Ni MELITON CALINGASAN
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 4, 1962)
Kung nakikita kong ang langit mong mukha’y may ulap ng lungkot,
Halos magkabuhol ang aking hininga sa panggigipuspos;
Pagka’t aking batid: kaya nagdurusa ang puso mo’t loob
Ay dahil sa aking pagsuyo’t pagtinging di maangking lubos!
Subali, giliw ko, hindi ko malaman ang aking gagawin,
Ikaw, saka siya ay minamahal ko’t pakamamahalin;
umimot. A, hindi… di ko magagawang sa iyo’y magtaksil
Pagka’t ikaw’y gandang natatanging ganda, mabait kong anghel!
Limutin ko siya? Di rin mababata niring aking dibdib,
(Siya’t saka ako’y wagas na damdaming laging magkaniig;)
Kahit ngayon, mutya, di maitatatwang iyong nababatid,
Ako’t saka siya’y kambal na sumilang dito sa daigdig!
Kaya ba, giliw ko, huwag kang mahapis, huwag kang malungkot,
Ano mang sabihin, kayo ay mahal ko nang lubos na lubos;
(lkaw ang buhay kong batis na kadluan ng gamundong lugod
Siya nama’t ako ang katotohanang walang pagkalagot.









