Ni CORA A. EVANGELISTA
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hulyo 6, 1981)
Maraming anino ang iyong iiwan
sa aking kamalayang minsang
Tinanglawan ng mga tuldok mo
At kuwit sa larangang umakit
Sa diwa ng aking Silangan.
Saan man makarating ang kampay
Ng iyong pakpak; saan man makaabot
Ang liwanag ng iyong Araw,
Lingunin mo ang isang musmos
Na panitik sa aking lunday.
Lagi nitong tatanawin ang
Parola sa iyong kamay.








