ANG FROZEN SHOULDER: ARAY!

Ni Ernesto Lawagan

SA medisina, naging mabilis ang pag-unlad at pagsulong sa loob ng nakalipas na limang dekada, at marami nang nakamamanghang breakthroughs sa larangang ito. Mayroon na ngayong Artificial Intelligence (AI) assisted surgery para sa minimally invasive at higit na ligtas umanong pagtitistis. Maaaring ang AI-controlled robotics ang siyang gumawa ng operasyon o ang isang manggagamot ay gabayan nito sa pagtunton ng kinaroroonan ng ugat o himaymay na kailangang bigyang lunas. May kakayahan nang gumawa ng mga tinatawag na bionic o articial na bahagi ng katawan ng tao tulad ng kamay, braso, hita, binti at paa. Ang dating napapanood lamang sa telebisyon at pelikula katulad ng Six Million Dollar Man at Bionic Woman (na mula sa 1972 nobela ni Martin Caidin na Cyborg) noong dekada 1970s ay nangyayari na sa tunay na buhay, at nahigitan pa ito. Dahil na rin sa tulong ng AI at ng tinatawag na osseointegration system, naikakabit nang direkta sa buto ng isang tao ang parteng bionics para sa higit na maayos ng paggalaw, pagtantiya ng lakas, at pakiramdam. Subalit sa ganitong antas ng agham sa paggamot, alam n’yo bang may mga karamdaman pa rin na hindi lubusang matalos ng makabagong medisina?

Isa na rito ang tinatawag na frozen shoulder, na sa medisina ay may terminong adhesive capsulitis. Sa mga nakaranas na nito, agad papasok sa isip ninyo ang salitang “aray!” Sa mga hindi pa, basahin ang artikulong ito na batay sa aking sariling karanasan at mga pagsasalisik.

ANG ILADONG BALIKAT

Sa lahat ng sakit na dumadapo sa tao, isa marahil itong frozen shoulder sa mga naiiba hindi lamang sa katawagan kundi sa mismong pisikal na karamdaman. Kung direktang ililiwat sa Pilipino – iladong balikat – maaaring isipin mo ay baka napabayaang nakadikit sa freezer o tinamaan ng cryogenic ray gun ng kalaban ni Batman na si Mr. Freeze.

Bakit nga ba binansagang frozen shoulder ang karamdamang ito? Noong 1872, una itong matamang pinag-aralan at tinawag na peri-arthritis scapulo-humerale ng French surgeon na si Simon Duplay (1836-1924), kaya tinatawag din itong Duplay’s disease. Ang bansag na frozen shoulder ay unang ibinigay noong 1934 ng American surgeon at orthopedic oncologist na si Ernest Codman (1869-1940). Tinawag ng ganito ang sakit dahil tila baga naninigas na nanlalamig ang bahagi ng balikat na parang naging frozen o ilado at kumikirot nang matindi kapag iginalaw.

Ang medical term naman na adhesive capsulitis ay ang English-American orthopedic surgeon na si Julius Neviaser (1902-1980) ang nagtakda nang ipaliwanag niya ang kaniyang natuklasan sa general pathology ng sakit noong 1945. Sinasabing ang connective tissue capsules sa balikat ay nagkakaroon ng thickening o pagkapal, hardening o paninigas at adhesion o paninikit, na siyang nagiging dahilan upang mahirap at masakit itong igalaw.

Hanggang ngayon ay hindi pa lubusang malinaw kung ano ang tunay na sanhi ng karamdamang ito at wala pa rin itong tiyak na kagamutan. Karaniwang bigla na lang itong dumadating sa isang tao manapa’y sa edad mula 40 hanggang 60. Tumatagal ito ng maraming buwan at umaabot pa hanggang tatlong taon. May pagkakataong bigla rin itong nawawala kahit hindi lunasan. Iba-iba rin ang antas ng pagkirot batay sa paggalaw ng kamay, braso, siko, at balikat. Hindi ito makikita sa x-ray, at halos hindi mapapansin sa MRI at ultrasound katulad ng arthritis. Kadalasang nalalaman lamang na ito ay kaso ng adhesive capsulitis matapos magawa ang iba’t ibang pagsusuri upang isaisantabi ang lahat ng posibleng sakit sa balikat katulad ng tendonitis, osteoarthritis, bursitis at rheumatism. Kakaiba talaga itong frozen shoulder!

Wala pang tuwirang paraan ng paggamot na sinasang-ayunan ng lahat ng dalubhasa sa sakit na ito. Hindi naman ito grabe o nakamamatay, bagama’t nakagagambala sa normal na gawain sa araw-araw, lalo pa’t matagal itong gumaling. May mga sinasabing corticosteroid injection sa joint tissue capsule na maaari umanong makapagpahupa sa karamdaman. Ngunit sa lahat ng online doctors na nakausap ko, hindi nila ito inirerekomenda. Ang oral steroids naman ay sinasabing minimal at short time lamang ang effectiveness. Marami ring doktor ang hindi sang-ayon sa surgery na bagama’t sinasabing may 70 hanggang 90 porsiyentong success rate, ay may kaakibat naman itong 30 porsiyentong residual side effect at may 20 porsiyentong magkaroon ng “refreeze” na higit na matindi, na hindi pa rin matukoy kung bakit.

Kaya ang karamihang manggagamot, ang ipinapayo lamang ay exercise at hot compress treatment.

SA AKING NARANASAN

Una akong nagkaroon ng frozen shoulder sa kaliwang balikat noong 2018. Walang nakita sa x-ray para sabihing arthritis ito at hindi rin naman kataasan ang uric acid level ko sa dugo para sabihing nirarayuma ang balikat ko. Nang sinabi ko sa doktor na hindi naman laging sumasakit at nakabubuhat naman ako ng kahit na mabibigat na bagay pero bigla itong kikirot kapag itinaas ko ang kamay sa pagbibihis. Kirot na gumagapang sa buo kong katawan. Hinipo niya ang parte ng balikat ko na tila nababad sa yelo ang pakiramdam. Bigla na lang umiling na may pabirong ngiti ang doktor at sinabing frozen shoulder ang dumapo sa akin. Wala umanong tiyak na kagamutan ito at hindi niya inirerekomenda ang uminom ako ng painkiller dahil hindi naman ito kumikirot kung hindi igagalaw sa ayaw nitong direksiyon. Tanging hot compress ang naipayo niya na gamitin ko, at iwasan ko raw na nakatapat ito sa aircon o electric fan. Ang tanging magagawa ko naman ay mild exercise sa paikot na paggalaw ng braso.

Nagtanong din ako sa kilala kong acupuncturist. Hindi rin niya masabi na magagamot ito. Maaaring mawala ang kirot habang nakaturok ang karayom o hanggang ilang oras, subalit hindi tahasan o karakarakang magagamot ang karamdaman. Itinuro na lamang niya sa akin ang mga pressure points sa balikat at gilid ng kili-kili na mariin kong pipisilin ng daliri bago matulog. Sinabi niyang makakatulong ito upang mabawasan ang pamamaga, paninigas, at ang kirot sa loob ng laman na nag-uugpong sa mga buto sa balikat. Kung gagawin ko raw ito araw-araw, mapapabilis ang paggaling nito.

Maliban sa hindi ko magawang kamutin ang likod ko o abutin ang kabilang bahagi ng aking katawan dahil kikirot nga ito, wala namang mapapansing kakaiba. Kaya kong sumuntok, kaya kong magbuhat ng timbang puno ng tubig, at kaya ko pang mag-push-up. Pero may mga simpleng bagay na medyo may kirot gawin: Ang pagsasabon sa paliligo, ang pagbibihis lalo na ng t-shirt, at itaas ang kamay o abutin ang likod. Sa pagbibiyahe, hindi ko na magawang makipag-unahang sumabit sa jeepney o makipagsiksikan sa bus kapag rush hour. Maging magpalit ng pundidong ilaw, mahirap gawin na walang aray. At kailangan lagi mong ginagalaw ang braso dahil kapag nanatili sa isang posisyon ng matagal, makakaramdam ka rin ng kirot kahit na sa pagtulog. Iba rin ang kirot na mararamdaman mo. Hindi tulad ng kirot sa bugbog o pasa, kundi kirot na pabigla-bigla, nakapanghihina sa buong katawan, na manlalamig ka mula ulo hanggang talampakan.

Tumagal ng mahigit walong buwan ang una kong karanasan sa frozen shoulder, at kusa nga itong nawala nang hindi ginagamot. Ang tanging ginawa ko upang maibsan ang perwisyong dulot nito ay maligo ng mainit at buhusan ito ng tubig sa abot-kaya kong init. Sa palagay ko ay malaki rin ang naitulong nito.

Taong 2025 naman nang itong kanang balikat ko ang dapuan ng frozen shoulder, na hanggang ngayon ay hindi pa lubusang nawawala. Dito nagkaroon ako ng sapantaha kung paano ko nakuha ito. Noong una kasi, ang electric fan ay nakatapat sa kaliwang balikat ko: sa pagsusulat ko, pagtipa sa laptop, panonood ng TV, paglalaro ng video game, at maging sa pagtulog. Nagkaroon ako ng frozen shoulder sa kaliwang balikat. Itong huli, binaligtad ko ang aking lamesa at ganoon din ang lugar ng bentilador sa higaan ko na sa kanang bahagi naman ng katawan ko tumatama ang hangin. At dinapuan nga nitong karamdaman ay ang kanang balikat ko naman. Mas naging mahirap dahil higit kong ginagamit ang kanan kong kamay.

Sa aking mga naranasan, malaki ang naitulong ng exercise. Ito ang mga ehersisyong natutuhan ko sa mga online doctors: 1. Tumayo nang nakatungo o nakayuko paharap at igalaw-galaw nang paikot ang inyong mga braso ng 10 hanggang 30 ikot. Ulitin ito hanggang tatlong beses sa maghapon. Ito ang tinatawag na pendulum stretch, na isa sa pinakamainam na exercise para sa mga may frozen shoulder. 2. Iumang ang mga kamao nang pabaligtad hanggang ang siko ay perpendicular sa katawan. Sumuntok-suntok nang dahan-dahan habang iniikot ang mga kamao. Katulad ito ng preliminary base exercise sa Martial Arts. 3. Balumbunin at hawakan ang dulo ng isang tuwalya sa magkabilang kamay sa inyong likod at hilahin ito ng pakanan-pakaliwa ng paulit-ulit. 4. Humarap sa pader, gamit ang mga daliri, palakarin ang kamay pataas-pababa na tila isang gagamba. 5. Kung marunong kayo ng Wing Tzun Kung Fu, subukin din ito, lalo na ang mga paggalaw ng mga kamay, braso, siko at balikat.

Lagi ring mag-unat-unat sa paggising sa umaga at bago matulog. Kapag sa pakiramdam mo ay tila lumalamig ang bahagi ng muscles sa humerus, sa lower at upper shoulder, himas-himasin mo ito at painitin o kaya ay balutin ng tuwalya.

Huwag gumamit ng mga pain relief patches. Sa karanasan ko kasi, sinubukan ko ito sa kanang balikat ko, pero sa halip na makatulong ay nakasama pa. Akala ko kasi ang init na ibinibigay ng patch ay makakahupa sa lamig at kirot, katulad ng sabi sa commercial ads na walong oras umanong relief. Hindi pala ganoon dahil tatlong oras lang lalong sumakit at nangati pa. Nagkaroon pa ako ng allergic dermatitis. Tinawanan tuloy ako ng online doctor nang ikuwento ko ito. Wala raw good effect ang mga pain relief patches na ganito lalo na sa frozen shoulder.

Kung kayo naman ang magkaroon ng frozen shoulder, huwag mabahala, tiis-tiis lang, lilipas din iyan. Ako nginingitian ko na lang ang problemang ito at ginagawa kung ano ang puwede na hindi ito kikirot. At kung kumirot, magbilang na lang tayo ng “Aray!”