Ni SEVERINO REYES
(Muling nailathala: LIWAYWAY, Agosto 20, 1962)
SA kaharian ng Tundo, noong hindi pa tayo nasasakop ng Kastila, ay may isang napakagandang dalaga na Sharay ang pangalan. Anak siya ng isang naglilingkod sa matandang raha ng Tundo.
Isang araw ay kinausap ng raha si Tasan, ang ama ni Sharay.
“Tasan, may balita akong ang aking anak na si Pido ay palagi sa inyo. Lumiligaw ba siya sa iyong anak?”
“Tila nga po, mahal na raha.”
“Hindi tila lamang,” anang raha. “Natitiyak ko pagka’t marami nang nagbalita sa akin. Subali’t napakaganda raw ng anak mo. Siyanga ba?”
“Talaga pong maganda.”
“Ano ang pangalan ng anak mo, Tasan?”
“Sharay po, mahal na raha. Ngunit ang katangian ng anak ko’y hindi ang ganda lamang.”
“At ano pa?”
“Wala po siyang katulad sa katalinuhan.”
“Totoo ba?”
“Hindi po ako maalam magsinungaling. Sa tagal na po ng aking paglilingkod sa inyo, nasubok na ba ninyong nakapagsabi ako ng kasinungalingan?”
“Hindi pa nga, Tasan. Kaya naman napakabuti ng pagtingin ko sa iyo, bagay na ipinangingimbulo ng marami. Ang totoo, maraming nagsasabi sa aking hindi raw tapat ang pakikisama mo sa akin, ngunit hindi ako naniniwala.”
“Iyan po ang malaking kasinungalingan, mahal na raha!”
“Oo nga. Kaya hindi naman ako naniniwala sa mga sabi-sabi. Ako’y may sariling bait, Tasan, at nalalaman ko ang aking ginagawa.”
ISANG hapong papanaog na si Pido, ang bugtong na anak ng raha, ay tinawag ito ng ama.
“Pido, halika sandali.”
“Mag-utos po, ang mahal kong ama,” ang sabi ni Pido sa raha.
“Saan ang tungo mo, anak ko? Kina Sharay ba?”
Si Pido ay ngumiti lamang, at hindi nakasagot agad.
“Huwag kang mahiya, anak ko. Hindi kita binabawalan. Dinaramdam ko lamang na….”
“Na ano iyon, ama ko?”
“Na ang dalagang iya’y hindi dugong-mahal.”
“Hindi nga, ama ko, pagka’t ang kanyang ama ay naglilingkod lamang sa iyo. Ngunit kung siya ang magiging asawa ko, iaakyat ko siya sa trono. Ako ang lalaki, at hindi ako bababa sa kanyang kinalalagyan.”
“May katwiran ka! Ngunit ano ang iyong nakitang katangian ni Sharay?”
“Marami. Ngunit ang isa sa lahat ay ang kanyang kagandahan. Sa ganang akin, si Sharay ang pinakamaganda sa lahat ng babae.”
“Huwag kang palulong sa iyong pagpuri kay Sharay. Alamin mong tayong mga lalaki ay talagang gayon. Kapag tayo’y may napupusuan, sa palagay natin ay siya na ang pinakamaganda sa lahat. Subali’t kapag siya’y asawa na natin, hahanap tayo ng ilan pang asawa, pagka’t sa ating pagsasawa ay makikita na natin ang kanyang kapangitan. Ano pa ang katangian ni Sharay, bukod sa kagandahan?”
“Napakatalino niya!”
“Gayon nga ang balita ko. Gagabihin ka, anak ko. Lumakad ka na.”
Ang raha, nang mapag-isa, ay nag-isip.
“Susubukin ko ang katalinuhan ni Sharay,” naipasiya ng raha. “Makikilala ko kung siya’y karapat-dapat na maging manugang ko.”
Ang raha ay nagpabando na sa ilog ng Pritil. Sa tabi ng tinurang ilog nakatirik ang kanyang palasyo. Ipinatalastas niya na bukas ng umaga, hanggang sa tumaas na ang araw, ay bawal ang maligo sa tinurang ilog, o maglaba ang sino man, pagka’t maliligo siya roon.
HINDI ipinamalay ng raha kay Tasan ang kanyang gagawing pagsubok sa anak nitong si Sharay.
Tinawag ng raha ang isa sa kanyang mga alagad. Nagpahanap siya ng isang ibong pipit. Hindi naman nagluwat at dinala sa kanya ng alagad ang nahuling ibon.
“Ang ibong ito,” anang raha, “ay dadalhin mo kay Sharay. Sabihin mong ibig kong makatikim ng kanyang luto. Ang ibong iyan ay iluto niya ng labindalawang putahe at ilagay sa labindalawang pinggan.”
Noon din ay nagtungo kay Sharay ang alagad ng raha at ibinigay sa dalaga ang pipit at sinabi ang utos ng raha.
“Iwan mo na ang ibong ito,” ani Sharay.
Kinahapunan, ang raha ay tumanggap ng isang liham ni Sharay.
Mahal na Hari:
Magalang ko pong tinanggap ang padala mong ibon, at ako po’y natatalagang tumalima sa iyong iniuutos. Kalakip po ng liham na ito ang isa kong ipit na pilak, na isinasamo kong mangyaring ipagawang labindalawang pinggan at labindalawang panandok. Pagkayari ay ipahatid mo po sa akin at nang mailagay ko roon ang labindalawang putahe.
Ang lingkod ng mahal na raha,
Sharay
Matapos basahin ng raha ang liham ni Sharay ay napatawa nang malakas, at nawika sa sariling: “Talagang matalino ang babaing iyan!”
Ipinaglihim niya sa kanyang anak ang nangyari, gayon din sa ama ni Sharay.
Makaraan ang ilang araw, inutusan na naman ng raha ang kanyang alagad.
“Lamukot, hulihin mo ang pinakamalaki sa aking mga tupa. Dalhin mo kay Sharay. Sabihin mong ipagpalit niya ng ginto ang tupa. Subali’t pagdadala niya ng ginto sa akin, ay ibabalik din niya ang tupa pagka’t iya’y mahal sa akin.”
“Opo, mahal na raha.”
Sa bahay ni Sharay, ay isinalaysay ni Lamukot nang walang labis ni kulang ang tagubilin ng raha.
Napuna ni Lamukot na si Sharay ay hindi man lamang nagitla.
“Iwan mo na ang tupa,” ani Sharay, “at sabihin mo sa mahal na raha na gagawin ko ang kanyang bilin.”
Pagkabalik sa palasyo ng alagad ay sinabi sa raha ang kasagutan ni Sharay.
“Hindi ba natigilan at nag-isip si Sharay?”
“Hindi po, mahal na raha.”
Makadalawang araw ay sumipot sa palasyo ng raha si Sharay. Akay niya ang tupa. Subali’t ahit na ang balahibo ng tupa. Isinauli niya iyon sa raha at iniabot dito ang isang garapitang may lamang pulbos na ginto. Ang balahibo pala ng tupa ang ipinagpalit ng ginto ni Sharay sa mga Indiyong nang panahong iyo’y namamalit ng balat at balahibo ng tupa. Nang panahong iyon ay nagkapeste ang tupa sa India. Sa gayong kaparaanan ay natupad ni Sharay ang mahigpit na kahilingan ng raha.
MULI pang sinubok ng raha ang katalinuhan ni Sharay. Muli niyang inutusan si Lamukot at ipinasabi kay Sharay na siya’y may sakit at ang hatol ng manggagamot ay uminom siya ng gatas ng torong hubero. Kung siya’y mapadadalhan ni Sharay ng tinurang gatas, ay kikilalanin niyang malaking utang na loob.
“Lamukot, ano ang sabi Sharay?” ang tanong ng raha sa alagad nang makapanggaling ito sa dalaga.
“Sabihin ko raw po sa inyo, na kapag siya’y nakakuha ng gatas ng toro ay dadalhinn niya agad dito.”
Ang raha ay tawa nang tawa at mag-isang nagsasalita:
“Nabuko na ang matalinong si Sharay. Mahigpit na butas ang kanyang pagdaraanan ngayon!”
Ang raha ay nagpabando na sa ilog ng Pritil. Sa tabi ng tinurang ilog nakatirik ang kanyang palasyo. Ipinatalastas niya na bukas ng umaga, hanggang sa tumaas na ang araw, ay bawal ang maligo sa tinurang ilog, o maglaba ang sino man, pagka’t maliligo siya roon.
Nang mabatid ni Sharay ang gayong utos ng raha ay naglamay siya. Naglatag siya ng banig at sa ibabaw nito at pinatay ang baboy niya, kaya ang banig ay lawang-lawa sa dugo.
Kinaumagahan, ang banig ay dinala ni Sharay sa ilog at siya’y lumusong sa pinagmumulan ng agos na patungo sa kinaroroonan ng naliligong raha.
Nang mapuna ng raha na ang tubig sa ilog ay mapula at may lahok na dugo ay nagalit siya. Ipinahanap niya ang pinanggagalingan ng dugo.
Hinuli si Sharay ng mga alagad ng raha at iniharap dito.
“Sharay, ikaw pala! Ano’t sumalansang ka sa aking utos?”
“Dinaramdam ko po, mahal na raha, ngunit hindi po maaaring palampasin ko sa oras ang paglalaba ng pinanganakan ng aking ama.”
“Pinanganakan ng iyong ama! Nasisira na ba ang isip mo? Ang lalaki ay hindi maaaring manganak!”
“Kung hindi po maaaring manganak ang ama ko, ay hindi ka po naman dapat na pumita, mahal na raha, ng gatas ng toro, pagkat alam mo pong ang hindi nanganganak ay hindi maaaring magkaroon ng gatas.”
“Talo mo na ako, Sharay. May katwiran ka. At talagang matalino ka. Bukas na bukas, ay ipakakasal kita kay Pido.”








