Ni GENARO O. SAMBELI
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hulyo 30, 1962)
Haltakin-itulak … itapon-siklutin,
sa bulwagang-bughaw ng rangya at aliw;
sa aba ng buhay
na aliping tunay;
kawawang damdaming yuko, kimi’t supil,
ay hindi makuhang tumutol, dumaing!
Samantalang doon … sa dampa ng hirap,
inaaring “langit” ang buhay mong ingat;
isang Panginoong
sinasamba-tunton;
habang sinusuyo ng ninintang palad,
lalong lumulupit ang iwing paglingap!
Gayong walang puso’y kay-limit balungan
ng dugong matingkad ng katotohanan;
likhang taong-lupa’t
hindi ng Bathala;
ang dalang pagsinta’y haling, salawahan,
taksil, nililingap. .. tapat, iniiwan!
Kawing-kawing-dusa ang tanong sa Diyos,
(-bakit hinayaang sa mundo’y sumipot?)
simula ay ikaw
ng samang lumitaw !.
ang buhay ng tao hanggang hiblang-lagot,
(nagkatanging-kulay … sa himlayang puntod!)








