WALA SA PATAK NG LUHA

Isang hapon ay tinawag ni Daniel ang kanyang ina. “Nararamdaman ko, Inay, na hindi na ako magtatagal.” Malungkot ang pagkatitig ni Daniel sa mukha ng ina.

Ni VICENTE C. CRUZ

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hulyo 6, 1981)

SUNUD-SUNOD na katok sa pintuan ang narinig ni Aling Merced. Dali-dali niyang binuksan ang pinto. Nabungaran niya ang isang lalaking nakaterno ng asul at nakasakay sa motorsiklo.

            “Kayo po si Mrs. Mercedes Santos?”

            “Ako nga po,” sagot niya.

            “Telegrama po buhat sa Maynila,” anang lalaki sabay abot ng telegrama. “Pakipirmahan po lamang ninyo ito.”

            Marahan niyang inilapat ang pinto pagkatapos magpaalam ang kartero. May maliit na kirot siyang nadama sa kaibuturan ng kanyang puso. May pangambang lumukob sa kanyang katauhan. May kutob na agad lumigalig sa kanya. Dali-dali niyang kinuha ang kanyang salamin sa mata at binasa ang telegrama.

            Buhat iyon kay Daniel. Sa kanyang kaisa-isang anak na matagal na rin niyang hindi nakikita buhat nang ito ay mag-asawa sa isang babaing hindi niya gusto. “Inay, malubha na ang aking karamdaman. Kung mamarapatin mo ay gusto kong umuwi na diyan sa atin. Kasama ko si Lydia at ang mga bata. Darating kami sa Linggo, Daniel.”

            Si Daniel. Ang kanyang nag-iisang anak na naiwan sa kanya ng kabiyak. Ang kanyang anak na pinag-ukulan niya ng isang matayog na pangarap na makatapos ng pag-aaral at magkaasawa ng isang babaing napupusuan niya: Si Daling, ang anak ng kanyang kaibigan at kababatang si Aling Elena. Maganda, nakaluluwag din sa buhay at isa sa ilang nakapagtapos sa pagiging guro sa kanilang nayon. May mga matang parang iiyak nang iiyak. Mabait sa kanyang paniniwala at susunod sa kanyang mga kagustuhan kong magigingg manugang.

            Sagad ang paghanga niya sa babaing ito. Mabait at masunurin sa magulang. Nakita niya kung gaano kalaki ang pamimitagan nito sa ina at ang pagiging masunurin bilang isang anak. Kung siya ay paminsann-minsang nadadalaw sa kanyang Kumareng Elena ay laging magiliw ito sa kanya. “Tikman po ninyo ito matamis na niluto ko.” At hindi lamang iyon. Madalas ay pinauuwian pa siya ni Daling ng mga nilutong ullam nito. Ito ang naging dahilan upang sila ay maging magiliw sa isa’t isa. Upang masuklian naman niya ang kabutihan nito, minsan ay dinalhan niya ng isang paso ng halamang bulaklakin. Alam niyang si Daling ay mahilig dito.

            Tungkol sa pagtataglay nito ng mababang kalooban ay napatunayan din niya ang mamatay ang kapatid nitong binatilyo. Halos ay mapugto ang hininga nito sa kapapanangis.

            Nakapagtapos nga si Daniel sa kolehiyo. Industrial Engineer ang natapos nito. Iyon ang pangarap ng ama ni Daniel nang ito ay nabubuhay pa. Isa sila sa iilang maluwag ang buhay sa kanilang nayon, kaya nakatapos ng pag-aaral si Daniel sa Maynila.

            Bago lumuwas si Daniel sa Maynila upang mamasukan sa isang malaking kompanya ay may ipinaalaala siya. “Kung mag-aasawa ka rin lang ay si Daling na,” sabi niya. “Baka mag-uuwi ka lang dito ng babaing kung saan buhat ay hindi ka makapapanhik sa bahay na ito.”

            Sinuway siya ni Daniel. Umuwi ito isang araw at sinabi sa kanya na mag-aasawa na. Isang taga-Alabat, Quezon. Isang naging kamag-aral na nakatapos din at may pinapasukang trabaho. Hindi si Daling! Nagsiklab siya noon. Hindi siya dumalo sa kasal ni Daniel sa kabila ng pakiusap nito. Idinahilan niya na siya ay may karamdaman. Sa Maynila ikinasal ang dalawa.

   Lukemya ang sakit ni Daniel. Ito ay ipinagtapat na sa kanya ng mag-asawa nang ang mga ito ay dumating. May taning na ang kanyang buhay. Ngunit gusto ni Lydia ay ipagamot si Daniel. Bakasakali. May awa ang Diyos.

            Nang umuwi si Daniel upang humalik ng kamay ay ipinadama niya ang kanyang pag-ayaw sa naging manugang. Maganda nga ngunit mukhang may matigas na puso. Mukhang hindi luluha kahit dumating ang mga kalungkutan sa buhay. Iyon ang ayaw niya sa isang babae. Mukhang matigas. Di tulad ni Daling. Si Daling ay parang iiyak nang iiyak. Malambot ang puso. Madaling maawa. Iyon ang gusto ni Aling Merced sa magiging manugang.

            May dalawang linggo rin sina Daniel sa piling ng ina. Ito ang kanilang hininging bakasyon sa kompanyang kanilang pinapasukan si Lydia. Napapansin ni Daniel na masama ang loob ng kanyang ina. Ngunit ito ay parang hindi pinapansin ni Lydia. Batid din ni Lydia na ayaw sa kanya ng kanyang biyenan, ngunit ito ay magulang na rin niya. Ginampanan niya ang tungkulin ng isang namimiyenan. Nagluluto, namamalengke at naglilinis ng bahay. Bagamat halata niyang kahit na ano ang kanyang gawin ay parang balewala kay Aling Merced, ito ay hindi niya pinansin. Ipinakita niya na siya ay may sapat na kakayahan upang maging isang ina ng tahanan.

            Bago sila nagbalik sa Maynila ay kinausap sila ni Aling Merced. “Kung kayo rin lamang ay mangungupahan, dito na kayo sa akin tumira. Tutal ay nag-iisa na lamang ako. At maaari naman kayong mag-uwian kung hapon. Isang oras lamang naman ang ating lalawigan buhat sa inyong pinapasukan.”

            Ngunit ito ay lantarang tinutulan ni Lydia. “Marami pong salamat, Inang, sa inyong magandang alok sa amin. Ngunit para po sa akin ay mabuti na iyong kami ay may sarili. Mainam na pong kami ay matutong tumindig sa aming sariling mga paa.”

            Talagang antipatiko sa akin ang babaing ito. Talagang matigas ang ulo! Iyon ang damdaming nakuyom sa kalooban ni Aling Merced.

            Alam ni Daniel na masama ang loob ng kanyang ina. Simula noon ay madalang na siyang umuwi. Paminsan-minsan, lalo na kung sumasapit ang Pasko, ay dinadalaw niya ang ina. Hindi niya kasama si Lydia. Ang dalawa lamang niyang anak ang kanyang isinasama sa pagdalaw. Ayaw niyang sumama pa ang loob ni Lydia sa inaasal ng kanyang ina. Bagamat siya ay madalang umuwi, madalas naman niyang pinadadalhan ng alaala ang kanyang ina. At nito ngang mga huling taon ay hindi na siya nakauwi. May sakit na siya noon.

NAGULAT pa si Aling Merced nang huminto sa tapat nila ang isang kotse at isang trak na may lulang mga kasangkapan.

            “Mano po, Inang.” Inabot ni Daniel ang kamay ng ina. Gayundin ang ginawa ng dalawang bata. Parang hindi pansin ni Aling Merced ang paghalik ng kamay ng manugang.

            “Alam kong darating kayo.” Iba ang himig ng tinig ni Aling Merced. “Ipinalinis ko nga ang bahay para sa inyo. Iyon nga palang mga kasangkapan ninyo, doon natin sa kabuhayan ipalagay. Maluwag doon.”

            Malaki na ang inihupa ng katawan ni Daniel. Patuloy pa rin ang pagtingin sa kanya ng isang kilalang doktor sa kabayanan. Hindi lumalayo si Lydia sa tabi ni Daniel. Matiyaga nitong inaasikaso ang lahat ng pangangailangan ng asawa. Ang pagpapakain, ang pagpapainom ng gamot, at ang lahat ng pagpapalang kinakailangan ng isang maysakit.

            Hindi lingid kay Aling Merced ang pagsisilbi ni Lydia sa kanyang anak. Ngunit hanggang ngayon ay hindi niya maamin na mahihigitan pa nito ang paglilingkod ni Daling kung ito ang napangasawa ng kanyang anak.

            Isang hapon ay tinawag ni Daniel ang kanyang ina. “Nararamdaman ko, Inay, na hindi na ako magtatagal.” Malungkot ang pagkakatitig ni Daniel sa mukha ng ina. “Patawarin sana ninyo ako kung hindi ko nasunod ang inyong kagustuhan. Mabait si Lydia. Mahal ko siya at mahal niya ako. Kung sakali’t dumating na ang araw na iyon, Inay, huwag sana ninyong pababayaan ang aking mag-iina.”

            Lukemya ang sakit ni Daniel. Ito ay ipinagtapat na sa kanya ng mag-asawa nang ang mga ito ay dumating. May taning na ang kanyang buhay. Ngunit gusto ni Lydia ay ipagamot si Daniel. Bakasakali. May awa ang Diyos.

            “Malaki po ang aking pananalig na gagaling pa si Daniel,” sabi ni Lydia kay Aling Merced nang minsang magkasarilinan sila. “Mayroon po kaming kaunting naiimpok, at gusto kong hanggang sa huli ay maipagamot siya. Malaki po ang pag-asa kong gagaling pa siya.”

            Kakaiba ang kislap na nakita ni Aling Merced sa mga mata ni Lydia. Hindi iyon ang mga matang parang iiyak nang iiyak kung dumarating ang gayong hamon sa buhay. Ang namalas niya’y kislap ng pakikipagsapalaran. May pag-asa. Matatag. A, muli niyang naisip si Daling. Ang babaing gusto niya. May malambot na puso ito at luluha sa gayong kalagayan ng asawa.

MAPANGLAW ang dapithapong iyon nang pumanaw si Daniel. Sa mga huling sandali, tulad ng dati ay naroroon si Lydia, ang kanyang mga anak at ang kanyang ina.

            Gumuguhit sa katahimikan ang panangis ni Aling Merced sa panahon ng pagkakaburol ni Daniel. Sumasalit ang mahihinang hikbi ng kanyang dalawang apo. Si Lydia. Tahimik itong nakatungo. Hindi siya umaalis sa tabi ng kabaong ni Daniel. Kapansin-pansin, sa mga nakasaksi, ang hindi niya pag-iyak nang malakas. Malungkot at payapa ang kanyang anyo, bagamat sa kaibuturan ng kanyang puso ay halatang naglalatang ang isang pagdaramdam at pagdadalamhati na hindi inilalarawan ng kanyang mga mata.

            Marami ang naghatid kay Daniel sa kanyang huling hantungan. Sa kasaysayan ng kanilang nayon, marahil ay iyon na ang isa sa pinakamaraming nakipaglibing. Siya ay naging isang mabuting kanayon, tulad ng kanyang nasirang ama. Noong siya ay nasa Maynila pa, lagi siyang tumutulong sa mga pangangailangan ng kanyang nayon. Sa paaralan. Sa bisita ng nayon. Halos lahat ng kanyang mga kanayon ay nagdalamhati at nanghinayang sa kanyang maagang pagpanaw.

            Tapos na ang ikasiyam na araw ng pagluluksa kay Daniel. Isa-isa nang nagsisipagpaalam ang mga kanayon at mga kamag-anakan ni Daniel na nakirasal nang hapong iyon. Sa kabahayan, malungkot na magkakaharap si Lydia, ang kanyang dalawang anak at si Align Merced. Waring walang makapangahas na bumasag sa katahimikang namamagitan sa kanila.

            “Inay,” sa di-kawasa’y basag ni Lydia, “mayroon po sana akong hihilingin sa inyo kung inyong mamarapatin. Ito po ay napagkasunduan namin ni Daniel bago siya namayapa.” Isang malalim na buntunghininga ang hinugot ni Lydia sa kanyang dibdib bago nagpatuloy. “Kung… kung… papayag sana kayo’y gusto kong dito na pumisan sa inyo sa habang panahon. Gusto kong sa piling ninyo lumaki ang aming mga anak.”

            Hindi kumikibo si Aling Merced. Mataman niyang pinakakikinggan si Lydia.

            “Hindi na po ako mag-aasawang muli. Iuukol ko na lamang ang aking panahon sa pagpapaaral sa aking mga anak. Ako po ay may hanapbuhay at mayroon din kaming kabuhayan sa Quezon… ngunit ito po ay sinumpa ko kay Daniel bago siya mamayapa. Ang paglingkuran ko ay ang mga bata… at kayo.”

            Nayanig si Aling Merced sa narinig sa manugang. Nais niyang magsalita ngunit walang katagang nulas sa kanyang mga labi. Ang paniwala niya pagkatapos ng padasal kay Daniel ay aalis na si Lydia upang huwag nang magbalik kailanman. May nadama siyang panunumbat sa sarili. Para siyang nagising buhat sa isang mahimbing na pagkakatulog. Si Daling. A, ngayon lamang niya muling naisip si Daling. Si Daling nga pala ay nag-asawa na rin sa isang kapwa guro sa paaralang pinapasukan. Minsan nga pala, noong si Daniel ay madalang nang mauwi ay naisipan niyang dumalaw kina Daling. Gayon na lamang ang kanyang pagtataka nang malamang hiwalay pala ito sa asawa. Hindi raw magkasundo kaya naghiwalay. Hindi siya makapaniwalang ang isang tulad ni Daling na may matang parang iiyak nang iiyak, mabait at maawain ay magkaroon ng gayong karahas na kapasyahan upang silang mag-asawa ay magkahiwalay.

            Kaylaki ng kanyang pagkakamali, ngayong paghambingin niya si Lydia at si Daling.

            “Inay,” tinig ni Lydia ang pumukaw sa kanyang pagdidilidili,” pumapayag po ba kayong kaming mag-iina ay dito na pumisan sa inyo?”

            Parang may mabibigat na bagay na gumuho buhat sa dibdib ni Aling Merced. Di niya alam, mahigpit ang pagkakayakap niya kay Lydia at sa dalawang apo. Binayaan niyang gumawa ng landas sa kanyang mga pisngi ang luhang bumalong sa kanyang mga mata. Sa kanyang paningin na pinalabo ng luha ay para niyang nakikita ang nakangiting larawan ng kanyang anak. Si Daniel.