Ni EDGAR CALABIA SAMAR
TAHIMIK at madilim sa silid paggising ko. Bahagyang napakunot ang noo ko kung bakit parang hindi tahimik at madilim na silid ang inasahan kong kagisnan. Nauna na naman ako sa alarm ko. 9:52 pa lang ng umaga, sabi ni Echo. Ilang segundo muna akong nakamulagat sa dilim ng kisame bago ko pinabuksan kay Echo ang kurtina para bahagyang lumiwanag at nang makita ko rin ang totoong tanawin sa labas ng dingding-bintanang nasa paanan ng kama ko. Naka-default ang intelligent fabric ng kurtina sa basic settings nito. Kasabay ng sinet kong alarm, na karaniwang alas-10 ng umaga—dahil ano bang puwede kong gawin bago ang alas-10 ng umaga—awtomatikong bumubukas ang photovoltaic threads ng kurtina. Dahan-dahan, pinapapasok nito ang malamyos pang sinag ng araw. Makatanghali, kapag matindi na ang init, nag-a-adjust ang microfiber optics at shape-memory polymers nito, nagbibigay ng proteksiyon laban sa init at liwanag, habang pinapayagan pa rin ng thermochromic pigments ng kurtina ang pagpasok ng banayad na liwanag sa silid. Sa gabi, nagiging translucent ang kurtina, nagpapalakas ng pakiwari ng pribadong espasyo kahit pinapayagan pa rin ang anag-ag ng mga kumikislap na ilaw ng tanawin sa labas. Pero ngayon nga, gusto kong buksan ni Echo ang buong kurtina para makita ko ang panahon sa labas.
Tulad ng forecast kagabi, napakalas nga ng ulan at hangin. Pang-ilang bagyo na ba ito ngayong buwan? Humahampas ang tubig-ulan sa bintana, parang pinong-pinong sibat ng maliliit na mananakop mula sa kung saang planeta, sinusugod ang mundo, tinutumbok ang Maharlika, binabalot ngayon ang Wayawaya. Hindi pa ba nila alam na hindi na ito ang kabesera, na wala nang sentro ang Maharlika?
Bumangon ako sa kama at agad na nagbigay ng command kay Echo para i-reassemble nito ang kama bilang work table, kakabit ang ergonomic na upuang nag-a-adjust sa hulma ng puwitan at likuran ko. Mabilis pero tahimik na umangat ang kutson at kama. Nagbukas ang mga bahagi nito para bumuo ng pantay na panel na nagsisilbing ibabaw ng mesa. Mula naman sa ilalim ng kama, lumabas ang mga modular na bahagi ng mesa, para sa pagbubuo ko ng content, habang ang isa pa ay naging touchscreen display. Maliban sa dalawang mahinang click, wala nang iba pang maririnig sa buong transformation, at bago pa man ako makalapit sa bintana, nakaabang na sa likuran ko ang buong workspace ko. Halos limang taon na ang teknolohiyang ito, nauna lang ng halos dalawang taon bago ang pagbukod ko, pero namamangha pa rin ako na ganito ang pagturing sa espasyo noon ng mga sinaunang tahanan bago hinati-hati ang tahanan sa mga silid. Ano nga ba ang matandang bugtong? Ah, bumbong kung liwanag, kung gabi ay dagat. Hindi ko alam kung ano ang bumbong bago ito. Hindi ko alam kung naintindihan ko talaga ang palaisipan, pero isa sa mga itinuro nito ay kung paanong nagbabago noon ang espasyo ng tahanan para maging tanggapan mula sa pagiging tulugan. Salamat sa mga banig na nilalala dati kasabay raw ng pananaginip ng naghahabi sa mga ito. May mga banig pa ngayon sa Museo ng Kadakilaaan pero wala nang gumagamit nito. May kamukha ng banig mula sa ibang bansa, pero walang katulad ng sa atin na binibilot sa liwanag, parang bumbong sa gilid ng mga batis.
Noong bata ako, may panahon na naging popular na content ang muling pagpapakilala at reimahinasyon ng matatandang palaisipan na ito. May ginagawang katawa-tawa sa kanilang kababawan at pagiging karaniwan. May ginagawang tila misteryo mula sa mundong malayo na sa ngayon. Ang sigurado ako, marami sa mga bagay-bagay na sagot sa palaisipan, wala na. At nakadagdag siguro iyon sa pagkahayok ng marami rito, kung paanong sinusundan nila ngayon ang mga content na nililikha ko tungkol sa mga patalim.
Isa sa mga creator na sinusundan ko noon pa si FracturedTuna, na puro tungkol sa tula ang paksa. Halos wala na ring tumutula ngayon, o hindi na katulad ng mga tula na nililikha noon. Wala nang tumutula na gaya ng dati matapos ang naging kaguluhan sa epikong isinusulat tungkol sa buhay ni Simeon Maharlika, ang ama at sinundang Bagong Pinuno ng kasalukuyang Bagong Pinuno––na hindi na dapat bago dahil halos tatlumpung taon na siyang pinuno ng Maharlika. Siya na ang kinagisnan kong Bagong Pinuno.
Sa isang banda, puwedeng sabihing si Paulino Maharlika ang pumatay sa pagtula sa Maharlika. Pero isang pagpaslang na kinakailangan, tulad ng naunang pagpatay ng Malahákan sa mga gawaing wala naman talagang naiaambag para sa pagpapabuti ng buhay ng mga mamamayan. Totoo, may mga kumakatha pa rin ng mga malatula hanggang ngayon, pero wala nang nagpapangalan sa mga iyon bilang tula.
Hindi naman bawal na tawaging tula ang kahit ano. Nawalan lang ito ng saysay. Parang araw-araw na pagsasalita na hindi mo pinapangalanang pagsasalita sa tuwing magsasalita ka dahil… wirdo. Ang totoo, baka nga mas mabuti pa kung naging taboo ang pagtula, baka mas nanatili ang halaga nito, ang kung anuman ito. Pero ngayon nga, halos hindi na makikilala ng sinuman ang tula kung mapaharap sila sa isang likha na tatawagin noong tula. Magaling, pero hindi tula.
At dahil hindi pa ako totoong hindi pinatatahimik ng kung anumang nasa loob ko, kaya sigurado akong hindi pa ako nakakakita ng totoong kagandahan. O ng totoong pagmamahal. Kaya kahit nasasabik ako sa idea ng pagpaslang pagtuntong ko ng disisais, sigurado akong hindi pa ako nakakakita ng totoong gusto kong paslangin.
Kaya naman, lahat ng alam ng marami tungkol sa mga kasalukuyang pagtula, nagmumula sa iba’t ibang creator na ito. Mga creator na tanging may tiyaga na magbalik sa mga libro—as in totoong libro, mga librong gumagamit ng papel na kayang tunawin ng tubig-baha sa labas. Nakakatawa para sa akin ang imaheng iyon, mga libro ng tula at mga libro tungkol sa tula na nalulunod sa baha, naglalaho ang mga salita, humahalo sa tubig at putik. Katugma ng baha ang tula, parang naririnig kong sasabihin ni FracturedTuna.
Isa raw sa mga ninuno ng katutubong pagtula sa atin ang bugtong na isa ngang uri ng palaisipan. Ito, totoong sinabi ni FracturedTuna ito sa isa mga content niya. Idinagdag pa niya na karaniwan ngang may tugma at sukat ang isang katutubong bugtong—pero malabo na rin nga ngayon ang mga tuntunin ng tugma at sukat na ito dahil sa malaking pagbabago sa mga tunog sa wika nitong nagdaang tatlong dekada na dahil naman sa pagpasok ng ibang wika sa daigdig, pangunahin ang Arabic, Koreano, Japanese, at Malay, salamat sa mga mamamayang nagtatrabaho noon sa mga bansang gumagamit ng mga wikang ito na nagsibalik sa Maharlika nang mapatatag ng Malahákan ang sarili nating ekonomiya.
Maliban sa pagtutugma ng mga tunog at pagbibilang ng mga pantig, gumagamit din daw ang mga tula noon, at kung gayon, ang bugtong na ninuno nito, ng talinghaga na siyang “mahiwagang simulain ng isang akda” na nagbibigay rito ng kapangyarihan para “makita ang isang bagay o karanasan bilang iba pang bagay.”
Para makita ang isang bagay o karanasan bilang iba pang bagay?
Kaya ang bumbong ay hindi na bumbong kundi banig kundi panaginip kundi pagkainip sa panahon na nagbabago’t bumabago sa espasyong ginagalawan ng mga tao. Para akong laging nahihilo o nalulula kapag may mga ganitong salitang binibitiwan si FracturedTuna na sampung taon pa lang ako, sinusubaybayan ko na.
Hindi ako laging sigurado na naiintindihan ko ang mga sinasabi niya. Pero hindi rin ako sigurado kung siya mismo’y naiintindihan ang mga sinasabi niya. Pero baka nga gusto ko ang mga ganoong pagkalula, ang mga ganoong pagkahilo, ang ganoong pakikinig sa mga hindi ko naman talaga lubusang naiintindihan.
Ang sigurado ako, hindi kami maraming nanonood sa content ni FracturedTuna. Hindi siya kasama sa mga creator na totoong nag-viral noong kasikatan ng pagbabalik sa mga bugtong. Pero isa siya sa nagpatuloy sa paglikha ng mga content tungkol sa tula kahit naging paputa-putaki (sa kaniya ko rin nalaman ang salitang ito, na naging paborito kong gamitin para ilarawan ang kondisyon ng ganitong kawalang-kapanatagan, kawalang-kaayusan, tila kawalang-lohika ng paglitaw at paglalaho ng interes ng mga tao sa mga bagay-bagay) na lang ang interes ng mga tao rito.
Siguro, bahagi iyon ng charm niya sa akin. Na malinaw sa kaniya ang gusto niya na hindi nakasalalay sa kung ano ang nagugustuhan ng marami. Parang counter-productive ito, hindi sang-ayon sa karaniwang parametro ng tagumpay sa Maharlika at sa mundo, kaya hindi ko maunawaan ang gayuma sa akin. Napahinga ako nang malalim. Hindi ko laging inaamin sa sarili ko na gusto kong maging tulad ni FracturedTuna, pero gusto ko ring makaangat sa PATAM. Dahil hindi ko alam ang buong pangalan niya, hindi ko alam kung mas mataas ba ako sa kanya sa talaan o hindi. Pero anong magbabago?
Paglapit ko sa bintana, inutusan ko si Echo para mag-zoom in sa tanawin sa ibaba. Naglalaho ang mga kalye sa bahang nagmimistulang dambuhalang ilog, parang malagim na bukal ng matatandang sibilisasyon. Lumalangoy sa ibabaw nito ang mga anino ng mga dambuhalang gusali habang nagsasayaw ang ilaw mula sa mga billboard, nag-iiwan ng malamig na repraksiyon ng basag na liwanag sa bawat wasiwas ng tubig at hangin. Samantala, humahagibis ang mga tren mula’t patungo sa iba’t ibang dako, naglalagos sa ulan na parang makamandag na ahas, tumatakas sa paraiso matapos pitasin ang mga bunga ng karunungan at mag-iwan ng sakuna. Wala akong maaninag na tao sa labas. Wala rin akong maaninag sa mga bintana ng ibang building, kahit anino ng kahit sinong tulad kong tinatanaw din ang bagyo sa labas. Sang-ayon sa forecast, dalawang araw pang ganito.
Kapag ganitong nagsusungit ang panahon, alam kong wala ako akong magagawa kundi manatili sa loob. Sinilip ko ang PATAM para tingnan kung tumaas o bumaba ako sa posisyon ko kahapon. Real-time ang pagbabago nito pero hangga’t maaari, tuwing umaga pagkakagising lang ako tumitingin dito para mas nakakatuon ako sa pagbubuo ng content sa maghapon, lalo pa ngayong pinag-aaralan ko ang posibilidad ng paglikha ng iba pang uri ng content. Hindi ako puwedeng umasa lang sa mga sandata’t patalim mula sa nagdaan. Mauubos din sila. Kailangan kong isipin na mas mahaba ang buhay ko kaysa sa maaari kong balikang mga sandata mula sa nagdaan.
Bumaba ako ng 0.0023% pero nananatiling nasa invisible median. Ibig sabihin, nasa kalahati ng nasa-edad na populasyon ng Maharlika ang puwedeng pumaslang sa akin, at mababa lang ng kaunting-kaunti sa kalahati ang puwede ko namang paslangin. Ito ang nagbibigay sa mga tulad ko ng kapanatagan sa araw-araw. Mahalaga ito. Kapanatagan ang pangunahing damdamin ng mga mamamayan ng Maharlika. Halos naging katumbas ng Maharlika ang kapanatagan. Ito siguro ang totoong napagtagumpayan ni Paulino Maharlika na itanim sa kalooban ng bawat isa sa halos tatlong dekada ng panunungkulan niya, na naghatid sa bansa sa Bagong Ginintuang Panahon nito. Sinasabi ito kahit ng mga social at politikal analyst mula sa ibang bansa, isang bagay na hindi nagawa kahit ng Malahákan. Na hindi lang basta kilalanin ng mayayamang bansa ang pag-iral ng kakaibang sistema sa atin, kundi na pahalagahan ito bilang isang matagumpay na sistema.
Hindi iilang bansa ang nagtatangkang gamitin ang Maharlika bilang modelo sa mga pagbabago sa kani-kanilang sistema. Pero hindi ito madaling i-replicate. Parang pag-iral ng buhay sa mundo na hindi basta-basta matatagpuan sa kahit anong planeta lang sa ibang panig ng uniberso. Mahalaga ang pagkakatagpo-tagpo ng lahat ng kinakailangan para maging posible. Maaaring sa ibang bansa, dumating at lumampas na ang posibilidad na iyon. Sa iba, maaaring sa malayong hinaharap pa. Pero sa Maharlika, nangyari iyon sa pinakaangkop na panahon noong 1986. Laging ipagpapasalamat ng bawat mamamayan na naroon ang lahat ng mga naroon para mangyari iyon.
Pero wala pa nga akong gustong-gustong patayin. Gusto kong maranasang pumatay, sukdulang itago ko ang kung sino ako, pero wala pa talaga akong iniisip kung sino. Oo, may listahan sa utak ko ng mga posibleng patayin, pero napakaarbitraryo ng listahang iyon. At nasa utak ko lang talaga. Ni hindi ko magawang isulat sa kahit saan dahil ako mismo ang nahihiya sa katwiran o kawalang-katwiran kung bakit ko sila gugustuhing patayin. Kung nahihiya na akong patayin sila habang iniisip ko pa lang, ano na ang mararamdaman ko kapag pinatay ko na nga sila? Kaya halos sigurado na rin akong wala naman talaga sa kanila ang totoo kong papaslangin kapag tumuntong na ako ng disisais.
Pamilyar ako sa sinasabi ng iba kapag inaalala nila ang una nilang pagpaslang. Hindi mo kailangang problemahin kung sino ang papatayin mo dahil kapag nakita mo raw ang gusto mong patayin, malalaman mo na siya na talaga iyon. Walang pagdududa. Parang kapag napaharap ka sa kagandahan. O dinatnan ka ng pagmamahal. Hindi mo alam kung paano sila totoong ilalarawan hanggang bago sila dumating sa iyo, pero sa sandaling makaharap mo na sila, sigurado kang sila iyon. Walang iba. May nakikita ang loob mo na hindi ka patatahimikin.
At dahil hindi pa ako totoong hindi pinatatahimik ng kung anumang nasa loob ko, kaya sigurado akong hindi pa ako nakakakita ng totoong kagandahan. O ng totoong pagmamahal. Kaya kahit nasasabik ako sa idea ng pagpaslang pagtuntong ko ng disisais, sigurado akong hindi pa ako nakakakita ng totoong gusto kong paslangin.
Hanggang nabasa ko ang tungkol kina Abel at Enkidu.
ABEL
Tinitingnan ko ang cover photos sa FB ni Enkidu nang tumunog ang alert sound ng national notification sa phone ko. Nagsisimula ang tunog sa isang banayad subalit matinis na siyap, parang maliit na tarat, o mahinang pagngiyaw ng maral, may gayuma ng musmos na walang malay. Kasunod nito, may mahinahong pagwagwag na parang alinman sa may inaalis na lamig sa dibdib ang maliit na hayop—o demonyo. Pero pagkatapos ng apat-limang wagwag, unti-unting umusbong ang isang mababang ugong, parang malayong alulong o malalim na pag-ungol na unti-unting lumalakas, parang paparating na lindol o halimaw na kinatakutan mo noong kabataan. Noon ko pinindot ang stop sa phone. Alinman sa panandalian akong hindi makahinga o sadyang tumigil ang panahon.
Limang taon na nang huli kong narinig ang tunog na ito. Matagal nang patay ang alert pero umaalingawngaw pa rin ito sa isip ko. Naghuhunyango sa bawat pag-uulit sa utak ko, hanggang sa nagdalawang-isip na ako kung tama ang narinig ko. Bago ako lumipat ng app patungo sa message, nasulyapan ko ulit nang bahagya ang isa sa mga lumang cover photo ni Enkidu sa FB, ang babaeng nakaupo sa bangkito sa gilid ng lawa, parang idinuduyan pataas ang isang tandang na binubugahan niya ng tubig.
Pagbukas ko sa message, nagbago ang una kong naisip. Hindi pala tamang limang taon na nang huli kong marinig ang notification, kundi limang taon pa lang. Magpapalit na naman ng Bagong Pinuno?
(Itutuloy)
Si Edgar Calabia Samar ay Associate Professor sa Ateneo de Manila University at may-akda ng mga premyadong nobela at tula.








