Ni PEDRO S. DANDAN
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Marso 31, 1969)
SA daambakal umibis si Gose mula sa dyip. Madalang pa ang mga mamamayang naglisaw sa pinakaliwasan na binabalak pagpuwestuhan ng talipapa ng Pagala. Wala isa mang kakilala roon si Gose. Bitbit ang bayong ng salapi at pasan ang piko’t pala na binili niya sa Pinaod ay isa-isa niyang tinalunton ang mga trabiyosa ng daambakal. Hindi na kalayuan ang pulong kaibayo ng kina Mamang Gaton, na pinaghabilinan niya sa kanilang mga ari-arian. Ang punong duhat na nakatanod sa looban ni Kapitan Doman ay dumalang na ang mga sanga’t dahon, nguni’t maaari pa ring palatandaan niya sa dapat likwaran. Nang matapat sa sangka’y lumakdaw siya at nanarundon sa patubig na nakatumbok sa katabi ng kanilang bakod na nakagitna sa kabukiran.
Madawag ang damo at hapilang naggapang. May isang kubong nakatirik sa bukana. Wala ang pinakatao sa kubo at wala ring naiwang aso. Nagpasalamat siya sa sarili sa magandang pagkakataon na humandog sa kanyang pagdating. Ang matandang punong manggang nakahapay na kublihan nila noong araw sa taguan-pong o pahingahan kung alinsangan ang panahon ay matapat pa ring naghihintay sa kanyang pagbalik.
Sumaloob niya na hindi na siya isang musmos na magtatago ng walang kapararakan. Manapa, magtago man siya ngayon ay makatuturan na. Sa ilalim ng nakatikwas na mga ugat ay maitatago niya ang salapi. Mahuhukay niya ang pinakailalim sa gawing kanluran at matatabunan nang hindi mahahalatang may kayamanang nakatago. Hahayaan niya muna roon nang may kalahating taon. Kung hindi na mainit ang paghahanap ng may kapangyarihan ay saka niya unti-unting gagastahin. Palilitawin niyang nagtama siya sa Sweepakes.
Nguni’t mangangailangan nga pala siya ng isa pang sisidlan. Isang makapal na tapayan upang doon isilid ang salapi at kulubin nang mahigpit nang hindi sirain ng langgam o anay. Bibilhin niya iyon sa bayan.
Naibaon na niya ang bayong ng salapi nang dumating ang matandang lalaking nakatao sa kubo. Katiwala iyon ng malawak na palayan at tubuhan ni Kabesang Tomas na taga-Kamyas. Nagsiga siya sa ilalim ng punong mangga at naipagkamali siya nito sa isang pastol.
“Kanino ka ba anak, binata?” sino ng matandang lalaki.
“Anak po ng Dorong kilala sa tawag na ‘Kangkarot’. E… matagal na po akong ulila. Naisip kong magbalik sa bakood na ‘tong bigay sa ‘min ng Kabesang Tomas, katiwala ni Donya Ramona na may-ari ng lupang sinaka ni Tatang.”
“Ako ang Ba Kulas na kababata ng ‘yong ama, pero di na kita natatandaan. Kakilala ka ba ng Mamang Gaton?”
“Ayan po sa ibayo ang kina Mamang Gaton. Kung malilipat kayo sa kanyang looban, itanong n’yo si Goseng “munti” na nagtatakbo nang tuliin niya.”
Napatawa ang matanda. Lumapit at tumalungko rin sa harapan ng siga, inilabas ang sisidlan ng ginayat na tuyong dahon ng papaya, humugot ng bilutan at binudburan iyon; dinilaan ang gilid at paulit-ulit na binilot sa pagitan ng mga palad.
“Anong mabuting hangin ang nagtaboy sa ‘yo rito sa atin? Sa Menila ka pa yata galing.” At sinindihan ng matanda ang sigarilyo at hinitit.
“Sa Menila nga po at di man lang nakapagpasalubong sa inyo ng blue seal,” ani Gose.
Kinaumagahan, pagkakain ng agahan, na tigisang malasadong itlog ng manok, bagong bigas na sinaing, tigisang tuyong inihaw at tigisang mangkok ng salabat, niyaya na siya ng matandang lalaki na lumipat sa looban ni Mamang Gaton.
“Marami na ‘kong mabibili sa plasa sa sampung pisong bigay mo, Gose. Limang araw na kitang magkakaulam. Habang wala ako’y makipag-irong ka muna sa kabilang pulo, s-saka na natin sigaan ang mga punong mangga.”
Maagang lumusong sa bukid ang mag-asawang Gaton at Tonang. Ang bunsong anak na dalagang si Lorensana, na Lory kung palayawan ng kanyang mga kaklase sa paaralan ng modista sa bayan, at ang dalawang apong batang lalaki ang naiwan sa bahay.
“Buti at me tao,” ani Ba Kulas at lumapit sa dalagang itinutulak ang lusong sa kinis na lupa sa ilalim ng kawayanan upang magbayo ng maisasaing hanggang sa makapagpakiskis.
“Magandang umaga po. Ba Kulas!” tugon ni Lory na hindi na hindi napapansing naiiba ang mukha ng kasamang lalaki ng matanda.
“Ihahabilin ko sana ang taga-Menila na ‘tong dating kapitbahay ng ‘yong Tatang,” biro ni Ba Kulas.
Napaangat ang mukha ni Lory sa pagkakayukong ibinabangon na ang lusong.
“Maryosep, isip ko ba’y si Miliong anak ni Nana Hule, a,” bulalas ni Lory.
“Ako na ang magbabangon ng lusong,” ani Gose.
Hindi na muling yumuko si Lory. Nakakimona at nakapatadyong lamang ang dalaga. Ipinaubaya niyang maibangon na ng dalawang lalaki ng lusong upang maiusad sa patag.
“Kakilala ‘ko ng Mamang Gaton munti pa ‘kong bata. Hindi na ‘ko maliligaw sa pulong ‘to na naging laruan ko noong araw,” maagap na sambot ni Gose upang maging palagay ang loob ng dalaga.
“Hindi ko yata kayo natatandaan …” Kumunot ang noo ni Lory.
“Kung ganyang nagkakakilala na kayo’y aahon na ‘ko sa bayan nang hindi ako tanghaliin sa pag-uwi,” katlo ni Ba Kulas.
Nang makaalis sa Ba Kulas ay tinawag ni Lory ang kanyang mga pamangking nanghuhuli ng gagamba sa kamatisang nakatanim sa duluhan. Hindi pa siya nakatitiyak sa kalooban ng lalaking pabirong inihahabilin sa kanila.
“Dumito kayo’t nang me mautusan. Kaagang laro ‘yang sa inyo,” ani Lory.
Naupo sa kareta ang dalawang batang lalaki. Paumat-umat na lumapit naman si Gose sa dalaga. “Payag ba kayong ako na ang magbayo? Di pa lang ako kasanayan, dahil sa matagal nang di ako nakahahawak ng halo.”
“Buti kaya’y tumuwang ka na lang.” Iniabot ni Lory kay Gose ang halo at dinampot ang isa pang nakahalang sa lupa, sa tabi ng paa ng kareta.
Namimitak na ang araw, sumisibat ang mga sinag sa kasinsinan ng kawayanan at tumatama sa mukha ni Lory. Marahan, itinaas niya ang halo at ibinagsak sa lusong. Hinintay niya ang mabagal ang kumpas ni Gose na asiwa pa sa pagbabayo. Madalang ang agay-ay ng tunog ng halo sa lusong. Pinamumulahan ng mukha si Gose.
“Di pa kita makasasali sa banda ng musikong bumbong kung nawawala ka sa rima. Kelangan mo pang magsanay,” biro ni Lory.
Hinigpitan ni Gose ang hawak sa halo at tinatagan pa ang pagkakatayo. Sumulyap siya sa kaharap na dalaga. At napangiti siya nang alanganin sa pagtatama ng kanilang paningin. Natatandaan niya ang tuntunin sa pagbabayo: ang magkasunod nga sa agay-ay upang hindi magkabisalang tumama sa kapwa halo ang kanyang daliri o ng daliri ng may daliri.
Pumanhik sa bahay ang dalawang batang lalaking pamangkin ni Lory, nagtuloy sa kabahayan at nagpatugtog ng radyong transistor.
“Laki kasi ‘ko kay Impong Tale kaya di ko masyadong matandaan ang mga kapitbahay na malaon ding nalayo sa Pagala,” sabi ni Lory. “D’yan lang pala kayo noon.”
Nasinag ni Gose na may ligaya at pag-aalalang nakabadha sa mukha ni Lory habang inihahatid siya sa bukana ng bakood. Minalas niya ang gitna ng bukid na kanyang tatalaktakin papaalis.
“Nang maulila ‘kong lubos ay umalis na sa ‘ming bakood ang aking dalawang kapatid na babaing may asa-asawa na. Taga-Tulibas ang naging bayaw ko kay Ate at taga-Taluktok naman ang kay Ditse. Ano pa ang gagawin ko rito kung mag-iisa ‘ko noon? Ayaw kong sumunod sa kanila. Kaya, sa Menila ako napadpad.”
“Kumusta naman ang naging buhay-buhay mo sa Menila?”
“B-buti n-naman…”
“Bakit…p-parang…”
“Aha, w-wala. Naisip ko lang na mahirap sa Menila… lalo na kung nauubusan ng tubig sa gripo… magdamag kang magbabantay para makasimot ng ‘sang baldeng pampaligo. Dito, tumimba ka lang sa balon o bumomba ka lang sa poso, magsasawa ka.”
“Sagana man sa tubig, gulay at palay ang bukid, pero salat naman sa mga babasahin, sineng erkondisyon, naiibang pagkain sa malalaking restoran at mga libangan at palaruang karaniwan lamang sa siyudad.”
“Narating na ang bukid ng mga radyong transistor. Sa daambakal, kabi-kabila ang mga juke box, may mga wetres na rin.”
Saka napansin ni Lory na nakapananaig sa katahimikan ang pagbabalita sa radyo. Bahagya siyang tumiyad at tumanaw sa kabahayan.
“‘Yang radyo… tigil-tigilan n’yo!”
Nguni’t patuloy ang paglutang sa papawirin ng namumuong tinig… Kakila-kilabot na ax slaying, sa pinakamalaking bodega ng bigas sa Menila, ari ng milyonaryong magbibigas na si Chiong Yu. Nabuksan ang kahang-bakal sa ikatlong palapag at nahakot ang nalikom na pinagbilhan sa loob ng sambuwan na umaabot sa halagang sandaan at sampung libong piso. Sabado, makalampas ang alas-singko ng hapon, nang mangyari ang panloloob na may kasamang pagpatay at kinalingguhan naman ng hapon nang mabunyag ang krimen… hindi pa nakalalayo ang mga tampalasan… hindi pa…
Napakislot si Gose at bahagyang bumarimbaw sa loob ng lusong ang kanyang halo nang gumilid iyon sa halip na tumama sa hukab. Napatawa si Lory.
“Pagod ka na yata. Buti pa…”
“H-hindi pa n-naman.”
Pinilit ni Gose na maipinid ang kanyang taynga sa panunuot ng balitang isinasahimpapawid. Itinuon niya sa kanyang ginagawa ang kanyang isip.
“Lekat, patayan na naman. Di na yata matatapos ang mga patayan. Mga Kristiyano pa naman tayong naturingan,” ani Lory.
Nakapamamaibabaw sa tinig ni Lory ang matunog na tinig ng tagapagbalita… Natiyak na ng pulisya na hindi iisa o dadalawa ang gumanap ng krimen. Parang mga baboy na kakataying ginapos muna nang abot-siko at abot-tuhod ang limang biktima at isa-isang sinipak ng palakol ang mga ulo. Simot na simot ang laman ng kahang bakal. Kung dapat mang tumulong ang mga mamamayan sa pagtunton sa mga buhong na pumalakol sa dalawang security guards at tatlong kargador sa bodega ay kailangan din nilang mag-ingat. Ang mga taong walang budhi’y malamang na magdamay kung masusukol…
Biglang sumama ang pakiramdam ni Gose. Ginitawan siya ng butil-butil na pawis sa noo. Dumalang ang bagsak ng kanyang halo sa lusong, dumalang din ang bumabagay na bagsak ng halo ni Lory. Napailing si Lory nang mapansin ang pagbabago ng anyo ng kanyang katuwang. At… sa pagkalingat ay nadaplisan ng kanyang halo ang hintuturo ni Gose. Nang bitiwan ni Gose ang halo nito ay maliksing ibinaba sa lusong ang sa kanya, hinawakan ang dumudugong daliri upang suriin.
“K-kapiraso lang… p-pero… parang ma-madidismaya k-ka, a!” nahindik na pansin ni Lory at akmang aalalayan si Gose.
Umiling si Gose. Tumalikod. Marahang humakbang na tila mabubuwal. Patuloy na pumapailanlang ang balita sa radyo…
Hindi na mahirap ang paghanap sa mga ax slayer. Kagabi ay nadakip ang tsuper na nagmamaneho ng dyip na sinakyan ng mga manloloob at mamamatay tao. Isang matabang lalaking katamtaman ang taas, kulot ang buhok, balahibuhin ang mga braso’t dibdib, nakadiyaket ng abuhin at pantalong maong, may sapad na ilong, inilarawan ng tsuper na siyang may dala ng bayong na sandaang libong pisong ninakaw sa kahang bakal ng bigasan…
Napatutop si Gose sa bibig na waring masusuka.
“Aba M-mamang Gose…” At tuluyan na itong inalalayan ni Lory at paakay na inihatid sa mandala ng giniikan, hindi kalayuan sa koral ng kalabaw.
“S-salamat… E, Aling L-lory, sumama nga ang katawan k-ko. Tama nang masandal m-muna ‘ko rito. Pamaya-maya’y lilipat na ‘ko sa ‘ming bakood.”
“Teka’t makainom ka ng mainit na kape. Sandali lang. Naku, kasi tumulung-tulong pa kayong magbayo’y ikahihilo pala n’yo.” At tumalikod si Lory.
Patalilis na lumisan si Gose sa sandaling pumapanhik ng bahay si Lory. Tuluy-tuloy siya sa kubo ni Ba Kulas sa kanilang bakood. Nahiga siyang latag na latag ang katawan at nakatingala sa bubong na pawid.
Hindi niya akalaing madawit siya sa isang malubhang panloloob-pagpatay. Hindi sumagi sa kanya na ang libu-libong salaping papel ay isang paing nakaumang sa isang tagang hindi niya agad maaalpasan nang hindi siya masasaktan. Kung nakuha ang kayamanan sa isang karaniwang pagnanakaw, madawit man siya ay matatanggap na niya ang maparusahan sa loob ng ilang taon upang pagbalikan ang salaping tiyak na hindi na niya ililitaw. Nguni’t malagim ang kanyang hahantungan…malagim… halos nadadama niya sa harap ng mga pangyayari.
Napabalikwas siya. Inisang hakbang ang may tatlong baytang na hagdan ng kubo, kinuha ang piko at pala sa pagkakasuksok sa tahilan at pasan na tinungo ang nakahapay na punong mangga. Kagyat, waring pinakikilos ng udyok na mailigtas pa ang sarili, hinataw niya nang hinataw ng piko ang lupang nakaibabaw sa ibinaon niyang kayamanan.
NASUNGAWAN ni Lory si Gose sa pagbungad niya sa bukana ng bakood sa sandaling hinahango sa bayong ang nangakabigkis na mga bungkos ng salaping papel at pinapagpag ang mga butil ng lupa. Kitang-kita niya isa-isang binibilang. Saka itinuwad ang bayong, itinaktak at muling ipinaloob ang mga salaping papel.
Taglay niya ang bulak na basa ng alkohol, gasa at gamot na pula. Siya ang nakapitpit sa daliri ni Gose at tungkulin niyang lapatan iyon ng pangunang lunas. Iniutos niya kangina sa dalawang batang kaunin ang kanyang Tatang. Nangamba siyang magdugong lubha ang sugat at hindi maampat. Ngayong tumambad sa kanya ang lalaki sa sandaling nagbibilang ng isang malaking kayamanan ay nag-urung-sulong siya. At bigla, nalambungan ng isang kahiwagaan ang anyong nakaupo at pinanonood niya. Nguni’t nahahawi ang lambong na iyon ng pagtitiwalang nailagak niya kay Gose sa pinuhunang bukas-na-loob na pakikipagpalagayan.
Waring nabigla si Gose nang maramdamang hindi siya nag-iisa. Maliksi at patalungkong humarap sa lumalapit na dalaga upang maikubli ang bayong ng salapi. Nguni’t huli na.
“E… e…”
“Sumunod ako…” agaw ni Lory. “Kahiya-hiya. Napitpit ko na ang ‘yong daliri’y binayaan ko pang umalis kayo nang di ‘ko nagagamot ng ano man. K-kung me inabutan man akong ginagawa ninyo… h-huwag na n’yong itago…”
“D-dili… ako m-masa-mang tao, Aling Lory!” Pilit niyang pinaglalabanan ang panginginig ng kanyang mga labi. “A…e- e… ewan ko ba… k-kung bakit nangyayaring a-ako, maaaring di lang ako, k-kung ano ang gagawin sa isang kayamanang nagisnan k-ko sa Tutuban… n-na… nakalapag sa ‘king tabi. P-parang di… di totoo… p-pero ‘yon a-ang totoo, Al… Lory pala!”
“Ano man ang sabihin m-mo… p-paniniwalaan ko. Me kinalaman sa narinig nating brodkas sa radyo? W-walang dapat ikahiya.”
“Meron nga… ehe… nahihiya nga ako. P-pero… naisip ko lang no’n na tangayin n-nang magisnan ko. K-kung sa panloloob… s-sa pagpatay… wala p-pang bahid ng dugo ang aking… kamay!”
Naupo si Lory sa nakatikwas na ugat ng punong mangga. Na sa pagitan nila ni Gose ang bayong ng salapi.
“Akina…” Na ang tinutukoy ng dalaga’y ang daliring napitpit. Itinaas ni Gose ang kanyang kaliwang kamay. Hinawakan iyon ni Lory at ipinatong sa tuhod. Sinuri ng dalaga ang napitpit na daliri, nilanggas ng kapirasong bulak na basa ng alkohol, tinigmak ng gamot na pula at tinalian ng gasa.
“Darating si Tatang. ‘Ika n’yo, kakilala kayo ng matanda ko. Kung paanong nakuha n’yo ang pagtitiwala niya. Kapitan siya ng baryo ng Pagala. Malaki ang maitutulong niya sa ‘yong problema.” Biglang ibinaba ni Lory ang daliring napitpit nang mapansing hawak pa rin iyon.
“Salamat, Lory!” At tinitigan niya si Lory. “E… takot din akong me masabi kay Mamang Gaton ang hepe ng pulisya kung sa munisipyo ko ihaharap ang salapi nang kasama ko pa siya. Buti’y mauna na ‘ko. Kung ibig sumunod ni Mamang Gatong, doon na lang kami magkita.”
Nasinag ni Gose na may ligaya at pag-aalalang nakabadha sa mukha ni Lory habang inihahatid siya sa bukana ng bakood. Minalas niya ang gitna ng bukid na kanyang tatalaktakin papaalis.
“Magbabalik ako, Lory!” Walang kagatul-gatol ang kanyang tinig.
“Nawa’y walang mangyari sa ‘yo!” May taginting na tugon ng dalaga.
Magaan ang kanyang mga paang lumakdaw sa sangkang nakapagitan sa bukana ng bakood at sa bukid. Naramdaman niya ang umiilap na bayong ng salaping bahagyang umindayog sa kanyang paglundag at ang umaamong kayamanan ng buhay sa bukid, ang kalayaan ng simoy na dumadalisay sa paghalik sa mga luntian at sa katawan ni Lory… at sumasagi na ngayon sa kanyang katawan.








