Ni ANTONIO S. CABRERA
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hulyo 22, 1963)
Ngayong mahinog na ang bunga ng aking mga pagsisikap
Ay saka nalanta ang dahon ng aking basal na pangarap;
Katawa’y naluoy habang nakabitin ang bubot pang Bukas
Sa ubod ng dibdib na pinag-usbungan ng layong busilak;
Kupas na ang dikit ng lunti kong pandong na naging kalasag
Sa init at lamig ng pakikibaka sa unos ng palad.
Kahapon, nang ako’y bagong katatanim sa layong malinis,
Dalas kong sipatin sa siwang ng dusa ang mithi kong langit;
Dinasal-dasal kong yaong kalawakan ay aking masapit
Maging isang punong nagbunga ng tuwa sa pananahimik;
Sa bayo ng hangin ay hindi matinag sa pagkakatirik,
Hindi maibuwal ng bugso ng dusa yaring pananalig.
Sa maraming sagwil na limit dumalaw sa aba kong buhay
Nipot din ang mithing tagal na panahong inasam ng gunam;
At ako’y nagalak!… Habang nalalapit ang magandang araw
Na mapipitas na ang bungang matamis ng pakikilaban;
Nguni’t balintuna! Ngayong mahinog na ang bunga ng pakay
Ay saka napansing malapit na pala ang aking libingan!








