Ni MAR AL. TIBURCIO
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Enero 27, 1969)
MULA sa pagkakaupo—sa ikatlong mahabang luklukan sa bulwagan ng hukuman sa dakong unahan—ay napatindig si Eloisa at napatingin sa pintuan nang humugong ang anasan. Nakita niyang pumapasok si Delfin na kasama ang ilang Amerikano. Plansado’t bagumbago ang suot na unipormeng nagpapakilalang isa ito sa mga tanod na Pilipino sa base militar na nasa dakong timog ng lunsod. Muli siyang umupo.
“Unat na unat ang uniporme, ‘no?” Narinig niyang sinabi ng isang lalaking nakaupo sa likuran.
“Oo nga. Sinuhulan na naman s’ya ng mga ‘Mer’kano.” At dumahak ang lalaki. Nguni’t hindi nailura ito sa semento nang makita siyang nakatingin. Inilulon na lamang iyon.
Minasdan niya ang kanyang orasang panggalang. 9-40. Mga dalawampung sandali pa bago simulan ng Hukuman ang pagdinig. Lumibot ang kanyang paningin. Siksikan ang tao. At nagkaugnay ang mga mata nila ni Delfin na noon ay nakaupo sa unahan na kasama ang mga Amerikano. Siya ang unang nagbaba ng paningin. Nagtiim-bagang. Hindi niya malaman kung anong damdamin mayroon si Delfin sa bulung-bulungang kumakalat sa loob ng hukuman. Aywan kung yaon ay pinagtiyap ng pagkakataon—bilang tugon sa katanungan sa sarili—nang marinig niyang magsalita ang lalaking nasa dakong unahan ng upuan.
“Alin, si mister yu-es-ey? Kekapal ‘ata’ng hiya n’yon. Ba’t ba, hindi mo ba alam kung ba’t s’ya binansagan ng tagarito ng mister yu-es-ey?”
“Alam ko: Unang-unang Sipsip sa Amerikano.” At humaghikhik ito.
Napangagat-labi siya.
‘’’Talo pa n’yan ang mga pulitikong ibig kumandidato sa pagka-Presidente, e!”
“Ano’ng ibig mong sabihin, e!”
“Hindi ba’ng mga pulitikong me pangarap maging presidente, e, nagpupunta sa ‘Merika? P’wes, do’n sila naglalangis at—nagsasabayawak ang yakap sa mga masalaping ‘Merikano. Pero ‘tong si mister yu-es-ey, e, e kakaiba! Bukod sa parang linta kung makasipsip sa kanyang mga amo, e, nagpapahamak pa ng mga kababayan.”
Alam ni Eloisa kung bakit nagkakagayon ang kanilang mga kababayan. Galit sila sa ugali ni Delfin.
“Ma’aring naiinis na’ng tagarito sa atin sa mga ginagawa mo, Delfin,” sabi niya noon nang minsang dumalaw ito.
“Wala akong magagawa, Isang. Tinutupad ko lang ang aking tungkulin,” matatag ang sagot sa kanya.
“Kahit na maging mitsa ng ‘yong kamatayan ang isang turnilyong walang kahala-halaga, gayon ba?”
Tumango si Delfin. “Gaya ng sinabi ko na, tinutupad ko lang ang aking tungkulin. Ibig kong ipakilala sa kanila—sa mga Amerikano—na matapat ang mga Pilipino sa kanilang ginagampanang gawain.”
Huminga siya nang malalim. “Naro’n na ‘ko, Delfin. Pero ba’t mo pa isinusumbong sa kanila ang mga kabalat nating nahuhulihan mo ng mumunting bagay na inilalabas sa base—gaya ng mga turnilyo, maiikling tubong panggripo, mga—”
“Nasabi ko na sa iyo, Isang, ang aking katwiran!” May katigasan ang tinig ni Delfin.
Sadyang matapat sa kanyang tungkulin si Delfin kung kaya napalapit siya sa damdamin ng mga Amerikano sa tinatanuran niyang base. Maraming de-latang pagkain, mga prutas, at iba’t ibang gamit pambahay at pangkusina ang ibinibigay sa kanya ng mga taga-base. Sa simula, ang akala ng mga kababayan niya ay nagpapalakas lamang siya sa mga Amerikano, nguni’t nang lumaon at nagbago na ang pagkakilala sa kanya, at doon na nagsimula ang pagtawag sa kanya ng Mr. U.S.A.
Muling tinalasan ni Eloisa ang kanyang pandinig.
Biglang natahimik ang buong bulwagan ng hukuman nang makarinig sila nang sunud-sunod na pukpok ng malyete. Nagsitindig silang lahat nang dumating ang Hukom, at nang umupo ito sa kanyang luklukan ay nagsiupo na rin ang mga tao sa kani-kanilang upuan. Ang iba’y nakatayo at ang mga mata’y nakatudla sa Hukom.
“Alin,” sabi ng isang babaing di-kalayuan sa kanya, “tiyak na papanig s’ya sa kanyang mga amo. E, pag hindi n’ya ginawa ‘yan, de nawalan s’ya ng trabaho!”
At nang tingnan niya ang nagsalita ay nakatingin ito sa kanya. Iningusan siya nito. Alam ng babaing iyon na magkasintahan sila ni Delfin. Kaya pati sa kanya, naisip niya, ay galit ito.
Maaaring hindi magkabula ang hinala ng babaing iyon na sadyang papanig si Delfin sa mga Amerikano. Siya—si Delfin—ang pangunahing saksi ng taga-base militar sa pagbaril at pagpatay sa isang lalaki sa labas ng base. May star witness din ang pamahalaan laban sa Amerikanong pumatay sa nasabing lalaki, ang kasama ng pinatay ng araw na iyon.
Ang bagay na pagpatay na iyon ay naging madidilat na deadline sa mga pahayagan sa buong Pilipinas. Nagkaigtingan ang pagpapalagayan ng Pilipino-Amerikano. Nagkaroon ng pagtatalo ukol sa kung sino ang kailangang lumitis sa Amerikanong pumatay sa isang Pilipino: ang pamahalaang Pilipino o ang gobyernong Amerikano. Nagkaroon ng mga demonstrasyon ang mga mag-aaral sa mga Pamantasan at dalubhasaan sa tapat ng Embahada Amerikana at sa labas ng base militar na pinangyarihan ng pagpatay. Nguni’t tahimik at hindi magulo ang demonstrasyon. At sapagka’t wala sa tungkulin ang Amerikanong bumaril sa napatay na Pilipino at sa labas ng base militar naganap ang bagay na iyon ay ipinaubaya sa Hukumang Pilipino ang paglilitis sa nasabing Amerikano.
Nguni’t bago maganap ang gagawing paglilitis sa nasabing pumatay ay hindi na pinalabas ng base si Delfin. Kaya ang ginawa niya—ni Eloisa—ay sinulatan niya ito. Nang bumalik ang sagot sa kanyang liham—mula kay Delfin—ay maikli lamang at tahasang sinagot ang kanyang mga tanong: “…sasabihin ko ang buong katotohanan. Oo, nasaksihan ko ang naganap na iyon. At hindi ko maaaring sabihin sa iyo ngayon ang sasabihin ko sa Hukuman. Basta pumunta ka na lamang doon at makinig. Darating din doon si Luz. Ibig kong kayong dalawa ang maging moral support ko. Maaaring ang gagawin kong pagtatapat at maging kapalit ng aming kinabukasan. Nguni’t gagawin ko iyan alang-alang sa katotohanan at katapatan ng aking sarili at sa temperamentong Pilipino…”
Alam din ni Eloisa kung ano ang pagtatalunan sa Hukuman. Ang sabi ng pumatay ay hinoholdap siya ng nasawi. Mabilis na nabunot niya ang kanyang rebolber at nabaril niya ito at napatay. Nguni’t ang saksi ng napatay naman ay iba ang deklarasyon: Sinisingil ng nasawi ang pumatay dahil sa utang nito sa paglilinis ng sapatos niyon. Nagkasagutan sila at binaril na lamang at sukat ang maglilimpiya-bota.
Tiningnan ni Eloisa ang orasang panggalang. 9:50. Sampung minuto na lamang at sisimulan na ang paglilitis ng Hukuman. Naroon na rin ang eskribano, ang dalawang piskal na hahawak sa kaso ng nasawi, ang saksi ng pamahalaan, at ang lahat ng magiging tauhan sa kasong iyon, maliban lamang sa Hukom na dirinig.
Napabaling ang kanyang paningin sa dakong kaliwa niya nang magkaroon ng di mawawaang bulungan. Nakita niyang dumarating si Luz at papunta sa kanyang kinauupuan.
“Naatraso ako, Isang, dahil sa nag-ayos pa ako ng bahay,” paliwanag agad ni Luz nang makaupong katabi niya.
Tumango lamang siya, at tinitigan ang bagong dating. “Tila, ‘ata namumula ang mga mata mo, Luz.”
“Naiiyak ako sa galit,” sabi nito sa mababang tinig, “dahil sa naririnig kong paghamak ke Kuya Delfin. Bukod pa sa r’yan, e, sinasadya nilang ayaw akong paraanin sa pagpasok dito sa hukuman. Tingnan mo’ng damit ko, o, lukot!”
Tiningnan ni Eloisa ang katabi. Tumango siya. “H’wag ka nang kumibo kung anuman ang marinig mong sitsit dito sa Hukuman. Mapapagod din sila sa kasasatsat!”
“Pero lumalabas na sila!” Napalakas ang tinig ni Luz. Napatingin sa kanilang dalawa ang ilang taong di kalayuan sa kanilang kinauupuan. May umiingos at may pumipiksi sa kanila. Pigil nila ang kani-kanilang damdamin.
Tumanaw si Eloisa sa kinalalagyan ni Delfin. Kinakausap ito ng isang Amerikano. Taimtim na nakikinig sa sinasabi ng nagsasalita.
“Ba’t ba tayong mga Pilipino, e, mahilig sa tsismis?” Narinig niyang bulong sa kanya ni Luz. “Ano ba’ng mapapala natin sa bagay na ‘yan?”
“Ewan,” mababa rin ang tinig niya. “Siguro, nasa mga ugat na natin ang bagay na ‘yan.”
“Siguro nga! Kahit na magkaro’n ng sampung delubyo’y di na mapapawi sa ‘ting mga Pilipino ang pagkahilig sa tsismis at pananakit-damdamin sa kapwa.”
Biglang natahimik ang buong bulwagan ng hukuman nang makarinig sila nang sunud-sunod na pukpok ng malyete. Nagsitindig silang lahat nang dumating ang Hukom, at nang umupo ito sa kanyang luklukan ay nagsiupo na rin ang mga tao sa kani-kanilang upuan. Ang iba’y nakatayo at ang mga mata’y nakatudla sa Hukom.
Nagsimula na ang paglilitis. Ang unang tanging mula sa witness stand ay ang saksi ng pamahalaan. Sinabi nitong lahat ang kanyang nalalaman. Nagkaroon ng maikling pagtatanong ang panig ng tagapagtanggol sa saksi ng pag-uusig. Pagkaraan niyon ay si Delfin naman ang nagtungo sa witness stand. At habang sumusumpa ito sa harap ng eskribano na magsasabi ng katotohanan, tahimik naman ang buong hukuman. Nakapukol ang lahat ng paningin kay Delfin. Talos ng lahat na magkakaroon ng mainitang pagtatalo. Sapagka’t batid nilang si Delfin ay lubhang maka-Amerikano.
Nguni’t nagimbal ang lahat nang ipahayag na ni Delfin ang kanyang nalalaman tungkol sa pagkakabaril ng Amerikano sa isang maglilimpiya-bota.
“Totoo, kagalang-galang na Hukom, ang sinabi ng saksi ng pinatay. May dalawang metro lamang ang layo ko sa pinangyarihan ng krimen. Sa katotohanan, hahadlangan ko sana ang nasabing Amerikano nang magbunot ng baril ito, nguni’t bago ako nakakilos ay naiputok na niya ang hawak na rebolber.”
Humugong ang marahang anasan sa loob ng hukuman.
“Sa katotohanan pa rin, kagalang-galang na Hukom, ay binaril ko ang Amerikanong bumaril sa Pilipino, nguni’t nag-jammed ang aking baril…”
Gayon na lamang ang pagkahabag sa sarili ng tagapagtanggol sa mga sinabi ni Delfin. At ang bagay na iyon ay hindi na binawi ni Delfin hanggang sa itindig ng Hukuman ang paglilitis.
Kinalumpunan ng tao si Delfin at binati siya sa pagkakaroon ng lakas ng loob na magsabi ng katotohanan. At nang lumapit sa kanya sina Eloisa at Luz ay ginagap niya ang kamay ng una.
“Ngayon, tiyak na maalis na ako sa aking gawain, Isang. Gayunman, ipaglalaban ko ang aking karapatan. At kung sakaling magwagi ako’y saka na ako magbibitiw.”
“Oo, Delfin. Ngayon, hindi na magsasalita ang ating mga kababayan nang laban sa ‘yo.”
Ngumiti si Delfin at gayundin si Luz.
At habang papalabas ng hukuman sila na kasabay si Luz ay siyang-siya ang mga taong nakatingin sa kanila.
“Nagkamali tayo ng palagay kay Delfin,” sabi ng isang matandang lalaki. “Iba’ng ugali niya. Matapat: Sa sarili. Sa bayan. Sa Diyos.”








