minsan pang nagbabakasakali sa paghahanap kay Pepe. Si Nestor ay nag-ukol din ng huling tanaw sa kapalaran ng tubig. Nang mamasdang walang katawang lumilitaw sa ibabaw ay muling nangusap.
“Angeling, ako na lamang ang nalalabing mahal mo, hindi ba?”
Inihilig ng dalaga ang kanyang ulo sa dibdib ng binata. Malayang pinaagos sa pisngi ang masaganang luha. Iyon ang tanda ng kanyang matamis na pagsang-ayon sa pag-ibig ni Nestor.
Kasabay ng pagpatak ng luha ay marahan, ngunit mariing ginawaran ng halik ni Nestor ang mga labi ni Angeling…








