Ni NEMESIO E. CARAVANA
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Marso 20, 1950)
(IKA-11 LABAS)
MALUNGKOT na nagbalik sa kanyang tahanan si Tandang Andres. Hindi makatkat sa balintataw ng kanyang mga mata ang malaking krusipihong namalas sa simbahan na waring nagsasalitang “ibalik niya ang batang alaga sa inang nagluwal at namuhunan ng buhay.”
Ngunit nang dumating na siya sa silid ni Fernando Octubre, Jr. ay himala manding naulinigan niya ang tagubilin o ang huling pati ng namatay na si Dr. Octubre. Gayunma’y nanaig din sa kanyang hinagap ang salitang Diyos sa simbahan. Hinudyatan ni Tandang Andres ang nahirang niyang sisiwa ng bata, na malapit niyang kamag-anak upang lumabas sa silid ng sanggol na gagalaw-galaw sa kuna. Lumabas naman ang matandang babaing sisiwa, na malikot ang mga mata. Hinawakan ni Tandang Andres ang batang lalaki, saka itinaas na pantay sa kanyang mukha.
“Nanding…” ang pabulong na nasabi, “hindi ko malaman ang aking gagawin. Ituro mo sa akin ang tumpak na paraang dapat kong sundin: ang utos ng iyong ama-amahan o ang utos ng …”
Ang mangilan-ngilang itim na buhok na nakapalamuti sa ubaning ulo ni Tandang Andres ay naging pilak nang lahat at kinulay ng tumakas na marami rin namang taong nagdaan. Matandang-matanda na ang pinagbilinan sa bata ni Dr. Fernando Octubre.
Biglang humagikgik ng tawa ang batang lalaki. Pinupog ng halik si Tandang Andres at ipinagpatuloy ang paghalakhak. Muling ibinaba ni Tandang Andres ang batang lalaki na humawak sa gilid ng malaking kuna.
“Tata-ta-ta-ta!” ang wika ni Nanding na ikinaway-kaway ang kanang kamay.
“Isasauli kita sa babaing siyang namuhunan sa iyo ng buhay,” ang parang tugon ni Tandang Andres sa hindi gaanong maunawaang pahayag ng bata. “Isinusumpa kong ibabalik kita.”
Tinatapunan ng tanaw ni Tandang Andres ang namamaalam na araw sa siwang ng bintanang bahagyang nakabukas. May dalawang butil ng luhang nagbantang tumalon sa kanyang mga mata. Naramdaman niyang nagsisikip ang kanyang dibdib. Talagang yaring-yari na sa kanyang sarili, na kinaumagahan noon ay ihahatid niya si Nanding sa tahanan ng mga Montes.
Balisang-balisa Tandang Andres nang kumagat na ang dilim. Pabiling-biling siya sa kinahihigaang kama. Inip na inip siya sa paghihintay sa pagdating ng isang bagong umaga. Naulinigan niyang lahat ang tugtog ng lumang orasang nasa bulwagan ng tahanan, hanggang sa sumapit ang ikatlo ng madaling araw. Pagkatapos na mapawi ang huling taginting ng kampanilya ng orasan ay napabangon si Tandang Andres dahil sa naulinigan niyang nagsasalitang tinig ni Dr. Fernando Octubre:
“Tandang Andres! Huwag kang sumira sa ating salitaan, kung di mo ibig na paghigantihan kita. Dapat mong malamang isa akong kaluluwang ayaw papasukin sa pinto ng langit dahil sa nagawa kong mga kasalanan, at ang lahat ay dahil na dahil sa batang iniwan ko sa iyong pagtatangkilik. Hindi ka mag-iisa sa pagtatanod at pangangalaga kay Nanding. Labingwalong taon ang naging parusa sa aking upang mamalaging kaluluwang lagalag sa balat ng lupa. Uulitin ko sa iyo: tuparin mo ang ating salitaan.”
Kinilabutan si Tandang Andres. Pinagala-gala ang kanyang mga mata sa loob ng silid, ngunit wala naman siyang nakikitang sinuman. Maliwanag ang tinig na nanunuot sa kanyang mga pandinig.
“Ngunit… Fernando..” ang tigib panggigipuspos na nulas sa mga labi ni Tandang Andres, “huwag mo sana akong idamay sa iyong mga kasalanan.”
“Kasalanan?” ang hadlang ng tinig kay tandang Andres, “lalong kasalanang sumira ka sa ating salitaan. Huwag mong dagdagan ang mga kamalian kong nagawa nang ako’y nabubuhay pa. Naipagtapat ko na sa iyong dahil sa batang iya’y napatay ko ang aking asawa. Papatayin kita! Papatayin kita sa sandaling ibalik mo sa kanyang mga magulang si Nanding!”
At nakarinig si Tandang Andres ng mga yabag ng paang palabas sa silid. Habang lumalayo ang yabag ay nanunuot sa kanyang panlanghap ang amoy ng isang bangkay. Kinilabutan ang ubaning matanda. Naging malikot nang gayon na lamang ang mga mata.
“Fernando!” ang napalakas niyang tawag, “Fernando… Fernando!”
Ngunit wala na siyang narinig na tinig. Hindi na sumagot sa kanyang ang kaluluwa ni Dr. Fernando Octubre. Parang nasisiraan ng pag-iisip si Tandang Andres. Ang balak niyang ibalik sa mga magulang ang bata ay ganap niyang nalimutan, dahil sa malaking takot sa pagbabanta ng manggagamot. Hanggang sa sumikat ang araw ay para pa niyang naririnig ang bahaw na tinig ng nagbalik na kaluluwa ni Dr. Octubre: “Papatayin kita, sa sandaling ibalik mo sa kanyang mga magulang ang bata!” Talagang takot na takot si Tandang Andres. Buung-buo niyang nalimot ang magandang hangarin ukol kay Nanding. Ginigiyagis ng hindi maulatang pangamba ang damdamin ng matanda sa nakapangingilabot na pagbabanta ng kaluluwa ng lalaking namatay na isang salarin. Matanda man ang ubaning si Andres ay natatakot pang mamatay, kaya’t naibulung-bulong sa sarili ang ganito: “Tutuparin ko ang iyong tagubilin, Dr. Fernando Octubre!”
Maraming tag-araw at tag-ulan ang nakaraan…
Ang mangilan-ngilang itim na buhok na nakapalamuti sa ubaning ulo ni Tandang Andres ay naging pilak nang lahat at kinulay ng tumakas na marami rin namang taong nagdaan. Matandang-matanda na ang pinagbilinan sa bata ni Dr. Fernando Octubre.
Bagama’t naging kamay na kahati sa kasalanang nagawa ng manggagamot si Tandang Andres, ay naging huwaran naman siya sa pagpapalaki kay Nanding. Nahutok niya ang pag-uugali ng bata sa magagandang aral, kaya’t kapuri-puring lumaki ang alaga hanggang sa magbinata at makatapos ng hayskul. Inilihim ni Tandang Andres ang malaki-laki rin namang kayamanang minana nito sa nasirang manggagamot. Iminulat niya si Nanding sa gintong tutunin, na: papanggalingin mo sa tulo ng iyong pawis ang iyong sariling kakanin. Dahil sa nabanggit na aral ay lumaki nga si Nanding na huwaran sa kasipagan—malakas, batibot ang pangangatawan at magandang lalaki.
Inaring isang tunay na anak ni Tandang Andres ang batang kanyang alaga at inari namang parang tunay na ama ni Nanding si Tandang Andres. Si Nanding ay nasa ikalawang baytang na ng inhinyerya sa pamantasan ng U. P. Hinahangaan ang kanyang mga guro sa likas na katalinuhan. Kilabot siya sa larangan ng palakasan at siyang kapitan de-bola sa koponan ng basketbol ng kanilang unibersidad. Siya rin ang kilabot na mananakbo sa isa at dalawandaang metrong mabilis na takbuhan. Si Fernando Octubre, Jr. ay nasa kanyang ikalabinsiyam na tag-araw.
Isang umaga’y pinagbilinan siya ni Tandang Andres na umuwing madali pagkatapos ng klase. Kaarawan noon ng namatay na manggagamot. Yaring-yari sa sarili ng ubaning tagatangkilik na ihahayag na niyang buung-buo kay Nanding, ang lihim na iniingatan sa kanilang pagsasalo sa paghahapunan. Nararamdaman ni Tandang Andres na malaking-malaki na ang kanyang ipinanghihina at kung hihintayin pang mahustong dalawampu’t isang taon ang kanyang alaga ay malamang na hindi na siya tumagal. Malabo na rin ang kanyang mga matang pinalabo ng nagdaan niyang walumpu’t limang taggapas.
Hapon na lamang ay naghanda na si Tandang Andres ng isang masaganang hapunan. Nag-iisa na lamang siya sa tahanan noon, pagkat ang naging sisiwa ni Nanding ay pinaalis na niya pagtuntong pa lamang ng kanyang alaga sa pag-aaral sa primarya, at siya nang lahat ang gumanap ng maseselang tungkulin sa tahanan. Siya rin ang namili nang hapong yaon ng kanilang pagsasaluhan ng binatang napagsumikapan niyang mapalaki.
Ibinabala ng malakingg orasang luma ang ikalima ng hapon. Nalalaman niyang bago mag-ikaanim ay darating na ang kanyang alagang si Nanding. Ngunit naramdaman niyang matamlay na matamlay ang kanyang pangangatawan at nangangalog ang kanyang mga tuhod. Nakaramdam din siya ng bahagyang pamamanhid ng bahaging kaliwa ng kanyang bisig at paa.
“Kay-tagal naman ni Nanding!” ang naibulong sa sarili ng matanda, nang makita niyang nakaturo na ang mga kamay ng orasan sa ikalima at kalahati. “Dumating na sana siya… dumating na sana siya.”
Ikinurap-kurap ng ubaning matanda ang kanyang mga matang tila namimigat ang mga talukap. Muling tinapunan ng tingin ang orasang malakas ang pagtiktak. Ibinaling ni Tandang Andres ang kanyang mga mata sa nakabukas na durungawan. Nakita niyang unti-unti nang napapawi ang mga huling sinag ng araw sa kanluran. Isang piping buntunghininga ang pinawalan sa mga labi ni Tandang Andres. Ipinalagay niya sa sariling siya ang buhay na larawan ng naghihingalong araw. Hindi napupunta ni Tandang Andres na bumitin sa labi ng kanyang mga mata ang dalawang butil ng luha. Nang muling balingan ng ubaning matanda ang malaking orasan ay nakita niyang nakatigil na ang pindola at hindi na niya narinig na tumitiktik. Nakapako ang mga kamay sa ganap na ika-6:55. Kinilabutan ang matanda. Sinikap na tumayo mula sa kanyang kinauupuang luklukan sa harap ng mesa ng masaganang pagkaing kanyang inihanda. Bahagya pa lamang siyang naaangat sa likmuan ay bumagsak siyang muli. Ayaw nang pumayag ang kanyang lakas na makatayo na siya. Halos ang kalahati ng kanyang kaliwang katawan ay hindi na nakaramdam.
“Nanding! Nanding ko!” ang mga katagang hinangad pamulanggusin sa kanyang mga labi, ngunit mga katagang hindi na nakayang bigkasin pa ng kanyang naninigas na dila.
Mabilis na mga yabag ang kanyang narinig na umaakyat sa hagdanan. Ibinaling ni Tandang Andres ang kanyang mukha, na bahagya nang nagawa dahil sa paninigas ng kanyang leeg. Bagama’t nahihirapan si Tandang Andres ay napagsumikapan ding mapamilaylay sa kanyang mga labi ang isang matamis na ngiti nang bumungad sa bulwagan ang kanyang alagang baguntao.
“Narito na ako ngayon, Tatang,” ang pagalak na salubong ni Nanding sa matanda at niyapos ito at hinagkan sa noo. “Sinabi ko na sa iyong hindi ako magkukulang.”
Sinikap ni Tandang Andres na sumagot. Namangha si Nanding nang marinig niyang ungol lamang ng naninigas na dila ang naging kasagutan sa kanya ni Tandang Andres.
“Ano ang nangyari sa iyo, Tatang?” ang pagulat na usisa ng binata.
Umiling lamang si Tandang Andres. Pinilit ng matandang makapagsalita, ngunit mga salitang malabung-malabo at hindi maunawaan. Ibig niyang ipagtapat kay Nanding ang kayamanang nakatago sa dalawang haligi ng tahanan, subalit ayaw nang ipahintulot ng kanyang naninigas na dila.
“A… n… g…T… ta…lis… man…”
“Ano?” ang gulilat usig ni Nanding.
Ikinumpas ng matandang buhatin siya at dalhin sa loob ng silid upang ihimaton sa binata ang dalawang haliging kinatataguan ng kayamanan. Binuhat naman siya ni Nanding at dinala sa loob ng silid.
Sa pamamagitan ng huling kumpas ay naunawaan ng binata na napalalapit si Tandang Andres sa isang haligi.
“Di… to…” ang hindi natapos na salita ng matanda, na ang daliri ay nakaturo sa malaking haligi.
(Itutuloy)









