Ni RICARDO S. SAYAS
“HINDI na! Hindi na!” nag-uumigting ang tinig ni Lisa. Punung-puno ng kapaitan. Ng pagtutol. Nais sumungaw ng luha sa mga mata nito. At ang pagkakatikom ng mga palad nito ay tila moog na inihahayag ng nasaktang damdamin, ng hindi magbabagong paninindigan.
Nagtiim ang mga bagang ni Salvador.
“Unawain mo ako, Lisa! Isang pagkakataon pa ang aking hinihingi.”
“Ipinagkaloob ko na sa iyo… ang pagkaunawang iyon! Nguni’t pinahalagahan mo ba? Iningatan mo ba?”
Napailing si Salvador. “Inaamin kong…”
“Oo, tinatanggap kong…inaamin mo na,” agaw ni Luisa. “Tinatanggap ko ring… hindi na maibibigay pang muli!” Kasunod niyon ang halakhak ni Lisa.
Nadama ni Salvador ang panunuya sa halakhak na iyon.
“Umalis ka na… utang na loob!” May pagtataboy na sa tinig ni Lisa.
Humakbang si Salvador. Palayo kay Lisa. Madalang ang pag-angat at pagbaba ng kanyang mga paa. Waring bilang na bilang. May hapding umiiwa sa kanyang dibdib, dumudurog sa kanyang puso. Marami siyang ibig sabihin kay Lisa. Nguni’t hindi siya binigyan ni Lisa ng pagkakataon.
Ang naiwan sa kanya ay mga gunita. “Mahal kita, Lisa! Mahal na mahal!”
“Hindi ako naniniwala,” natatandaan niya ang pangingilid ng luha sa mga mata ni Lisa nang sumagot ito. “Kung totoo ‘yon, bakit kinakailangan mong lumayo?”
Halos magimbal ang dibdib ni Salvador. Nadarama niya ang damdamin ni Lisa.
Nguni’t wala na siyang magawa pa. Napakahuli na upang siya’y makaurong pa. Hindi na niya sarili ang pagpapasiya matapos makalagda at makapanumpa sa isang kasunduang maglilingkod siya sa Hukbong-dagat ng Estados Unidos.
“Ayaw kong iwan ang ating daigdig, Lisa,” amin ni Salvador. “Nguni’t ibig kong magkaroon ng panimula sa buhay. Ibig kong magkaroon ng puwang sa daigdig!”
“Dito man ay magagawa mo rin iyon,” pasubali ni Lisa. “Ibig mo lamang makalayo! Nangangarap ka ng isang daigdig na hindi iyo…at hindi maaaring maging akin.” At ang iba pang nais sabihin nito ay nauwi sa mga impit na hikbi.
Hindi makakibo si Salvador. Matagal bago niya muling natagpuan ang kanyang sarili. “Iiwan ko sa iyo ang aking puso!”
“Hindi na… salamat!” buong kapaitang sagot ni Lisa. “Dalhin mo na… dalhin mo!” at napasubsob ito sa dalawang palad.
Napatuon ang paningin ni Salvador sa mga balikat ni Lisa na niyuyugyog ng pag-iyak. Halos mawalat ang dibdib ni Salvador sa tinitimping damdamin.
“Susulat ako!” pangako niya.
At iyon ang kanyang unang ginawa nang siyang malayo na: Ang isipin lamang na lumuluha ka ay napakahirap na sa akin. Ang binaon kong pagluha mo ay nakapagpapalubha lamang sa aking pangungulila, nguni’t nakapagbibigay din naman ng kaaliwan. Ang luha mong iyon, bagama’t hapis ako, ay kinabakasan ko ng iyong pag-ibig! Tinanggihan mo man ang alay kong puso ay nauunawaan ko: likas sa isang pagmamahal!
Nguni’t alam kong nasa iyo ang aking puso! Iniwan ko rin sa iyo!
Nainip si Salvador sa paghihintay sa tugon ni Lisa. At nang tanggapin niya iyon, nadama niya ang wakas.
Hinangad ko nga ang pag-ibig mo. Ninais kong may magmahal sa akin. At umibig ako. Nguni’t iniwan mo ako sa kalungkutan. Sa pangungulila. Sa hapis. Paano pa ako makatitiyak ngayon sa isang pag-ibig?
Tatanggapin ko na rin ngayon sa aking sarili: namukadkad ang aking pag-ibig sa muling panahon. Matitiyak kong malalanta. At kung may malalabing alaala, pipilitin kong maiwaglit iyon sa aking gunita.
Nadama ni Salvador ang pinakamasakit na dagok sa kanyang buhay. Nang lisanin niya ang sariling bayan, ay ipinalalagay niyang iyon na ang pinakamalungkot na sandali.
Nguni’t malaki ang naitulong ng kanyang pagsasanay upang tumighaw ng bahagya ang kanyang damdamin. Tatlong buwan siyang nag-aral upang maging bahagi ng Hukbong-dagat ng Estados Unidos. At ang sumunod na isang buwan at kalahati pang pagsasanay bago mabigyan ng pagtatalaga ay maluwalhati niyang nalampasan. Nguni’t ang idinulot na kabiguan ni Lisa sa kanyang pag-ibig ay hindi nakapawi sa kanyang pagmamahal dito.
At hinangad ni Salvador na makalimot siya. Pilit niyang hinanap ang kaaliwan sa ibang sanghaya.
SA Haway itinalaga ng tungkulin si Salvador. Dito nagkaroon ng bagong kabata ang kanyang buhay. Sa maalindog na Waikiki Beach. Naglilimayon si Salvador. Nakadamit pampaligo siya. Malikot ang kanyang mga mata. At napatuon sa isang babae.
Bahagyang sumikdo ang kanyang dibdib nang mapagmasdan niya ito. Larawan ni Lisa ang binuhay niyon sa kanyang gunita. Mataas. Maputi. Makinis. Kitang-kita niya ang magandang hubog ng katawan sa suot nitong pampaligo. Itim ang buhok. Makapal ang kilay. Matangos ang ilong. Tila may pinagkakaabalahan itong hinahanap sa buhanginan.
“Tingnan ko ang lakas ng aking mental telepathy,” bulong ni Salvador sa sarili. “Kapag hindi ito tumingin sa akin…”
Bumaling nga sa kanya ang babae. Naglakas loob na siya. “May nawawala sa inyo, binibini,” bati niya sa Ingles.
Ngumiti ito. “Mayroon nga,” at luminga-linga pa ito.
Lumapit na si Salvador sa babae. “Sana’y… hindi ang inyong puso!”
“A… hindi!” mabilis na sagot ng babae, sa Ingles din. “Tarheta… ‘yong direksiyon ng aking tinitirhang pansamantala!”
“Hindi kayo tagarito, ano? Kung hindi ako nagkakamali… sa paraan ninyo ng pagsasalita … kayo’y Italyana?”
Tumango ang babae. “Kayo… hindi rin kayo Amerikano?”
“Pilipino,” sagot niya. At idinugtong na kabilang siya sa Hukbong dagat ng Estados Unidos. “Huwag mo lamang akong pupuin, tutulungan kitang hanapin ang iyong tinitirhan. Marami na akong alam na lugar dito. Tatlong buwan na ‘ko rito…”
Sinabi ng babae ang tinitirhan nito.
“Nakita mo na, di alam ko ‘yon! Ihahatid kita!”
“Mabuti pa nga… nag-iisa lamang ako, e!”
May kakambal na pait ang kanyang mga gunita kay Lisa nguni’t sa puso niya’y di napapaknit ang pagmamahal…

At bago lumawig ang kanilang pag-uusap ay nagkakilala na sila sa pangalan. “Pier,” sabi sa kanya ng babae.
“Kaya ka pala maganda!” sabi niya.
“At kaya pala natulungan mo ako,” sagot ni Pier, “ay ikaw si Salvador… tagapagligtas!”
Napatawa si Salvador. Nguni’t unti-unting napawi ang kanyang halakhak nang makita niyang nakatitig si Pier.
“Bakit?”
“May ipinagugunita ka sa akin,” malungkot na sagot nito. “Alam mo ba na hindi ka mukhang Pilipino? May nagsabi na ba sa ‘yong mukha kang Italyano? Sa tindig, sa buhok, sa kulay…”
Mabilis ang sagot ni Salvador. “Tulad ka naman sa isang magandang Pilipina, alam mo ba ‘yon?” Naniningkad sa kanyang gunita si Lisa. Madali nilang nakita ang tinutuluyan ni Pier. Pinatuloy siya nito. Dinulutan ng maiinom. At nagpatuloy sila sa pagbabalitaan. “Turista ako. Hindi ako mamamalagi rito…”
“Nguni’t maaari kitang dalawin habang narito ka,” paniniyak ni Salvador.
Hindi tumutol si Pier. Sa mga pagkakataong malaya sa gawain si Salvador ay dinadalaw niya si Pier. Naging malapit naman ito sa kanya. At hindi naglaon ay hindi niya napigil ang kanyang sarili. “Pier,” pagtatapat niya, “minamahal kita!”
“Hindi! Hindi totoo ‘yan!” walang gatol na sagot ni Pier. “Hindi ako naniniwala!”
Hinawakan ni Salvador ang isang kamay ni Pier. Pinisil-pisil niya ang mga daliri nito. “Sabihin mo sa ‘kin… bakit hindi mo matatanggap ang aking pag-ibig? Hindi ka ba naniniwala?”
“Aywan ko!” at napasubsob ito sa kanyang dibdib.
Sapat na iyon upang magbago ang kanyang buhay. Lumabo ang mga gunita ni Lisa. Sa piling ni Pier, natagpuan niya ang kalibangan ng kanyang pangungulilia. Nguni’t ilang linggo lamang ang nakararaan ay kinausap siya ni Pier.
“Darating na ang aking Mama at Papa, Salvador,” sabi ni Pier. “Kung tutuusin hindi dapat dito matapos ang ating pagkikilala. Pero… ano man an gating gawin…hindi mo maikakaila …nagkukunwari ka lamang!”
“H-ha?” Halos mahirinan si Salvador.
“Alam ko… nadarama ko! At hindi lamang ikaw. Hindi mo ba nadaramang nagbabalatkayo rin ako? Pakinggan mo ako, Salvador. Nang magkakilala tayo…nangungulila ka. Nangungulila rin ako! Kaya ako narito’y upang saktan ang aking kasintahan… ibig kong limutin siya. Ang nangyari… habang nakikita kita…lalo ko siyang naaalala! Hindi mo ba ako naiintindihan? Siya pa rin ang minamahal ko!”
“Nguni’t…”
Tinutop ni Pier ang kanyang mga labi. “Huwag kang magkukunwari! Nadarama ko… maging sa sandali ng ating pagtatalik… hindi ako ang nasa isip mo. Ang minamahal mo… ang minamahal mo!”
Napatungo na lamang si Salvador. May bumahid na lungkot sa kanyang mukha.
“Nang una kitang makita,” patuloy ni Pier, “siya na agad ang nagunita ko. Kahit ang iyong tinig… ay tila tinig niya… Ang iyong pagsasalita…”
“Pinahihirapan mo ang iyong sarili,” sansala niya sa sinasabi ni Pier.
“Hindi…sinasabi ko lamang ang katotohanan! Kahit na pawang pag-ibig ang sinasabi mo… alam kong hindi totoo ‘yon! Hindi! Alam ko ang tunay na pag-ibig… nadarama ko…”
Napailing si Salvador. Hindi niya matalikuran ngayon ang nagdudumilat na katotohanan. Ni hindi niya nakuhang sagutin ang sinasabi ni Pier. Nguni’t humahanga siya sa tapang ng loob nito.
“Nguni’t wala tayong dapat ikahiya,” patuloy pa nito. “Nabawasan ang ating pangungulila sa tunay nating minamahal. Marahil, kamukha niya ako, ano? Dahil ikaw… kahawig ka niya!”
“Oo…” amin niya, “nguni’t nalimot na niya ako!”
“Ang tunay na pag-ibig ay hindi nalilimutan at hindi nakalilimot. Bumalik ka sa kanya, ha? Ako’y babalik sa kanya!”
Napakadaling paraan ng paghihiwalay, naisaloob ni Salvador. Tulad ng madali nilang paglalapit. Hinintay niyang masaktan siya, tulad ng magkalayo sila ni Lisa. Hindi niya nadama.
At unti-unti, muling nadama ni Salvador ang sidhi ng kanyang pangungulila. Sinikap niyang makakuha ng bakasyon.
MATABANG ang pakikiharap ni Lisa. Ni ayaw tumingin sa kanya.
“Ibig ko lamang tiyakin mo sa akin ngayon ang isang bagay, Lisa! Sabihin mong… talagang hindi mo ako minamahal!”
Bigla ang silakbo ng damdamin ni Lisa. Nagimbal si Salvador. Napasubsob ito sa mga palad. Napahikbi. Ibig niyang hawakan ito sa mga bisig. Aluin. Nguni’t nangimi ang kanyang mga kamay. Ngayon niya lalong nakilala ang kanyang sarili: hindi niya maipakita kay Lisa ang kapangahasang nakilala sa kanya ni Pier.
“Lisa…utang na loob… Dahan-dahang nagtaas ng mukha si Lisa. Dinampian nito ng mga daliri ang luhaang mata. Saka lamang nagkaroon ng lakas ng loob si Salvador. Dinukot niya sa bulsa ang kanyang panyolito at dinampian ang mga mata ni Lisa
“Nang tanggapin ko ang sulat mo… ipinalalagay kong iyon na ang pangwakas mong pasya,” mahinang usal ni Salvador. “Ngayon, narito na naman ako… sapagka’t hindi ko mapigil ang aking sarili! Ang aking damdamin…”
“Pinilit ko ring makalimot,” amin ni Lisa. “Hindi ko magawa. Lagi akong bigo…”
Hinawakan ni Salvador sa magkabilang balikat si Lisa.
“Marahil, sapagka’t ang tunay na pagmamahal ay hindi nakakakilala ng paglimot!” At pilit niyang itinindig ang dalaga. Ayaw itong tumingin sa kanya. “Mahal kita,” bulong niya. “Mahal na mahal kita!” at nang hindi sumagot si Lisa ay hinagkan niya ito sa noo. Sa kilay. Sa pisngi. Sa labi. Sa leeg. “Pag-alis ko…pagbabalik ko sa Haway… kasama na kita!”
“Isasama mo ako?” nandidilat si Lisa. “Bakit?”
“Basta…” at napangiti si Salvador.
“Pero…” tutol pa ni Lisa.
Tumango si Salvador. “Alam ko ang nasa isip mo. Basta sasama ka sa akin. Huwag mo nang itanong kung bakit…basta kapag asawa…naisasama!” at niyakap niya si Lisa.








